2021
Pagtanggap ng mga Sagot mula sa Panginoon
Hunyo 2021


“Pagtanggap ng mga Sagot mula sa Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 26–27.

Pagtanggap ng mga Sagot mula sa Panginoon

Narito ang tatlong bagay na dapat alalahanin upang matulungan kang makatanggap ng mga sagot sa iyong mga panalangin.

Larawan
mga kabataan na mukhang naguguluhan o bigo

Mga larawan mula sa Getty Images

Naranasan mo na bang magtanong sa Diyos at madamang hindi Niya sinagot ang iyong panalangin? Alam kong naranasan ko na iyon—at mahirap maunawaan kung bakit. Pero hindi iyon nangangahulugan na hindi nakikinig ang Diyos. Sa katunayan, dinirinig at sinasagot Niya ang lahat ng ating panalangin (tingnan sa Mateo 7:7–8). Kung minsan, kailangan lang ng panahon at pagsisikap upang maunawaan natin ang Kanyang mga sagot.

Narito ang tatlong alituntuning tutulong sa iyo na makatanggap ng mga sagot mula sa Panginoon at mapansin kapag dumating na ang mga ito.

1. Huwag Madaliin ang Takdang Panahon ng Diyos

Kung katulad mo ako, hindi mo gustong maghintay para sa mga sagot kapag may tanong ka. Gustung-gusto kong nagtatanong sa Google, kay Siri, o Alexa at makatanggap ng agarang sagot.

Pero kadalasan ay hindi ganoon ang paraan ng pagsagot ng Panginoon. Kung minsan, naghihintay Siya hanggang sa handa na tayo. Maging si Propetang Joseph Smith ay kinailangang maghintay nang madalas para sa mga sagot sa kanyang mga panalangin. Noong 1833, maraming miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang nakatira sa Jackson County, Missouri, USA. Gayunpaman, noong Nobyembre ng taong iyon, pinaalis sila ng mga mandurumog sa lalawigan. Nag-alala si Joseph. Tinanong niya ang Panginoon kung bakit iyon nangyari. Hindi kaagad sinagot ng Panginoon ang tanong na iyon, pero inalo Niya si Joseph, nagsasabing, “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos.”1 Dumating ang nalalabing sagot nang sumunod na buwan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 101).

Kapag hindi kaagad nasasagot ang aking mga panalangin, humuhugot ako ng lakas sa kaalamang maging ang mga propeta ay kailangang maghintay kung minsan. Kung may pananampalataya at tiwala tayo sa takdang panahon ng Panginoon tulad ni Joseph, sasagutin ng Panginoon ang ating mga panalangin sa Kanyang sariling panahon. At kung minsan, maaaring kailangan nating maghintay nang napakahabang panahon.

2. Patuloy na Magsikap

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Nais ng Panginoon na may pagsisikap, at ang pagsisikap ay naghahatid ng mga gantimpala.”2 Kapag iisipin mo ang tungkol dito, angkop ito sa lahat ng ginagawa natin. Ang pagsisikap ay kailangan upang mapalakas ang mga kalamnan at matuto ng mga bagong kasanayan.

Ang alituntuning ito ay angkop din sa pagtanggap ng mga sagot mula sa Panginoon. Nakakita ang Nakababatang Alma ng isang anghel, pero hindi sapat ang karanasang iyon. Lumakas lang ang kanyang patotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala pagkatapos niyang “[m]ag-ayuno at [m]analangin nang maraming araw” (Alma 5:46).

Isipin ang tungkol kay Joseph Smith at sa Unang Pangitain. Hindi biglaang nagising na lang si Joseph isang umaga at nagpasiyang itanong sa Diyos kung sa aling simbahan siya sasapi. Sa katunayan, dalawang taon na niyang pinag-iisipan ang kanyang tanong.3 Talagang nagsikap siyang makahanap ng mga sagot, at noong handa na siya, sinagot siya ng Ama sa Langit.

Larawan
kabataang lalaki

3. Tingnan Muli—Baka Natanggap Mo na ang Sagot sa Iyo

Noong bata pa ako, akala ko sinasagot lang ng Diyos ang mga panalangin sa iilang paraan. Maraming tao ang umiiyak kapag nagpapatotoo sila, at akala ko kung hindi ako umiiyak, hindi nangungusap ang Espiritu sa akin. O kung hindi nag-aalab ang aking dibdib tulad ng inilarawan ng Panginoon kay Oliver Cowdery (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 9:8), akala ko hindi ko nadarama ang Espiritu.

Pero nalaman ko na nangungusap ang Diyos sa bawat isa sa atin sa iba‘t ibang personal na paraan. Ang susi para sa akin ay alamin kung ano ang mga paraang iyon. Sa Bagong Tipan, itinuro ni Pablo kung ano ang maaaring ipadama sa atin ng Espiritu: “Subalit ang bunga ng Espiritu ay pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob, kabutihan, katapatan, kaamuan, at pagpipigil sa sarili” (Galacia 5:22–23). Maaaring gamitin ng Espiritu Santo ang alinman sa mga damdaming iyon upang makipag-ugnayan sa atin.

At kadalasan, ang mga sagot mula sa Espiritu Santo ay tahimik at simple. Kung minsan, maaaring dumating ang mga ito nang “mabilis, lubusan, at biglaan,” tulad ng pagbukas ng ilaw sa isang madilim na silid, gaya ng itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol. Pero kadalasan, dumarating ang mga ito tulad ng pagsikat ng araw—“unti-unting pagliliwanag”—o tulad ng liwanag sa mahamog na araw. Nakatatanggap tayo ng sapat na patnubay upang gumawa ng kahit ilang hakbang lang pasulong.4 Kaya‘t tingnan muli, at tiyakin na hindi ka binigyan ng Diyos ng sagot na hindi mo napansin dahil iba ang inaasahan mo.

“Talaga bang nais ng Diyos na mangusap sa inyo?” tanong ni Pangulong Russell M. Nelson. “Oo!”5 Kung magtitiyaga tayo at gagawin natin ang kailangang gawin, makatatanggap tayo ng mga sagot sa ating mga panalangin. Hanggang sa dumating ang mga sagot na iyon, maaari tayong magtiwala sa Panginoon at patuloy na sumulong. Sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith, “Mapanatag at malaman na ako ang Diyos” (Doktrina at mga Tipan 101:16). Maaari rin tayong maalo ng payo na iyon.

Print