“Pagkakaroon ng Lakas na Magpatawad,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 10–11.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pagkakaroon ng Lakas na Magpatawad
Iniutos sa atin ng Panginoon na patawarin ang iba. Tutulungan Niya tayong sundin ang Kanyang mga kautusan, kabilang na ang isang ito.
Tila mas mahirap bang sundin ang ilang kautusan kaysa sa iba?
Narito ang isa na mahirap para sa maraming tao: “Ako, ang Panginoon, ay magpapatawad sa yaong aking patatawarin, subalit kayo ay kinakailangang magpatawad sa lahat ng tao” (Doktrina at mga Tipan 64:10).
Sandali lang. Kailangan nating patawarin ang lahat ng nagkasala sa atin? Posible ba iyon?!
Madali lang patawarin ang isang taong nagsabi ng hindi magandang bagay sa iyo o kumuha ng huling piraso ng tinapay sa hapag-kainan. Pero paano naman ang isang taong nag-iwan ng malalalim na sugat? Isang taong nakagawa ng mabibigat na pagkakasala na maaaring sumira o bumago sa takbo ng ating buhay?
Kung minsan, ang pagpapatawad sa isang taong labis na nakasakit sa atin ay tila imposible.
Narito ang magandang balita: Sa tulong ni Jesucristo, hindi tayo kailanman limitado sa kung ano lang ang kaya nating gawin nang mag-isa.
Ang Tulong na Kailangan Niya
Natuklasan mismo ng isang matapat na Kristiyano mula sa Netherlands na nagngangalang Corrie ten Boom ang kapangyarihan ng paghiling sa Diyos na tulungan siyang patawarin ang isang tao.
Siya at ang kanyang kapatid na si Betsy ay nabilanggo sa kampo ng mga bihag noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Si Corrie at ang iba pa ay nakaranas ng kakila-kilabot na pang-aabuso mula sa mga bantay ng bilangguan na Nazi. Ang kapatid niyang si Betsy ay namatay pa nga dahil sa pang-aabusong iyon. Si Corrie ay nakaligtas.
Pagkatapos ng digmaan, natuklasan ni Corrie ang nakapagpapagaling na kapangyarihan ng pagpapatawad sa iba. Madalas niyang ibahagi ang kanyang mensahe sa mga pampublikong lugar. Subalit isang araw, ang kanyang mga salita ay nalagay sa napakatinding pagsubok.
Kasunod ng pagsasalita sa publiko, si Corrie ay nilapitan ng isa sa pinakamalulupit na bantay ng bilangguan mula sa mga kampo.
Sinabi niya kay Corrie na siya ay naging Kristiyano pagkatapos ng digmaan at pinagsisihan na niya ang mga kakila-kilabot na bagay na nagawa niya bilang isang bantay ng bilangguan.
Iniabot niya ang kanyang kamay at nagtanong siya, “Mapapatawad mo ba ako?”
Sa kabila ng lahat ng natutuhan at naibahagi niya tungkol sa pagpapatawad sa iba, hindi magawa ni Corrie na tanggapin ang kamay ng partikular na lalaking ito at patawarin siya—hindi niya kaya nang mag-isa.
Kalaunan ay isinulat niya, “Kahit na ang galit at paghihimagsik ay kumukulo sa aking kalooban, nakita kong kasalanan ang mga ito. … Panginoong Jesus, dasal ko, patawarin po Ninyo ako at tulungan akong patawarin siya.
“Sinubukan kong ngumiti, [at] nahirapan akong itaas ang aking kamay. Hindi ko magawa. Wala akong madama, kahit kaunting habag o pag-ibig sa kapwa. Kaya’t muli akong nanalangin nang tahimik. Jesus, hindi ko po siya mapatawad. Ibigay po Ninyo sa akin ang Inyong pagpapatawad.
“Nang hawakan ko ang kanyang kamay ay may kakaibang nangyari. Mula balikat hanggang sa bisig ko at sa palad ay tila may kuryenteng dumaloy mula sa akin papunta sa kanya, at sa puso ko ay nag-umapaw ang pagmamahal sa estrangherong ito.
“Kaya’t natuklasan ko na hindi sa ating pagpapatawad ni sa ating kabutihan nakasalalay ang paggaling, kundi nasa Kanya. Kapag sinasabi Niyang mahalin natin ang ating mga kaaway, ibinibigay Niya, kaakibat ng utos na ito, ang pagmamahal mismo.”1
Nariyan ang Diyos upang tulungan kang sundin ang Kanyang mga kautusan, kabilang na ang kautusan na magpatawad—maging kapag mahirap ito. Matutulungan ka Niya sa parehong paraan na natulungan Niya si Corrie ten Boom.
Ang Paggaling na Nararapat para sa Iyo
Mahirap ang buhay. Magulo ito. At talagang puno ito ng mga taong may kalayaang bigay ng Diyos.
Sa mga panahong iyon na may isang taong nakagagawa ng pagpili na nagdudulot sa iyo ng matinding pasakit—o maging kapag hindi ito sinasadyang gawin—makatatanggap ka ng nakapagpapagaling na kapangyarihan kapag nanalangin ka para sa tulong at nagsikap kang magpatawad.
Ang pagpapatawad sa iba ay naghahatid ng paggaling sa iyong kaluluwa. Sa tulong ng Diyos, habang pinapatawad mo ang isang taong nagkasala sa iyo, ibinababa mo ang isang mabigat na pasanin mula sa iyong mga balikat na maaaring nakahahadlang sa iyo. Bagama’t tila mahirap ang landas tungo sa tunay na paggaling, sa tulong ng Diyos, kailanman ay hindi mo ito kailangang tahakin nang mag-isa.