2021
Lakas mula sa Ating mga Magulang
Hunyo 2021


“Lakas mula sa Ating mga Magulang,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 18–19.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Lakas mula sa Ating mga Magulang

Kung minsan, ang kailangan lang natin ay kaunting pananaw mula sa ibang tao upang matulungan tayong magpasalamat para sa kung ano ang mayroon tayo.

Doktrina at mga Tipan 68:25–28

Ang pagiging kabataan ay hindi palaging madali. At maniwala ka man o hindi, ang pagiging magulang ng isang kabataan ay lalong hindi madali. Pero ang ugnayan na mayroon tayo sa ating mga magulang ay espesyal, at kung patitibayin mo ito, ang ugnayang iyon ay maaaring maging malaking pagpapala sa iyong buhay.

Narito ang ilang halimbawa kung ano ang nadama ng ilang lider ng Simbahan tungkol sa ugnayan nila sa kanilang mga magulang.

Pangulong Russell M. Nelson

Pangulo ng Simbahan

Larawan
Russell M. Nelson

“Mahal ko ang aking mga magulang. Napakahalaga nila sa akin at itinuro nila sa akin ang mga aral na kailangang-kailangan ko. Lubos ko silang pinasasalamatan sa masayang tahanang ibinigay nila sa akin at sa aking mga kapatid. Subalit kahit bata pa lang ako noon, alam ko nang may kulang sa buhay ko. Isang araw, sumakay ako ng pampublikong sasakyan at pumunta sa … bookstore para maghanap ng aklat tungkol sa Simbahan. Gustung-gusto kong pinag-aaralan ang tungkol sa ebanghelyo.

“Nang maunawaan ko ang Word of Wisdom, gusto kong sundin ng mga magulang ko ang batas na iyon. Kaya, isang araw noong bata pa ako, pumunta ako sa basement namin at binasag sa sementadong sahig ang lahat ng bote ng alak! Inaasahan ko na paparusahan ako ng aking ama, ngunit wala siyang sinabi ni isang salita.

“Nang magkaisip ako at nagsimula nang maunawaan ang kadakilaan ng plano ng Ama sa Langit, madalas kong sinasabi sa sarili ko, ‘Ayoko na ng kahit anong regalo sa Pasko! Ang gusto ko lang ay maibuklod sa mga magulang ko.’ Ang pinakahihintay ko na pangyayaring iyon ay naganap lamang noong lampas na sa 80 anyos ang mga magulang ko, gayunpaman, nangyari ito. Hindi ko maipaliwanag ang kasiyahan na naramdaman ko sa araw na iyon (tingnan sa Alma 26:16), at araw-araw ay nararamdaman ko ang kaligayahan ko sa pagbubuklod sa kanila at pagkakabuklod ko sa kanila.”1

Larawan
Si Pangulong Nelson at ang kanyang mga Magulang sa harap ng Salt Lake Temple

Mga paglalarawan ni Jarom Vogel

Pangulong Dallin H. Oaks

Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan

Larawan
Official portrait of Elder Dallin H. Oaks of the Quorum of the Twelve Apostles, 2012.

“Ang aking saloobin tungkol sa batas ng ikapu ay napagtibay dahil sa halimbawa at mga salita ng aking ina, na mailalarawan sa pag-uusap na naaalala ko mula sa aking kabataan.

“Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, binuhay ng balo kong ina ang kanyang tatlong maliliit na anak gamit ang kakatiting na suweldo ng isang guro sa paaralan. Nang mapansin kong lumalaki kaming salat sa ilang magagandang bagay dahil kapos kami sa pera, itinanong ko sa aking ina kung bakit malaki ang ibinabayad niyang ikapu mula sa kanyang suweldo. Hindi ko nalimutan ang paliwanag niya: ‘Dallin, maaaring may ilang tao na nakakaraos nang hindi nagbabayad ng ikapu, pero hindi puwede sa atin iyon. Pinili ng Panginoon na kunin na ang iyong ama at iwanan ako para palakihin kayong magkakapatid. Hindi ko magagawa iyon kung wala ang mga biyaya ng Panginoon, at natatamo ko ang mga biyayang iyon sa pagbabayad ng tapat na ikapu. Kapag nagbabayad ako ng ikapu, nasa akin ang pangakong biyaya ng Panginoon, at kailangang mapasaatin ang mga biyayang iyon kung gusto nating makaraos.’”2

Larawan
ina, anak na lalaki, at isang dolyar

Sister Michelle D. Craig

Unang Tagapayo sa Young Women General Presidency

Larawan
Michelle D. Craig

“Noong bata pa ako, lumipat ang aking pamilya sa kabilang panig ng bansa. Sa tulong ng iba, gumugol kami ng isang araw sa pagkakarga ng lahat ng gamit sa isang malaking trailer na hihilahin ng aking ama sa likod ng aming sasakyan. Noong umaga ng aming nakatakdang pag-alis, nagulat ako nang magising ako at malaman kong ilang araw na ipagpapaliban ang aming paglipat. Nagising ang aking ama sa kalagitnaan ng gabi nang may matinding pakiramdam na hindi siya dapat magmaneho ng sasakyan na humihila ng trailer. Imbes na pangatwiranan ang impresyong iyon, sinunod ng aking ama ang pahiwatig at ipinagpaliban niya ang aming paglipat. Sa halip, kumuha siya ng isang propesyonal sa paglilipat na naglagay ng lahat ng aming ari-arian sa isa sa kanilang mga trak.

“Nang sa wakas ay makaalis na kami, sinalubong kami ng malalakas na hangin at nakakita kami ng mga tumaob na trak at trailer sa daan. Nagpasalamat ang aming pamilya dahil naging ligtas kami. Nang hindi nagsasalita, tinuruan ako ng aking ama na magkaroon ng tapang na sundin ang mga pahiwatig mula sa Espiritu, kahit na mahirap sundin ang mga pahiwatig na iyon, kahit na tila walang kabuluhan ang mga iyon. Kailanman ay hindi ko nalimutan ang aral na iyon.”

Larawan
ama, anak na babae, at trak

Elder Quentin L. Cook

Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Larawan
Quentin L. Cook

“May tatlong patakaran ang aking ama. Una, kailangan naming magkaroon ng mga makabuluhang mithiin. Ikalawa, maaari naming baguhin ang aming mga mithiin anumang oras. Pero ikatlo, anuman ang mithiing pinili namin, kailangan naming maging masigasig sa pagkamit nito.”

Sinabi rin niya, “Napakaraming maiaalay sa atin ng mga tao kung handa tayong matuto mula sa kanila. Kaya mahalagang palibutan ang iyong sarili ng mabubuting tao.”3

Larawan
ama, anak na lalaki, at checklist

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2018 (Ensign o Liahona, Mayo 2018, 93–94).

  2. Dallin H. Oaks, pangkalahatang kumperensya ng Abr. 1994 (Ensign, May 1994, 33).

  3. Sa Jeffrey R. Holland, “Elder Quentin L. Cook: A Willing Heart and Mind,” (Ensign o Liahona, Abr. 2008, 19).

Print