“Huwag Mawalan ng Pag-asa!” Para sa Lakas ng mga Kabataan Hunyo 2021, 14–17.
Huwag Mawalan ng Pag-asa!
Bilang refugee, nalaman mismo ni Muriel na palaging nariyan ang Diyos kapag kailangang-kailangan mo Siya.
Paminsan-minsan, maaaring pakiramdam mo ay tila nagugunaw na ang mundo.
At nagliliyab ang paligid.
Nananalanta ang malakas na bagyo.
Kung minsan, dahil sobrang gulo at nakapanghihina ng loob, naiisip mo kung magiging maayos pa bang muli ang mga bagay-bagay.
Si Muriel B., na nanatili sa isang kampo ng mga refugee noong bata pa siya, ay may nais sabihin tungkol sa pagharap sa mahihirap na sitwasyon: “Manampalataya sa Diyos sa lahat ng oras at huwag mawalan ng pag-asa. Ang mahihirap na panahon ay pansamantala lang!”
Siya ay marami nang pinagdaanang mahihirap na panahon.
At alam niya kung paano ito malalampasan.
Digmaan at Kaligtasan
Ang buhay ni Muriel ay nagsimula nang normal. Siya ay isang maliit na bata noon sa Democratic Republic of the Congo. Mayroon siyang masayang pamilya, ligtas at komportableng tahanan, malambot na kama, at maraming pagkain.
Pero biglang nagsimula ang digmaan.
Pagkatapos niyon, mabilis na sumama ang mga bagay-bagay. Ang pinakamasamang nangyari ay kinaladkad ng mga galit na kalalakihan ang kanyang mapagmahal na ama—“Ang pinakamalakas na Kristiyanong nakilala ko”—palayo sa kanyang pamilya habang tinututukan ng baril.
Sa kabutihang-palad, nakasama nilang muli ang kanyang ama kalaunan. Pero hindi na ligtas ang buhay ni Muriel o ng kanyang pamilya. Nagpunta sila sa isang kampo ng mga refugee sa Uganda.
Ang mga kampo ng mga refugee ay mga pansamantalang tuluyan para sa mga taong napilitang lisanin ang kanilang tahanan dahil sa digmaan o iba pang dahilan. Ang mga ito ay nilayong magbigay ng kaligtasan, at gayon nga ang ibinigay ng isang ito, pero napakahirap pa rin ng buhay ni Muriel at ng kanyang pamilya.
Pagpapatuloy ng Buhay at Lakas
“Nagpapasalamat kami na malayo na kami sa digmaan,” sabi ni Muriel. “At ginawa ng mga taong namamahala sa kampo ang lahat ng makakaya nila upang matulungan kami, pero hindi pa rin sapat iyon.”
Hindi sapat ang pagkain, hindi sapat ang masisilungan, hindi sapat ang gamot—hindi sapat ang lahat.
“Kinakagat kami ng mga insekto sa gabi,” paggunita niya. “At kung minsan, ilang araw kaming walang makain. Marami ring sakit sa kampo.”
Si Muriel at ang kanyang pamilya ay hindi pa miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noon, pero sila ay matatapat at aktibong Kristiyano. Sila ay may matatag na pananampalataya sa Diyos at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. “Palaging sinasabi ng aking mga magulang na maaari akong manalangin at mag-ayuno sa tuwina.”
Kaya iyon nga ang ginawa niya. Bilang isang bata sa kampo ng mga refugee, sa edad kung saan maraming bata ang natututong magbasa at magsulat, si Muriel ay araw-araw na nanalangin para sa pagpapatuloy ng buhay. Nanalangin siya para sa pagkain. Nanalangin siya para sa kaligtasan. Nanalangin siya para sa lakas at tapang na magpatuloy.
At nakita niya na ang Diyos ay gumagawa ng mga himala sa kanilang buhay.
“Inilayo kami ng Diyos sa digmaan,” sabi niya, “kaya alam kong mapagkakatiwalaan ko Siya. Kapag kailangang-kailangan namin Siya, tulad noong matagal kaming walang makain, palagi Niya kaming pinagpapala. Gumawa Siya ng maliliit na himala na nagpalakas ng aking pananampalataya sa Kanya.”
Matapos ang halos dalawang taon sa kampo ng mga refugee, nagbago na naman ang kanyang buhay. Si Muriel at ang natitirang miyembro ng kanyang pamilya ay lumipat sa Estados Unidos upang magsimula ng panibagong buhay. Walong taong gulang pa lang si Muriel noon, pero napakarami na niyang nasaksihan at pinagdaanan.
Kung kaya’t nagpasiya ang kanyang mga magulang na maghanap ng bagong simbahan na dadaluhan.
Pananampalataya at mga Kaibigan
“Noon pa man, nais na nina Inay at Itay na sumamba at magpasalamat sa Diyos,” sabi ni Muriel. “Isang araw ng Linggo, hindi pa naglalaon mula noong dumating kami sa Estados Unidos, sabi nila, ‘Maghanap tayo ng simbahan.’”
Hindi nila kinailangang maghanap sa malayo. Habang naglalakad sa bayan, may nakilala silang dalawang missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa kalye.
Hindi nagtagal, nabinyagan si Muriel kasama ng kanyang mga magulang. Nabinyagan ang mga nakababatang kapatid ni Muriel noong nasa hustong gulang na sila.
Karamihan sa mga natutuhan niya sa simbahan ay pamilyar na kay Muriel, na tinuruan tungkol sa Diyos at kay Jesuscristo nang buong buhay niya. Ang iba pang paksa ay bago. “Noon ko lang narinig ang tungkol kina Joseph Smith at Brigham Young at sa Aklat ni Mormon,” sabi niya.
Hindi lang iyon ang mga bagong bagay. May bagong kultura na kailangang matutuhan. Dito, malaki ang kaibhang nagawa ng mga miyembro ng Simbahan. Tinuruan nila ang pamilya kung paano gamitin ang ilan sa mga elektronikong kagamitan at kasangkapan na iba sa nakasanayan nila noon. Tinulungan nila ang pamilya na matutuhan ang wika. At higit sa lahat, nakatulong sila sa pamamagitan ng simpleng pakikipagkaibigan.
Tulong at Pag-asa
Hinihikayat ni Muriel ang mga kabataan ngayon na gayon din ang gawin. “Kailangan din ng mga refugee ng mga kaibigan. Walang kaibigan ang aming pamilya nang magpunta kami sa bansang ito, pero simula nang sumapi kami sa Simbahan, maraming tao na ang bumibisita sa amin! Ngayon ay marami na kaming kaibigan.”
Sa pagdaan ng mga taon, nakatulong si Muriel na maglingkod sa mga kaibigang iyon na nagpala sa kanyang buhay noon.
Matapos siyang pumasok sa Young Women, si Muriel ay naglingkod sa mga panguluhan ng klase at tumulong sa lahat ng uri ng aktibidad ng mga kabataan. Siya ay naglingkod at nagturo at nagbahagi ng kanyang patotoo.
Pero ang isa sa pinakamaiinam na paraan na patuloy niyang natutulungan ang kanyang mga kaibigan ay sa pagpapahiram ng kanyang lakas sa ebanghelyo at ng kanyang pananampalataya sa Diyos.
“Ang ilan sa aking mga kaibigan ay nahihirapang makahanap ng pag-asa ngayon,” sabi niya. “Pero palagi kong sinasabi sa kanila, walang masamang bagay na tumatagal magpakailanman. Para sa akin, walang pagsubok na hindi ka matutulungan ng Diyos na malampasan.
“Kung minsan, ang maipapanalangin ko lang ay ang lakas na magpatuloy. Magpatuloy sa pagsulong. Palagi akong tinutulungan ng Diyos na makahanap ng gayong lakas. Kadalasan, ang kailangan mo lang talaga ay ang pagpapala ng tapang na magpatuloy sa pagkakamit ng iyong mga mithiin.”