2021
Nahihirapan akong makasundo ang aking mga magulang. Paano ko mas mapagbubuti ang aming ugnayan?
Hunyo 2021


“Nahihirapan akong makasundo ang aking mga magulang. Paano ko mas mapagbubuti ang aming ugnayan?” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 30–31.

Mga Tanong at mga Sagot

“Nahihirapan akong makasundo ang aking mga magulang. Paano ko mas mapagbubuti ang aming ugnayan?”

Magsimula sa Maliliit at Simpleng Paraan

Larawan
kabataang babae

“Ipadama ang iyong pagmamahal sa kanila sa pamamagitan ng mga kilos. Sama-samang manalangin bago kumain. Tulungan sila sa mga gawaing-bahay. Ipagdasal sila. Ang ating mga magulang ay palaging magiging mga magulang natin, at tayo ay palaging magiging mga anak nila. Matutong gumalang sa kanila at maging masunurin. Hindi pa huli ang lahat para mapagbuti mo ang iyong ugnayan sa kanila.”

Nikki F., 20, Mindanao, Philippines

Maging Mabait

Larawan
kabataang lalaki

“Sikaping alamin kung ano ang gusto ng iyong mga magulang. Ang isang bagay na palaging nakatutulong sa akin ay ang paglalaan ng isang gabi upang sama-sama kaming makapaglaro bilang isang pamilya. Kung sisikapin mong maging mas mabait pa, at makinig nang mas madalas, maaayos mo ang inyong mga ugnayan.”

William S., 12, Virginia, USA

Sama-samang Sumubok ng mga Bagong Bagay

Larawan
kabataang babae

“Sinisikap kong maghanap ng mga bagay na gusto ko at gusto rin ng mga magulang ko, tulad ng musika, isports, o pagluluto, at pagkatapos ay naghahanap ako ng mga pagkakataon upang sama-sama naming magawa ang mga bagay na iyon. Maaaring masaya rin kung susubukan ang mga libangan at interes ng isa’t isa.”

Eve D., 16, Wales, United Kingdom

Makinig

Larawan
kabataang lalaki

“Ang isang bagay na magagawa mo ay makinig sa payo ng iyong mga magulang at sumunod sa kanilang mga patakaran. Kung minsan, maaaring iniisip natin na tama tayo, pero ang payo ng ating mga magulang ay maaaring maging kapaki-pakinabang sa huli. Kabilang din sa Sampung Utos ang “igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina” (Exodo 20:12). Mas napapalapit tayo sa ating Ama sa Langit at sa ating mga magulang sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na ito.”

Seth S., 14, Oregon, USA

Pampamilyang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Larawan
kabataang babae

“Maaari itong mapagbuti sa pamamagitan ng mga simpleng bagay tulad ng pampamilyang panalangin at sama-samang pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Mas pagkakaisahin kayo nito at madarama ninyo ang patnubay ng Espiritu. Habang sama-sama kayong natututo, napalalakas ang ugnayan ng inyong pamilya. Magkakaroon kayo ng patotoo na ang mga pamilya ay walang-hanggan at mahalaga.”

Fátima S., 16, Piura, Peru

Kumilos dahil sa Pagmamahal

“Kailanman ay hindi masamang ideya ang magkusang gumawa ng mga gawaing-bahay nang hindi inuutusan. Kung may isang bagay na hindi nagugustuhan ang iyong mga magulang, tulad ng paggugol mo ng sobra-sobrang oras sa isang elektronikong kasangkapan. Ipaalam sa kanila na pinahahalagahan mo ang kanilang opinyon sa pamamagitan ng pagsisikap na limitahan ang oras na ginugugol mo sa device na iyon. Ipakita sa kanila na nagmamalasakit ka sa pamamagitan ng pag-uukol ng oras sa kanila. Mas magtitiwala sa iyo ang iyong mga magulang at mas makakasundo mo sila.”

Justice C., 18, Utah, USA

Print