2021
Pagkakaibigan ang Gumawa ng Kaibhan
Hunyo 2021


“Pagkakaibigan ang Gumawa ng Kaibhan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 8–9.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Pagkakaibigan ang Gumawa ng Kaibhan

Inabot ng anim na taon ang aking pagbabalik-loob. Kung wala akong mabubuting kaibigan, malamang na hindi ako magbabalik-loob.

Ako ay isang convert. Pero inabot ng anim na taon bago ako sumapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Ang isa sa mga dahilan ay dahil noong bata pa ako, hindi maganda ang opinyon ko tungkol sa Simbahan. Kung mababasa mo ang nabasa ko sa aking aklat sa paaralan noong ako ay 12 taong gulang, malamang ganoon din ang maging opinyon mo. Ang mga bagay na sinabi roon ay hindi maganda. At dahil wala pa akong nakikilalang Banal sa mga Huling Araw noon, tinanggap ko ang nabasa ko bilang katotohanan.

Lumaki ako sa Kentucky, USA. Sa aming lugar, iilan lang ang miyembro ng Simbahan. Kaya nagulat ako nang lumipat ang pamilya Martinez sa aming lugar noong ako ay 13 taong gulang.

Gusto sila ng lahat. Sila ay mababait at magaling makisama. Sila ay may anim na anak—na tila napakarami! At sila ay may anak na kaedad ko na kaagad na naging matalik kong kaibigan.

mga binatilyong nag-uusap

Sa katunayan, sa palagay ko ay matalik na kaibigan siya ng lahat. May taglay na liwanag si Mateo na umaakit sa mga tao na lumapit sa kanya. Kaya kahit sa palagay ko ay kakaiba ang kanyang simbahan, hindi na iyon nakabahala sa akin kalaunan dahil sa aming pagkakaibigan.

Nang Makilala Ko ang Iba Pang Miyembro

Makalipas ang ilang taon, pumasok kami ni Mateo sa hayskul. Noon ko nakilala ang iba pang mga miyembro ng Simbahan. May ilan sa aming paaralan, at iba pa sa komunidad. Sa paglipas ng panahon, naging natural na lang ang pag-uusap nila tungkol sa kanilang mga buhay at pagbanggit nila sa Simbahan. Kalaunan, nagsimula akong pumunta sa mga aktibidad ng Simbahan, nakipaglaro ng basketbol sa iba pang kabataan, at dumalo pa nga ako sa pang-umagang seminary nang ilang linggo.

Marami akong mabubuting kaibigan na piniling sumunod sa mabubuting pamantayan, pero may espesyal na bagay tungkol sa aking mga kaibigan na Banal sa mga Huling Araw. Siyempre, hindi sila umiinom ng alak o naninigarilyo o gumagamit ng droga. At habang ang ilan sa aking mga kaibigan ay nagkakaroon ng pisikal na intimasiya sa kanilang mga kasintahan, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi. Pero higit pa iyon doon. May taglay silang liwanag na napakaganda. Kailanman ay hindi nila ipinilit sa akin ang ebanghelyo—ipinamuhay lang nila ito. Sa mga tamang pagkakataon, nagbabahagi sila ng maliliit na bagay sa akin.

mga kabataang nag-uusap-usap

At ang pamilya Martinez ay palaging magiliw at mapagbigay. Malugod nila akong tinatanggap sa kanilang bahay anumang oras. At ang kanilang kusina ay palagi ring bukas!

Nahirapan Pa Rin Ako

Gayunpaman, tapat pa rin ako sa aking relihiyon, at iniisip ko pa rin na ang ilan sa mga bagay na pinaniniwalaan ni Mateo ay kakaiba. Malakas din ang personalidad ko. Bagama’t ipinapamuhay ko na ang karamihan sa mga pamantayan ng Simbahan, ayaw kong diktahan ako ng sinuman kung ano ang mga dapat kong maging pamantayan.

Kasabay nito, pakiramdam ko ay nanghihina ang aking espirituwalidad. Sa palagay ko ay maaari iyong mangyari kapag naaakit ka na lumapit sa liwanag at kabutihan ng ebanghelyo pero kusa kang lumalayo. Bagama’t naniniwala ako sa Diyos, nahirapan akong tanggapin na ang Diyos ay maaari o handang aktibong makibahagi sa aking buhay. Gayunpaman, naakit ako sa liwanag ng ebanghelyo sa ibang tao.

Marahil iyon ang dahilan kung bakit nagpasiya akong sumama sa mga kaibigan ko sa isang paaralan ng Simbahan noong ako ay 18 taong gulang. Nag-aral kami sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA, kung saan nakakilala ako ng mas marami pang miyembro ng Simbahan. Mabubuting tao. Mababait na tao. Puno ng liwanag, tulad ng mga nakilala ko noon. Pero hindi pa rin ako sumapi sa Simbahan.

Ano ang Gumawa ng Kaibhan

Matapos ang unang taon na iyon sa kolehiyo, naubusan ako ng pera kaya bumalik ako sa Kentucky upang makasama sa tirahan ang aking ama. Ako ay 19 taong gulang noon, at ang lahat ng mga kaibigan ko ay nagsimula nang umalis upang magmisyon o nasa Utah pa rin.

Pero nakamamangha na naglagay ang Diyos ng iba pang kahanga-hangang tao sa aking buhay. Ang pamilya Martinez ay nakatira pa rin malapit sa amin at inaanyayahan pa rin nila akong pumunta sa kanilang bahay kailan ko man naisin. At nalaman ko na may iba pa akong kaedad na mga Banal sa mga Huling Araw na nakatira rin malapit sa amin. Sinuportahan nila akong lahat habang nalilito pa ako kung ano ang paniniwalaan ko.

Walang namilit sa akin. Walang namuwersa sa akin. Naging mabait lang sila sa akin.

Sa wakas, pagkaraan ng anim na taon, nagsimula akong magpaturo sa mga missionary. Kinailangan ng maraming malalalim na tanong, pero dahil sa kabutihan at panghihikayat ng mga kaibigan ko, sa wakas ay handa na akong buksan ang aking puso, pag-aralan at ipagdasal ang Aklat ni Mormon, kilalanin ang Espiritu, at tanggapin ang binyag.

Sa lahat ng bagay na nakatulong sa aking paglalakbay, marahil ang pinakamahalaga ay ang matiyaga at mabuting suporta ng ibang tao.

kabataang lalaki na kasama ng mga missionary