2021
Manatiling Matatag
Hunyo 2021


“Manatiling Matatag,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 20–23.

Manatiling Matatag

Piliing manatiling nakatayo at huwag matinag mula sa mga ugat ng inyong pananampalataya at sa pinagmumulan ng paghahayag.

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na, “Stand and Be Not Moved,” na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Pebrero 11, 2020. Para sa buong mensahe, pumunta sa web.byui.edu/devotionalsandspeeches.

mga punong Joshua

Gusto kong sabihin sa inyo ang tungkol sa kagubatan kung saan ko ginugol ang malaking bahagi ng aking pagkabata. Mainit doon kapag tag-init at malamig kapag taglamig, na may paminsan-minsang pag-ulan ng niyebe. May iba’t ibang uri ng mga kagiliw-giliw na mammal, reptilya, insekto, at ibon doon.

Pero ang pinaka-naaalala ko ay ang mga puno. Ang siyentipikong pangalan ng mga ito ay yucca brevifolia, at sa katunayan, hindi talaga punongkahoy ang mga ito. Karaniwang tumutubo ang mga ito sa Disyerto ng Mojave, na matatagpuan sa California, Utah, Arizona, at Nevada, USA.

Sinasabing pinangalanan ng mga pioneer ang species na ito na “Joshua tree o punong Joshua” dahil para itong si Josue na propeta sa Lumang Tipan na umaakay sa kanila habang nakataas ang mga bisig patungo sa lupang pangako. Noong bata pa ako, inisip ko kung sino si Josue at kung ano ang dapat kong malaman tungkol sa kanya.

Ngayong nasa hustong gulang na ako, alam ko na inakay ni Josue ang mga anak ni Israel patungo sa lupang pangako. Siya ay tulad ni Cristo, umaakay sa lahat ng matatapat patungo sa pinakadakilang lupang pangako, ang kinaroroonan ng Ama sa Langit.

Bago namatay si Josue, tinipon niya ang kanyang mga tao at ipinaalala niya sa kanila ang lahat ng bagay na ginawa ng Panginoon para sa kanila. Pinayuhan niya sila, nagsasabing: “Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran” (Josue 24:15).

Nais kong magbahagi ng tatlong mensahe mula sa payo ni Josue.

1. “Piliin

Itinuro ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang mithiin ng ating Ama sa Langit bilang magulang ay hindi ang iutos sa Kanyang mga anak na gawin kung ano ang tama; kundi ang piliin na gawin kung ano ang tama at sa huli ay maging katulad Niya.”1

Sa Aklat ni Mormon, sinabi sa atin ni Lehi na “upang maisagawa ang … mga walang hanggang layunin [ng Diyos] sa kahihinatnan ng tao, … ipinagkaloob ng Panginoong Diyos sa tao na siya ay kumilos para sa kanyang sarili” (2 Nephi 2:15–16).

Ang ating banal na kaloob at kakayahan na pumili ay maaaring maging kapwa nakamamangha at nakaliligalig. Kamakailan, may nakausap akong babae na mga 20 taong gulang. Ipinaliwanag niya na naguguluhan siya dahil sa napakaraming pagpili na kailangan niyang gawin. Sabi niya, “Sana may ibang tao na lang na pumili para sa akin.”

Habang nakikinig ako, naisip ko ang mga salitang ito mula kay Josue: “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manlupaypay; sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo saan ka man pumaroon” (Josue 1:9).

Ang mga pagpapasiya ay bahagi ng banal na plano ng ating Ama sa Langit. Ang buong karanasan natin sa mundo ay nakasentro sa ating kalayaang pumili. Ito ay nakatutulong sa ating walang-hanggang pag-unlad.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson, “Kung nais ninyong lumigaya, piliin ang paraan ng Panginoon.”2

Magkaroon ng lakas-ng-loob na matwid na pumili ayon sa mga tipang ginawa ninyo.

2. “Piliin Ninyo sa Araw na Ito

Pansinin na ang sinabi ni Josue ay “sa araw na ito,” hindi “balang-araw.” Ang pagpapaliban ay maaaring magkaroon ng mga hindi kanais-nais na resulta. Isipin ang pagpapaliban ng inyong mga takdang-aralin o babasahin hanggang sa dulo ng semestre. Hindi iyon mabuti! Marami sa mga pagpiling ginagawa natin ay hindi maaaring ipagpaliban sa hinaharap kung kailan may oras na tayong asikasuhin ang mga ito. Ang ilan ay kailangang gawin kaagad taglay ang kasigasigang may layunin.

Isa sa mga pagpiling iyon ang pagkakataong magsisi araw-araw (tingnan sa Alma 34:32–33). Itinuro ni Pangulong Nelson, “Wala nang mas nagpapalaya, mas nagpapabanal, o mas mahalaga sa ating indibiduwal na pag-unlad kaysa sa regular at araw-araw na pagtutuon sa pagsisisi.”3

Ang pagpiling magsisi ay naglalayo sa atin sa mga pasanin ng pagkakasala, pagkalulong, kahihiyan, nakababagabag na hinanakit, pagiging hindi karapat-dapat, at panlilinlang sa sarili. Sa kabilang banda, ang ating araw-araw na pagsisisi ay nagdudulot ng pag-asa, lakas-ng-loob, kasigasigan, karunungan, kapatawaran, mas mabubuting ugnayan, at higit na kakayahang makatanggap ng personal na paghahayag.

Magiliw na nanawagan si Pangulong Nelson sa mga lumihis ng daan, “Huwag na kayong magpatuloy sa lihis na daan nang isa pang minuto. Bumalik na kayo sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi, ngayon na.”4

3. “Piliin Ninyo sa Araw na Ito kung Sino ang Inyong Paglilingkuran”

Bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan, … makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, … aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw” (Mosias 18:8–9).

Ginagawa man natin ang mga bagay na ito dahil sa isang pormal na tungkulin sa ministering o nang tahimik kapag ipinapahiwatig ng Espiritu Santo, kapag tayo ay nasa paglilingkod ng ating kapwa-tao, tayo ay naglilingkod sa ating Diyos (tingnan sa Mosias 2:17).

Maraming pagkakataon na maglingkod sa paligid ninyo. Ang ilan ay darating sa organisadong paraan o bilang bahagi ng pagsisikap ng isang grupo. Ang iba ay personal, hindi para sa lahat, at ang nakatanggap lang nito ang nakakaalam.

Masigasig na bigyang-pansin ang mga tao sa inyong paligid. Hindi nagkataon lang na nariyan kayo sa kinalalagyan ninyo. May banal na plano sa gawain ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. Maaaring kayo ang mapagmahal na kapit-bahay, ang masugid na tagapakinig, ang taong palakaibigan, ang maalalahaning anak, ang malakas na likod, o ang mga matulunging kamay na nilayon ng Ama sa Langit upang maglingkod sa mga pinakamalapit sa inyo—ang inyong pamilya at mga kamag-anak, kaibigan, katrabaho, kasama sa koponan, kaklase, at iba pa.

Tinatangay-tangay

Balikan natin ang kagubatan sa disyerto kung saan ko ginugol ang malaking bahagi ng aking pagkabata. Bukod sa mga Joshua tree, madalas akong makakita ng mga tumbleweed. Hangga’t ang mga tumbleweed ay konektado pa sa kanilang mga ugat sa lupa, ang mga ito ay nananatiling nakakapit na mabuti, napangangalagaan, at lumalago. Pero may dahilan kung bakit pinangalanan ng gayon ang mga tumbleweed.

Ang mga tumbleweed ay walang sariling isip. Gumagalaw ang mga ito sa iisang direksyon—ang direksyon ng hangin. Kapag ang koneksyon sa pagitan ng halaman at ng mga ugat nito ay natuyo, nahihiwalay ang halaman mula sa pundasyon nito sa simpleng ihip ng hangin.

mga Joshua tree at mga tumbleweed

Larawan mula sa Getty Images

Binalaan ni Pablo ang mga taga-Efeso na ang ilang tao ay “tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya” (Efeso 4:14).

Ang mga Joshua tree at mga tumbleweed ay tumutubo nang magkatabi. Ang bawat isa ay nakararanas ng parehong init at lamig, kundisyon ng lupa, at hangin. Pero ang isa ay nananatiling nakatayo habang ang isa ay tinatangay-tangay.

Sinabi ng Panginoon, “Subalit ang aking mga disipulo ay tatayo sa mga banal na lugar, at hindi matitinag” (Doktrina at mga Tipan 45:32).

Piliing manatiling nakatayo at huwag matinag mula sa mga ugat ng inyong pananampalataya at sa pinagmumulan ng paghahayag. Tumayo at huwag matinag mula sa mga pangako ng inyong mga tipan o mula sa gawaing ipinagagawa sa inyo ng Ama sa Langit nang ipinadala Niya kayo rito.

“Piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran,” at ipangako sa inyong sarili na “sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon” (Josue 24:15).