2021
Sa Melbourne, Australia
Hunyo 2021


“Sa Melbourne, Australia,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 12–13.

Paano Kami Sumasamba

Sa Melbourne, Australia

mga kabataan

Mga larawan sa kagandahang-loob ni Benjamin H.

Hello! Ako si Benjamin H. Ako ay 18 taong gulang, at ako ay mula sa Glen Iris, isang bayan sa Melbourne, Australia. Ang Melbourne ang kabisera ng Victoria at ito ay binansagang “ang lungsod kung saan pinaka-komportableng mamuhay.” Pabagu-bago ang panahon sa Melbourne kaya posibleng maranasan mo ang lahat ng apat na uri ng panahon sa loob lang ng isang araw!

kabataang lalaki sa may dalampasigan

Buhay sa Melbourne

Naninirahan ako kasama ng aking ina, ama, at apat na nakababatang kapatid. Lumipat kami sa Melbourne para sa trabaho ng aking ama.

Sa katunayan, pumapasok ako sa isang relihiyosong paaralan, at nagsusuot kami ng mga uniporme—mga lilang blazer at itim na pantalon na may kasamang polo at kurbata. Bagama’t relihiyosong paaralan iyon, kaunti lang ang naniniwala, at hindi ipinapakita ng mga taong relihiyoso na relihiyoso sila. Gusto ko ang lahat ng pagkakataong natatanggap ko upang gumawa ng gawaing misyonero dahil ako lang ang nag-iisang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa aking paaralan.

Nasa wallpaper ng aking telepono ang larawan ni Jesus dahil maraming pagkakataon na mapapansin ng mga tao na binubuksan mo ang iyong telepono at makikita nila ito at magtatanong sila tungkol dito. Magandang paraan ito upang masimulan ang pag-uusap tungkol sa ebanghelyo! Mayroon din akong wristband na nagsasabing, “Ako ay Anak ng Diyos.” Palagi ko itong suot kaya nagkaroon na ako ng tan line dahil dito, pero nagpasiya akong patuloy itong isuot dahil palaging may nagtatanong sa akin tungkol dito. Maraming pagkakataon na nagtatanong sila kung maaari silang maging anak ng Diyos. Sinasabi ko lang sa kanila na anak nga sila ng Diyos!

Isports

Ang paglalaro ng basketbol ay talagang nakabubuti at nakatutulong sa akin na magkaroon ng mga kaibigan. May isang parke sa tabi ng aming bahay at dahil dito, mas nahihikayat akong magsanay upang maging mahusay ako sa basketbol. Naglalaro kami bilang kinatawan ng aming paaralan, at naging mahusay ang paglalaro ko laban sa isang koponan. Makalipas ang dalawang araw, nalaman ko na binigyan nila ako ng puwesto sa koponan ng pinakamahuhusay na manlalaro sa aming lugar, na napakalaking bagay para sa akin. Nagsaliksik kami at natuklasan namin na naglalaro sila kapag araw ng Linggo, kaya hindi ko na itinuloy ang pagsali sa kanilang koponan.

Simbahan

Kaunti lang ang kabataan sa aming ward. Ang mga kabataang lalaki lang ay ako, dalawa pang priest, at mga limang deacon. Sinasamahan kami ng aming mga lider kada buwan upang bisitahin at kumustahin ang mga kabataang hindi dumadalo at anyayahan sila sa mga aktibidad ng mga kabataan. Nakamamangha lang na makita kung gaano nagmamalasakit ang mga lider sa iba.

Talagang nakatuon ang aming ward sa mga mithiin dahil sa bagong programa na Mga Bata at Kabataan. Nagkaroon kami ng pinagsamang aktibidad ng mga kabataan tungkol sa lahat ng apat na aspeto! May natatanging aktibidad na nakalaan para sa bawat aspeto. Ako ang inatasang magtuon sa aktibidad para sa pisikal na mithiin, kaya naglaro kami ng volleyball.

Talagang nagsisikap kaming bigyang-diin ang apat na aspetong iyon ng aming buhay. Nakatulong din ito sa akin na mapagtanto kung gaano kahalaga ang pagtatakda ng mga mithiin. Kung walang mga mithiin, mahirap makita ang pag-unlad sa iyong buhay.

Sa palagay ko, mahalaga na maunawaan ng mga tao sa Simbahan kung gaano kamangha-mangha na magkaroon ng kaalamang mayroon tayo, tulad ng plano ng kaligtasan.