2021
6 n.u. na Missionary
Hunyo 2021


“6 n.u. na Missionary” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Hunyo 2021, 6–7.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

6 n.u. na Missionary

Sasabihin ko na sana sa aking kaibigan kung bakit kailangan ko nang tumigil sa pakikipag-usap sa telepono noong gabing iyon nang bigla akong makatanggap ng pahiwatig mula sa Espiritu.

binatilyo at dalagitang nag-uusap sa telepono

Bata pa lang ako, gusto ko nang maging member-missionary. Alam ko kung gaano kahalaga ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga taong hindi miyembro ng ating relihiyon. Nanalangin pa nga ako na magkaroon ako ng mga pagkakataon. Gayunpaman, wala sa mga taong kakilala ko na hindi miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang interesado. Nagbago ang lahat ng iyon nang pumasok ako sa hayskul at makilala ko si Robbie.*

Naging magkaibigan kami ni Robbie nang makibahagi kami sa isang musikal na pagtatanghal sa teatro ng komunidad. Pagkatapos niyon, nag-uusap pa rin kami at kung minsan ay lumalabas kami.

Isang gabi ay nag-chat kami sa telepono. Dahil sa early-morning seminary kinabukasan, kinailangan kong tumigil para makatulog na ako.

“Salamat sa pakikipag-chat, pero kailangan ko pang gumising nang maaga bukas!” Ipinadala ko ang mensahe.

“Gaano kaaga?” tanong ni Robbie.

“alas-5:30 n.u.” sagot ko. Hindi ako sigurado kung dapat ko bang ipaliwanag kung bakit, pero nakatanggap ako ng pahiwatig mula sa Espiritu na magbahagi.

“May early morning seminary ako nang alas-6 n.u.,” sabi ko. “Isang klase iyon sa aming simbahan kung saan nag-aaral kami ng mga banal na kasulatan at natututo kami tungkol sa Diyos bago pumasok sa paaralan. Palaging maganda ang pakiramdam ko pagkatapos ng klase.”

Pagkatapos, nakatanggap ako ng isa pang pahiwatig: “Sumama ka minsan,” sabi ko.

Nasabik si Robbie nang ipaliwanag ko kung ano ang seminary. “Mukhang astig ‘yon! Puwede akong magbisikleta papunta roon. Susubukan kong pumunta bukas.”

Noong una, akala ko nagbibiro lang si Robbie. Pero kinaumagahan habang sakay kami ng aking ama ng kotse papasok sa paradahan bago sumapit ang alas-6 n.u., naghihintay na si Robbie sa labas ng simbahan dala ang kanyang bisikleta. Nagulat ako.

Noong araw na iyon, natuto ang aming klase tungkol sa mga templo habang pinag-aaralan namin ang Lumang Tipan. Namangha si Robbie sa buong aralin—nagustuhan niya ang lahat ng larawan at natutuhan niya mula sa lahat ng estudyante tungkol sa mga paraan kung paano tayo ibinubuklod ng mga templo sa Diyos at sa ating mga pamilya.

Naging mainit ang pagtanggap ng guro at ng iba pang estudyante kay Robbie kahit walang anumang abiso na darating siya. Patuloy na dumalo si Robbie buong taon. Dumalo rin siya sa ilang aktibidad ng mga kabataan. Naging kaibigan niya ang ibang kabataan sa aking ward at stake. Sa katapusan ng taong iyon, dumalo si Robbie sa end-of-the-year seminary fireside kasama namin.

Nang sumunod na tag-init, lumipat ang aking pamilya sa ibang ward, pero nang magsimulang muli ang pasok sa paaralan, patuloy na dumalo sa seminary si Robbie, at malugod siyang tinanggap ng buong klase.

Hindi sumapi si Robbie sa Simbahan, pero palagi niyang binabanggit sa akin ang kanyang magandang karanasan kapag nagkikita kami.

Itinuro sa akin ng aking karanasan sa pag-anyaya kay Robbie sa seminary na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay hindi lang tumutukoy sa pag-anyaya sa mga kaibigan na makipagkita sa mga missionary. Sa katunayan, maaaring hindi sila sumapi sa Simbahan kailanman. Maaaring kasing simple lang ito ng pagbabahagi kung ano ang nangyayari sa iyong buhay bilang miyembro ng Simbahan. Pagkatapos, kung interesado sila, maaari mo silang anyayahan na alamin ang iba pa tungkol sa Simbahan.

Kung naghahanap ka ng mga pagkakataon na ibahagi ang ebanghelyo, subukang magsimula kung nasaan ka at kung ano na ang ginagawa mo. Napakaraming simpleng paraan upang maipahayag ang iyong paniniwala at patotoo sa pagbabahagi ng mga bagay na ginagawa mo na naglalapit sa iyo kay Cristo. Magtiwala sa Espiritu at tutulong Siya na mapatnubayan ka.

  • Binago ang pangalan.