2022
Ang Plano ng Kaligayahan ng Diyos at ang Iyong Banal na Tadhana
Enero 2022


“Ang Plano ng Kaligayahan ng Diyos at ang Iyong Banal na Tadhana,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.

Ang Plano ng Kaligayahan ng Diyos at ang Iyong Banal na Tadhana

Ang pag-unawa at pamumuhay ayon sa plano ng kaligayahan ay nagtutulot sa iyo na maabot ang iyong banal na tadhana.

pag-akyat sa bundok

Mga larawang-guhit ni Albert Espí

Ano ang naiisip mo kapag naririnig mo ang mga salitang tadhana? May naiisip ka bang isang bagay na nakatakda na at hindi maiiwasan? Isang bagay na kakila-kilabot o kamangha-mangha na hindi mababago anuman ang gawin mo? O siguro’y naiisip mo ang bida sa isang pelikula o aklat, na nakatakdang kumpletuhin ang pakikipagsapalaran, iligtas ang mundo, o magiging hari o reyna?

Maaaring sang-ayon ang mga diksyunaryo sa mga interpretasyong iyon; gayunman, kapag pinag-uusapan natin ang banal na tadhana, iba ang ibig nating sabihin. Hindi tulad ng tadhanang nababasa mo sa mga aklat o napapanood sa mga pelikula, ang pagkakamit ng iyong banal na tadhana ay posible dahil ikaw ay anak ng Diyos, ngunit kailangan mo ring gamitin ang iyong kalayaang pumili.

Taglay ng Diyos ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Ang mga tipang ginagawa natin sa ating Ama sa Langit ay nagtutulot sa Kanya na maging katuwang natin habang dumaraan tayo sa mga unos ng buhay. Ang ating banal na tadhana—ang ating potensyal kapag nakikipagtuwang tayo sa Diyos—ay nagiging posible sa pamamagitan ng Kanyang plano ng kaligayahan.

Ang pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit para sa iyong kaligayahan ay magtutulot sa iyo na matukoy ang iyong walang-hanggang identidad at layunin. At ang pagpiling gumawa at tumupad ng mga tipan sa Diyos ay magtutulot sa iyo na makamtan ang layuning iyon.

Sa aklat ni Moises mababasa natin na “si Moises ay dinala sa isang napakataas na bundok, at kanyang nakita ang Diyos nang harapan, at siya ay nakipag-usap sa kanya” (Moises 1:1–2). Sa personal na pagdalaw na ito, tinuruan ng Diyos si Moises tungkol sa kanyang walang-hanggang identidad. Bagama’t mortal at hindi perpekto si Moises, may natutuhan siyang isang mahalagang bagay tungkol sa kanyang sarili: tunay ngang siya ay isang anak ng Diyos (tingnan sa Moises 1:6).

Tandaan Kung Sino Ka

Nais ni Satanas na malimutan mo kung sino ka. Nang tangkain ni Satanas na hadlangan si Moises sa gawaing inihanda ng Panginoon para sa kanya, buong tapang na sumagot si Moises, “Sino ka? Sapagkat masdan, ako ay anak ng Diyos“ (Moises 1:13; idinagdag ang pagbibigay-diin). Pagkatapos ay ipinahayag ni Moises, “Lumayo ka, Satanas; huwag mo akong linlangin” (Moises 1:16; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Sa madaling salita, sinabi ni Moises: “Hindi mo ako malilinlang, dahil alam ko kung sino ako. Wala sa iyo ang liwanag at kaluwalhatian ng Diyos. Kaya bakit ako sasamba sa iyo o maniniwala sa iyong mga kasinungalingan?”

Huwag kalimutan kailanman na mahal ka ng Diyos at hangad Niyang tulungan at pagpalain ka. Mayroon Siyang banal na personal na interes sa iyo bilang isa sa Kanyang mga anak. Mangyaring mag-ukol ng oras na pag-aralan kung ano ang tunay na kahulugan ng maging anak ng Diyos. Pagkatapos ay magtakda ng mga mithiin at gumawa ng mga pagpili na tutulong sa iyo na mamuhay ayon sa kaalamang iyan araw-araw.

Ako ay May Gawain para sa Iyo

Marami kang mahihirap na isyu at alalahanin. Mayroon kang gawain sa paaralan, mga kaibigan, mga responsibilidad sa pamilya, at siguro’y may trabaho ka pa. Siyempre, ang hamon sa iyo ay balansehin ang lahat ng mahahalagang tungkuling ito nang hindi nalilimutan ang pangunahing layunin mo sa buhay. May gawaing ipagagawa sa iyo ang Diyos (tingnan sa Moises 1:6). Ito ang sagot sa tanong na “Bakit ako narito sa lupa?”

Bilang anak ng Diyos, pumarito ka sa lupa upang tumanggap ng pisikal na katawan. Sa iyong katawan, mapipili mong tapat na sundin si Jesucristo. Mapipili mong sundin ang mga utos ng Diyos, tanggapin ang mga banal na ordenansa, at gumawa at tumupad ng mga tipan ng ebanghelyo. Ang paggawa ng mga bagay na ito ay maghahanda sa iyo na isakatuparan ang iyong banal na tadhana.

Habang malinaw na nasasaisip ang layuning ito, makikita mo ang kahalagahan ng pagtanggap ng sakramento bawat linggo, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal araw-araw, pagtatakda ng makabuluhang mga mithiin, at paglilingkod sa iba. Ang mga bagay na ito ay magpapaalala sa iyo kung bakit ka talaga naririto, at tutulungan ka nitong maging karapat-dapat na tumanggap ng personal na paghahayag na kailangan mo para maging masaya at manatili sa landas ng tipan. Kapag nagsisisi ka at masigasig na sumusunod sa Panginoon, tatanggap ka ng personal na patnubay sa bawat aspeto ng iyong buhay.

tumatawid ng talon habang naglalakad sa gubat

Sikaping Maging Katulad ng Nararapat Mong Kahinatnan

Ang mga problema at alalahanin ng mundo, o ang iyong mga kawalan ng tiwala sa sarili, ay maaaring maging dahilan para mawala ang pagtutuon mo sa iyong mahalagang papel sa dakilang plano ng kaligtasan ng Diyos. Kung mangyayari ito, inaanyayahan kitang lumapit kay Cristo (tingnan sa Moroni 10:32). Walang anumang bagay sa walang-hanggang plano ng Diyos ang posible kung wala Siya, at sa Kanya, ang bawat mabuting bagay ay maaaring makamtan.

Ang pagsisikap na sundin ang Tagapagligtas ang pinakamainam na paraan para patuloy na magkaroon ng pananaw na ayon sa ebanghelyo. Sa pagsampalataya at pag-asa sa Kanya, tiwala mong mahaharap ang mga hamon ng buhay. Magkakaroon ka rin ng higit na kalinawan habang ikaw ay gumagawa ng mga pagpili, lumulutas ng mga problema, nagsisikap na makamtan ang mabubuting mithiin, at nahaharap sa mga tukso.

Ang iyong mga desisyon ay makakaapekto sa kawalang-hanggan. Sa pamamagitan ni Jesucristo at ng Kanyang nagbabayad-salang biyaya, maaari kang magalak sa buhay na ito at sa kabilang-buhay. Matatanto mo ang iyong banal na tadhanang tanggapin ang lahat ng mayroon Siya at ipamuhay ang uri ng Kanyang pamumuhay, na “buhay na walang hanggan, … [ang] pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos” (Doktrina at mga Tipan 14:7).