2022
Paano ko madarama na mas konektado ako sa aking grupo ng mga kabataan?
Enero 2022


“Mga Tanong at mga Sagot,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.

Mga Tanong at mga Sagot

“Wala akong gaanong pagkakatulad sa mga tao sa aking grupo ng mga kabataan. Paano ko madarama na mas konektado ako sa kanila?”

Tumulong sa Isang Nawawala

dalagita

“Nararamdaman kong mas konektado ako sa iba kapag talagang sinisikap kong mag-ukol ng oras sa piling ng bawat isa sa kanila, hindi lang kapag magkakasama ang grupo. Kung gusto mong makahanap ng isang taong makakasundo mo, tulungan ang isang tao na tila nangangailangan ng kaibigan. Baka sa huli’y mas makinabang ka pa kaysa sa kanila!”

Latyanna P., 17, Singapore

Ibahagi ang Iyong mga Interes

dalagita

“Karamihan sa mga tao sa aking grupo ng mga kabataan ay magkakaiba ang interes. Gusto kong tanungin sila tungkol sa kanilang mga interes dahil nagpapakita iyon na nagmamalasakit ako sa kanila. Pagkatapos ay nagbibigay ito sa kanila ng pagkakataong magtanong din tungkol sa aking mga interes. Ang pagkonekta sa mga tao ay nangangailangan ng panahon—patuloy mo lang subukan ito!”

Erin F., 18, Utah, USA

Hanapin ang Magkatulad sa Inyo

dalagita

“Kung gusto mong maging mas malapit sa iyong grupo ng mga kaibigan, maghanap ng mabuti at makabuluhang mga bagay na magagawa ninyo nang magkakasama, kahit iilan lang ang mga iyon. Makakakita ka ng libangan o pampalipas-oras na magpapasaya sa inyong lahat. Humingi ng tulong sa Ama sa Langit, at bibigyan ka Niya ng inspirasyon.”

Carla V., 12, Peru

Pahalagahan ang mga Pagkakaiba Ninyo

dalagita

“Habang mas maraming oras ang ginugugol ko sa mga tao sa aking grupo ng mga kabataan, mas nagugustuhan ko ang kakaiba sa kanila! Natututo akong mas paglingkuran sila nang mas mabuti, na tumutulong sa akin na mas mapalapit sa kanila at kay Jesucristo. Lahat tayo ay mga anak ng ating Ama sa Langit, kaya mas marami tayong pagkakatulad kaysa inaakala natin.”

Sarah M., 16, Oregon, USA

Sama-samang Sumubok ng mga Bagong Bagay

binatilyo

“Maging mabait lang at patuloy silang kausapin. Patuloy na sumubok ng mga bagong bagay para mas makasali ang lahat. Hindi talaga mahilig sa isports ang isang batang lalaki sa ward namin, pero lagi siyang nakikipaglaro sa amin. Pagkatapos ay ginagawa namin ang mga bagay na kinawiwilihan niya, tulad ng mga magic trick o paghahagis ng card. Ang pagsubok ng mga bagong bagay ay magandang paraan para madama na konektado kayo.”

Jarren M., 17, Nova Scotia, Canada

Tumulong

“Makipag-ugnayan at tulungan ang isang tao sa iyong grupo ng mga kabataan na nangangailangan. Kapag sinusubukan nating maging halimbawa ng pagmamahal ng Tagapagligtas, tutulungan tayo nitong maging mas konektado sa isa’t isa.”

Joshua C., 20, Faleniu, American Samoa

Magpakatotoo

“Sa paglipas ng panahon malamang na makahanap ka ng mga bagay na magkatulad sa inyo, pero siguro’y hindi agad-agad. Samantala, maaari kang kumonekta sa pamamagitan ng paggawa ng mga aktibidad at bagay na nangyayari sa buong linggo. Magpakasaya sa mga aktibidad! Piliing makilahok, at magpakatotoo!”

Hannah W., 18, Nova Scotia, Canada