“Impluwensya ng Isang Kaibigan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.
Impluwensya ng Isang Kaibigan
Nahirapan ako noong tinedyer ako, pero pinadalhan ako ng Diyos ng isang kaibigan para tulungan akong malagpasan iyon.
Palagi kong nadarama na nag-iisa ako sa mundo. Nagdiborsyo ang mga magulang ko noong sanggol pa lang ako, at pagkaraan ng ilang taon ay nag-asawang muli ang nanay ko at lumipat kami at naglakbay nang 4,000 milya, mula Georgia, USA, papuntang Oregon, USA. Malaking pagbabago iyon para sa isang siyam-na-taong-gulang na batang babae, lalo na sa isang may puntong katimugan na hindi lubos na tinanggap ng iba pang mga bata.
Magkagayunman, nang malipat na ako sa middle school, nakilala ko si Nicole.* Agad-agad, nakadama ako ng positibo at payapang damdamin tungkol sa kanya—isang bagay na matagal nang kulang sa buhay ko. Nalaman ko na kailangan kong kaibiganin ang batang ito!
Habang lalo kaming nagkakasama, nadama kong ligtas ako at nababawasan ang lungkot ko kapag kasama ko si Nicole. Ang pagpasok sa bahay nila ay parang pagpasok sa isang ganap na kakaibang buhay: puspos ng Espiritu ng Diyos ang buong bahay. May mga larawan ng Tagapagligtas at ng malalaking istruktura sa lahat ng dako. (Kalaunan ay nalaman ko na mga templo ang mga iyon.) Nagsimula ang gawaing misyonero ni Nicole sa pag-anyaya lang sa akin, at ni hindi nga niya ito alam.
Pakikipagkaibigan at Paniniwala
Nag-minister si Nicole sa akin sa pamamagitan lamang ng pagiging kaibigan ko. Ibinigay niya sa akin ang Aklat ni Mormon, at nagsimula kaming sabay na magbasa sa kotse niya kapag uwian na pagkatapos ng pasok sa paaralan.
Sinimulang buuin ng Aklat ni Mormon ang buhay ko. Pero pakiramdam ko ay nag-iisa pa rin ako. Hindi ako miyembro ng simbahan ni Nicole, pero hindi rin ako lubos na nakikibahagi sa relihiyon ng mga magulang ko.
Magiliw akong hinikayat ni Nicole na magdasal at itanong sa Diyos kung totoo ang Aklat ni Mormon. Hindi pa ako nakapagdasal nang malakas, kaya wala akong ideya kung ano ang dapat kong sabihin. Pero lumabas lang ako at nagsimulang magsalita. Tinanong ko ang Diyos kung ang simbahan ni Nicole ang tamang simbahan din para sa akin. Nang matapos ko ang tanong ko, nakaramdam ako ng kilabot sa buong katawan ko. Nalaman ko, sa ilang paraan nang walang pagdududa, na ang Aklat ni Mormon ay totoo at ang Simbahang ito ay tama para sa akin.
Ako ay 15 taong gulang nang matanggap ko ang patotoong ito. Sa sumunod na ilang taon naniwala ako, bagama’t hindi interesado ang mga magulang ko sa Simbahan. Pero hindi ako nag-iisa sa aking pananampalataya, dahil naroon pa rin si Nicole para suportahan ako.
Bagong Relihiyon, Bagong mga Tanong
Nang makatapos ako ng hayskul, lumipat ako sa Utah, USA. Naroon na si Nicole, at sabik niya akong hinintay na makarating doon para masimulan ko nang magpaturo sa mga missionary. Nagplano akong magpabinyag sa ika-19 na kaarawan ko—anim na linggo na lang ng paghihintay—at tiniyak sa akin ni Nicole na sasamahan niya ako habang nagpapaturo.
Nang simulan akong turuan ng mga missionary, hindi nagtagal ay natanto ko na talagang kakatiting ang nalalaman ko tungkol sa Simbahan. Nabasa ko na at napamahal na sa akin ang Aklat ni Mormon, pero bigla nilang binanggit sa akin ang kaloob na Espiritu Santo, ang plano ng kaligtasan, pagiging katulad ng Diyos, at napakarami pang ibang bagay na bago sa akin. Napakarami noon para matutuhan kong lahat kaagad.
Pero kilalang-kilala ako ni Nicole. Tumutulong siyang ipaliwanag ang itinuturo ng mga elder sa paraang alam niya na mauunawaan ko. Sa mga unang lesson na iyon, ang matiyaga niyang mga paliwanag ang dahilan kaya ako nagpatuloy.
Naging Kabilang din sa Wakas
Espirituwal akong sinuportahan ni Nicole sa gayong paraan hanggang sa araw na mabinyagan ako—at pagkatapos. Tinulungan niya ang mga miyembro ng ward at mga missionary na magplano para mabinyagan ako sa ika-19 na kaarawan ko. Nang umahon ako mula sa tubig at makita ko ang dose-dosenang taong nakangiti sa akin, hindi ko na gaanong nadama na nag-iisa ako. Hinding-hindi ko malilimutan ang damdaming iyon na sa wakas ay kabilang na ako sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.
Natututo pa rin ako mula sa patuloy na pananalig at pakikipagkaibigan ni Nicole. Ipinakita niya sa akin sa simula pa lamang na hindi kailangang maging full-time missionary para gumawa ng gawaing misyonero. Nagsimula ang gawaing misyonero ni Nicole sa kanyang puso, nang tulungan niya ang isang batang babaeng taga-timog na kinailangang madama na siya’y tanggap at minamahal.
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.