2022
Isang Inhinyero ng Kagalakan
Enero 2022


“Isang Inhinyero ng Kagalakan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.

Isang Inhinyero ng Kagalakan

Natagpuan ng binatilyong ito mula sa Germany ang kaalaman, kagandahan, at kagalakan sa lahat ng uri ng lugar—at kapag nakikita niya ang mga iyon, ibinabahagi niya ang mga iyon.

binatilyo

Ginagawa ni Patrick ang kanyang modelong makina ng kotse.

Mga larawang kuha ni Julian Klemm

Sabi ni Patrick L., 16, mula sa Bavaria, Germany, ang paborito niyang mga asignatura sa paaralan ay math, physics, at chemistry. Sa katunayan, gustung-gusto niya ang siyensya hanggang sa punto na gusto niyang ibahagi ito sa iba sa pamamagitan ng pagsulat ng isang aklat tungkol sa physics (partikular na tungkol sa thermodynamics at magnetism).

Gusto niyang maging inhinyero, na bumubuo ng mga teknikal na kagamitan tulad ng mga makina ng sasakyan. (Siya nga pala, ang headquarters ng mga gumagawa ng kotseng BMW at Audi ay isang oras at isa’t kalahating oras lang ang layo mula sa tinitirhan niya.)

Pero hindi lang sa siyensya nakakahanap si Patrick ng nagpapasigla at nakakatuwang mga bagay.

Siyensya at Imahinasyon

Oo, napakahilig ni Patrick sa siyensya, pero ang mga interes niya ay higit pa sa mga tunay na pangyayari at pormula.

“Nakasulat na ako ng isang physics book, pero ngayo’y sumusulat ako ng isang fantasy book,” paliwanag niya. “Ang aklat na isinusulat ko ay tungkol sa mga mahiwagang nilalang at sa mundo nila. At pagkatapos ay may ilang kabataang lulutas sa mga problema.”

Ang pinakahuling nakalibangang proyektong ito ay nabigyang-inspirasyon ng hilig ni Patrick sa mga fantasy novel tulad ng Harry Potter at Percy Jackson series. Ang pagsusulat ng mga aklat ay isang bagay na nakahiligang gawin ni Patrick matapos sabihin sa kanya ng tito niya kung gaano ito kasaya. “Nahawa ako sa kagalakan niya,” sabi ni Patrick.

binatilyong may hawak na aklat

Ang nakakahawang kagalakang iyon ang naghikayat kay Patrick na gamitin ang natutuhan niya tungkol sa mga panuntunan at realidad ng pisikal na mundo at sumulat ng isang aklat tungkol sa mga ito. Dahil dito ginusto rin niyang lumikha ng isang napakagandang kuwento. At walang kontradiksyon dito. Mukhang alam ni Patrick na ang katotohanan at kagandahan at kagalakan ay matatagpuan sa maraming lugar. At nais niyang hanapin, likhain, at ibahagi ang mga bagay na iyon saanman naroon ang mga iyon.

Ang Likas na Mundo

Nauunawaan nang husto ni Patrick ang mga batas ng pisikal na mundo. Pero hindi lang mga bagay na napatunayan ang tinitingnan niya para makakita ng kagandahan doon.

“Malapit sa gubat ang tirahan ko,” sabi niya. “May pakinabang ang manirahan sa isang munting bayan—mabilis kang makakapasok sa gubat at makadarama ng kapayapaan doon.”

tanawin ng isang bayan sa Germany

Gustung-gusto niya ang maraming daanan sa gubat para sa hiking o, lalo na, sa pagbibisikleta. “Mahilig akong magbisikleta. Malaking libangan ito para sa akin,“ sabi niya. “Madalas akong magbisikleta. Minsa’y nagbisikleta ako nang 1,200 kilometro [745 milya] sa loob ng dalawang linggo.”

binatilyong nakahawak sa bisikleta

Binibigyang-inspirasyon ng siyensya ang isipan ni Patrick, at binibigyang-inspirasyon ng panalangin ang kanyang espiritu. “Malakas ang patotoo ko tungkol sa panalangin,” sabi niya. “Maaari mong kausapin [ang Ama sa Langit] kahit saan.”

Kung minsan gusto niyang mag-hiking o magbisikleta sa gubat kasama ang kanyang buong pamilya (Nanay, Tatay, dalawang mas batang kapatid na lalaki, at dalawang mas batang kapatid na babae) o ang tatay lang niya. Madalas ay siya lang mag-isa. Pero lagi siyang nakakasumpong ng kapayapaan at kagandahan sa kalikasan.

binatilyong nagbibisikleta

“Ang mga pagsikat ng araw dito ay talagang maganda,” sabi niya. “Kung minsan makikita mo ang Alps mula rito kahit napakalayo ng mga iyon. At kapag sumisikat ang araw, nasasalamin ito sa tubig, at sa kabundukan, nakikita mo ang napakagandang pulang kalangitang ito, at talagang maganda ito.”

Isa pang Uri ng Kaalaman

Bukod pa sa mga bagay na napatunayan ng likas na siyensya at mga kagandahan ng likas na mundo, pinahahalagahan din ni Patrick ang katotohanan—ang uri ng katotohanan na matatagpuan lamang sa pamamagitan ng panalangin.

binatilyong may modelong makina ng kotse

“Malakas ang patotoo ko tungkol sa panalangin,” sabi ni Patrick. “Pagluhod, paghalukipkip, pagkakaroon ng kapayapaan at katahimikan, at pagkatapos ay pagdarasal. Dito pinakamalakas ang patotoo ko.”

Ipinaliwanag niya na ang kanyang patotoo ay nagmumula, sa isang banda, sa isang bagay na sinabi sa kanyang patriarchal blessing. “Sinabi roon na dapat kong alalahanin palagi na ang Ama sa Langit ay isang panalangin lang ang layo sa akin,” sabi niya. “Maaari mo Siyang kausapin kahit saan.” Nariyan Siya para sa iyo kahit saan, at matatanggap mo ang mga sagot kahit saan.”

Ang kanyang karanasan sa pagtanggap ng mga sagot sa panalangin ay nag-iibayo, sabi niya, kapag gumagawa siya ng ilang hakbang. “Nadarama ko nang napakalakas ang Espiritu Santo sa ilang panalangin. Kapag sadya akong nagtatakda ng mga mithiin, sadyang may mga tanong, sadyang umuupo at kumikilos ayon sa sinasabi sa mga banal na kasulatan, at naghihintay nang matagal—kapag nagagawa ko iyan, laging malakas ang aking patotoo at nadarama ko ang Espiritu Santo.”

Naaalala ni Patrick ang isang pagkakataon na nag-alay siya ng espesyal na panalanging tulad nito. “Madalas naming pinag-uusapan si Joseph Smith at kung paano siya nagdasal sa edad na 14 at nakatanggap ng sagot,” sabi niya. “Kaya nga naupo ako—pumasok pa ako sa gubat—at nagdasal ako. At nakatanggap ako ng sagot. Pagkatapos ay masaya na ako. At pinalakas nito ang aking patotoo.”

Pagbabahagi ng Nalalaman Niya

Tulad ng hangarin niyang ibahagi ang kanyang kaalaman tungkol sa siyensya at sa kanyang malikhaing imahinasyon, hinahangad din ni Patrick na ibahagi ang kanyang espirituwal na kaalaman.

Simula sa edad na 12, gumugol na siya ng oras sa pagtulong sa mga full-time missionary. Minsa’y inanyayahan din niya ang isang kaibigan sa bahay niya para maturuan ng mga missionary. “Nag-usap kami tungkol sa Pagpapanumbalik. Interesado siya. Nakinig siyang mabuti at nakibahagi at nagbasa ng mga banal na kasulatan. Binasa namin ang Santiago 1:5, na nabasa rin ni Joseph Smith. At ipinabasa ko sa kanya ang mula sa Joseph Smith—Kasaysayan. Talagang nakinig siya.”

Iginagalang ng mga kaklase niya sa paaralan ang kanyang pananampalataya. “Sa halip na usigin ang Simbahan, sinusuportahan nila ito,” sabi niya. Kahit ang guro niya sa religion class sa kanyang paaralan ay sinusuportahan siya. “Iniisip niya na ang galing na may pananampalataya ako sa Diyos at tinutulungan pa akong makamit ang aking mga mithiin.”

Kapag nakatapos siya ng pag-aaral at naging kwalipikado siyang mag-aral sa unibersidad, plano rin ni Patrick na mag-full-time mission. “Malamang na maghanda ako sa pamamagitan ng pagbabasa ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo,” sabi niya. “Gusto kong patuloy na mag-aral at magbasa, gawin ang mga lesson, at mag-ukol din ng maraming oras sa mga missionary.”

binatilyong nagdodrowing at nagsusulat

Gustung-gustong gamitin ni Patrick ang kanyang imahinasyon. Nagsusulat pa nga siya ng isang fantasy book.

Magandang Balita

Natutuhan ni Patrick na maraming bagay sa paligid na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri,” kaya hinahangad niya ang mga bagay na ito (Mga Saligan ng Pananampalataya 1:13). At kapag nakikita niya ang mga ito, ibinabahagi niya ang mga ito.

Sa siyensya man, imahinasyon, o kalikasan, nakakakita siya ng nakakatuwang kaalaman at dakilang kagandahan saanman siya bumaling. At nakikita niya ang pinakamataas na kaalaman, kagandahan, at katotohanan sa pamamagitan ng kanyang kaugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.