2022
Magtiwala sa Panginoon
Enero 2022


“Magtiwala sa Panginoon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.

Magtiwala sa Panginoon

(Mga Kawikaan 3:5–6)

Inaanyayahan kayo ng Diyos na magtiwala sa Kanya sa lahat ng bagay.

Kung minsan kapag nangyayari ang mahihirap na bagay, iniisip natin kung mapagkakatiwalaan natin ang sinuman, pati na ang Diyos. Natatakot tayo na baka biguin din Niya tayo. Ang mabuting balita ay minamahal tayo ng Diyos sa perpektong paraan. Siya ay mabait at mapagbigay at tapat. Siya ay hindi nagbabago at maaasahan.

At dahil diyan, maaari tayong magtiwala sa Kanya anuman ang mangyari. Ang tema ng mga kabataan ngayong taon ay “Magtiwala sa Panginoon” (Mga Kawikaan 3:5–6).

Narito ang ilang halimbawa kung paano natuto ang bawat isa sa atin sa mga Young Women at Young Men General Presidency na magtiwala sa Panginoon.

Young Women General Presidency

Michelle D. Craig

Bonnie H. Cordon

Rebecca Craven

Magtiwala sa mga Motibo ng Diyos

Ilang araw lang bago ako nag-16 anyos, lumipat ang pamilya ko sa ibang bansa. Inisip ko na maling-mali ang tiyempo nito. Sa pagbabalik-tanaw, malinaw kong nakita na ang ilan sa pinakamalalaking pagpapala para sa aming pamilya at para mismo sa akin ay dumating dahil sa paglipat na iyon noong tinedyer ako. Maaaring hindi natin maunawaan ang takdang panahon ng Panginoon sa ngayon, pero nagtitiwala tayo sa Kanya dahil mapagkakatiwalaan natin ang Kanyang puso at mga motibo.

Michelle D. Craig

Magtiwala sa Takdang Panahon ng Panginoon

Dahil tinawag ang aking ama bilang mission president, tinanggap ko ang sarili kong tawag na magmisyon nang mas maaga kaysa sa itinalagang edad para sa mga sister missionary. Nangahulugan iyan na papasok ako sa missionary training center bago sumapit ang graduation sa hayskul. Sa akin, hindi ko maunawaan ang tiyempo, pero nakatanggap ako ng malakas na espirituwal na pagpapatibay na magtiwala sa Panginoon. Ginawa ko iyon, at maganda ang naging takbo ng mga pangyayari.

Ang ibig sabihin ng magtiwala sa Panginoon ay sumulong kahit hindi lubos na malinaw ang landas.

Bonnie H. Cordon

Magtiwala sa Diyos sa Mahihirap na Panahon

Habang lumalaki ako, isang opisyal ng Army o hukbong-sandatahan ang aking ama. Ang tanging bagay na hindi maganda sa kanyang trabaho ay na kinailangan siyang magpunta sa digmaan. Ako ay 13 taong gulang nang magpunta ang tatay ko sa Vietnam sa ikalawang pagkakataon. Ang takot na baka hindi na siya makabalik ay laging nasa isip ko, pero gayon din ang tiwala ko sa Panginoon. Bago umalis, binigyan ako ng basbas ng tatay ko na tinitiyak sa akin na sasamahan at tutulungan ako ng Panginoon habang wala ang tatay ko. Nakadama ako ng kapayapaan. Bagama’t hindi ko alam kung makakauwi nang ligtas ang tatay ko, nagtiwala ako na magiging maayos ang lahat, anuman ang mangyari.

Rebecca Craven

Young Men General Presidency

Ahmad S. Corbitt

Steven J. Lund

Bradley R. Wilcox

Ipagkatiwala ang Iyong Sarili sa Diyos

Nang sumapi ako sa Simbahan noong tinedyer ako, nagpasiya akong ibigay ang aking buhay, panahon, at puso sa Panginoon. Bagama’t medyo nakakatakot ang gayong uri ng permanenteng katapatan, alam kong tama iyon. Nadama ko na iyon ang nais ipagawa sa akin ng aking Ama sa Langit, at nagkaroon ako ng kapayapaan sa paggawa nito. Masayang-masaya ako na pinili kong magtiwala sa Diyos at hayaan Siyang manaig sa aking buhay. Natitiyak ko na kung umasa ako sa sarili kong pang-unawa, hindi magiging ganito kasaya, kaligaya, at kapayapa ang buhay ko.

Ahmad S. Corbitt

Magtiwala sa Inspirasyon ng Panginoon

Pagkatapos kong magmisyon, nadama kong dapat akong sumali sa militar sa halip na bumalik sa kolehiyo. Iyon ang pinakaayaw kong gawin! Nagulumihanan ako, pero natuto akong magtiwala sa Diyos, at nagkaroon ako ng sapat na pananampalataya para pakinggan Siya at sundin. Tatlong taon akong naging sundalo.

Dumaloy ang napakaraming mabubuting bagay sa buhay ko dahil sa desisyong iyon, pati na ang pagkikilala namin ng magiging asawa ko.

Steven J. Lund

Magtiwala sa mga Pahiwatig ng Diyos na Kumilos Ngayon

Pagkatapos kong magturo ng grade six sa loob ng tatlong taon, nalaman ko na kung magtuturo ako nang apat pang taon, babayaran ng distrito ng paaralan ang bahagi ng matrikula ko para matanggap ang aking master’s degree. Parang magandang plano iyon—hanggang sa ipadama sa akin ng Espiritu na magbitiw sa trabaho at bumalik at tapusin ang aking degree noon mismo. Gayon din ang pahiwatig sa asawa ko, kaya humayo kami. Nangahulugan iyon na kami mismo ang magbabayad ng matrikula. Pero dahil ginawa namin iyon, natanggap ako at nagturo sa BYU—Provo. Hindi sana dumating ang oportunidad na iyon kung apat na taon pa kaming naghintay. Hindi namin alam kung paano magiging maayos ang mga bagay-bagay, pero ginabayan ng Panginoon ang aming mga landasin tulad ng ipinangako Niya.

Bradley R. Wilcox