“Sila ay Akin at Kilala Ko Sila,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
“Sila ay Akin at Kilala Ko Sila”
Nadama mo na ba minsan na wala kang kabuluhan? Maaaring nadama mo na ito nang maisip mo kung ilan ang mga tao sa mundo o tiningnan mo kung ilang bituin ang nasa kalangitan. Naisip mo na ba kung talagang alam ng Diyos kung sino ka at ano ang klase ng pamumuhay mo? Kung gayon, may mensahe si Moises para sa iyo.
Sa isang pangitain, ipinakita ng Diyos kay Moises ang bawat butil ng lupa at lahat ng taong maninirahan doon. Sila ay “di mabilang na gaya ng buhangin sa dalampasigan” (Moises 1:28). Pagkatapos ay sinabi ng Diyos kay Moises na gumawa Siya ng “mga daigdig na di mabilang” (Moises 1:33)—na ang Kanyang mga nilikha ay higit pa sa mundong ito.
Malamang na nalungkot si Moises nang makita niya ang lahat ng ito. Marahil ay inisip niya: Saan ako nabibilang sa napakaraming nilikha? At paano masusubaybayan ng Diyos ang napakaraming bagay?
Simple lang ang sagot ng Diyos: “Lahat ng bagay ay bilang sa akin.” Paano? “Sila ay akin at kilala ko sila” (Moises 1:35). Kilala ng Diyos kung sino si Moises, tulad ng pagkakakilala Niya sa lahat ng Kanyang mga anak, gayundin ang lahat ng Kanyang nilikha. Silang lahat ay sa Kanya—ang mga bituin, buhangin, at lalo na ang Kanyang mga anak sa lupa. Sila ang pinakadahilan kaya Niya nilikha ang mundo. Ang kanilang walang-hanggang kaligtasan ang pinakamahalagang gawain ng Diyos.
“Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Tulad ng natutuhan ni Moises kung saan siya umaakma sa plano ng Diyos, makatitiyak ka rin na kilala ka ng Diyos! Ang pagtulong sa iyo na makabalik sa Kanya ay ang Kanyang gawain at kaluwalhatian. Bakit? Dahil ikaw ay sa Kanya. At walang hindi makabuluhan tungkol diyan!