“Kilala Ako ng Ama sa Langit,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.
Ang Tema at Ako
Ibinahagi ng mga kabataan kung paano nila ipinamumuhay ang mga salita sa Mga Tema ng Young Women at Aaronic Priesthood Quorum
Kilala Ako ng Ama sa Langit
“Ako ay minamahal na anak na lalaki ng Diyos.”
Nang magkamping kami ng tatay ko, nagkaroon ng espesyal na sandali sa aming pagsasama na hinding-hindi ko malilimutan. Naglakad kami paakyat ng gilid ng isang bundok sa kalaliman ng gabi at nakakita kami ng isang lugar na mauupuan namin. Nang tumingin kami sa kalangitan noong gabing iyon, naliligiran kami ng mga pinaka-makikinang na bituing nakita ko sa tanang buhay ko. Matagal kaming nakaupo nang magkatabi, na isa-isang pinangangalanan ang mga planeta at konstelasyon.
Nang tingnan ko ang sansinukob na nasa harapan ko, pakiramdam ko ay napakaliit ko at hindi mahalaga. Ni hindi ko mawari kung ilang iba pang planeta ang naroon—“mga daigdig na walang katapusan,” tama ba? Ano ako kung ikukumpara sa lahat ng iyon?
Tinanong ko ang tatay ko kung may iba pang buhay doon sa sansinukob, na nabibigatan na sa ideyang iyon. Maaaring nabasa niya ang mga iniisip ko, dahil sinabi lang niya: “Ito ang alam ko. Maraming nilikha ang Ama sa Langit, tulad ng nakikita mo. Pero sa lahat ng Kanyang mga nilikha, ikaw ay personal na minamahal Niya.
“Nakikita Niya ang lahat ng pinagdaraanan mo at nais Niya higit sa lahat na maging bahagi ng buhay mo. Nais Niyang maghatid sa iyo ng kagalakan at tulungan kang makabalik sa Kanyang piling magpakailanman.”
Nanliit pa rin ako sa ilalim ng napakalaking kalangitan noong gabing iyon, pero pinaniwalaan ko ang patotoo ng tatay ko. Mahalaga ako sa Ama sa Langit. At nais Niyang maging bahagi ng buhay ko.
Naalala ko ang itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, na noo’y Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Ito ang kabalintunaan ng tao: kung ihahambing sa Diyos, ang tao ay walang kabuluhan; subalit tayo ang pinakamahalaga sa Diyos.”1
Tulad ng mabituing kalangitang iyon, ang mga nilikha ng Diyos ay walang katapusan—pero gayon din ang pagmamahal Niya sa bawat isa sa Kanyang mga anak. Sa bawat isa sa atin. Kung minsa’y ginugunita ko ang sandaling iyon na nakaupo ako sa isang bundok na namamangha. Maaaring balewala ako kumpara sa Diyos, pero hindi ganoon ang iniisip Niya. Ako ay Kanyang anak, at kilala Niya ako.
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.