2022
Paghahanap kay Jesucristo sa Lumang Tipan
Enero 2022


“Paghahanap kay Jesucristo sa Lumang Tipan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Paghahanap kay Jesucristo sa Lumang Tipan

Narito ang tatlong paraan na mahahanap mo ang Tagapagligtas habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan sa taong ito.

Jesucristo

Pop quiz: Aling mga aklat ng banal na kasulatan ang tungkol kay Jesucristo? Hmm. Tingnan natin:

Ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan tungkol sa Kanya.

Ang Doktrina at mga Tipan ay isang koleksyon ng mga mensahe Niya kay Joseph Smith at sa iba pang mga propeta.

Inilalarawan ng Bagong Tipan ang mga pangyayari sa Kanyang buhay.

Pero ano naman ang Lumang Tipan? Nagtuturo rin ba ito sa atin tungkol kay Jesucristo?

Oo! Sa katunayan, dinagdagan ng Tagapagligtas ang Kanyang pagsisikap na ipaunawa sa Kanyang mga disipulo ang Kanyang tungkulin sa Lumang Tipan: “At magmula kay Moises at sa mga propeta ay ipinaliwanag niya sa kanila ang mga bagay tungkol sa kanya sa lahat ng mga kasulatan” (Lucas 24:27).

Narito ang tatlong paraan na mahahanap mo ang Tagapagligtas habang pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan sa taong ito.

1. Mga talata sa banal na kasulatan na binabanggit ang paggamit ni Jesucristo ng ibang pangalan.

Sa Lumang Tipan, madalas tawagin si Jesus na “Panginoon” o “Diyos.” Kabilang sa mga bersyon ng Biblia na inilathala ng Simbahan ang mga footnote na magpapaunawa sa iyo kung kailan tumutukoy ang isang talata kay Jesucristo. Halimbawa, nang kausapin ni Moises ang Diyos sa isang nagliliyab na palumpong (tingnan sa Exodo 3:6), nililinaw ng mga footnote na kausap niya ang Tagapagligtas.1 Hinikayat na tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na pag-aralan ang iba’t ibang pangalan at titulo ni Cristo na ginamit sa mga banal na kasulatan.2

2. Mga bagay at kaganapang nagpapaalala sa atin kay Jesucristo.

Maraming talata sa Lumang Tipan ang may mga simbolong maaaring magturo sa atin tungkol kay Jesucristo at magpaalala sa atin ng tulong na inaalok Niya sa atin. Halimbawa:

  • Maraming talatang naglalarawan ng mga panahon kung saan inutusan ang mga tao na magsakripisyo ng mga hayop bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Halimbawa, kung minarkahan ng mga anak ni Israel ng dugo ng kordero ang kanilang pintuan, protektado sila mula sa isang nakakakilabot na salot. Ang mga sakripisyong ito ay nagpapaalala sa atin na tinulutan ni Jesucristo ang Kanyang sarili na mapatay bilang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala upang madaig ang espirituwal at pisikal na kamatayan. (Tingnan sa Exodo 12:13.)

  • Minsa’y kinailangan ng isang propetang nagngangalang Elijah na magtago sa disyerto. Nalungkot siya at sinabi niya na sana’y namatay na siya. Habang siya’y natutulog, mahimalang lumitaw ang tinapay at tubig, na sapat na nakapagpalakas ng kanyang katawan at kalooban para magpatuloy. Maaari itong magpaalala sa atin na si Jesucristo ang Tubig na Buhay at Tinapay ng Buhay, ang pinakadakilang pinagmumulan ng pag-asa at buhay. (Tingnan sa 1 Mga Hari 19:1–8.)

  • Ilawan sa aking mga paa ang salita mo,” pagsulat ng isang mang-aawit (Mga Awit 119:105). At nagpatotoo si Mikas, “Kapag ako’y naupo sa kadiliman, ang Panginoon ay magiging aking ilaw” (Mikas 7:8). Ipinapaalala sa atin ng kanilang mga salita na si Jesucristo ang Ilaw ng Sanlibutan, na gumagabay sa atin pabalik sa ating tahanan sa langit.

Habang nagbabasa ka, maaari mo pa ngang matuklasan ang iba pang mga bagay na nagpapaalala sa iyo kay Jesucristo at sa Kanyang kakayahang iligtas tayo. Halimbawa, nang maligtas ang pamilya ni Noe mula sa baha sa arka o nang bigyan ng panahon si Jonas na magsisi habang nasa tiyan ng balyena. Ang mga kaganapang ito ay maaaring magpaalala sa atin na makakalagpas tayo sa mga unos ng buhay sa tulong ng Tagapagligtas at mabibigyan Niya tayo ng mga pagkakataong makabalik sa tamang landas. (Tingnan sa Genesis 7:1; Jonas 1:17.)

3. Mga talatang nagpopropesiya tungkol sa pagsilang ni Jesucristo.

Ngayo’y umaasam at naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sa gayunding paraan, umasam at sumulat ang mga propeta ng Lumang Tipan tungkol sa Kanyang unang pagparito, noong Siya’y isinilang sa mundo. Halimbawa:

  • Inilarawan ng isang propetang nagngangalang Balaam kung paano “lalabas ang isang bituin sa Jacob” (Mga Bilang 24:17). Ang ibig sabihin nito ay isisilang ang Tagapagligtas sa angkan ni Jacob (o Israel).

  • Sinabi ng isang propetang nagngangalang Natan kay Haring David na si Jesucristo ay magiging isa sa mga inapo ni David—na itatatag ng kanyang angkan ang “trono ng kanyang kaharian magpakailanman” (2 Samuel 7:13).

  • Isinulat ng propetang si Isaias ang ilan sa pinakatanyag na mga paglalarawan sa Tagapagligtas sa Lumang Tipan. Ang ilan sa kanyang mga salita ay ginamit bilang mga titik ng musika ni Handel na Messiah, na madalas kantahin sa Kapaskuhan. (Tingnan sa Isaias 7; 9; 40; 53.)

batang babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan na may dalang flashlight

Sa kaunting praktis, mahahanap mo si Jesucristo sa buong Lumang Tipan sa taong ito. Partikular na minamahal ka Niya, tulad ng pagmamahal Niya kina Adan at Eva, Aaron at Miriam3—at sa marami pang iba na personal Niyang pinaglingkuran sa sinaunang nagbibigay-inspirasyong mga salaysay na ito. Sa pagsampalataya kay Jesucristo, at sa tulong ng isa’t isa, magiging kamangha-manghang taon ito ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan!