“Pagdaig sa mga Taktika ni Satanas,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Ene. 2022.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pagdaig sa mga Taktika ni Satanas
Ginagawa ni Satanas ang lahat para linlangin tayo. Mabuti na lang at may tulong mula sa langit para maiwasan ang kanyang mga patibong.
Pinapitik ng salamangkero ang kanyang mga daliri at naglaho ang isang bola sa harap mismo ng iyong mga mata.
Kamangha-mangha!
Pagkatapos ay dinukot niya ang isang kuneho mula sa isang sumbrerong walang laman at pinalitaw na nakalutang ang isang bagay.
Grabe! Paano niya ginawa iyon?
Naisip ng mga salamangkero kung paano paniwalain ang mga tao na nakasaksi sila ng isang bagay na imposible samantalang, ang totoo, nakita lang nila ang gusto ng salamangkero na makita nila.
Tama iyan! Hindi naman talaga nilalagare ng mga salamangkero ang mga assistant nila. Nakahanap sila ng mga tusong paraan para lokohin tayo at isipin natin na may nakita tayong isang bagay na hindi naman talaga nangyari. Ang lihim ay nasa mga ilusyon at panlilinlang.
Bagama’t lahat ng ito ay ginagawa para magsaya at malibang, ang iba pang mga uri ng ilusyon at panlilinlang ay mapanganib—kapwa sa pisikal at sa espirituwal.
Isang Mapanganib na Ilusyonista at Manlilinlang
Si Satanas ang kaaway ng lahat ng kabutihan at ayaw niyang sundin ng sinuman ang Ama sa Langit at si Jesucristo. Nais niya tayong maging miserableng katulad niya (tingnan sa 2 Nephi 2:27).
Para maisakatuparan ito, ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para pagdudahan o balewalain natin ang mga walang-hanggang katotohanan. Walang humpay siyang gumagawa upang lituhin tayong maniwala na ang mabuti ay masama at ang masama ay mabuti (tingnan sa Isaias 5:20). Kaya nga kilala siya kung minsan bilang ama ng mga kasinungalingan at dakilang manlilinlang (tingnan sa Moises 4:4). At napakatagal na niya itong ginagawa.
Ang Pagkahulog
Sa Halamanan ng Eden, inutusan ng Diyos sina Adan at Eva na huwag kainin ang bunga ng punungkahoy ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Kung gagawin nila iyon, kailangan nilang lisanin ang Halamanan ng Eden at mamamatay sila kalaunan. Ngunit sinabi sa kanila ng Diyos na maaari silang pumili (tingnan sa Moises 3:16–17).
Nais ni Satanas na sirain ang plano ng Diyos. Tinangka niyang tuksuhin si Eva na kainin ang ipinagbabawal na bunga. Nagsinungaling siya at sinabihan niya si Eva na hindi siya mamamatay (na tuwirang salungat sa sinabi ng Diyos). Sinabihan din niya si Eva ng mga katotohanang may halong kasinungalingan (tingnan sa Moises 4:11).
Kalaunan, parehong kinain nina Adan at Eva ang bunga at pinalayas sila mula sa presensya ng Diyos. Tinatawag ito sa mga banal na kasulatan na “espirituwal na kamatayan.” Naging mortal din sila, na ibig sabihin ay maaari silang pisikal na mamatay. Ito ang tinatawag na Pagkahulog.
Bilang mga inapo nina Adan at Eva, nahiwalay rin tayo sa presensya ng Diyos at daranas ng pisikal na kamatayan. Sinusubok din tayo ng mga hirap ng buhay at mga tukso ni Satanas.
Maaaring parang masama ang lahat ng ito, pero ang Pagkahulog ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit. Binibigyan tayo nito ng pagkakataong matuto at lumago sa pamamagitan ng paggamit ng ating kalayaan na piliing gumawa ng mabuti. At dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong magsisi kapag nagkasala tayo at maghandang tumanggap ng buhay na walang hanggan. Lahat ng nangyari sa Pagkahulog, itinatama ni Jesucristo. Hindi napigilan ni Satanas ang plano ng Diyos.
Pagdaig sa mga Taktika ni Satanas
Patuloy pa ring sinusubukan ngayon ni Satanas na lokohin at linlangin tayo. Narito ang ilang paraan na ginagawa niya ito:
1. Tukso.
Gusto ni Satanas na maglagay ng marurumi at masasamang ideya sa ating daanan. Nais Niyang pumasok ang mga bagay na ito sa ating isipan at pakilusin tayo ayon sa mga ito. Mapaglalabanan natin ang tuksong ito sa pagsasabi kay Satanas na lumayas (tingnan sa mensahe ni Elder Stevenson sa pahina 4). Ang isa sa ating pinakamabibisang proteksyon laban sa tukso ay ang laging manalangin (tingnan sa Alma 13:28; 3 Nephi 18:15). Maaari din nating basahin at pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Inihahatid ng mga ito ang Espiritu sa ating puso, muling tinitiyak sa atin kung ano ang totoo, at pinatitibay tayo laban sa tukso sa hinaharap.
2. Mga Kasinungalingan at Panlilinlang
Kung minsa’y sinasabihan tayo ni Satanas ng mga bagay na tulad ng: “Wala kang ginawang tama kahit kailan,” “Napakabigat ng kasalanan mo para mapatawad,” “Imposibleng magbago,” o “Wala kang halaga at wala talagang nagmamalasakit sa iyo.”
Ito ay mga kasinungalingan. Huwag paniwalaan ang mga ito! Heto ang totoo: Mahal ka ng Diyos at nagagalak Siya sa iyo dahil ikaw ay Kanyang anak. Kahanga-hanga ka! Napakarami mong potensyal, at kapag sinusunod mo Siya, maganda ang iyong hinaharap! Kahit nakagawa ka ng mga pagkakamali, may pag-asa ka pa rin at, kasama si Cristo, mababago mo ang mga bagay-bagay.
Lagi mong maaasahan na magsisinungaling sa iyo si Satanas. Maaasahan mo rin na laging sasabihin sa iyo ng Espiritu ang totoo (tingnan sa Jacob 4:13). Isang dahilan iyan kaya mahalagang magsikap na laging mapasaatin ang Espiritu.
Matutukoy at mapaglalabanan din natin ang mga kasinungalingan ni Satanas sa pamamagitan ng regular na pagbabasa ng mga banal na kasulatan at ng mga mensahe mula sa mga pinuno ng Simbahan. Makakahanap ka ng nagpapalakas na mga talata sa banal na kasulatan o mga sipi para ipaalala sa iyo ang mga katotohanang kumokontra sa mga kasinungalingan ni Satanas. Maaari mong isaulo ang mga ito o ilagay ang mga ito sa isang lugar kung saan madalas mong makikita ang mga ito.
3. Kawalan ng pag-asa
Gustung-gusto ni Satanas kapag pinanghihinaan tayo ng loob. Nais Niyang paniwalaan natin na anuman ang nagpapahina ng ating loob ay hindi na mawawala. Pero hindi totoo iyan.
Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na nais ni Satanas na paniwalaan natin ito “Dahil alam [ni Satanas] na siya ay hindi na uunlad, na siya ay hindi na susulong, at sa mga daigdig na iyon na walang katapusan siya ay hindi magkakaroon ng magandang bukas. Siya ay isang kaaba-abang nilalang na may walang-hanggang limitasyon, at nais niyang maging kaaba-aba rin tayo. Huwag magpatangay [diyan].”1
Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na maging masaya ka. Kung babaling tayo sa Kanila, matutulungan ka Nilang tiisin ang mga pagsubok at makasumpong ng kapayapaan at kagalakan.
Alam Natin Kung Sino ang Panalo sa Huli
Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas na “isaalang-alang [Siya] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36). Kapag sinunod natin ang paanyayang ito, ang Kanyang nagbabayad-salang biyaya at kapangyarihan ay laging magiging mas malakas kaysa sa mga pagtatangka ni Satanas na linlangin tayo. Hindi tayo kailangang mahulog sa mga taktika ni Satanas. Maaari tayong magkaroon ng tapang at lakas na daigin ang mga tukso ni Satanas at tiisin ang mga hamon ng buhay.
Sinabi ng Tagapagligtas, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay” (Juan 8:12). Sinabi rin Niya, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan” (Juan 16:33).
Mapapasigla at mapapalakas tayo ni Jesucristo laban sa anumang taktikang sinusubukang gamitin ni Satanas laban sa atin. Kapag naaalala natin ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga turo, malalaman natin ang mga panloloko at ilusyon ni Satanas at makikita ang “mga bagay kung ano talaga ang mga ito” (Jacob 4:13).