2010–2019
Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos
Oktubre 2017


2:3

Upang ang Inyong Kagalakan ay Malubos

Si Jesucristo ang pinagmumulan ng lahat ng paggaling, kapayapaan, at walang-hanggang pag-unlad.

Mahal kong mga kapatid, nagagalak akong makasama kayo. At iyan ang gusto kong sabihin sa inyo sa umagang ito—ang pagkakaroon ng lubos na kagalakan.

Sabi sa ulo ng balita kamakailan, “Sinalanta ng mga kalamidad ang bansa [at] ang mundo.”1 Sa mga pagbagyo at pagbaha, sa matinding init at tagtuyot, sa malalaking sunog at mga lindol, sa mga digmaan at malulubhang sakit, tila “ang buong mundo ay [n]agkakagulo.”2

Milyun-milyon ang nawalan ng tirahan, at napakaraming buhay ang nabagabag sa mga pagsubok na ito. Ang pagtatalo sa mga pamilya at komunidad pati na ang paghihirap ng kalooban na may kasamang takot, pagdududa, at di-natupad na mga inaasam ay lumiligalig din sa atin. Mahirap madama ang kagalakang itinuro ni Lehi na layunin ng buhay.3 May mga pagkakataon na naitanong na nating lahat, “Saan naroon ang aking kapayapaan? Kung ang ginhawa’y ’di ko matagpuan … ?”4 Itinatanong natin, paano ako magagalak sa kabila ng mga paghihirap sa buhay?

Tila napakasimple ng sagot, ngunit napatunayan na ito noon pang panahon ni Adan. Ang walang-hanggang kagalakan ay nasa pagtutuon sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo at pamumuhay ayon sa ebanghelyo na tulad ng ipinakita at itinuro Niya. Kapag lalo tayong nag-aral tungkol kay Jesucristo, sumampalataya, at tumulad sa Kanya, mas mauunawaan natin na Siya ang pinagmumulan ng lahat ng paggaling, kapayapaan, at walang-hanggang pag-unlad. Inaanyayahan Niya tayong lumapit sa Kanya,5 na inilarawan ni Pangulong Henry B. Eyring na “pinakamahalagang paanyayang matatanggap ng sinuman.”6

Matuto kay Jesucristo

Paano tayo lalapit sa Kanya? Noong Abril, hinikayat tayo nina Pangulong Russell M. Nelson at Elder M. Russell Ballard na pag-aralan ang “Ang Buhay na Cristo”7 bilang bahagi ng pag-aaral tungkol sa Tagapagligtas. Marami nang tumanggap sa hamong iyon at napagpala. Kamakailan lang, binigyan ng kaibigan ko ang kanyang mga anak ng mga kopya ng pahayag na ito na may mga larawan ng ebanghelyo para mailarawan ang bawat parirala. Hinikayat niya ang kanyang mga anak na tulungan ang kanyang mga apo na maunawaan at maisaulo ito. Kalaunan, ipinakita sa akin ng kaibigan ko ang video ng kanyang anim-na-taong gulang na apong babae, si Laynie, na binibigkas nang buong sigla at tikas ang kanyang isinaulong bersyon. Napag-isip-isip ko na kung kaya iyon ng isang sais anyos, kaya ko rin!

Si Laynie, na nagsaulo ng “Ang Buhay na Cristo”

Nang pag-aralan ko ang buhay at mga turo ni Jesucristo nang may higit na pagtutuon at maisaulo ko ang “Ang Buhay na Cristo,” nag-ibayo ang pasasalamat at pagmamahal ko sa ating Tagapagligtas. Bawat pangungusap ng inspiradong pahayag na iyon ay may aral at lalo kong naunawaan ang Kanyang banal na tungkulin at misyon sa lupa. Ang natutuhan at nadama ko sa panahong ito ng pag-aaral at pagninilay ay nagpapatunay na talagang si Jesus “ang liwanag, ang buhay, at pag-asa ng mundo.”8 Ang sinaunang banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta na isinulat o sinambit para purihin Siya ay nagpapatotoo na “Siya ang daan na naghahatid sa kaligayahan sa buhay na ito at buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”9

Sumampalataya kay Jesucristo

Kapag pinag-aralan ninyo ang buhay at mga turo ni Cristo sa maraming paraan, mag-iibayo ang pananampalataya ninyo sa Kanya. Malalaman ninyo na mahal Niya ang bawat isa sa inyo at lubos kayong nauunawaan. Sa Kanyang 33 taon sa mortalidad, Siya ay tinanggihan; inusig; nagutom, nauhaw, at napagod;10 nalungkot; nilait at sinaktan; at sa huli, namatay sa napakasakit na paraan sa kamay ng mga makasalanan.11 Sa Halamanan ng Getsemani at sa krus ng Kalbaryo, nadama Niya ang lahat ng ating pasakit, hirap, tukso, karamdaman, at kahinaan.12

Anuman ang ipinagdusa natin, Siya ang pinagmumulan ng paggaling. Ang mga taong nakaranas ng anumang uri ng pang-aabuso, nakapanlulumong kawalan, pabalik-balik na sakit o pagkabaldado, mga maling paratang, matinding pang-uusig, o espirituwal na kapahamakan dahil sa kasalanan o di-pagkakaunawaan ay mapapagaling lahat ng Manunubos ng sanlibutan. Gayunman, hindi Siya darating nang walang paanyaya. Dapat tayong lumapit sa Kanya at tulutan Siyang gawin ang Kanyang mga himala.

Isang magandang araw ng tagsibol iniwan kong bukas ang pinto para malanghap ko ang sariwang hangin. Isang maliit na ibon ang lumipad sa bukas na pinto at nalamang hindi iyon ang gusto nitong puntahan. Tarantang nagpaikot-ikot ito sa silid, paulit-ulit na lumilipad papunta sa salamin ng bintana para makalabas. Sinubukan kong dahan-dahan itong itaboy papunta sa pinto, pero natakot ito at mabilis na lumipad palayo. Sa huli’y dumapo ito sa ibabaw ng kurtina ng bintana na pagod na pagod. Kumuha ako ng walis at dahan-dahang itinaas ang tambo kung saan nakadapo ang takot na ibon. Nang ilapit ko ang walis sa mga paa nito, bantulot na tumapak ang ibon sa tambo. Dahan-dahan akong lumakad papunta sa bukas na pinto, na hawak na maigi ang walis para hindi ito gumalaw. Pagkarating namin sa pinto, mabilis na lumipad ang ibon patungo sa kalayaan.

Tulad ng ibong iyon, kung minsan ay takot tayong magtiwala dahil hindi natin maunawaan ang lubos na pagmamahal at hangarin ng Diyos na tulungan tayo. Ngunit kapag pinag-aralan natin ang plano ng Ama sa Langit at misyon ni Jesucristo, mauunawaan natin na ang tanging hangad Nila ay ang ating walang-hanggang kaligayahan at pag-unlad.13 Natutuwa Silang tulungan tayo kapag tayo’y humingi, naghanap, at tumuktok.14 Kapag nanampalataya tayo at mapagpakumbaba nating tinanggap ang Kanilang mga sagot, hindi tayo mahahadlangan ng ating mga maling pagkaunawa at hinuha, at maipapakita sa atin ang daan.

Si Jesucristo ay pinagmumulan din ng kapayapaan. Inaanyayahan Niya tayong “sumandig sa [Kanyang] malakas na bisig”15 at nangangako ng “kapayapaan … na di masayod ng pagiisip,”16 na nadarama kapag ang Kanyang Espiritu ay “[bumubulong] ng kapayapaan sa [ating] mga kaluluwa”17 anuman ang ating mga pagsubok. Mga personal na alalahanin man ito, problema sa pamilya, o krisis sa komunidad, darating ang kapayapaan kapag nagtiwala tayo na may kapangyarihan ang Bugtong na Anak ng Diyos na aliwin ang ating nasaktang kaluluwa.

Si Snježana Podvinski, isang miyembro sa Croatia

Si Snježana Podvinski, isa sa iilang Banal sa Karlovac, Croatia, ay sumandig sa Tagapagligtas nang mamatay ang kanyang asawa at mga magulang sa loob ng anim na buwan noong nakaraang taon. Nagdadalamhati, ngunit may patotoo na magkakasama-sama ang pamilya magpakailanman, ginamit niya ang lahat ng ipon niya para makapunta sa templo, kung saan siya ay ibinuklod sa kanyang asawa at mga magulang. Ikinuwento niya na ang mga araw na iyon sa templo ang pinakamagandang nangyari sa kanyang buhay. Dahil sa matibay niyang patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, nadama niya ang kapayapaan at paggaling na nagpalakas din sa mga tao sa kanyang paligid.

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay hindi lang paggaling at kapayapaan ang kaloob. Tulad ng ibinahagi ni Pangulong Henry B. Eyring: “Noon ko pa pinasasalamatan ang maraming paraan ng pagdalaw sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng Mang-aaliw kapag kailangan ko ng kapayapaan. Subalit ang inaalala ng ating Ama sa Langit ay hindi lamang ang ating kapanatagan kundi higit pa rito ay ang ating pag-unlad.”18

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na may kaloob na pagtubos at pagkabuhay na mag-uli, maaari tayong magsisi, magbago, at umunlad nang walang hanggan. Dahil sa lakas na ibinibigay Niya kapag tayo’y masunurin, nagiging higit pa tayo sa kaya nating marating nang mag-isa. Maaaring hindi natin lubos na maunawaan kung paano, ngunit bawat isa sa atin na nag-ibayo ang pananampalataya kay Cristo ay nakatanggap din ng higit na pagkaunawa sa ating banal na pagkatao at layunin, na humahantong sa mga desisyong akma sa kaalamang iyan.

Ituring man tayo ng mundo na kasingbaba ng “mga hayop lang,”19 ang nalaman natin na ang Diyos ay ating Ama ay tumitiyak sa atin na tayo’y may banal na potensyal at may maringal na patutunguhan. Sabihin man sa atin ng mundo na walang layunin ang buhay na ito, ang pagkaalam na ginawang posible ng Bugtong na Anak ng Diyos na tayo’y matubos at mabuhay na mag-uli ay nagbibigay sa atin ng pag-asang umunlad nang walang-hanggan.

Tumulad kay Jesucristo

Kapag mas nakilala natin si Jesucristo, lalago ang ating pananampalataya sa Kanya at kusa nating gugustuhing tularan ang Kanyang halimbawa. Ang pagsunod sa Kanyang mga kautusan ang nagiging pinakamatindi nating hangarin. Hinahangad nating ibsan ang pagdurusa ng iba, tulad ng ginawa Niya, at gusto nating madama nila ang kapayapaan at kaligayahang nadama natin.

Bakit napakabisa ng pagsisikap nating gawin ang ginawa Niya? Dahil kapag kumilos tayo ayon sa ating pananampalataya, patototohanan ng Espiritu Santo ang walang-hanggang katotohanan.20 Itinuro ni Jesus sa Kanyang mga disipulo na sundin ang Kanyang mga kautusan dahil alam Niya na kapag tinularan natin ang Kanyang halimbawa, makadarama tayo ng kagalakan, at kapag patuloy tayong tumahak sa Kanyang landas, malulubos ang ating kagalakan. Ipinaliwanag Niya, “Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang ang aking kagalakan ay mapasa inyo, at upang ang inyong kagalakan ay malubos.”21

Nakasalig ba ang ating patotoo sa matibay na pundasyon ni Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Kapag hinagupit tayo ng mga unos ng buhay, agad ba tayong maghahanap ng guide book o internet post para sa tulong? Ang pag-uukol ng oras na palaguin at patatagin ang ating kaalaman at patotoo tungkol kay Jesucristo ay maghahatid ng gantimpala sa mga panahon ng pagsubok at paghihirap. Ang araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan at pagninilay ng mga salita ng buhay na propeta, makabuluhang personal na pagdarasal, mapagnilay na pagtanggap ng sakramento bawat linggo, paglilingkod na tulad ng Tagapagligtas—bawat isa sa mga simpleng gawaing ito ay nagiging batong tutuntungan para sa masayang buhay.

Ano ang nagpapasaya sa inyo? Ang makita ang inyong mga mahal sa buhay matapos ang buong maghapon? Ang masiyahan sa trabahong mahusay na nagawa? Ang ningning sa mga mata ng iba kapag tinulungan ninyo sila sa kanilang pasanin? Ang mga titik ng himno na umaantig sa kaibuturan ng inyong puso? Ang mahigpit na pagkamay ng malapit na kaibigan? Mag-ukol ng pribadong sandali upang pagnilayan ang inyong mga pagpapala, at humanap ng mga paraan para maibahagi ito. Kapag pinaglingkuran at pinasigla ninyo ang inyong mga kapatid sa inyong komunidad o sa iba’t ibang dako ng mundong ito na puno ng kaguluhan, madarama ninyo ang higit na kapayapaan at paggaling at maging ang pag-unlad.

Lumapit sa Kanya. Pinatototohanan ko na kapag itinuon ninyo ang inyong buhay kay Jesucristo, magagalak kayo sa inyong sitwasyon, anuman iyon. Tunay ngang “Tanging [ang] Diyos”22 ang sagot. Mag-ukol ng oras na kilalanin si Jesucristo sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral, higit na pagsampalataya sa Kanya, at pagsisikap na maging higit na katulad Niya. Kapag ginawa natin ito, tayo man ay mahihikayat na sabihin, kasama ang munting si Laynie na, “Salamat sa Diyos para sa Kanyang walang-kapantay na kaloob na Kanyang banal na Anak.”23 Sa mapagpala at sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.