2010–2019
Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?
Oktubre 2017


2:3

Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?

Sa pinakamahimala at pambihirang paraan, itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Noong 1986, naimbitahan akong magbigay ng espesyal na lektyur sa isang unibersidad sa Accra, Ghana. Marami akong nakilalang mga dignitaryo roon, kabilang na ang hari ng isang tribo sa Africa. Habang nag-uusap kami bago ako maglektyur, kinausap ako ng hari sa pamamagitan ng kanyang linguist, na nagsalin para sa akin. Sumasagot ako sa linguist, at isinasalin ng linguist ang mga sagot ko sa hari.

Pagkatapos kong maglektyur, direkta akong nilapitan ng hari, ngunit sa sandaling ito ay wala ang kanyang linguist. Nagulat ako, nagsalita siya sa perpektong Ingles—sa Ingles pa ng Reyna, idaragdag ko lang!

Tila naguluhan ang hari. “Sino ka ba talaga?” tanong niya.

Sagot ko, “Ako ay inordenang Apostol ni Jesucristo.”

Nagtanong ang hari, “Ano ang maituturo mo sa akin tungkol kay Jesucristo?”

Sumagot ako nang patanong: “Maaari ko bang itanong kung ano na ang alam ninyo tungkol sa Kanya?”

Inihayag ng sagot ng hari na siya ay seryosong estudyante ng Biblia at isang taong nagmamahal sa Panginoon.

At itinanong ko kung alam ba niya ang tungkol sa ministeryo ni Jesucristo sa mga tao sa sinaunang Amerika.

Gaya ng inasahan ko, hindi niya alam ito.

Ipinaliwanag ko na pagkatapos ang Pagkakapako sa Krus at Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas, nagpunta Siya sa mga tao sa sinaunang Amerika, kung saan itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo. Itinatag Niya ang Kanyang Simbahan at hiniling sa Kanyang mga disipulo na mag-ingat ng talaan tungkol sa Kanyang ministeryo sa kanila.

“Ang talaang iyon,” sabi ko, “ay ang alam namin ngayon na Aklat ni Mormon. Ito ay isa pang tipan ni Jesucristo. Ito ay banal na kasulatang tulad ng Banal na Biblia.”

Sa puntong ito, naging lubhang interesado ang hari. Bumaling ako sa mission president na kasama ko at nagtanong kung may dala siyang kopya ng Aklat ni Mormon. Kinuha niya ang isa mula sa kanyang briefcase.

Binuklat ko ito sa 3 Nephi kabanata 11, at binasa namin ng hari ang sermon ng Tagapagligtas sa mga Nephita. Pagkatapos ay ibinigay ko ang kopya ng Aklat ni Mormon sa kanya. Tumimo sa aking puso’t isipan ang kanyang sagot: “Maaari mo akong bigyan ng mga diyamante o rubi, ngunit wala nang mas mahalaga sa akin kaysa sa dagdag na kaalamang ito tungkol sa Panginoong Jesucristo.”

Matapos maranasan ang kapangyarihan ng mga salita ng Tagapagligtas sa 3 Nephi, ipinahayag ng hari, “Kung ako ay magbabalik-loob at sasapi sa Simbahan, isasama ko ang buong tribo.”

“Oh, Hari,” sagot ko, “hindi po ganyan ang paraan. Ang pagbabalik-loob ay nangyayari sa bawat tao. Ang Tagapagligtas ay naglingkod sa bawat Nephita. Bawat tao ay tumatanggap ng pagsaksi at patotoo ng ebanghelyo ni Jesucristo.”1

Nangangaral si Jesucristo sa mga Nephita

Mahal kong mga kapatid, gaano kahalaga sa inyo ang Aklat ni Mormon? Kung aalukan kayo ng mga diyamante o mga rubi o ng Aklat ni Mormon, alin ang pipiliin ninyo? Ang totoo, alin ang mas mahalaga sa inyo?

Sa sesyon sa Linggo ng umaga ng pangkalahatang kumperensya ng Abril 2017, nakiusap sa atin si Pangulong Thomas S. Monson na “pag-aralan at pagnilayan nang may panalangin ang Aklat ni Mormon araw-araw.”2 Marami ang tumugon sa pakiusap ng ating propeta.

Gusto kong sabihin na hindi ko alam ni ang walong taong gulang na si Riley na kinukunan kami ng retrato. Mapapansin na binabasa ni Riley ang kanyang Aklat ni Mormon sa tulong ng bookmark na “Ako ay Anak ng Diyos.”

Si Pangulong Nelson at si Riley na nagbabasa ng mga banal na kasulatan

May makapangyarihang nangyayari kapag hangad ng isang anak ng Diyos na malaman pa ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Walang ibang lugar na itinuro ito nang mas malinaw at makapangyarihan kaysa sa Aklat ni Mormon.

Mula noong magbigay ng paanyaya si Pangulong Monson anim na buwan na ang nakalipas, sinikap kong sundin ang kanyang payo. Kabilang sa maraming bagay, gumawa ako ng listahan kung ano ang Aklat ni Mormon, ano ang pinagtitibay nito, ano ang pinabubulaanan nito, ano ang isinasakatuparan nito, ano ang nililinaw nito, at ano ang inihahayag nito. Kapag pinag-aralan natin ang Aklat ni Mormon sa gayong paraan marami tayong matututuhan at mahihikayat tayong ipamuhay ito! Hinihikayat kong gawin din ninyo ito.

Sa loob ng anim na buwang ito, inanyayahan ko rin ang iba’t ibang grupo—kabilang na ang mga Kapatid sa Korum ng Labindalawa, mga missionary sa Chile, at mga mission president at kanilang mga asawa na nakatipon sa Argentina—na isipin ang tatlong magkakaugnay na tanong na hinihimok kong pag-isipan ninyo ngayon:

Una, ano kaya ang magiging buhay ninyo kung wala ang Aklat ni Mormon? Pangalawa, ano ang hindi ninyo malalaman? At pangatlo, ano ang hindi mapapasainyo?

Ang masisiglang sagot mula sa mga grupong ito ay nagmula sa kaibuturan ng kanilang puso. Narito ang ilan sa mga sinabi nila:

“Kung wala ang Aklat ni Mormon, malilito ako sa magkakasalungat na turo at opinyon tungkol sa maraming bagay. Magiging tulad pa rin ako ng dati bago ko natagpuan ang Simbahan, noong naghahanap ako ng kaalaman, pananalig, at pag-asa.”

Sinabi ng isa pa: “Hindi ko malalaman ang papel na maaaring gampanan ng Espiritu Santo sa aking buhay.”

Isa pa: “Hindi ko mauunawaan nang malinaw ang layunin ko rito sa mundo!”

Sinabi ng isa pang sumagot: “Hindi ko malalaman na may patuloy na pag-unlad sa kabilang-buhay. Dahil sa Aklat ni Mormon, alam ko na talagang may kabilang-buhay. Ito ang pinakamithiin na ating pinagsisikapan.”

Itong huling komento ang nagpaisip sa akin ng buhay ko maraming dekada na ang nakalipas noong ako’y surgical resident pa lang. Isa sa mabibigat na responsibilidad ng isang surgeon, kung minsan, ay ang sabihin sa pamilya na namatay ang isang mahal sa buhay. Sa ospital kung saan ako nagtrabaho, isang espesyal na silid ang itinayo na may makapal na sapin sa dingding kung saan maaaring tanggapin ng pamilya ang ganitong balita. Doon, ipinakikita ng ilang tao ang pighati sa pag-uuntog ng ulo nila sa dingding na may makapal na sapin. Gustung-gusto kong ituro sa mga taong iyon na ang kamatayan, kahit mahirap sa mga naiwang mahal sa buhay, ay mahalagang bahagi ng ating pagiging imortal. Kailangan nating mamatay upang mapunta sa kabilang daigdig.3

Isa pang sumagot sa tanong ko ang nagsabing: “Wala akong layunin sa buhay noong hindi ko pa nababasa ang Aklat ni Mormon. Kahit na nanalangin ako at buong buhay na nagsimba, ang Aklat ni Mormon ang tumulong sa akin upang tunay na makipag-usap sa Ama sa Langit sa unang pagkakataon.”

Sinabi pa ng isa: “Kung walang Aklat ni Mormon, hindi ko mauunawaan na hindi lamang nagdusa ang Tagapagligtas para sa mga kasalanan ko, kundi kaya rin Niyang paghilumin ang aking mga pasakit at kalungkutan.”4

At isa pa: “Hindi ko malalaman na may mga propetang umaakay sa atin.”

Ang palagi at dibdibang pag-aaral ng mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay makapagpapabago ng buhay. Isa sa aming mga apong missionary, si Sister Olivia Nelson, ay nangako sa isang investigator na kung babasahin niya ang Aklat ni Mormon araw-araw, ang makukuha niyang grado sa mga eksamin sa unibersidad ay tataas. Ginawa nga niya, at nangyari nga.

Si Sister Olivia Nelson

Mahal kong mga kapatid, pinatototohanan ko na ang Aklat ni Mormon ay tunay na salita ng Diyos. Nilalaman nito ang mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay. Itinuturo nito ang doktrina ni Cristo.5 Pinalalawak at ipinaliliwanag nito ang maraming “malilinaw at mahahalagang”6 katotohanan na nawala sa paglipas ng mga siglo at maraming pagsasalin ng Biblia.

Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng ganap at lubos na mapaniniwalaang kaalaman tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo na matatagpuan sa buong aklat. Itinuturo nito kung ano ang tunay na kahulugan ng ipanganak na muli. Mula sa Aklat ni Mormon nalalaman natin ang tungkol sa pagtitipon ng nakalat na Israel. Alam natin kung bakit tayo narito sa lupa. Ito at ang iba pang mga katotohanan ay mas mabisa at nakahihikayat na itinuro sa Aklat ni Mormon kaysa alinmang aklat. Ang buong kapangyarihan ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nasa Aklat ni Mormon. Tapos.

Ang Aklat ni Mormon ay kapwa nililinaw ang mga turo ng Guro at inilalantad ang mga taktika ng kaaway.7 Ang Aklat ni Mormon ay nagtuturo ng totoong doktrina para ituwid ang mga maling tradisyon ng mga relihiyon—tulad ng maling kaugalian ng pagbibinyag sa mga sanggol.8 Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng layunin sa buhay sa paghikayat sa atin na pagnilayan ang potensyal na magkaroon ng buhay na walang hanggan at “walang katapusang kaligayahan.”9 Pinabubulaanan ng Aklat ni Mormon ang mga maling paniniwala na may kaligayahan sa kasamaan10 at ang kabutihan ng bawat isa lamang ang kailangan upang makabalik sa piling ng Diyos.11 Lubusan nitong inaalis ang mga maling konsepto na ang paghahayag ay nagwakas sa Biblia at ang kalangitan ay nakapinid ngayon.

Kapag iniisip ko ang Aklat ni Mormon, naiisip ko ang salitang kapangyarihan. Ang mga katotohanan ng Aklat ni Mormon ay may kapangyarihan na pagalingin, panatagin, ipanumbalik, tulungan, palakasin, aluin, at pasayahin ang ating kaluluwa.

Mahal kong mga kapatid, ipinangangako ko na sa mapanalanging pag-aaral ng Aklat ni Mormon araw-araw, makagagawa kayo ng mas maiinam na desisyon—sa araw-araw. Ipinangangako ko na habang pinagninilayan ninyo ang inyong pinag-aaralan, ang mga durungawan ng langit ay mabubuksan, at tatanggap kayo ng mga sagot sa inyong sariling mga tanong at patnubay sa inyong buhay. Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon, pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na mga adiksyon.

Sa tuwing maririnig ko ang sinuman, pati na ang sarili ko, na nagsasabing, “Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo,” gusto kong isigaw na, “Maganda ’yan, pero hindi sapat!” Kailangan nating madama, sa “kaibuturan” ng ating puso,12 na ang Aklat ni Mormon ay di-maikakailang salita ng Diyos. Kailangang madama natin itong mabuti upang hindi natin naising mabuhay kahit isang araw nang wala ito. Sasabihin ko ito nang halos kagaya ng pagkakasabi ni Pangulong Brigham Young na, “Sana ang tinig ko ay gaya ng pitong kulog para magising ang mga tao”13 sa katotohanan at kapangyarihan ng Aklat ni Mormon.

Kailangang maging katulad tayo nitong bata pang missionary na naglilingkod sa Europa na may matinding damdamin ukol sa katotohanan ng Aklat ni Mormon kaya talagang tumakbo siya hawak ang isang kopya ng sagradong talaang ito papunta sa lalaking nasa isang liwasan na bagong kakilala lang nilang magkompanyon.

Missionary na tumatakbo

Alam ko na si Joseph Smith ay Propeta noon at ngayon ng huling dispensasyong ito. Siya nga, sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos, ang nagsalin sa banal na aklat na ito. Ito ang aklat na tutulong upang maihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang literal at buhay na Anak ng ating buhay na Diyos. Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, ang ating dakilang Huwaran, at ating Tagapamagitan sa Ama. Siya ang ipinangakong Mesiyas, ang mortal na Mesiyas, at ang magiging Mesiyas sa milenyo. Pinatototohanan ko nang buong kaluluwa ko na sa mahimala at pambihirang paraan, itinuturo sa atin ng Aklat ni Mormon ang tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo.

Alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Diyos sa lupa ngayon. Mahal ko siya at sinasang-ayunan siya nang buong puso ko. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Listahan ni Pangulong Nelson tungkol sa Aklat ni Mormon

Ang Aklat ni Mormon ay:

  • Isa Pang Tipan ni Jesucristo. Ang mga pangunahing manunulat nito—sina Nephi, Jacob, Mormon, Moroni—at ang tagapagsalin nito, si Joseph Smith, lahat ay mga saksi ng Panginoon.

  • Isang tala ng Kanyang ministeryo sa mga taong nanirahan sa Sinaunang Amerika.

  • Totoo, gaya ng pagpapatotoo mismo ng Panginoon.

Ang Aklat ni Mormon ay pinagtitibay:

  • Ang indibiduwal na pagkakakilanlan ng Ama sa Langit at ng Kanyang Minamahal na Anak na si Jesucristo.

  • Na kinakailangan ang Pagkahulog ni Adan at ang karunungan ni Eva, upang ang mga tao ay magalak.

Ang Aklat ni Mormon ay pinabubulaanan ang mga paniniwala na:

  • Ang paghahayag ay nagwakas sa Biblia.

  • Ang mga sanggol ay kinakailangang mabinyagan.

  • Ang kaligayahan ay matatagpuan sa kasamaan.

  • Ang indibiduwal na kabutihan ay sapat para sa kadakilaan (ang mga ordenansa at mga tipan ay kinakailangan).

  • Ang Pagkahulog ni Adan ay nagpasa sa sangkatauhan ng “orihinal na kasalanan.”

Ang Aklat ni Mormon ay isinasakatuparan ang mga propesiya sa Biblia na:

  • Maririnig ng “iba pang tupa” ang Kanyang tinig.

  • Ang Diyos ay gagawa ng “kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain,” na nagsasalita “mula sa alabok.”

  • Ang “tungkod ng Juda” at ang “tungkod ng Jose” ay magiging isa.

  • Ang nakakalat na Israel ay titipunin “sa mga huling araw” at kung paano iyan isasagawa.

  • Ang lupaing pamana para sa lipi ni Jose ay ang Western Hemisphere.

Ang Aklat ni Mormon ay nagpapalinaw ng pang-unawa tungkol sa:

  • Ating buhay bago tayo isinilang.

  • Kamatayan. Ito ay mahalagang bahagi ng dakilang plano ng kaligayahan ng Diyos.

  • Kabilang-buhay, na nagsisimula sa paraiso.

  • Kung paano nagiging imortal na kaluluwa ang pagkabuhay na mag-uli ng katawan, na muling sumanib sa espiritu nito.

  • Kung paano magiging batay sa ating mga gawa at naisin ng ating puso ang paghatol sa atin ng Panginoon.

  • Kung paano isinasagawa nang wasto ang mga ordenansa: halimbawa, binyag, sakramento, pagkakaloob ng Espiritu Santo.

  • Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

  • Pagkabuhay na Mag-uli.

  • Mahalagang papel ng mga anghel.

  • Walang-hanggang katangian ng priesthood.

  • Kung paano mas naiimpluwensyahan ang ugali ng tao ng kapangyarihan ng salita kaysa ng kapangyarihan ng tabak.

Ang Aklat ni Mormon ay naghahayag ng mga impormasyong hindi alam noon:

  • Nagsagawa ng mga binyag bago isinilang si Jesucristo.

  • Ang mga templo ay itinayo at ginamit ng mga tao sa sinaunang Amerika.

  • Si Jose, na ika-11 anak ni Israel, ay nakita ang papel na gagampanan ni Joseph Smith bilang propeta.

  • Nakinita ni Nephi (600–592 B.C.) ang pagkatuklas at kolonisasyon ng Amerika.

  • Ang malilinaw at mahahalagang bahagi ng Biblia ay nawala.

  • Ang Liwanag ni Cristo ay ibinibigay sa bawat tao.

  • Ang kahalagahan ng kalayaan sa pagpili ng bawat isa at ang pangangailangan sa pagsalungat sa lahat ng bagay.

  • Mga babala tungkol sa “mga lihim na sabwatan.”