Ang Tinig ng Panginoon
Pinatototohanan ko na narinig natin sa kumperensyang ito ang tinig ng Panginoon. Ang pagsubok sa atin ay kung paano tayo tutugon.
Una, isang magiliw na mensahe para sa maliliit na bata. Oo, ito ang huling sesyon, at oo, ako ang huling tagapagsalita.
Kamakailan, habang bumibisita sa Provo City Center Temple, hinangaan ko ang isang ipinintang larawan na pinamagatang First Vision from Afar. Ipinapakita sa larawan ang liwanag at kapangyarihang mula sa langit nang binisita ng Ama at ng Anak ang batang Joseph Smith.
Bagaman hindi inihahambing sa napakabanal na pangyayaring nagpasimula ng Pagpapanumbalik, nakikinita ko ang katulad na imahe na nagpapakita ng liwanag at espirituwal na kapangyarihan ng Diyos na bumababa sa pangkalahatang kumperensyang ito at, dahil dito, kumikilos ang kapangyarihan at liwanag na iyon sa buong mundo.
Nagpapatotoo ako sa inyo na si Jesus ang Cristo, na ginagabayan Niya ang mga nangyayari sa banal na gawaing ito, at ang pangkalahatang kumperensya ay isa sa mga pinakamahalagang panahon na nagbibigay Siya ng direksyon sa Kanyang Simbahan at sa atin mismo.
Tinuturuan Mula sa Kaitaasan
Noong araw na inorganisa ang Simbahan, itinalaga ng Panginoon si Joseph Smith bilang propeta, tagakita, at apostol ng Panginoong Jesucristo1 at sinabi sa Simbahan:
“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.
“Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; … at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti.”2
Kalaunan, lahat ng miyembro ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ay sinang-ayunan at inorden bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.3
Ngayon, habang nagtitipon tayo sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Thomas S. Monson, inaasahan nating marinig “ang kalooban ng Panginoon, … ang kaisipan ng Panginoon, … ang … tinig ng Panginoon, at ang kapangyarihan ng Diyos tungo sa kaligtasan.”4 Nagtitiwala tayo sa Kanyang pangakong: “Maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”5
Sa gitna ng kaguluhan at kalituhan ng ating modernong daigdig, ang pagtitiwala at paniniwala sa mga salita ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa ay mahalaga sa ating espirituwal na paglago at pagtitiis.6
Nagtipun-tipon tayo sa napakagandang kumperensyang ito. Milyun-milyong mga Banal sa mga Huling Araw at mga miyembro ng ibang relihiyon sa mahigit 200 bansa, na nagsasalita ng mahigit sa 93 wika, ang dumadalo sa mga sesyong ito o nagbabasa ng mga mensahe ng kumperensya.
Naparito tayo matapos manalangin at maghanda. Marami sa atin ang may matitinding alalahanin at seryosong mga tanong. Gusto nating mapanibago ang ating pananampalataya sa Tagapagligtas na si Jesucristo, at palakasin ang kakayahan nating labanan ang tukso at iwasan ang mga pang-aabala. Pumarito tayo upang maturuan mula sa kaitaasan.
Ang Nasasaisip at Kalooban ng Panginoon
Para sa Unang Panguluhan at sa Labindalawa, na karaniwang nagsasalita sa bawat kumperensya, ang napakalaking responsibilidad na paghahanda ng kanilang mensahe ay kapwa paulit-ulit na pasanin at banal na pagtitiwala.
Ilang taon na ang nakalipas, bago maging General Authority, tinanong ko si Elder Dallin H. Oaks kung naghanda siya ng hiwalay na talumpati para sa bawat stake conference. Sumagot siya na hindi niya ito ginagawa ngunit idinagdag na, “Ngunit ang mga mensahe ko sa pangkalahatang kumperensya ay naiiba. Maaaring pasadahan ko ng 12 hanggang 15 ulit para matiyak na ang sasabihin ko ay ang gusto ng Panginoon na sabihin ko.”7
Kailan at paano dumarating ang inspirayon para sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya?
Nang walang nakaatas na mga paksa, nakikita namin ang pag-uugnay ng langit sa mga paksa at tema ng walang-hanggang katotohanan tuwing kumperensya.
Sinabi ng isa sa mga Kapatid na ang kanyang paksa para sa kumperensyang ito ay ibinigay sa kanya kaagad pagkatapos ng kanyang mensahe noong Abril. Binanggit naman ng isa pa na nitong nakaraang tatlong linggo lamang ay nananalangin pa siya at naghihintay sa Panginoon. Ang isa pa, nang tinanong kung gaano katagal ginawa ang isang napakasensitibong mensahe, ay sumagot na, “Dalawampu’t limang taon.”
Kung minsan, dumarating agad ang pinaka-ideya, ngunit ang nilalaman at detalye ay kailangan ng matinding espirituwal na pagsisikap. Ang pag-aayuno at panalangin, pag-aaral at pananampalataya ay palaging bahagi ng proseso. Nais ng Panginoon na walang pagkukunwari sa Kanyang tinig sa Kanyang mga Banal.
Ang direksyon para sa mensahe sa pangkalahatang kumperensya ay kadalasang dumarating sa gabi o sa madaling-araw, kung kailan ang mensahe ay malayo sa isipan. Ang bigla-bigla, di-inaasahang ideya at, kung minsan, mga tiyak na salita at parirala ay dumadaloy bilang dalisay na paghahayag.8
Habang nakikinig kayo, ang mga mensaheng natatanggap ninyo ay maaaring napakaliteral o kaya ay sadyang para sa inyo lamang.
Sa pagsasalita noon sa pangkalahatang kumperensya, binanggit ko ang isang parirala na pumasok sa isip ko habang iniisip ko kung handa na ba akong magmisyon. Ang parirala ay “Hindi mo alam ang lahat, pero sapat na ang alam mo!”9 Isang dalagang nakaupo sa pangkalahatang kumperensya noong araw na iyon ang nagsabi sa akin na ipinagdarasal niya ang tungkol sa isang alok ng kasal, iniisip kung gaano ba niya kakilala ang binata. Nang sinabi ko ang mga salitang, “Hindi mo alam ang lahat, pero sapat na ang alam mo,” nagpatotoo ang Espiritu sa kanya na sapat nga ang pagkakilala niya sa binata. Maligaya na silang nagsasama bilang mag-asawa sa loob ng maraming taon.
Ipinapangako ko sa inyo na kapag inihanda ninyo ang inyong espiritu, at pumarito na inaasahang maririnig ninyo ang tinig ng Panginoon, darating ang mga ideya at pakiramdam sa inyong isipan na sadyang para sa inyo. Nadama na ninyo ang mga ito sa kumperensyang ito, o mararamdaman pa lang habang inaaral ninyo ang mga mensahe sa darating na mga linggo.
Para sa Ngayon at sa mga Darating na Buwan
Sinabi ni Pangulong Monson:
“Pag-ukulan natin ng oras na basahin ang mga mensahe sa kumperensya.”10
“Pagnilayan [ang mga ito]. … Napag-alaman ko … na higit pa akong natututo mula sa mga inspiradong mensaheng ito kapag pinag-aaralan ko pa ito nang mas mabuti.”11
Ang mga turo sa pangkalahatang kumperensya ay ang mga bagay na nais ng Panginoon na pag-isipan natin ngayon at sa darating na mga buwan.
Ang pastol ay “pinangungunahan ang [kanyang mga tupa], at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka’t nakikilala nila ang kaniyang tinig”12
Kadalasan, inaakay tayo ng Kanyang tinig na baguhin ang isang bagay sa ating buhay. Inaanyayahan Niya tayong magsisi. Inaanyayahan Niya tayong sumunod sa Kanya.
Pag-isipan ang mga pahayag na ito mula sa kumperensyang ito:
Mula kay Pangulong Henry B. Eyring kaninang umaga: “Pinatototohanan ko na ang Diyos Ama ay buhay at nais Niyang bumalik kayo sa Kanya. Ito ang totoong Simbahan ng Panginoong Jesucristo. Kilala Niya kayo, mahal Niya kayo, at pinangangalagaan Niya kayo.”13
Mula kay Pangulong Uchtdorf kahapon: “Pinatototohanan ko na kapag nagsimula o nagpatuloy tayo sa paglalakbay patungo sa Diyos, magiging mas mabuti ang ating buhay … gagamitin tayo ng Panginoon sa pambihirang mga paraan upang mapagpala ang nasa paligid natin at maisakatuparan ang Kanyang walang-hanggang mga layunin.”14
Mula kay Pangulong Russell M. Nelson kahapon ng hapon: “Ipinangangako ko na sa araw-araw ninyong dibdibang pag-aaaral ng Aklat ni Mormon mapoprotektahan kayo laban sa mga kasamaan ngayon pati na sa laganap na salot ng pornograpiya at ng iba pang nakamamanhid na adiksyon.”15
Sinabi ni Elder Dallin H. Oaks kahapon: “Pinatototohanan ko na ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay isang pahayag ng katotohanan na walang-hanggan, ang kalooban ng Panginoon para sa Kanyang mga anak na naghahangad ng buhay na walang-hanggan.”16
At mula kay Elder Ballard ilang minuto lang kanina: “Kailangan nating yakapin ang mga anak ng Diyos nang may habag at alisin ang anumang panghuhusga, pati na ang pagkapoot sa lahi, diskriminasyon sa kasarian, at nasyonalismo.”17
Dahil mayroon kaming karagdagang minuto, nais kong magdagdag ng maikling pagmumuni-muni lamang tungkol kay Elder Robert D. Hales. Sinabi ng Unang Panguluhan kay Elder Hales na makapagbibigay siya ng maikling mensahe sa sesyon sa Linggo ng umaga kung bubuti ang kanyang kalusugan. Dahil hindi pa bumuti ang kanyang kalusugan, naghanda siya ng mensahe, na natapos niya noong nakaraang linggo at ibinahagi sa akin. Dahil sa kanyang pagpanaw makalipas ang mga tatlong oras, magbabahagi ako ng tatlong linya lamang mula sa kanyang mensahe.
Mula kay Elder Hales: “Kapag pinili nating manampalataya, handa tayong tumayo sa harapan ng Diyos. … Matapos ang Pagpapako sa Krus sa Tagapagligtas, nagpakita lamang Siya sa mga ‘naging matatapat sa patotoo [sa Kanya] samantalang sila ay nabubuhay sa lupa.’ [D at T 138:12.] Yaong ‘mga tumanggi sa mga patotoo … ng mga … propeta [ay hindi] namasdan ang pagharap [ng Tagapagligtas], o makatingin sa kanyang mukha.’ [D at T 138:21.] … Inihahanda tayo ng ating pananampalataya na makarating sa piling ng Panginoon.”
Napakabait ng Panginoon na ipahiwatig kay Pangulong Russell M. Nelson sa pagtatapos ng sesyon kaninang umaga na mabilis na umalis ng gusali, hindi kumain ng tanghalian, at nagmadaling tumungo sa kinaroroonan ni Elder Hales, kung saan siya ay nakarating at naroroon, ang pangulo ng korum, kasama ang mala-anghel na si Maria Hales habang nililisan ni Elder Hales ang mortalidad.
Pagsunod sa Tinig ng Panginoon
Pinatototohanan ko na sa kumperensyang ito ay narinig natin ang tinig ng Panginoon.
Hindi tayo dapat mabahala kung ang mga salita ng mga lingkod ng Panginoon ay salungat sa paraan ng pag-iisip ng mundo, at kung minsan, sa sarili nating iniisip. Ganito na noon pa man. Ako’y nakaluhod sa templo kasama ng aking mga Kapatid. Nagpapatotoo ako sa kabutihan ng kanilang mga kaluluwa. Ang pinakadakilang mithiin nila ay ang malugod ang Panginoon at tulungan ang mga anak ng Diyos na bumalik sa Kanyang piling.
Ang Pitumpu, ang Bishopric, ang mga General Presidency ng Relief Society, Young Women, Primary, at iba pang mga lider ng auxiliary ay nagdagdag ng napakaraming inspirasyon sa kumperensyang ito, gayundin ang magandang musika at taimtim na mga panalangin.
May baul ng kayamanan ng patnubay ng langit na naghihintay na inyong matuklasan sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya. Ang pagsubok sa atin ay kung paano tayo tutugon sa ating naririnig, nababasa, at nadarama.
Hayaang ibahagi ko sa inyo ang tungkol sa pagsunod sa mga salita ng mga propeta mula sa buhay ni Pangulong Russell M. Nelson:
Noong 1979, limang taon bago siya tinawag bilang General Authority, dumalo sa isang miting si Brother Nelson bago ang pangkalahatang kumperensya. “Hinikayat ni Pangulong Spencer W. Kimball ang lahat ng naroon na pag-ibayuhin ang kanilang pagsisikap na dalhin ang ebanghelyo sa buong mundo. Kabilang sa mga bansang binanggit ni Pangulong Kimball ang China, na nagpahayag na, ‘Kailangan nating paglingkuran ang mga Tsino. Kailangan nating matutuhan ang kanilang wika. Kailangan natin silang ipagdasal at tulungan.’”18
Sa edad na 54, nadama ni Brother Nelson habang nasa miting na kailangan niyang pag-aralan ang wikang Mandarin. Bagama’t abala bilang heart surgeon, agad siyang humanap ng isang tutor.
Hindi pa natatagalan nang magsimula ng kanyang pag-aaral, si Dr. Nelson, habang nasa isang kumbensyon, ay hindi inaasahan na nakatabi niya sa upuan ang “kilalang Tsinong surgeon na si Dr. Wu Yingkai. … Dahil si [Brother Nelson] ay nag-aaral ng Mandarin, nagsimula siyang makipag-usap [kay Dr. Wu].”19
Ang kagustuhan ni Dr. Nelson na sundin ang propeta ay humantong sa pagbisita ni Dr. Wu sa Salt Lake City at sa paglalakbay ni Dr. Nelson patungong China upang mag-lecture at magsagawa ng mga operasyon.
Ang pagmamahal niya sa mga Tsino, at ang kanilang pagmamahal at paggalang sa kanya, ay lumago.
Noong Pebrero 1985, sampung buwan matapos siyang tawagin sa Korum ng Labindalawa, tumanggap si Elder Nelson ng isang sorpresang tawag mula sa China na nakikiusap kay Dr. Nelson na pumunta sa Beijing para operahan sa puso ang pinakasikat na opera singer sa China. Sa panghihikayat ni Pangulong Hinckley, bumalik si Elder Nelson sa China. Ang huling operasyong ginawa niya ay sa People’s Republic of China.
Dalawang taon pa lang ang nakalipas, noong Oktubre 2015, si Pangulong Russell M. Nelson ay muling pinarangalan sa pamamagitan ng isang opisyal na deklarasyon, binansagan siya bilang “matagal nang kaibigan ng China.”
At kahapon, narinig natin ang ngayo’y 93-taong gulang nang si Pangulong Russell M. Nelson na nagsalita tungkol sa pakiusap ni Pangulong Thomas S. Monson sa huling kumperensya nitong Abril na “ang bawat isa sa atin [ay] pag-aralan at pagnilayan ang Aklat ni Mormon araw-araw.”
Tulad ng kanyang ginawa bilang abalang heart surgeon, nang kumuha siya ng Mandarin tutor, kaagad na sinunod ni Pangulong Nelson ang payo ni Pangulong Monson at ginamit ito sa kanyang buhay. Higit pa sa pagbabasa, sinabi niyang siya ay “gumawa ng mga listahan kung ano ang Aklat ni Mormon, ano ang pinagtitibay nito, ano ang pinabubulaanan nito, ano ang tinutupad nito, ano ang nililinaw nito, at ano ang ipinahahayag nito.”20
At ang nakakatuwa, nitong umaga lang, bilang ikalawang saksi, si Pangulong Henry B. Eyring ay nagsalita rin ngayong umaga sa kanyang pagsunod sa payo ni Pangulong Monson. Naaalala ba ninyo ang mga salitang ito? “Tulad ng marami sa inyo, narinig ko ang mga salita ng propeta na parang ang tinig ng Panginoon ang nangusap sa akin. At tulad rin ng marami sa inyo, ipinasiya kong sundin ang mga salitang iyon.”21
Nawa ay ituring natin ang mga ito na halimbawa sa ating sariling buhay.
Isang Pangako at Isang Pagpapala
Ipinapangako ko na habang naririnig ninyo ang tinig ng Panginoon sa mga turo sa pangkalahatang kumperensyang ito, at kapag kumilos kayo sa mga pahiwatig na iyon, madarama ninyo ang paggabay ng langit, at ang inyong buhay at ang buhay ng mga nakapaligid sa inyo ay pagpapalain.22
Sa kumperensyang ito, inisip natin ang ating mahal na propeta. Mahal namin kayo, Pangulong Monson. Magtatapos ako sa mga salita niya na binigkas sa pulpitong ito. Naniniwala ako na ito ay isang pagpapala na nais niyang ibigay sa bawat isa sa atin ngayon, kung makakasama lang sana natin siya. Sabi niya: “Sa pag-alis natin sa kumperensyang ito, dalangin ko na pagpalain ang bawat isa sa inyo ng langit. … Dalangin kong pagpalain kayo at ang inyong mga pamilya ng Ama sa Langit. Nawa ang mga mensahe at diwa nitong kumperensya ay makita sa lahat ng inyong ginagawa—sa inyong tahanan, sa inyong trabaho, sa inyong mga miting, at sa lahat ng inyong gawain.”
Nagtapos siya sa pagsasabing: “Mahal ko kayo. Ipinagdarasal ko kayo. Nawa’y pagpalain kayo ng Diyos. Nawa’y sumainyo ang Kanyang pangakong kapayapaan ngayon at magpakailanman.”23
Sa pangalan ni Jesucristo, amen.