Institute
6 Ang Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos


“Ang Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos,” kabanata 6 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 6: “Ang Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos”

KABANATA 6

Ang Kaloob at Kapangyarihan ng Diyos

Inkwell

Nang bumalik si Joseph sa Harmony noong tag-araw ng 1828, nagpakitang muli sa kanya si Moroni at kinuha ang mga lamina. “Kapag sapat na ang iyong pagpapakumbaba at pagsisisi,” wika ng anghel, “matatanggap mong muli ang mga ito sa ika-dalawampu’t dalawa ng Setyembre.”1

Binalot ng kadiliman ang isipan ni Joseph.2 Batid niyang nagkamali siya nang hindi niya sinunod ang kagustuhan ng Diyos at nang ipagkatiwala niya kay Martin ang manuskrito. Ngayon ay hindi na nais ng Diyos na ipagkatiwala sa kanya ang mga lamina o ang mga pansalin. Pakiramdam ni Joseph ay nararapat sa kanya ang anumang parusang ibibigay ng langit sa kanya.3

Pasan ang bigat ng kasalanan at paghihinagpis, lumuhod siya, ipinagtapat ang kanyang mga kasalanan, at humingi ng kapatawaran. Pinagnilayan niya kung saan siya nagkamali at kung ano ang maaari niyang baguhin at pagbutihin kung tutulutan siyang muli ng Panginoon na magsalin.4

Isang araw ng Hulyo, habang naglalakad si Joseph nang di-kalayuan sa kanyang tahanan, nagpakita sa kanya si Moroni. Iniabot sa kanya ng anghel ang mga pansalin, at nakita ni Joseph ang isang banal na mensahe rito: “Ang mga gawain, at ang mga layunin, at ang mga hangarin ng Diyos ay hindi mabibigo, ni mapawawalang-saysay.”5

Ang mga salita ay nagbibigay-katiyakan, ngunit agad na sinundan ng pagkastigo. “Kayhigpit ng iyong mga kautusan,” wika ng Panginoon. “Hindi mo dapat kinatakutan ang tao nang higit sa Diyos.” Iniutos Niya kay Joseph na lalo pang ingatan ang mga sagradong bagay. Ang mga nakatala sa mga gintong lamina ay mas mahalaga kaysa sa reputasyon ni Martin o sa kagustuhan ni Joseph na pasayahin ang mga tao. Inihanda ito ng Panginoon upang panibaguhin ang Kanyang sinaunang tipan at ituro sa lahat ng tao na umasa kay Jesucristo para sa kaligtasan.

Hinimok ng Panginoon si Joseph na alalahanin ang Kanyang awa. “Magsisi sa yaong iyong nagawa,” iniutos Niya, “at ikaw ay pinili pa rin.” Minsan pa, tinawag Niya si Joseph na maging Kanyang propeta at tagakita. Subalit nagbabala Siyang sundin ang Kanyang salita.

“Maliban kung gawin mo ito,” paghahayag Niya, “ikaw ay pababayaan at magiging katulad ng ibang mga tao, at mawawalan ng kaloob.”6


Noong taglagas na iyon, naglakbay ang mga magulang ni Joseph patimog papunta sa Harmony. Halos dalawang buwan na ang lumipas mula nang nilisan ni Joseph ang kanilang tahanan sa Manchester, at wala na silang nabalitaan mula sa kanya. Nag-alala sila na baka ang mga trahedyang naganap noong tag-araw ay labis na nagpadalamhati sa kanya. Sa loob lamang ng ilang linggo, namatay ang kanyang unang anak, muntik nang pumanaw ang kanyang asawa, at nawala ang mga pahina ng manuskrito. Nais nilang matiyak na nasa mabuting kalagayan sila ni Emma.

Wala pang isang milya mula sa kanilang destinasyon, lubos na nagalak sina Joseph Sr. at Lucy nang makita nila si Joseph sa bukana ng kanilang daraanan na mukhang panatag at masaya. Sinabi niya sa kanila ang tungkol sa pagkawala ng tiwala ng Diyos, pagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at pagtanggap ng paghahayag. Ang pagkastigo ng Panginoon ay masakit, subalit tulad ng mga propeta noon, isinulat niya ang paghahayag upang mabasa ng iba. Iyon ang unang pagkakataon na itinala niya ang salita ng Panginoon sa kanya.

Sinabi rin ni Joseph sa kanyang mga magulang na ibinalik na ni Moroni ang mga lamina at pansalin. Tila nasiyahan ang anghel, paggunita ni Joseph. “Sinabi niya na mahal ako ng Panginoon dahil sa aking katapatan at pagpapakumbaba.”

Ang talaan ngayon ay ligtas na nasa bahay, nakatago sa isang baul. “Nagsusulat na si Emma para sa akin ngayon,” ikinuwento ni Joseph sa kanila, “ngunit sinabi ng anghel na magpapadala ang Panginoon ng tao na siyang magsusulat para sa akin, at nagtitiwala ako na mangyayari iyon.”7


Nang sumunod na tagsibol, naglakbay si Martin Harris papuntang Harmony na may dalang masamang balita. Ang kanyang asawa ay nagsampa ng kaso sa korte, nagpaparatang na isang manloloko si Joseph na nagpapanggap na nagsasalin ng mga gintong lamina. Inaasahan ngayon ni Martin na ipatatawag siya ng korte para magbigay ng testimonya. Kinakailangan niyang sabihin na niloko siya ni Joseph, kung hindi ay pararatangan din siya ni Lucy na isang manloloko.8

Iginiit ni Martin kay Joseph na bigyan siya ng karagdagang katibayan na totoo ang mga lamina. Nais niyang sabihin sa korte ang lahat ng tungkol sa pagsasalin, ngunit nag-aalala siya na baka hindi siya paniwalaan ng mga tao. Kung tutuusin, ginalugad ni Lucy ang tahanan ng mga Smith at hindi nakita ang talaan. At kahit na nagsilbi siyang tagasulat ni Joseph sa loob ng dalawang buwan, hindi kailanman nakita ni Martin ang mga lamina kaya hindi niya mapatototohanan na nakita nga niya ang mga ito.9

Idinulog ni Joseph ang katanungan sa Panginoon at tumanggap ng kasagutan para sa kanyang kaibigan. Hindi sasabihin ng Panginoon kay Martin kung ano ang sasabihin sa korte, ni hindi Siya maglalaan ng anumang karagdagang ebidensiya hangga‘t hindi pipiliin ni Martin na magpakumbaba at manampalataya. “Kung sila ay hindi maniniwala sa aking mga salita, sila ay hindi maniniwala sa iyo, aking tagapaglingkod na Joseph,” wika Niya, “kung maaari lamang na ipakita mo sa kanila ang lahat ng bagay na ipinagkatiwala Ko sa iyo.”

Gayunman, nangako ang Panginoon na kaaawaan Niya si Martin, kung gagawin niya ang tulad ng mga ginawa ni Joseph noong tag-araw na iyon at magpapakumbaba, magtitiwala sa Diyos, at matututo mula sa kanyang mga pagkakamali. Tatlong matatapat na saksi ang makakikita sa mga lamina sa tamang panahon, sabi ng Panginoon, at maaaring si Martin ay isa sa mga ito kung titigilan niya ang paghingi ng pagsang-ayon ng ibang tao.10

Bago ang pagtatapos ng kanyang mga salita, ang Panginoon ay gumawa ng isang pahayag. “Kung ang salinlahing ito ay hindi magpapatigas ng kanilang puso,” wika Niya, “Aking itatatag ang aking simbahan sa kanila.”11

Pinagnilayan ni Joseph ang mga salitang ito habang kinokopya ni Martin ang paghahayag. Nakinig sila ni Emma habang binabasa itong muli ni Martin upang siguruhin ang katumpakan nito. Habang sila ay nagbabasa, pumasok sa kuwarto ang ama ni Emma at nakinig. Nang matapos sila, tinanong niya kung kaninong mga salita iyon.

“Ang mga salita ni Jesucristo,” paliwanag nina Joseph at Emma.

“Itinuturing ko ang lahat ng ito na isang kahibangan,” wika ni Isaac. “Tigilan mo ito.”12

Hindi pinansin ni Martin ang ama ni Emma, kinuha niya ang kanyang kopya ng paghahayag at sumakay ng karwahe pauwi. Nagtungo siya sa Harmony upang humanap ng katibayan ng mga lamina, at lumisan siyang dala ang isang paghahayag na nagpapatotoo sa katotohanan ng mga ito. Hindi niya ito magagamit sa korte, ngunit bumalik siya sa Palmyra batid na alam ng Diyos ang tungkol sa kanya.

Kalaunan, nang humarap si Martin sa hukom, nagbigay siya ng simple at mabisang patotoo. Habang nakataas ang kanang kamay, nagbigay-testigo siya tungkol sa mga laminang ginto at idineklara na kusa niyang ibinigay kay Joseph ang limampung dolyar upang gawin ang gawain ng Panginoon. Dahil walang katibayan na magpapatunay ng mga paratang ni Lucy, pinawalang-saysay ng korte ang kaso.13

Samantala, itinuloy ni Joseph ang pagsasalin, ipinagdarasal na padalhan siya ng Panginoon ng tagasulat sa lalong madaling panahon.14


Sa Manchester, isang binatang nagngangalang Oliver Cowdery ang nanunuluyan sa tahanan ng mga magulang ni Joseph. Mas bata ng isang taon si Oliver kay Joseph, at noong taglagas ng 1828 ay nagsimula siyang magturo sa isang paaralan mga isang milya sa timog ng sakahan ng mga Smith.

Ang mga gurong tulad ni Oliver ay karaniwang nanunuluyan sa mga pamilya ng kanilang mga mag-aaral, at noong narinig niya ang mga bulung-bulungan tungkol sa mga gintong lamina ni Joseph, itinanong niya kung maaari siyang manirahan sa mga Smith. Noong una ay iilang detalye lamang ang nalaman niya mula sa pamilya. Dahil sa ninakaw na manuskrito at mga bulung-bulungan sa lugar ay naging maingat na sila at piniling manahimik na lamang.15

Subalit noong taglamig ng 1828–29, habang tinuturuan ni Oliver ang mga batang Smith, nakuha niya ang tiwala ng pamilya. Sa mga panahong ito, bumalik na si Joseph Sr. mula sa Harmony na may paghahayag na sisimulan na ng Panginoon ang isang kagila-gilalas na gawain.16 Sa panahong iyon napatunayan na ni Oliver na siya ay isang tapat na taong naghahanap ng katotohanan, at ipinaalam sa kanya ng mga magulang ni Joseph ang banal na tungkuling ibinigay sa kanilang anak.17

Nakahikayat kay Oliver ang sinabi nila, at inasam niya na makatulong sa pagsasalin. Tulad ni Joseph, si Oliver ay hindi nasisiyahan sa mga makabagong simbahan at naniniwala sa isang Diyos ng mga himala na inihahayag pa rin ang Kanyang kalooban sa mga tao.18 Subalit si Joseph at ang mga gintong lamina ay nasa malayong lugar, at hindi alam ni Oliver kung paano siya tutulong sa gawain kung mananatili siya sa Manchester.

Isang araw ng tagsibol, habang malakas ang buhos ng ulan sa bubungan ng bahay ng mga Smith, sinabi ni Oliver sa pamilya na nais niyang magtungo sa Harmony upang tulungan si Joseph sa oras na matapos ang pasukan sa eskwela. Hinimok siya nina Lucy at Joseph Sr. na tanungin ang Panginoon kung tama ang kanyang ninanais.19

Bago matulog, nanalangin nang sarilinan si Oliver upang malaman kung ang mga narinig niya tungkol sa mga laminang ginto ay totoo. Ipinakita sa kanya ng Panginoon ang isang pangitain tungkol sa mga gintong lamina at ang mga pagsusumikap ni Joseph na maisalin ang mga ito. Isang mapayapang damdamin ang nanahan sa kanya, at noon niya nalaman na dapat siyang magprisinta na maging tagasulat ni Joseph.20

Walang sinabihan si Oliver tungkol sa kanyang panalangin. Ngunit sa pagtatapos ng pasukan, siya at ang kapatid ni Joseph na si Samuel ay umalis nang naglalakad papunta sa Harmony, mahigit isang daang milya ang layo. Ang daan ay malamig at maputik bunsod ng ulan ng tagsibol, at ang mga daliri sa paa ni Oliver ay nanlalamig sa ginaw nang dumating sila ni Samuel sa pintuan ng bahay nina Joseph at Emma. Gayunman nananabik siyang salubungin ng mag-asawa at tingnan niya mismo kung paano kumilos ang Panginoon sa pamamagitan ng batang propeta.21


Nang nakarating na si Oliver sa Harmony, parang matagal na siyang nakatira roon. Nakipag-usap si Joseph sa kanya hanggang lumalim ang gabi, nakinig sa kanyang kuwento, at sinagot ang kanyang mga tanong. Malinaw na si Oliver ay may pinag-aralan, at kaagad tinanggap ni Joseph ang kanyang alok na maging tagasulat.

Sa pagdating ni Oliver, ang unang kailangang gawin ni Joseph ay maghanap ng lugar kung saan makapagtatrabaho. Pinakiusapan niya si Oliver na gumawa ng kontrata kung saan ipinangako ni Joseph na babayaran niya ang kanyang biyenang lalaki para sa maliit na bahay na dati nilang tinirhan ni Emma, pati na ang kamalig, sakahan, at kalapit na bukal.22 Dahil nagmamalasakit sa kapakanan ng kanilang anak, sumang-ayon ang mga magulang ni Emma sa mga kundisyon at nangakong tutulong upang mapawi ang pangamba ng mga kapitbahay hinggil sa mga hindi karaniwang ginagawa ni Joseph.23

Samantala, nagsimula na sa pagsasalin sina Joseph at Oliver. Maayos silang nakapagtrabaho nang magkasama, halos linggu-linggo, madalas kasama si Emma sa iisang kuwarto habang ginagawa niya ang kanyang pang-araw-araw na gawain.24 Kung minsan ay nagsasalin si Joseph sa pamamagitan ng pagtingin sa mga pansalin at pagbabasa sa Ingles ng mga titik na nasa mga lamina.

Madalas na mas kumbinyenteng para sa kanya na gamitin ang bato ng tagakita. Ilalagay niya ang bato ng tagakita sa kanyang sumbrero, ilalapat ang kanyang mukha rito upang takpan ang liwanag, at sisilipin ang bato. Ang liwanag mula sa bato ay kikinang sa kadiliman, magsisiwalat ng mga salita na idinidikta ni Joseph habang mabilis na kinokopya ito ni Oliver.25

Sa ilalim ng patnubay ng Panginoon, hindi na sinubukang isaling muli ni Joseph ang naiwala niya. Sa halip, siya at si Oliver ay nagpatuloy sa talaan. Inihayag ng Panginoon na si Satanas ay umakit ng masasamang tao upang kunin ang mga pahina, baguhin ang kanilang mga salita at gamitin ang mga ito upang magtanim ng pagdududa sa salin. Ngunit tiniyak ng Panginoon kay Joseph na binigyang-inspirasyon Niya ang mga propeta noong araw na maghandang isama sa mga lamina ang isa pang tala, na naglalaman ng mas buong ulat ng materyal na nawala.26

“Guguluhin ko ang mga yaong nagbago ng aking mga salita,” sinabi ng Panginoon kay Joseph. “Aking ipakikita sa kanila na ang aking karunungan ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo.”27

Ang pagiging tagasulat ni Joseph ay nagbigay-kagalakan kay Oliver. Araw-araw, nakinig siya habang idinidikta ng kanyang kaibigan ang masalimuot na kasaysayan ng dalawang malalaking sibilisasyon, ang mga Nephita at Lamanita. Nalaman niya ang tungkol sa mabubuti at masasamang hari, mga taong nabihag at napalaya, mga sinaunang propeta na gumamit ng mga bato ng tagakita sa pagsasalin ng mga talaang nakuha sa kaparangang puno ng mga kalansay. Tulad ni Joseph, ang propetang iyon ay isang tagapaghayag at tagakita na biniyayaan ng mga kaloob at kapangyarihan ng Diyos.28

Ang tala ay nagpatunay nang paulit-ulit tungkol kay Jesucristo, at nakita ni Oliver kung paano pinamunuan ng mga propeta ang isang sinaunang simbahan at kung paano isinagawa ng mga ordinaryong lalaki at babae ang gawain ng Diyos.

Gayon pa man si Oliver ay marami pa ring tanong tungkol sa gawain ng Panginoon, at nanabik siya sa mga sagot. Humingi ng paghahayag si Joseph para sa kanya sa pamamagitan ng Urim at Tummim, at ang Panginoon ay tumugon. “Samakatwid, kung ikaw ay hihingi sa akin ay makatatanggap ka,” pahayag Niya. “At kung ikaw ay magtatanong, malalaman mo ang mga dakila at kagila-gilalas na hiwaga.”

Hinimok din ng Panginoon si Oliver na alalahanin ang patotoo na natanggap niya bago pumunta sa Harmony, na sinarili ni Oliver. “Hindi nga ba’t Ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan hinggil sa bagay na ito? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?” tanong ng Panginoon. “Kung sinabi ko sa iyo ang mga bagay na walang sinumang tao ang nakaaalam hindi nga ba’t nakatanggap ka ng katibayan?”29

Nagulat si Oliver. Agad niyang sinabi kay Joseph ang tungkol sa kanyang lihim na panalangin at ang banal na patotoong natanggap niya. Walang maaaring makaalam tungkol dito maliban sa Diyos, sabi niya, at ngayon alam niya na ang gawain ay totoo.

Bumalik sila sa ginagawa, at si Oliver ay nagsimulang mag-isip kung pati siya ay maaaring makapagsalin.30 Naniwala siya na ang Diyos ay nakagagawa sa pamamagitan ng mga instrumento tulad ng mga bato ng tagakita, at paminsan-minsan siyang gumagamit ng divining rod o banal na tungkod sa paghahanap ng tubig at mineral. Subalit siya ay hindi nakasisiguro kung ang kanyang tungkod ay gumagana sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Ang proseso ng paghahayag na ito ay isa pa ring misteryo sa kanya.31

Muling inilapit ni Joseph ang tanong ni Oliver sa Panginoon, at sinabi ng Panginoon kay Oliver na siya ay may kapangyarihan upang makakuha ng kaalaman kung siya ay hihiling nang may pananampalataya. Pinagtibay ng Panginoon na ang tungkod ni Oliver ay gumagana sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, gaya ng tungkod ni Aaron sa Lumang Tipan. Pagkatapos ay nagturo pa Siya kay Oliver tungkol sa paghahayag. “Sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo,” Kanyang ipinahayag. “Masdan, ito ang diwa ng paghahayag.”

Sinabi rin Niya kay Oliver na maaari siyang magsalin ng tala na gaya ni Joseph hangga’t siya ay nananampalataya. “Tandaan,” sabi ng Panginoon, “kung walang pananampalataya ay wala kang magagawa.”32

Matapos ang paghahayag, sabik na si Oliver na magsalin. Sinunod niya ang halimbawa ni Joseph, subalit nang hindi kaagad lumabas ang mga salita, siya ay nabigo at nalito.

Nakita ni Joseph ang paghihirap ng kanyang kaibigan at naawa. Nangailangan siya ng mahabang panahon upang maiayon ang kanyang puso at isipan sa gawain ng pagsasalin, subalit tila iniisip ni Oliver na mabilis niya itong matututuhan. Hindi sapat na may espirituwal na kaloob. Kailangan niyang linangin at pagyamanin ito nang ilang panahon para sa gawain ng Diyos.

Hindi nagtagal ay sumuko si Oliver sa pagsasalin at tinanong si Joseph kung bakit hindi siya nagtagumpay.

Tinanong ni Joseph ang Panginoon. “Inakala mo na aking ibibigay ito sa iyo, gayong wala kang inisip maliban sa ito ay itanong sa akin,” sagot ng Panginoon. “Kailangan mong pag-aralan ito sa iyong isipan; pagkatapos kailangang itanong mo sa akin kung ito ay tama.”

Iniutos ng Panginoon kay Oliver na maging matiyaga. “Hindi kinakailangang ikaw ay magsalin ngayon,” sabi Niya. “Ang gawain kung saan tinawag kang gumawa ay magsulat para sa aking tagapaglingkod na si Joseph.” Ipinangako Niya kay Oliver ang ibang oportunidad na magsalin kalaunan, ngunit sa ngayon, siya ang tagasulat at si Joseph ang tagakita.33

Mga Tala

  1. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [9].

  2. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 10:2 (Revelation, Spring 1829, at josephsmithpapers.org).

  3. Tingnan sa Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [5]–[7].

  4. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [8]–[9].

  5. Doktrina at mga Tipan 3:1 (Revelation, July 1828, sa josephsmithpapers.org); Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [8]–[9]; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 10, sa JSP, H1:246 (banghay 2).

  6. Doctrine and Covenants 3 (Revelation, July 1828, sa josephsmithpapers.org); Joseph Smith History, circa Summer 1832, [6], sa JSP, H1:16; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [8]–[9].

  7. Lucy Mack Smith, History, 1845, 138; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [8]–[11].

  8. Preface to Book of Mormon, circa Aug. 1829, sa JSP, D1:92–94; “Testamoney of Martin Harris,” Set. 4, 1870, [4], Edward Stevenson Collection, Church History Library; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 8, [5]; Historical Introduction to Revelation, Mar. 1829 [DC 5], sa JSP, D1:14–16.

  9. “Testamoney of Martin Harris,” Set. 4, 1870, [4], Edward Stevenson Collection, Church History Library; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 6, [9]; book 8, [5].

  10. Doctrine and Covenants 5 (Revelation, Mar. 1829, sa josephsmithpapers.org).

  11. Revelation, Mar. 1829 [DC 5], sa JSP, D1:17.

  12. Isaac Hale, Affidavit, Mar. 20, 1834, sa “Mormonism,” Susquehanna Register, at Northern Pennsylvanian, Mayo 1, 1834, [1]; “considered” sa orihinal ay pinalitan ng “consider.”

  13. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 8, [6]–[7].

  14. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [11].

  15. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [12]; “Mormonism,” Kansas City Daily Journal, Hunyo 5, 1881, 1; Morris, “Conversion of Oliver Cowdery,” 5–8.

  16. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [12]; Knight, Reminiscences, 5; Doctrine and Covenants 4 (Revelation, Feb. 1829, sa josephsmithpapers.org); tingnan din sa Darowski, “Joseph Smith’s Support at Home,” 10–14.

  17. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [12].

  18. Oliver Cowdery to William W. Phelps, Set. 7, 1834, LDS Messenger and Advocate, Okt. 1834, 1:15.

  19. Doktrina at mga Tipan 6 (Revelation, Apr. 1829–A, sa josephsmithpapers.org); Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 7, [12]; book 8, [1].

  20. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 15, sa JSP, H1:284 (banghay 2); Joseph Smith History, circa Summer 1832, [6], sa JSP, H1:16; Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 8, [1]; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 6:22–23 (Revelation, Apr. 1829–A, sa josephsmithpapers.org).

  21. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 8, [3]–[4]; Joseph Smith History, circa Summer 1832, [6], sa JSP, H1:16.

  22. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 8, [4]; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 13, sa JSP, H1:276 (banghay 2); Agreement with Isaac Hale, Apr. 6, 1829, sa JSP, D1:28–34; Oliver Cowdery to William W. Phelps, Sept. 7, 1834, LDS Messenger and Advocate, Okt. 1834, 1:14.

  23. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 18, sa JSP, H1:296 (banghay 2).

  24. Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 15, sa JSP, H1:284 (banghay 2); Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 8, [4]; Joseph Smith III, “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290. Paksa: Pang-araw-araw na Buhay ng Unang Henerasyon ng mga Banal sa mga Huling Araw

  25. “Book of Mormon Translation,” Gospel Topics, topics.lds.org; Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 15, sa JSP, H1:284 (banghay 2); Oliver Cowdery to William W. Phelps, Sept. 7, 1834, LDS Messenger and Advocate, Okt. 1834, 1:14; Joseph Smith III, “Last Testimony of Sister Emma,” Saints’ Herald, Okt. 1, 1879, 290; “Golden Bible,” Palmyra Freeman, Ago. 11, 1829, [2]. Paksa: Pagsasalin ng Aklat ni Mormon

  26. Doktrina at mga Tipan 10:45 (Revelation, Spring 1829, sa josephsmithpapers.org); 1 Nephi 9:5; Ang mga Salita ni Mormon 1; Doktrina at mga Tipan 3 (Revelation, July 1828, sa josephsmithpapers.org).

  27. Doktrina at mga Tipan 10:42–43 (Revelation, Spring 1829, sa josephsmithpapers.org). Paksa: Ang Nawawalang Manuskrito ng Aklat ni Mormon

  28. Oliver Cowdery to William W. Phelps, Set. 7, 1834, LDS Messenger and Advocate, Okt. 1834, 1:14; Mosias 8:16–18; tingnan din sa Omni 1:20; Mosias 8:8–13; 28:11–15, 20; Alma 37:21, 23; at Ether 3:24–28.

  29. Doktrina at mga Tipan 6:5, 11, 22–24 (Revelation, Apr. 1829–A, sa josephsmithpapers.org).

  30. Doktrina at mga Tipan 6:10–13 (Revelation, Apr. 1829–A, sa josephsmithpapers.org); Doktrina at mga Tipan 8:4–8 (Revelation, Apr. 1829–B, sa josephsmithpapers.org); Historical Introduction to Revelation, Apr. 1829–B [DC 8], sa JSP, D1:44–45; Revelation Book 1, 13, sa JSP, MRB:15.

  31. Lucy Mack Smith, History, 1844–45, book 8, [1]; Paul and Parks, History of Wells, Vermont, 81; Historical Introduction to Revelation, 1829–B [DC 8], sa JSP, D1:44–45; tingnan din sa Baugh, Days Never to Be Forgotten; Bushman, Rough Stone Rolling, 73; at Morris, “Oliver Cowdery’s Vermont Years and the Origins of Mormonism,” 106–29. Paksa: Mga Divining Rod

  32. Doktrina at mga Tipan 6 (Revelation, Apr. 1829–A, sa josephsmithpapers.org); Doktrina at mga Tipan 8 (Revelation, Apr. 1829–B, sa josephsmithpapers.org); Joseph Smith History, 1838–56, volume A-1, 13–14, sa JSP, H1:276–78 (banghay 2); tingnan din sa Book of Commandments 7:3; at Doktrina at mga Tipan 8:6–7.

  33. Doktrina at mga Tipan 9 (Revelation, Apr. 1829–D, sa josephsmithpapers.org); Oliver Cowdery to William W. Phelps, Set. 7, 1834, LDS Messenger and Advocate, Okt. 1834, 1:14.