“Isa Lamang Simula,” kabanata 16 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 16: “Isa Lamang Simula”
Kabanata 16
Isa Lamang Simula
Habang ang mga plano para sa Sion at templo ay naglalakbay sa pamamagitan ng koreo papuntang Missouri, ang siyam na taong gulang na si Emily Partridge ay lumundag mula sa kanyang kama at nagmamadaling lumabas suot ang kanyang pantulog. Sa bakuran sa likod ng kanyang bahay, di kalayuan sa pagtatayuan ng templo sa Independence, nakita niya ang isa sa mga malalaking tumpok ng dayami ng kanyang pamilya na nilalamon ng apoy. Ang apoy ay umabot sa kaitaasan ng kalangitan sa gabi, at ang maliwanag na dilaw na tanglaw ay gumagawa ng mahahabang anino sa likod ng mga taong nakatayo malapit dito, na walang magawa habang pinanonood ang nagliliyab na apoy.
Ang mga aksidenteng sunog ay karaniwan sa lugar na ito, ngunit ito ay hindi aksidente. Ang maliliit na pangkat ng mga mandurumog ay nagsimulang salaulain ang mga ari-arian ng mga Banal sa buong tag-init ng 1833, umaasang takutin ang mga bagong dating paalis ng Jackson County. Wala pa namang sinumang nasaktan, ngunit tila mas nagiging agresibo sa bawat pagsalakay ang mga mandurumog.
Hindi maunawaan ni Emily ang lahat ng dahilan kung bakit nais ng mga tao sa Jackson County na umalis ang mga Banal. Alam niya na ang kanyang pamilya at mga kaibigan ay hindi katulad ng kanilang mga kapitbahay sa maraming paraan. Ang mga taga-Missouri na narinig niya sa mga lansangan ay may ibang paraan ng pagsasalita, at ang mga babae ay nagsusuot ng ibang estilo ng pananamit. Ilan sa kanila ay naglalakad nang nakayapak sa tag-init at nilalabhan ang kanilang mga kasuotan gamit ang malaking palu-palo sa halip na mga kulahan na nakasanayan ni Emily sa Ohio.
Ito ay pawang maliliit na pagkakaiba, ngunit mayroon ding malalaking di-pagkakaunawaan na hindi gaanong alam ni Emily. Ang mga mamamayan sa Independence ay hindi gusto na ang mga Banal ay nangaral sa mga Indian at tumututol sa pagkaalipin. Sa mga hilagang estado, kung saan ang karamihan ng mga miyembro ng simbahan ay nanirahan, ang pagmamay-ari ng mga alipin ay labag sa batas. Ngunit sa Missouri, ang pang-aalipin ng mga maiitim na tao ay legal, at ang mga matagal nang naninirahan dito ay mahigpit na ipinaglalaban ito.
Ang katotohanan na ang mga Banal ay karaniwang sanay na sila-sila lamang ang magkakasama ay hindi nakatulong para mabawasan ang mga paghihinala. Habang parami nang parami sa kanila ang dumarating sa Sion, sama-sama silang nagtatrabaho para gumawa at maglagay ng muwebles sa mga tahanan, magbungkal ng mga bukirin at magpalaki ng mga anak. Sila ay sabik na naglalatag ng saligan ng isang banal na lunsod na magtatagal hanggang sa panahon ng Milenyo.
Ang sariling tahanan ng mga Partridge, na nakatayo sa gitna ng Independence, ay isang hakbang tungo sa paglikha sa bayan na maging Sion. Ito ay isang simpleng dalawang-palapag na bahay na hindi taglay ang kagandahan ng dating tahanan ni Emily sa Ohio, ngunit hudyat ito na ang mga Banal ay nasa Independence upang manatili.
Tulad ng ipinakita ng nagliliyab na tumpok ng dayami, sila ay nagsilbi na ring isang target.1
Sa pagtaas ng tensyon sa pagitan ng mga Banal at ng kanilang mga kapitbahay sa Jackson County, nagpasiya si William Phelps na gamitin ang mga pahina ng lokal na pahayagan ng simbahan upang pakalmahin ang nadaramang takot. Sa isyu noong Hulyo 1833 sa The Evening and the Morning Star, naglathala siya ng isang liham para sa mga nandarayuhang miyembro ng simbahan, pinapayuhan sila na magbayad ng kanilang mga pagkakautang bago magpunta sa Sion upang maiwasang maging isang pabigat sa komunidad.
Sa pamamagitan ng pagsulat nito at ng iba pang mga payo, umaasa siya na mababasa rin ng mga residente ng Jackson County ang pahayagan at makita na ang mga Banal ay mga mamamayang masunurin sa batas na ang mga paniniwala ay hindi magdadala ng panganib sa kanila o sa lokal na ekonomiya.2
Nagsulat din si William tungkol sa mga pananaw ng mga miyembro ng simbahan kaugnay sa maiitim na tao. Bagama’t nakikisimpatiya siya sa mga nais na palayain ang mga inaliping tao, nais ni William na malaman ng kanyang mga mambabasa na ang mga Banal ay susunod sa mga batas ng Missouri na nagtatakda sa mga karapatan ng malalayang maiitim na tao. May iilan lamang na mga kasaping maiitim na Banal sa simbahan, at iminungkahi niya na kung pipiliin nila na lumipat sa Sion, maingat silang kumilos at magtiwala sa Diyos.
“Hanggang wala tayong natatanging alituntunin sa simbahan sa mga taong may kulay,” hindi malinaw niyang isinulat, “hayaan ang kahinahunan ang maggabay.”3
Si Samuel Lucas, isang hukom ng county at koronel sa militia ng Jackson County, ay nanggagalaiti sa galit nang mabasa niya ang sulat sa The Evening and the Morning Star. Sa isipan ni Samuel, inaanyayahan ni William ang malalayang maiitim na tao na maging mga Mormon at lumipat sa Missouri. Ang mga pahayag ni William na sumasaway sa maiitim na mga Banal na manirahan sa Missouri ay walang nagawa upang pakalmahin ang kanyang mga pangamba.4
Dahil may mga mandurumog na ginugulo ang mga Banal sa Independence at mga kalapit na pamayanan, hindi mahirap para kay Samuel na humanap ng ibang tao na sasang-ayon sa kanya. Sa loob ng mahigit isang taon, ang mga lider ng bayan ay tinitipon ang kanilang mga kapitbahay laban sa mga Banal. Ang ilan ay namahagi ng mga polyeto at tumawag ng mga pulong pambayan, hinihimok ang mga tao na itaboy paalis ang mga bagong dating mula sa lugar.5
Noong una, karamihan sa mga residente ay inakala na ang mga Banal ay mga hindi delikadong panatiko na nagpanggap lamang na tumanggap ng mga paghahayag, nagpapagaling sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at gumagawa ng iba pang mga himala. Subalit habang parami nang parami ang mga miyembro ng simbahan ang nanirahan sa county, naghahayag na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos ang Independence bilang lupang pangako, sina Samuel at iba pang mga pinuno ng bayan ay nakita sila at ang kanilang mga paghahayag bilang banta sa kanilang mga ari-arian at kapangyarihan sa pulitika.
At ngayon ang sulat ni William ay pumukaw sa isa sa kanilang pinakamalaking kinatatakutan. Dalawang taon pa lang ang nakakaraan, dose-dosenang mga alipin sa ibang estado ang naghimagsik at pumatay ng higit sa 50 mga puting lalaki at babae sa loob ng wala pang dalawang araw. Ang mga may-ari ng mga alipin sa Missouri at sa iba pang mga estado sa timog ay nangangamba na maganap ang isang katulad na pangyayari sa kanilang mga komunidad. Ang ilang tao ay natakot na kung iimbitahan ng mga Banal ang malalayang maiitim na tao sa Jackson County, ang kanilang presensya ay maaaring maging dahilan upang asamin ng mga alipin ang kalayaan at mag-aklas.6
Dahil may mga batas na pumoprotekta sa kalayaan sa relihiyon at pananalita ng mga Banal, si Samuel at ang iba ay nauunawaan na hindi nila magagawa ang mga pagbabanta sa pamamagitan ng mga legal na paraan. Ngunit hindi sila ang magiging unang bayan na gumamit ng dahas upang palayasin ang mga taong inaayawan nila. Kung magkakasamang kikilos, maaari nilang mapaalis ang mga Banal mula sa bayan at hindi maparurusahan.
Ang mga lider ng bayan ay agad nagpulong upang gumawa ng aksyon laban sa mga bagong dating. Inilista ni Samuel at ng iba pa ang kanilang mga reklamo laban sa mga Banal at ipinakita ang pahayag sa mga mamamayan ng Independence.
Ang dokumento ay nagdedeklara ng layon ng mga lider ng bayan na palayasin ang mga Banal mula sa Jackson County kahit sa anumang paraan na kinakailangan. Itinakda nila ang Hulyo 20 para sa isang pulong sa hukuman upang pagpasiyahan kung ano ang gagawin nila sa mga Banal. Daan-daang residente sa Jackson County ang pumirma ng kanilang mga pangalan sa pahayag.7
Nang malaman niya ang tungkol sa kaguluhan, desperadong sinikap ni William Phelps na ayusin ang anumang hindi magandang naidulot ng kanyang artikulo sa pahayagan. Ipinahayag sa Aklat ni Mormon na inanyayahan ni Jesucristo ang lahat na lumapit sa Kanya, “itim at puti, alipin at malaya”, ngunit si William ay mas nag-aalala na bumaling ang buong bayan laban sa mga Banal.8
Mabilis na kumilos, naglimbag siya ng isang pahinang polyeto na binabawi ang isinulat niya tungkol sa pang-aalipin. “Tayo ay tumututol sa pagkakaroon ng malayang taong may kulay na makapasok sa estado,” giit niya, “at sinasabi natin na wala nang maaaring tanggapin sa simbahan.”9 Pinasinungalingan ng polyeto ang pananaw ng simbahan sa pagbibinyag ng mga miyembro na maiitim, ngunit umasa siyang hahadlang ito sa mga darating na karahasan.10
Noong Hulyo 20, nagpunta sina William, Edward, at iba pang mga lider ng simbahan sa hukuman ng Jackson County upang kausapin ang mga lider ng county. Hindi pangkaraniwan ang banayad na panahon para sa Hulyo, at daan-daang mga tao ang iniwan ang kanilang mga tahanan, bukirin, at negosyo upang dumalo sa pulong at maghandang gumawa ng aksyon laban sa mga Banal.
Pinagpasiyahang bigyan ang mga lider ng simbahan ng huling babala bago gumamit ng karahasan, si Samuel Lucas at labindalawa pang kalalakihan na kumakatawan sa komunidad ay pilit na ipinahinto kay William ang paglimbag ng The Evening and the Morning Star at na agarang lisanin ng mga Banal ang county.11
Bilang bishop ng Sion, alam ni Edward kung gaano kalaki ang mawawala sa mga Banal kung pagbibigyan nila ang mga kahilingan. Ang pagsasara ng palimbagan ay magpapatagal sa paglalathala ng Book of Commandments, na halos tapos na. At ang paglisan sa county ay nangangahulugan ng hindi lamang kawalan ng mahahalagang ari-arian kundi ang pagsuko rin ng kanilang mga mana sa lupang pangako.12
Humingi si Edward ng tatlong buwan upang pag-isipan ang mga panukala at hingin ang payo ni Joseph sa Kirtland. Ngunit tumanggi ang mga pinuno ng Jackson County na ipagkaloob ang kanyang kahilingan. Humingi si Edward ng sampung araw upang sumangguni sa iba pang mga Banal sa Missouri. Binigyan siya ng mga lider ng komunidad ng labinlimang minuto.13
Tutol na mapilit sa isang desisyon, tinapos ng mga Banal ang negosasyon. Habang umaalis ang delegasyon ng Jackson County, bumaling ang isang lalaki kay Edward at sinabi sa kanya na ang gawain ng paglipol ay sisimulan kaagad.14
Si Sally Phelps ay nasa bahay sa unang palapag ng opisina ng palimbagan ng simbahan, na kahilera ng daan lampas sa bahay-hukuman, at inaalagaan ang kanyang maysakit na bagong silang na anak. Ang kanyang apat pang mga anak ay nasa malapit lamang. Ilang oras na ang nakakaraan mula nang umalis si William upang dumalo sa pulong sa hukuman. Hindi pa siya nakakabalik, at nag-aalalang naghintay ng balita si Sally tungkol sa pulong.
Isang malakas na tunog ang kumalampag sa harapang pintuan, na gumulat sa kanila ng kanyang mga anak. Sa labas, binabayo ng mga lalaki ang malaking troso sa pintuan, sinusubukang sirain ito. Isang pulutong ng mga kalalakihan, kababaihan, at bata ang nakapalibot sa paligid ng palimbagan, ang ilan ay masiglang inuudyukan ang mga lalaki at ang iba naman ay tahimik na nanonood.15
Nang mabuksan ang pintuan, mabilis na pumasok ang mga armadong lalaki sa bahay at kinaladkad si Sally at ang mga bata sa kalye.16 Itinapon nila ang mga kasangkapan at kagamitan ng pamilya sa labas ng pintuan at binasag ang mga bintana. Ilan sa mga sumalakay ay umakyat sa ikalawang palapag ng palimbagan at tinapon ang makinilya at tinta sa sahig habang ang ibang mga lalaki ay nagsimulang gibain ang gusali.17
Nakatayo kasama ang mga anak na nagsusumiksik sa kanya, nanood si Sally habang sinisira ng mga lalaki ang bintana sa ikalawang palapag ng palimbagan at hinahagis palabas ang papel at makinilya. Pagkatapos ay itinulak nila ang imprenta sa bintana at hinayaan itong bumagsak sa lupa.18
Sa gitna ng kaguluhan, ilan sa mga lalaki ang lumabas mula sa palimbagan bitbit sa kanilang mga bisig ang hiwa-hiwalay pang mga pahina mula sa Book of Commandments. “Narito ang aklat ng mga paghahayag ng mga kasumpa-sumpang mga Mormon,” ang sigaw ng isa sa kanila sa mga tao habang inihahagis niya ang mga pahina sa kalye.19
Magkasamang nagsisiksikan sa isang kalapit na bakod, ang labinlimang taong gulang na si Mary Elizabeth Rollins at ang kanyang labintatlong taong gulang na kapatid na babae, si Caroline, ay nakamasid habang ikinakalat ng mga lalaki ang mga pahina ng Book of Commandments.
Nakita ni Mary ang ilan sa mga pahina noon. Siya at si Caroline ay mga pamangkin ni Sidney Gilbert, na nagpapatakbo sa tindahan ng mga Banal sa Independence. Isang gabi, sa bahay ng kanilang tiyuhin, nakinig si Mary habang binasa at tinalakay ng mga lider ng simbahan ang bagong mga paghahayag sa mga bagong limbag na pahina. Habang nag-uusap ang mga lalaki, ang Espiritu ay bumaba sa pulong, at ang ilan ay nagsalita sa ibang wika samantalang si Mary ay binigyang-kahulugan ang kanilang mga salita. Ngayon ay nadama niya ang malalim na paggalang para sa mga paghahayag, at ang makita ang mga ito na nagkalat sa kalsada ay lubhang nagpalungkot sa kanya.
Bumaling kay Caroline, sinabi ni Mary na gusto niyang kunin ang mga pahina bago sila masira. Sinimulang sirain ng mga lalaki ang bubong ng palimbagan. Hindi magtatagal ay gigibain nila ang mga pader nito, walang iiwanan kundi mga guho nito.
Nais iligtas ni Caroline ang mga pahina, ngunit siya ay takot sa mga mandurumog. “Papatayin nila tayo,” sabi niya.
Naunawaan ni Mary ang panganib, ngunit sinabi niya kay Caroline na determinado siyang makuha ang mga pahina. Ayaw iwanang mag-isa ang kapatid, pumayag si Caroline na tumulong.
Naghintay ang magkapatid hanggang sa tumalikod ang mga lalaki, pagkatapos ay mabilis silang lumabas mula sa kanilang pinagtataguan at kinuha ang lahat ng pahinang kayang dalhin ng kanilang mga bisig. Habang pumipihit sila upang bumalik sa bakod, napansin sila ng ilang kalalakihan at inutusan silang tumigil. Mas mahigpit na hinawakan ng magkapatid ang mga pahina at tumakbo nang mabilis papunta sa isang malapit na taniman ng mais habang sinusundan sila ng dalawang lalaki.
Ang mga tanim na mais ay anim na talampakan ang taas, at hindi makita nina Mary at Caroline kung saan sila papunta. Idinapa ang kanilang sarili sa lupa, itinago nila ang mga pahina sa ilalim ng kanilang mga katawan at pigil-hiningang pinakinggan ang paroo’t paritong paglalakad ng mga lalaki sa maisan. Naririnig ng magkapatid na papalapit ang mga ito, ngunit di nagtagal, sumuko sa paghahanap ang mga lalaki at iniwan ang taniman ng mais.20
Si Emily Partridge at ang kanyang nakatatandang kapatid na si Harriet ay umiigib ng tubig mula sa bukal nang makita nila ang isang grupo ng halos limampung armadong lalaking papalapit sa kanilang bahay. Nagtatago sa tabi ng bukal, takot na pinanood ng mga batang babae na pinaligiran ng mga lalaki ang bahay, ipinagtulakan ang kanilang ama palabas, at kinaladkad palayo.21
Dinala ng mga mandurumog si Edward sa liwasang-bayan, kung saan ang isang pulutong ng higit sa dalawang daang tao ang nakapaligid kay Charles Allen, na isa pang Banal na hinuli. Si Russell Hicks, na nanguna sa pampublikong pagtitipon ng umagang iyon, ay nilapitan si Edward at sinabihan siyang iwanan ang county o harapin ang magiging kapalit nito.
“Kung ako ay dapat magdusa para sa aking relihiyon,” sabi ni Edward, “ito ay hindi hihigit sa ginawa ng mga nauna sa akin.”22 Sinabi niya kay Hicks na wala siyang nagawang mali at tumutol na lisanin ang bayan.23
“Tawagin mo ang Jesus mo!” sigaw ng isang tinig.24 Itinulak ng mga mandurumog sina Edward at Charles sa lupa, at nagsimulang hubarin ni Hicks ang damit ng bishop. Nanlaban si Edward, at may isang nasa pulutong na humiling kay Hicks na hayaan ang bishop na manatiling suot nito ang kanyang polo at pantalon.
Pumapayag, hinablot ni Hicks ang sumbrero, kapote, at tsaleko ni Edward at ipinaubaya siya sa mga mandurumog. Dalawang lalaki ang lumapit at binuhusan ng alkitran at balahibo ang mga bihag mula ulo hanggang paa. Nakakapaso ang alkitran, tumatagos sa balat tulad ng asido.25
Sa di kalayuan, tinitipon ng isang nabinyagan na si Vienna Jaques ang mga nagkalat na mga pahina mula sa Book of Commandments mula sa kalye. Inilaan ni Vienna ang kanyang malaking ipon upang makatulong na maitatag ang Sion, at ngayon lahat ay nagkakawatak-watak.
Habang mahigpit niyang hawak ang mga kalat na pahina, isang lalaki mula sa mga mandurumog ang lumapit sa kanya at sinabing, “Umpisa pa lamang ito ng pagdurusa ninyo.” Itinuro nito ang hinang-hinang si Edward. “Hayan ang bishop mo, binuhusan ng alkitran at balahibo.”26
Tumingala si Vienna at nakita si Edward na paika-ikang lumayo. Tanging ang kanyang mukha at mga palad ng kanyang mga kamay ang hindi na natatakpan ng alkitran. “Purihin ang Dios!” sigaw niya. “Tatanggap siya ng korona ng kaluwalhatian kapalit ng alkitran at mga balahibo.”27
Noong gabing iyon ay walang tahanang uuwian si Sally Phelps. Nakatagpo siya ng kanlungan sa isang inabandonang kuwadra na yari sa troso na katabi ng taniman ng mais. Sa tulong ng kanyang mga anak, tinipon niya ang mga dayami upang mahigaan.
Habang siya at ang mga bata ay gumagawa, dalawang nilalang ang lumabas mula sa taniman ng mais. Sa pumapanglaw na liwanag, nakita ni Sally sina Caroline at Mary Rollins. Sa kanilang mga bisig, karga ng magkapatid ang mga salansan ng papel. Tinanong ni Sally kung ano ang dala nila, at ipinakita nila sa kanya ang mga pahina na kanilang natipon mula sa Book of Commandments.
Kinuha ni Sally ang mga pahina mula sa magkapatid at itinago ang mga ito nang ligtas sa ilalim ng kanyang higaan na yari sa tinipong mga dayami.28 Ang gabi ay mabilis na dumarating, at hindi niya alam kung ano ang dala ng bukas para sa Sion.