Institute
17 Kahit Paslangin Tayo ng mga Mandurumog


“Kahit Paslangin Tayo ng mga Mandurumog,” kabanata 17 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 17: “Kahit Paslangin Tayo ng mga Mandurumog”

Kabanata 17

Kahit Paslangin Tayo ng mga Mandurumog

Lalaking Nagpapaputok ng Baril

Nang magkaroon ng karahasan sa mga kalye ng Independence, nilisan ni William McLellin ang kanyang bahay at nagtago sa kakahuyan, takot na takot sa mga mandurumog. Matapos wasakin ang palimbagan ng simbahan, ang mga mamamayan ng Jackson County ay ninakawan ang tindahan ni Sidney Gilbert at itinaboy ang maraming mga Banal mula sa kanilang mga tahanan. Ang ilang kalalakihan ay dinakip at nilatigo hanggang sa duguan na sila.1

Umaasa na maiwasan ang kanilang kinahinatnan, nanatili si William sa kakahuyan nang ilang araw. Nang malaman niya na ang mga mandurumog ay nag-aalok ng perang gantimpala sa sinumang makahuli sa kanya o sa iba pang mga kilalang miyembro ng simbahan, palihim siyang umalis patungo sa tirahan ng pamilya Whitmer sa tabi ng Ilog Big Blue, ilang milya ang layo sa kanluran, at nanatiling hindi nagpapakita.

Nag-iisa at takot, si William ay pinahirapan ng pag-aalinlangan. Nagpunta siya sa Independence na pinaniniwalaan na ang Aklat ni Mormon ay salita ng Diyos. Ngunit ngayon siya ay may presyo sa kanyang ulo. Ano ang mangyayari kung matagpuan siya ng mga mandurumog? Kaya ba niyang panindigan ang kanyang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon? Magagawa ba niyang ipahayag ang kanyang pananampalataya sa ipinanumbalik na ebanghelyo? Handa ba siyang magdusa at mamatay para rito?

Habang naguguluhan si William sa mga tanong na ito, nakatagpo niya sina David Whitmer at Oliver Cowdery sa kakahuyan. Kahit na mayroon ding gantimpala para kay Oliver, ang mga lalaki ay may dahilan upang maniwala na lumipas na ang pinakakinatatakutan. Ang mga mamamayan ng Independence ay determinado pa ring palayasin ang mga Banal mula sa bayan, ngunit tumigil ang mga pananalakay at ang ilang miyembro ng simbahan ay bumabalik na sa kanilang mga tahanan.

Naghahanap ng katiyakan, bumaling si William sa kanyang mga kaibigan. “Hindi pa ako nakakikita ng isang hayagang pangitain sa buong buhay ko,” sabi niya sa kanila, “pero kayong mga ginoo ay nagsabing nakakita na kayo.” Kailangan niyang malaman ang katotohanan. “Sabihin ninyo sa akin, nang may takot sa Diyos,” giit niya, “ang Aklat ni Mormon ba ay totoo?”

Tiningnan ni Oliver si William. “Isinugo ng Diyos ang Kanyang banal na anghel upang ipahayag ang katotohanan ng pagsasalin nito sa amin, at kaya nga, alam namin ito,” sabi niya. “At kahit paslangin kami ng mga mandurumog, kami ay mamamatay na ipinahahayag ang katotohanan nito.”

“Sinabi sa iyo ni Oliver ang taimtim na katotohanan,” sabi ni David. “Talagang ipinahahayag ko sa iyo ang katotohanan nito.”

“Naniniwala ako sa inyo,” sabi ni William.2


Noong Agosto 6, 1833, bago pa nalaman ni Joseph ang tindi ng lawak ng karahasan sa Missouri, tumanggap siya ng paghahayag tungkol sa pag-uusig sa Sion. Sinabi ng Panginoon sa mga Banal na huwag matakot. Narinig Niya at itinala ang kanilang mga panalangin, at nangako Siya sa pamamagitan ng isang tipan na sasagutin ang mga ito. “Lahat ng bagay kung saan kayo pinahirapan,” tiniyak ng Panginoon sa mga Banal, “ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti.”3

Makalipas ang tatlong araw, dumating si Oliver sa Kirtland dala ang buong ulat tungkol sa mga pag-atake sa Missouri.4 Upang patahimikin ang mga mandurumog, lumagda sina Edward Partridge at iba pang mga lider ng simbahan sa isang panunumpa, nangangako sa mga mamamayan ng Independence na lilisanin ng mga Banal ang Jackson County sa tagsibol. Wala ni isa man sa kanila na nais talikuran ang Sion, ngunit ang pagtangging lumagda ng panunumpa ay maglalagay lamang sa mga Banal sa mas malaking panganib.5

Nasindak sa karahasan, inaprubahan ni Joseph ang desisyon na lumikas. Kinabukasan, sumulat si Oliver sa mga lider ng simbahan sa Missouri, inaatasan sila na maghanap ng ibang lugar na matitirhan. “Maging matalino sa iyong pagpili,” ang payo niya. “Ang isa pang lugar ng pagsisimula ay walang maidudulot na pinsala sa Sion sa huli.”

“Kung nariyan lamang ako ay makikibahagi ako sa inyong mga pagdurusa,” dagdag pa ni Joseph sa pagtatapos ng liham. “Hindi itutulot ng aking espiritu na pabayaan kayong mamatay.”6

Pagkatapos nito, nanatiling nababagabag si Joseph nang ilang araw. Dumating ang kagimbal-gimbal na balita habang naharap siya sa matinding pamimintas sa Kirtland. Noong tag-araw na iyon, isang miyembro ng simbahan na nagngangalang Doctor Philastus Hurlbut ay natiwalag sa simbahan dahil sa imoral na pag-uugali habang nasa misyon. Di nagtagal ay nagsimula si Hurlbut na magsalita laban kay Joseph sa mga pulong na maraming dumadalo at nangongolekta ng pera mula sa mga kritiko ng simbahan. Gamit ang salaping ito, binalak ni Hurlbut na magtungo ng New York upang maghanap ng mga kuwentong magagamit niya upang ipahiya ang simbahan.7

Mabigat man ang mga problema sa Ohio, gayunman, alam ni Joseph na kailangan ng sitwasyon sa Missouri ang kanyang buong pansin. Habang pinagninilayan ang karahasan, natanto ni Joseph na ang Panginoon ay hindi binawi ang Kanyang utos na itatag ang Sion sa Independence ni pinahintulutan ang mga Banal na talikuran ang kanilang mga lupain sa Jackson County. Kung iiwanan nila ngayon ang kanilang mga ari-arian, o ibebenta ang mga ito sa kanilang mga kaaway, ang pagbawi sa mga ito ay halos imposible.

Desperado na makatanggap ng partikular na mga tagubilin para sa mga Banal sa Missouri, si Joseph ay nanalangin sa Panginoon. “Ano pa ang hihingin Ninyo sa kanilang mga kamay,” tanong niya, “bago Kayo pumarito at iligtas sila?” Naghintay siya ng kasagutan, ngunit ang Panginoon ay hindi nagbigay sa kanya ng bagong tagubilin para sa Sion.

Noong Agosto 18, personal na lumiham si Joseph kay Edward at sa iba pang mga lider sa Sion. “Hindi ko alam kung ano ang dapat sabihin sa inyo,” pag-amin niya. Nagpadala siya ng isang kopya ng paghahayag noong Agosto 6, at tiniyak sa kanila na ililigtas sila ng Diyos mula sa panganib. “Hawak ko ang Kanyang hindi mababagong tipan na ito ay mangyayari,” patotoo ni Joseph, “ngunit ang Diyos ay nalulugod na ilihim sa aking mga paningin ang mga paraan kung paano gagawin ang mga bagay na ito.”

Samantala, hinimok ni Joseph ang mga Banal na dapat silang magtiwala sa mga pangako ng Panginoon na ibinigay na sa kanila. Pinayuhan niya ang mga Banal na maging matiisin, itayong muli ang palimbagan at tindahan, at humanap ng legal na paraan na mabawi ang mga nawala sa kanila. Hiniling din niya sa kanila na huwag talikuran ang lupang pangako, at siya ay nagpadala ng mas detalyadong plano para sa lunsod.

“Ito ang kalooban ng Panginoon,” isinulat niya, “na wala ni isang talampakan ng biniling lupain ang dapat ibigay sa mga kaaway ng Diyos o ibenta sa kanila.”8


Nakarating kay Edward ang liham ni Joseph sa unang araw ng Setyembre, at ang bishop ay sumang-ayon na hindi dapat ipagbibili ng mga Banal ang kanilang ari-arian sa Jackson County.9 Bagama’t nagbanta ang mga lider ng mga mandurumog na sasaktan ang mga Banal kung susubukan nilang humingi ng kabayaran para sa kanilang kawalan, tinipon niya ang mga kuwento tungkol sa mga pang-aabusong tiniis ng mga Banal noong tag-araw na iyon at ipinadala ito sa gobernador ng Missouri na si Daniel Dunklin.10

Sa sarili niya, ayaw ni Gobernador Dunklin sa mga Banal, ngunit hinikayat niya sila na dalhin ang kanilang mga hinanakit sa mga korte. “Ang ating pamahalaan ay pamahalaan ng batas,” sinabi niya sa kanila. Kung mabibigo ang sistemang korte ng Jackson County na payapang ipatupad ang batas, maaari itong ipaalam sa kanya ng mga Banal at mamamagitan siya upang tumulong. Gayunman, sa ngayon, ipinayo niya na magtiwala sila sa mga batas ng lupain.11

Ang liham ng gobernador ay nagbigay ng pag-asa kay Edward at sa mga Banal. Sinimulan nilang ayusin ang kanilang komunidad, at si Edward at ang iba pang mga lider ng simbahan sa Sion ay umupa ng mga abugado mula sa isang kalapit na county upang hawakan ang kanilang kaso.12 Nagpasiya sila na ipagtatanggol nila ang kanilang sarili at kanilang mga ari-arian kung sila ay lulusubin.13

Ang mga pinunong bayan sa Independence ay galit na galit. Noong Oktubre 26, isang grupo ng higit sa limampung mga residente ang bumoto na palayasin ang mga Banal mula sa Jackson County sa lalong madaling panahon.14


Limang araw pagkaraan nito, sa dapithapon, nalaman ng mga Banal sa pamayanan ng mga Whitmer na mga armadong kalalakihan mula sa Independence ang patungo sa kanilang direksyon. Si Lydia Whiting at ang kanyang asawa, si William, ay dali-daling nilisan ang kanilang tahanan at dinala ang kanilang dalawang-taong-gulang na anak na lalaki at bagong silang na kambal papunta sa isang bahay kung saan nagtitipon ang ibang mga miyembro ng simbahan upang ipagtanggol ang kanilang sarili.

Dakong alas-diyes nang gabing iyon, nakarinig si Lydia ng ingay sa labas. Dumating ang mga tao mula sa Independence at winawasak ang mga kubo. Nagkalat sila sa kabuuan ng pamayanan, naghahagis ng mga bato sa mga bintana at sinisira ang mga pinto. Umakyat sa tuktok ng mga bahay ang mga lalaki at sinira ang mga bubong. Ang iba ay itinaboy ang mga pamilya mula sa kanilang mga tahanan gamit ang mga pamalo.

Narinig ni Lydia na papalapit na ang mga mandurumog. Sa hindi kalayuan, sinira nila ang pinto ng bahay nina Peter at Mary Whitmer, kung saan maraming miyembro ng simbahan ang nagtago. Naghiyawan ang mga tao nang pwersahang pinasok ng mga lalaking may pamalo ang bahay. Nagkandarapa ang mga kababaihan sa pagkuha sa kanilang mga anak at nagmakaawa sa mga sumalakay sa kanila. Itinaboy ng mga mandurumog ang mga lalaki palabas at pinaghahampas sila gamit ang mga pamalo at latigo.

Sa bahay kung saan nagtatago si Lydia, binalot ng takot at pagkalito ang mga Banal. Dala ang ilang mga armas at walang plano na ipagtanggol ang kanilang mga sarili, ang ilang tao ay nataranta at tumakas, nagmamadaling nagtago sa kalapit na kakakahuyan. Natatakot para sa kanyang pamilya, iniabot ni Lydia ang kanyang kambal sa dalawang batang babae na nakasiksik sa kanyang tabi at pinatakbo sila para sa kanilang kaligtasan. Pagkatapos ay kinarga niya ang kanyang anak na lalaki at sumunod sa kanila.

Sa labas ay pawang kaguluhan. Ang mga babae at bata ay nilampasan siya habang ang mga mandurumog ay sumira pa ng mas maraming bahay at giniba ang mga tsiminea. Ang mga lalaki ay nakahandusay sa lupa, labis na nabugbog at duguan. Mahigpit na niyakap ni Lydia ang kanyang anak na lalaki sa kanyang dibdib at tumakbo sa kakahuyan, hindi na nakikita ang kanyang asawa at ang mga batang babae na may karga sa kanyang mga sanggol.

Nang narating niya ang suklob ng mga punong kahoy, nakita ni Lydia ang isa lamang sa kanyang kambal. Kinuha niya ang sanggol at naupong kasama ang kanyang anak, nanginginig sa lamig ng taglagas. Mula sa kanilang pinagtataguan, naririnig nila ang mga mandurumog na winawasak ang kanilang bahay. Sa paglipas ng mahabang gabi, wala siyang ideya kung nagawang makatakas ng kanyang asawa mula sa pamayanan.

Nang mag-umaga na, maingat na lumabas ng kakahuyan si Lydia at hinanap ang kanyang asawa at nawawalang sanggol sa gitna ng mga lumuluhang Banal. Sa laking tuwa niya, ang sanggol ay hindi nasaktan at hindi nadakip ng mga mandurumog si William.

Sa iba pang dako ng pamayanan, muling nagkasama-sama ang iba pang mga pamilya. Walang sinuman ang napatay sa paglusob, ngunit halos isang dosenang tahanan ang nagiba. Sa buong maghapong iyon, ang mga Banal ay namulot sa mga labi, sinisikap na masagip ang anumang natira sa kanilang ari-arian, at inalagaan ang mga sugatan.15


Nang sumunod na apat na araw, sinabi ng mga lider ng Sion sa mga Banal na magtipon sa malalaking grupo upang ipagtanggol ang kanilang sarili laban sa mga pagsalakay. Ang mga mandurumog mula sa Independence ay nangabayo sa buong kanayunan, nilulupig ang malalayong pamayanan. Ang mga pinuno ng simbahan ay nagmakaawa sa isang lokal na hukom na pigilan ang mga mandurumog, ngunit binalewala sila nito. Determinado ang mga mamamayan ng Jackson County na palayasin ang bawat huling Banal mula sa kanilang lugar.16

Hindi nagtagal muling sinugod ng mga mandurumog ang pamayanan ng mga Whitmer, nang mas matindi kaysa dati. Nang marinig ng dalawampu’t-pitong-taong gulang na si Philo Dibble ang putok ng baril sa direksyon ng pamayanan, siya at ang ibang mga Banal na nasa malapit lamang ay nagmadali upang ipagtanggol ito. Natagpuan nila ang limampung armadong kalalakihan na nakasakay sa mga kabayo, niyuyurak ang mga taniman ng mais at tinataboy ang mga takot na Banal patungo sa mga kakahuyan.

Nang makita si Philo at ang kanyang mga kasama, ang mga mandurumog ay nagpaputok ng kanilang mga baril, na malubhang sumugat sa isang tao. Gumanti ng pamamaril ang mga Banal nang buong puwersa, na ikinamatay ng dalawa sa sumalakay sa kanila at nagkahiwa-hiwalay ang mga natira.17 Napuno ng maitim na usok ng pulbura mula sa kanilang mga baril ang hangin.

Habang nagsialisan ang mga mandurumog, nakadama ng sakit sa kanyang tiyan si Philo. Pagyuko niya, nakita niya na ang kanyang damit ay punit-punit at duguan. Tinamaan siya ng mga bala.18

Hawak pa rin ang kanyang baril at pulbura, pagiray-giray siyang bumalik sa tahanan. Sa daan ay nakita niya ang mga babae at bata na nagsisiksikan sa mga wasak na bahay, nagtatago mula sa mga mandurumog na nagbantang papatayin ang sinumang tumulong sa mga sugatan. Nanghihina at nauuhaw, pasuray na lumakad si Philo hanggang sa dumating siya sa bahay kung saan nagtatago ang kanyang pamilya.

Nakita ni Cecelia, na kanyang asawa, ang kanyang mga sugat at nagmamadaling pumunta sa kakahuyan, natarantang humahanap ng tulong. Naligaw siya at walang natagpuang tao. Nang bumalik siya sa bahay, sinabi niya na karamihan sa mga Banal ay nagsitakas tatlong milya ang layo sa pamayanan kung saan naninirahan ang mga Banal ng Colesville.19

Ang iba pang mga Banal ay nagkalat sa buong kanayunan, nagtatago sa mga taniman ng mais o gumagala sa walang katapusang parang.20


Habang nakikibaka ang mga Banal sa mga mandurumog sa tabi ng Ilog Big Blue, si Sidney Gilbert ay nakatayo sa harapan ng isang hukom sa korte ng Independence kasama sina Isaac Morley, John Corrill, William McLellin, at ilan pang mga Banal. Ang mga lalaki ay dinakip matapos ang isang lalaki na kanilang nahuli ng pandarambong sa tindahan ni Sidney ay kinasuhan sila ng pagsalakay at maling pagkabilanggo nang magtangka silang ipadakip siya.

Puno ang korte habang dinidinig ng hukom ang kanilang kaso. Habang ang buong bayan ay nagkakagulo sa desisyon ng mga Banal na ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at ari-arian, si Sidney at kanyang mga kaibigan ay halos walag dahilan upang umasa na makakukuha sila ng patas na pagdinig. Ang paglilitis ay tila kunwari lamang.

Habang pinakikinggan ng hukom ang mga salaysay, ang maling tsismis ay umabot sa Independence na ang mga Banal ay pumatay ng dalawampung taga-Missouri sa Ilog Big Blue. Napuno ng galit at pagkalito ang korte nang ang mga manonood ay nagsisigaw na patayin nang walang paglilitis ang mga bilanggo. Atubiling ipaubaya sila sa mga mandurumog, isa sa mga klerk ng korte ang nag-utos sa mga lalaki na bumalik sa bilangguan para sa kanilang proteksyon bago pa sila mapaslang ng mga tao.21

Nang gabing iyon, matapos humupa ang karahasan, nagpaiwan si William sa piitan habang ang sheriff at dalawang deputy ay sinamahan sina Sidney, Isaac, at John para makausap sila ni Edward Partridge. Tinalakay ng mga lider ng simbahan ang kanilang mga opsiyon. Alam nila na kailangan nila agad lisanin ang Jackson County, ngunit tutol silang iwan ang kanilang mga lupain at tahanan sa kamay ng kanilang mga kaaway. Sa huli, nagpasiya silang mas mainam na mawala ang kanilang mga ari-arian kaysa sa kanilang buhay. Kailangan nilang iwanan ang Sion.22

Natapos ang kanilang talakayan ganap na alas-dos ng umaga, at dinala ng sheriff pabalik ng kulungan ang mga bilanggo. Pagdating nila, anim na armadong kalalakihan ang naghihintay sa kanila.

“Huwag kayong magpapaputok! Huwag kayong magpapaputok!“ sigaw ng sheriff nang makita niya ang mga mandurumog.

Itinutok ng mga lalaki ang kanilang mga baril sa mga bihag, at kumaripas ng takbo sina John at Isaac. Ilan sa mga mandurumog ang nagpaputok sa kanila at nagmintis. Nanindigan si Sidney sa kanyang kinatatayuan habang dalawang lalaki ang lumapit sa kanya at itinutok ang kanilang mga baril sa kanyang dibdib. Handa na ang sarili sa mangyayari, narinig ni Sidney ang putok ng baril at nakita ang kislap ng pulbura.

Taranta, kinapa niya ang kanyang katawan para sa anumang sugat ngunit nalaman niyang wala siyang tinamong sugat. Nabali ang isa sa mga baril, at ang isa naman ay nagmintis. Ang sheriff at ang kanyang mga deputy ay nagmamadaling ibinalik siya sa kaligtasan sa loob ng selda.23

Ngayon ang karamihan sa Jackson County ay kumikilos para sa labanan. Ang mga mensahero ay umikot sa mga kanayunan, nag-aanyaya sa mga armadong kalalakihan na tumulong sa pagpapalayas sa mga Banal mula sa lugar. Samantala, isang myembro ng simbahan na nagngangalang Lyman Wight, ay namuno sa pangkat ng isang daang mga Banal, ang ilan ay sakbit ang kanilang mga baril at ang iba ay may pamalo, patungo sa Independence upang iligtas ang mga bilanggo.

Para maiwasan ang mas maraming pagdanak ng dugo, nagsimulang ihanda ni Edward ang mga Banal na lisanin ang county. Pinakawalan ng sheriff ang bilanggo, at binuwag ni Lyman ang kanyang pangkat. Ang militia ng county ay tinawag upang panatilihin ang kaayusan habang nililisan ng mga Banal ang kanilang mga tahanan, ngunit dahil ang karamihan sa mga lalaki sa militia ay naging bahagi ng pagsalakay sa mga pamayanan, halos wala silang ginawa upang maiwasan ang iba pang karahasan.24

Wala nang magagawa ang mga Banal ngayon kundi tumakbo.


Noong Nobyembre, 6, sumulat si William Phelps sa mga lider ng simbahan sa Kirtland. “Kakila-kilabot na panahon ito,” sabi niya sa kanila. “Ang mga lalaki, babae, at bata ay nagsisitakas, o naghahanda na, sa lahat ng dako.”25

Karamihan sa mga Banal ay naglakad patungo sa hilaga, tumawid gamit ang mga bangka sa napakalamig na Ilog Missouri patungo sa kalapit na Clay County, kung saan natagpuan ng mga nagkalat na miyembro ng mga pamilya ang isa’t isa. Ang hangin at ulan ay bumuhos sa kanila, at hindi nagtagal ay umulan ng niyebe. Matapos makatawid sa ilog ang mga Banal, sina Edward at ang iba pang mga lider ay nagtayo ng mga tolda at gumawa ng mga tirahan yari sa baku-bakong troso para sa kanilang proteksyon.26

Masyadong nasaktan para tumakas, si Philo Dibble ay nanghihina sa kanyang bahay na malapit sa pamayanan ng mga Whitmer. Sinabi sa kanya ng doktor na mamamatay siya, ngunit kumapit siya upang mabuhay. Bago tumungo pahilaga si David Whitmer, nagpadala siya ng mensahe kay Philo na nangangakong mabubuhay pa siya. Paglaon ay dumating si Newel Knight, naupo sa tabi ng kanyang higaan, at tahimik na ipinatong ang kanyang kamay sa ulo ni Philo.

Nadama ni Philo ang Espiritu ng Panginoon na nanahan sa kanya. Habang ang pakiramdam ay kumalat sa kanyang buong katawan, alam niya na siya ay gagaling. Tumayo siya, at ang kanyang mga sugat ay naglabas ng dugo at maliliit na piraso ng tela. Pagkatapos ay nagbihis siya at lumabas sa kauna-unahang pagkakataon simula noong labanan. Sa pagtingala niya, nakita niya ang napakaraming bulalakaw na gumuguhit sa buong kalangitan.27

Sa kampo sa tabi ng Ilog Missouri, naglabasan ang mga Banal mula sa kanilang mga tolda at kubol upang makita ang pag-ulan ng bulalakaw. Sina Edward at ang kanyang anak na si Emily ay nanood nang may galak habang ang mga bituin ay tila bumubuhos sa paligid nila tulad ng malakas na ulan sa tag-araw. Para kay Emily, ito ay parang nagpadala ang Diyos ng mga ilaw upang palakasin ang loob ng mga Banal sa kanilang mga paghihirap.

Ang kanyang ama ay naniwala na ang mga ito ay tanda ng presensiya ng Diyos, isang dahilan para magalak sa gitna ng labis na pagdurusa.28


Sa Kirtland, isang katok sa pintuan ang gumising sa propeta. “Brother Joseph,” narinig niyang sinabi ng isang tinig, “bumangon po kayo at tingnan ang mga tanda sa kalangitan.”

Bumangon si Joseph at tumingin sa labas, at nakita niya ang mga bulalakaw na bumabagsak mula sa langit tulad ng mga yelo. “Kagila-gilalas ang Iyong mga gawa, O Panginoon!” bulalas niya, naaalala ang mga propesiya sa Bagong Tipan tungkol sa mga bituing bumabagsak mula sa kalangitan bago ang Ikalawang Pagparito, kapag bumalik ang Tagapagligtas at maghahari nang isang libong taon sa kapayapaan.

“Salamat sa Iyong awa sa akin, na Iyong tagapaglingkod,” dalangin niya. “Oh Panginoon, iligtas Mo ako sa Iyong kaharian.”29