“Nagawa na ang Lahat,” kabanata 28 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 28: “Nagawa na ang Lahat”
Kabanata 28
Nagawa na ang Lahat
Ang Agosto 6, 1838, ay Araw ng Halalan sa Missouri. Nang umagang iyon, naglakbay si John Butler patungo sa bayan ng Gallatin, ang luklukan ng pamahalaan sa Daviess County, upang bumoto.1
Si John ay ilang taon nang Banal sa mga Huling Araw. Siya at ang kanyang asawa, si Caroline, ay lumipat sa isang maliit na pamayanan malapit sa Adan-ondi-Ahman noong tag-araw na iyon. Kapitan siya ng lokal na militia at isang Danite.2
Itinatag lamang noong isang taon, ang Gallatin ay higit lamang sa isang kumpol ng mga bahay at saloon. Noong dumating si John sa plasang-bayan, nakita niya itong puno ng mga kalalakihan mula sa buong county. Isang lugar ng botohan ang itinayo sa isang maliit na bahay sa dulo ng plasa.3 Habang nakapila ang mga kalalakihan upang bumoto, nakikihalubilo ang mga nangangampanya sa ibang tao sa labas.4
Sumali si John sa isang maliit na grupo ng mga Banal na nakatayo nang hiwalay sa pangunahing grupo. Ang saloobin sa Daviess County ay hindi naging pabor sa mga Banal. Matapos itatag ni Joseph ang stake sa Adan-ondi-Ahman, lumago ang pamayanan at higit sa dalawang daang bahay ang itinayo. Maaari nang impluwensiyahan ng mga Banal ang resulta ng boto sa county, at ikinagalit ito ng maraming residente. Upang maiwasan ang mga problema, nagplano sina John at kanyang mga kaibigan na magkakasamang bumoto at kaagad umuwi.5
Nang papalapit na si John sa lugar ng botohan, si William Peniston, isang kandidato para sa kinatawan ng estado, ay umakyat sa tuktok ng isang bariles ng whiskey upang magbigay ng isang talumpati. Tinangkang suyuin ni William ang boto ng mga Banal noong unang bahagi ng taong iyon, ngunit nang malaman niya na karamihan sa kanila ay pabor sa kalabang kandidato, nagparatang siya laban sa kanila.
“Ang mga lider ng Mormon ay isang hanay ng mga magnanakaw ng kabayo, sinungaling, at mga manlilinlang,” sigaw ni William sa mga lalaking nagtitipon malapit sa kanya. Nabalisa si John. Hindi ganoon kalaki ang kakailanganing gawin ni William upang ibaling ang mga tao laban sa kanya at sa kanyang mga kaibigan. Karamihan sa mga lalaki ay galit na sa kanila, at marami ay umiinom ng whiskey mula nang nagsimula ang halalan.
Binalaan ni William ang mga botante na nanakawin ng mga Banal ang kanilang ari-arian at tatabunan ang kanilang boto.6 Hindi sila kabilang sa county, kanyang sinabi, at wala silang karapatang makilahok sa halalan. “Pinangunahan ko ang mga mandurumog upang palayasin kayo mula sa Clay County,” pagyayabang niya, habang bumabaling kay John at sa iba pang mga Banal, “at hindi ako hahadlang kung dumugin man kayo ngayon.”7
Maraming whiskey pa ang ibinigay sa mga tao. Narinig ni John ang ilang kalalakihan na minumura ang mga Banal. Nagsimula siyang umatras. Higit sa anim na talampakan ang taas niya at matipuno ang pangangatawan, subalit nagtungo siya sa Gallatin upang bumoto, hindi makipag-away.8
Bigla na lang, isang lalaki ang sinubukang suntukin ang isa sa mga Banal sa mga Huling Araw. Isa pang Banal ang sumingit upang ipagtanggol siya, ngunit itinulak siyang palayo ng mga tao. Ang ikatlong Banal ay kumuha ng isang pirasong kahoy mula sa isang kalapit na tumpok ng kahoy at hinambalos ang salarin sa ulo. Bumagsak ang lalaki malapit sa paanan ni John. Ang mga lalaki sa magkabilang panig ay kumuha ng mga pambambo at naglabas ng mga kutsilyo at latigo.9
Agad na nahigitan ang mga Banal ng apat sa isa, ngunit determinado si John na protektahan ang mga kapwa niyang mga Banal at kanilang mga lider. Nakakita ng isang tumpok ng mga kahoy na gamit sa paggawa ng bakod, kumuha siya ng isang makapal na piraso ng oak at sumugod sa labanan. “Ah oo, kayong mga Danite,” sigaw niya, “narito ang trabahong naghihintay para sa atin!”
Hinampas niya ang mga lalaking lumulusob sa mga Banal, tinatantya ang bawat hampas upang itumba ang kanyang mga kalaban, at hindi sila patayin. Ang mga kaibigan niya ay gumanti rin, ginawang mga armas ang mga patpat at bato. Pinatumba nila ang sinumang sumugod sa kanila, at tinapos ang labanan makaraan ang dalawang minuto.10
Hinihingal pa si John nang tingnan niya ang plasang-bayan. Ang mga sugatang lalaki ay hindi gumagalaw na nakahandusay sa lupa. Ang iba naman ay tumatalilis palayo. Bumaba mula sa kanyang mga bariles ng whiskey si William Peniston at tumakas patungo sa isang kalapit na burol.
Isang lalaki ang lumapit kay John at sinabi na maaari nang bumoto ngayon ang mga Banal. “Ibaba mo ang iyong patpat,” sabi niya. “Walang paggagamitan iyan rito.”11
Mas mahigpit itong hinawakan ni John. Nais niyang bumoto, ngunit alam niyang makukulong siya kung papasok siya sa maliit na bahay at sumubok bumoto nang walang armas. Sa halip, tumalikod siya at naglakad na palayo.
“Kailangan namin kayong dakpin bilang bilanggo,” may isa pang lalaking sumigaw. Sinabi niya na ilan sa mga lalaki na hinampas ni John ay maaaring mamatay.
“Ako ay isang tao na sumusunod sa batas,” sabi ni John, “ngunit hindi ko balak na litisin ng mga mandurumog.” Sumakay siya sa kanyang kabayo at nilisan ang bayan.12
Kinabukasan, nagtungo si John sa Far West at sinabi kay Joseph ang tungkol sa labanan. Ang mga ulat ng mga pagkamatay sa Gallatin ay mabilis na lumaganap sa hilagang Missouri, at ang mga mandurumog ay naghahanda upang salakayin ang mga Banal. Natatakot na magiging target para sa paghihiganti si John, tinanong sa kanya ni Joseph kung inilikas na niya ang kanyang pamilya mula sa Daviess County.
“Hindi,” sabi ni John.
“Kung gayon ay humayo ka at ilikas sila kaagad,” sinabi sa kanya ni Joseph, “at huwag matutulog doon ng isa pang gabi.”
“Ngunit ayaw ko na maging isang duwag,” sagot ni John.
“Humayo at gawin ang sinabi ko sa iyo,” sabi ni Joseph.13
Agad na umalis si John para umuwi, at di kalaunan ay naglakbay si Joseph kasama ang isang grupo ng mga armadong boluntaryo upang ipagtanggol ng mga Banal sa Daviess County. Nang makarating sila sa Adan-ondi-Ahman, nalaman nila na walang sinuman sa magkabilang panig ng labanan sa Gallatin ang namatay. Nakahinga na nang maluwag dahil dito, nakituloy si Joseph at ang kanyang mga kasama kay Lyman Wight noong gabing iyon.
Kinaumagahan, umalis si Lyman at ang isang armadong grupo ng mga Banal patungo sa bahay ni Adam Black, ang lokal na justice of the peace (huwes). Ayon sa mga bulung-bulungan, nagtitipon si Adam ng mga mandurumog na susugod sa mga Banal. Nais ni Lyman na lumagda ito ng isang pahayag na nagsasabi na titiyakin nito na magiging makatarungan ang pakikitungo sa mga Banal sa Daviess County, ngunit tumanggi si Adam.
Kalaunan ng araw na iyon, si Joseph at ang higit sa isang daang mga Banal ay bumalik sa bahay ni Adam. Si Sampson Avard, isa sa mga pinuno ng mga Danite sa Far West, ay isinama ang tatlo sa kanyang mga tauhan sa bahay at sinubukang pilitin ang huwes na lumagda sa pahayag. Muling tumanggi si Adam, iginiit na nais niyang makita si Joseph. Sa puntong iyon ay sumama ang propeta sa negosasyon at inareglo nang mapayapa ang problema, sumasang-ayon na hayaan ang hukom na isulat at lagdaan ang kanyang sariling pahayag.14
Subalit hindi nagtagal ang kapayapaan. Matapos ang pulong, iginiit ni Adam na sina Joseph at Lyman ay dapat dakpin dahil pinaligiran nila ang kanyang bahay ng armadong hukbo at ginigipit nila siya. Nakaiwas sa pag-aresto si Joseph sa paghiling na litisin siya sa kanyang pinanggalingang county ng Caldwell kaysa sa Daviess, kung saan karamihan ng mga mamamayan ay galit sa mga Banal.15
Samantala, ang mga tao sa kabuuan ng hilagang Missouri ay nag-organisa ng mga pagtitipon upang talakayin ang mga ulat mula sa Gallatin at ang tumataas na bilang ng mga Banal na naninirahan kasama nila. Ang maliliit na pangkat ng mga mandurumog ay sinira ang mga bahay at kamalig ng mga miyembro ng simbahan sa Daviess County at nilusob ang mga kalapit na pamayanan ng mga Banal.16
Upang mapahupa ang tensiyon, bumalik si Joseph sa Daviess County noong unang bahagi ng Setyembre para sagutin ang mga paratang laban sa kanya. Sa panahon ng pagdinig, inamin ni Adam na hindi siya pinilit ni Joseph na lagdaan ang pahayag. Gayunpaman, inatasan ng hukom ang propeta na bumalik sa loob ng dalawang buwan para sa isang paglilitis.17
May mga ilang kaalyado ang mga Banal sa pamahalaan ng Missouri, at hindi nagtagal ang militia ng estado ay tinipon upang pigilan ang mga pangkat ng vigilante. Ngunit ang mga tao sa loob at paligid ng Daviess County ay desidido pa ring palayasin ang mga Banal mula sa kanilang lugar.
“Ang mga taga-usig ng mga Banal,” isinulat ni Joseph sa isang kaibigan, “ay hindi natutulog sa Missouri.”18
Sa huling araw ng Agosto, naglakbay sina Phebe at Wilford Woodruff sa kahabaan ng dalampasigang may puting buhangin hindi kalayuan sa tahanan ng kanyang mga magulang sa Maine. Mababa ang tubig noon. Ang mga alon mula sa Atlantic Ocean at rumaragasa sa baybayin. Sa may kalayuan, tahimik na dumadaan ang mga barko, ang kanilang mga layag na yari sa makapal na lona ay hinihipan ng hangin. Isang kawan ng mga ibon ang umiikot sa bandang ulunan at bumababa sa tubig.
Nang mapahinto ang kanyang kabayo, bumaba si Phebe at nagtipon ng mga kabibe na nakakalat sa buhangin. Nais niyang dalhin ang mga ito bilang alaala kapag sila ni Wilford ay lumipat pakanluran patungong Sion. Nakatira si Phebe malapit sa karagatan sa halos buong buhay niya, at ang mga kabibe ay bahagi ng lugar na kanyang kinalakhan.19
Mula nang tawagin siya sa Korum ng Labindalawa, sabik si Wilford na makapunta sa Missouri. Ang kanyang pagbisita kamakailan sa Fox Islands ay sapat lamang ang tagal upang himukin ang maliit na grupo ng mga Banal na sumama sa kanya at kay Phebe sa Sion. Bigo siya nang bumalik sa mainland. Ilang miyembro ng branch ang pumayag na sumama sa kanila. Ang iba—kasama sina Justus at Betsy Eames, ang mga unang taong nabinyagan sa kapuluan—ay mananatili roon.
“Makikita nila ang kanilang kamalian kapag huli na ang lahat,” sabi ni Wilford.20
Subalit si Phebe rin ay hindi gaanong sabik na pumunta. Masaya siyang muling makasama ang kanyang mga magulang. Ang kanilang tahanan ay maginhawa, mainit, at pamilyar. Kung mananatili siya sa Maine, hindi siya malalayo sa pamilya at mga kaibigan.21 Ang Missouri, sa kabilang banda, ay labinlimang daang milya ang layo. Kapag umalis siya, maaaring hindi na niya makitang muli ang kanyang pamilya. Handa ba siyang gawin ang sakripisyong iyon?
Ipinagtapat ni Phebe ang kanyang nadarama kay Wilford. Nakikisimpatiya siya sa pag-aalala nito na lisanin ang pamilya, ngunit magkaiba sila ng saloobin tungkol sa bagay na ito. Alam niya, tulad nito, na ang Sion ay isang lugar ng kaligtasan at proteksyon.
“Pupunta ako sa lupain ng Sion o saanman ako isinugo ng Diyos,” itinala niya sa kanyang journal, “kahit na kailangan kong iwan ang mga ama, ina, at mga kapatid na magiging balakid sa pagitan ng Maine at Missouri—at mabuhay sa pinakuluang gulay habang nasa daan.”22
Sa kabuuan ng Setyembre, hinintay nina Phebe at Wilford ang Fox Islands branch na magtungo sa mainland at simulan ang kanilang paglalakbay pakanluran. Ngunit sa paglipas ng bawat araw at hindi lumitaw ang mga miyembro ng branch, nagsimulang mainip si Wilford. Matatapos na ang taon. Kapag mas tumagal pa ang pagkaantala ng kanilang paglalakbay, mas malamang na makararanas sila ng masamang panahon sa daan.
May iba pang mga bagay na naging dahilan para mag-atubili si Phebe na umalis. Ang kanilang anak, si Sarah Emma, ay nagkaroon ng matinding ubo, at iniisip ni Phebe kung tama ba na isama siya sa isang mahabang paglalakbay sa malamig na panahon.23 Pagkatapos ay lumitaw sa lokal na pahayagan ang isang pinalalang ulat tungkol sa gulo sa araw ng halalan sa malayong Daviess County. Ginulat ng balita ang lahat.
“Hindi tama na umalis,” sabi ng mga kapitbahay kina Phebe at Wilford. “Mapapatay kayo.”24
Makalipas ang ilang araw, dumating ang mga limampung Banal mula sa Fox Islands, na handa nang maglakbay patungo sa Sion. Alam ni Phebe na oras na para umalis, na si Wilford ay kailangang sumama sa Labindalawa sa Missouri. Ngunit nadama niya ang malakas na hatak ng tahanan at pamilya. Ang daan patungong Missouri ay magiging mahirap, at ang kalusugan ni Sarah Emma ay mahina pa rin. At walang garantiya na magiging ligtas sila mula sa mga mandurumog sa sandaling makarating sila sa kanilang bagong tahanan.
Gayunpaman, nagtiwala si Phebe sa pagtitipon. Nilisan niya ang kanilang tahanan upang sumunod noon sa Panginoon, at handa siyang gawin itong muli. Nang nagpaalam siya sa kanyang mga magulang, pakiramdam niya ay siya si Ruth sa Lumang Tipan, na tinatalikdan ang tahanan at pamilya para sa kanyang pananampalataya.
Mahirap mang umalis, inilagay niya ang kanyang tiwala sa Diyos at sumakay sa bagon.25
Noong huling bahagi ng Setyembre, ang dalawampu’t-isang taong gulang na si Charles Hales ay dumating sa De Witt, Missouri kasama ang mga Banal mula sa Canada. Isa sa ilang libong tumugon sa tawag na magtipon sa Sion, iniwan niya ang Toronto kasama ang kanyang mga magulang at mga kapatid noong simula ng taong iyon. Ang De Witt ay pitumpung milya sa timog-silangan ng Far West at naglaan sa mga bagon ng isang lugar para makapagpahinga at makapag-imbak silang muli bago tumulak patungong Caldwell County.26
Ngunit nang dumating si Charles, ang bayan ay kasulukuyang nilulusob. Humigit-kumulang apat na raang mga Banal ang nakatira sa De Witt, at ang mga kapitbahay sa loob at paligid ng pamayanan ay pinipilit sila na lisanin ang lugar, iginigiit na ang huling araw ng kanilang pag-alis ay sa Oktubre 1 o sila ay sapilitang paaalisin. Si George Hinkle, ang pinuno ng mga Banal sa De Witt, ay tumangging umalis. Sinabi niya na mananatili ang mga Banal at ipaglalaban ang kanilang karapatan na tumira doon.27
Lumalala ang tensyon sa De Witt dahil sa mga bulung-bulungan na ang mga Danite ay naghahandang makidigma laban sa mga taga-Missouri. Maraming mamamayan ang nagsimulang kumilos laban sa mga Banal at ngayon ay nagkakampo sa dulo ng De Witt, handang salakayin ang bayan sa anumang sandali. Umapela ang mga Banal sa gobernador ng Missouri na si Lilburn Boggs para sa proteksyon.28
Karamihan sa mga Banal mula sa Canada ay tumuloy papuntang Far West, na nagnanais na maiwasan ang gulo, subalit hiniling ni George kay Charles na manatili at ipagtanggol ang De Witt laban sa mga mandurumog. Bilang magsasaka at musikero, si Charles ay mas sanay na gumamit ng araro o trombon kaysa sa baril. Ngunit kailangan ni George ng mga lalaki upang magtayo ng mga muog sa paligid ng De Witt at maghanda para sa labanan.29
Noong Oktubre, 2, isang araw matapos ang palugit para sa mga Banal na lisanin ang pamayanan, sinimulan silang pagbabarilin ng mga mandurumog. Noong una, hindi gumanti ng pagpapaputok ang mga Banal. Ngunit pagkaraan ng dalawang araw, si Charles at mga dalawang dosenang Banal ang pumuwesto sa paligid ng kanilang mga muog at gumanti ng pagpapaputok, na sumugat sa isang tao.
Sinugod ng mga mandurumog ang mga muog, na nagtulak kina Charles at sa iba pa na madaliang maghanap ng pagtataguan sa ilang bahay na yari sa troso sa di-kalayuan.30 Hinarangan ng mga mandurumog ang daan patungo sa De Witt, na naghihiwalay sa mga Banal mula sa kanilang pagkain at suplay.
Makaraan ang dalawang gabi, noong Oktubre 6, sina Joseph at Hyrum Smith ay pumunta sa bayan kasama sina Lyman Wight at isang maliit na grupo ng mga armadong lalaki. Natagpuan nila ang mga Banal na halos wala nang pagkain at iba pang mga kagamitan. Maliban na lamang kung ang pananakop ay kaagad na matatapos, gutom at karamdaman ang magpapahina sa mga Banal bago pa muling magpaputok ang mga mandurumog.31
Handa si Lyman na ipagtanggol ang De Witt hanggang wakas, ngunit matapos makita ni Joseph kung gaano kadesperado ang sitwasyon, nais niyang magmungkahi ng isang mapayapang solusyon.32 Natitiyak niya na kung may sinumang taga-Missouri ang napatay sa paglusob, lulusubin ng mga mandurumog ang bayan at lilipulin ang mga Banal.
Nagpadala ng apela si Joseph para sa tulong ni Gobernador Boggs, pinakiusapan ang isang magiliw na taga-Missouri na dalhin ang apela. Bumalik ang sugo makalipas ang apat na araw dala ang balita na hindi ipagtatanggol ng gobernador ang mga Banal laban sa mga pagsalakay. Iginiit ni Boggs na ang hidwaan ay sa pagitan nila at ng mga mandurumog.
“Dapat nilang paglabanan ito,” sabi niya.33
Habang ang mga kaaway ay nagtitipon sa kalapit na county, at ang mga Banal ay walang natatanggap na maaasahang suporta mula sa militia ng estado, batid ni Joseph na kailangan niyang tapusin ang paglusob. Ayaw niyang sumuko sa mga mandurumog, ngunit ang mga Banal sa De Witt ay pagod na at lubos na mas kakaunti ang bilang. Ang patuloy na pagtatanggol sa pamayanan ay maaaring maging nakamamatay na pagkakamali. Atubili, nagpasiya siya na panahon na upang iwanan ang De Witt at umatras papuntang Far West.
Noong umaga ng Oktubre 11, isinalansan ng mga Banal sa mga bagon ang anumang maliit na ari-arian na kanilang madadala at naglakbay patawid sa parang.34 Nais ni Charles na sumama sa kanila, ngunit ang isa pang Banal mula sa Canada, na hindi pa handang umalis, ay hiniling sa kanya na manatili muna at tulungan siya. Pumayag si Charles, inaasahan na siya at ang kaibigan niya ay mabilis na makakahabol sa ibang mga Banal.
Ngunit matapos nilang makaalis ng bayan, bumalik ang kanyang kaibigan noong namatay ang kabayo nito. Tutol nang manatili pa sa teritoryo ng kaaway, mag-isang umalis si Charles at naglakad sa hindi kilalang parang. Naglakbay siya patungong hilagang kanluran, sa direksyon ng Caldwell County, na may malabong ideya kung saan siya papunta.35
Noong Oktubre 15, ilang araw matapos dumating ang mga Banal ng De Witt sa Far West, tinipon ni Joseph ang bawat lalaki sa bayan. Daan-daang mga banal ang umatras patungo sa Far West, tinatakasan ang mga aktibidad ng mga mandurumog sa kahabaan ng hilagang Missouri. Marami sa kanila ay nakatira ngayon sa mga bagon o tolda na nagkalat sa buong bayan. Naging malamig ang panahon, at nagsisiksikan at miserable ang mga Banal.36
Nakita ni Joseph na ang sitwasyon ay hindi na makontrol. Tumatanggap siya ng mga ulat na ang kanilang mga kaaway ay nagtitipon mula sa lahat ng direksyon. Noong sinalakay sila ng mga mandurumog sa Jackson at Clay County, sinubukan ng mga Banal na tahimik na tiisin ito, umaatras sa mga tunggalian at umaasa sa mga abogado at mga hukom upang ibalik ang kanilang mga karapatan. Ngunit saan sila dinala nito? Nagsasawa na siya sa mga pang-aabuso, at nais niyang magkaroon ng mas matapang na aksyon laban sa kanilang mga kaaway. Wala nang pagpipilian ang mga Banal.
“Nagawa na natin ang lahat,” sumigaw si Joseph sa mga lalaki sa paligid niya. “Sinong napakalaking hangal ang sisigaw ng, ‘Ang batas! Ang batas!’ kung ito ay laging ginagamit laban sa atin at hindi kailanman pumanig sa atin?”
Ang mga ninakaw na lupain at mga hindi pinarusahang krimen laban sa mga Banal sa loob ng maraming taon ay nagpawala ng kanyang tiwala sa mga pulitiko at mga abogado, at ang pasiya ng gobernador na hindi tulungan ang mga Banal ay lalong nagpatibay sa pananaw niyang iyon. “Ilalagay natin ang ating mga suliranin sa sarili nating mga kamay at mangangasiwa para sa ating sarili,” sabi ni Joseph. “Lumapit tayo sa gobernador, at wala siyang ginawa para sa atin. Ang militia ng county ay ating nilapitan, at wala silang ginawa.”
Naniwala siya na ang estado mismo ay hindi nakahihigit sa mga mandurumog. “Pinagbigyan natin ang mga mandurumog sa De Witt,” sabi niya, “at ngayon, naghahanda na silang sumalakay sa Daviess.” Hindi siya papayag na may anupang bagay ang makuha mula sa mga Banal.37
Dedepensahan nila ang kanilang sarili, paghahayag ng propeta, o mamatay sila habang ginagawa ito.38