“Diyos at Kalayaan,” kabanata 29 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 29: “Diyos at Kalayaan”
Kabanata 29
Diyos at Kalayaan
Matapos ang pagbagsak ng De Witt, ang mga lalaking lumusob sa bayan ay nagtungo sa hilaga sa Adan-ondi-Ahman. Sa mga kalapit na county, ang ibang mga mandurumog ay nagsimulang magtipon upang lusubin ang Far West at ang mga pamayanan sa tabi ng Shoal Creek, sumusumpang itataboy ang mga Banal mula sa Daviess patungo sa Caldwell County, at mula sa Caldwell patungong impiyerno.1 Si Heneral Alexander Doniphan, isang opisyal ng militia ng estado na nakapaglaan ng legal na tulong sa simbahan noong araw, ay malakas na hinikayat ang militia ng Caldwell County, isang opisyal na yunit ng militia ng estado na karamihang binubuo ng mga Banal sa mga Huling Araw, upang ipagtanggol ang kanilang mga komunidad laban sa mga pwersa ng kaaway.
Batid na ang mga Banal sa Daviess County ay nasa malaking panganib, iniutos nina Joseph at Sidney sa militia ng Caldwell County at sa iba pang mga armadong kalalakihan na tumungo sa Adan-ondi-Ahman. Sakay ng mga kabayo, sina Joseph at Hyrum ay nagtungo sa hilaga kasama ang grupo.2
Noong Oktubre, 16, 1838, habang ang mga sundalo ay nagtatayo ng kampo sa labas ng Adan-ondi-Ahman, binalot ang county ng malakas na pagbagsak ng niyebe. Sa may bandang ilog, si Agnes Smith ay naghahanda nang magpahinga sa gabing iyon. Ikinasal si Agnes sa bunsong kapatid ni Joseph, si Don Carlos, na nasa malayo. Bukod sa kanyang dalawang maliliit na anak na babae, nag-iisa siya sa bahay.
Bago maghatinggabi, isang grupo ng kalalakihan ang lumusob sa kanyang bahay at pinalibutan siya. Takot na takot, tinipon ni Agnes ang kanyang mga anak habang itinataboy sila ng mga mandurumog palabas sa niyebe habang tinututukan ng baril.
Walang pangginaw o kumot para mainitan, niyakap Agnes ang mga bata habang sinusunog ng mga lalaki ang bahay. Mabilis na kumalat ang apoy, nagbubuga ng maitim na usok sa kalangitan ng gabi. Lahat ng ari-arian si Agnes ay agad na nilamon ng apoy.
Alam ni Agnes na kailangan niyang tumakas. Ang pinakaligtas na lugar na maaaring puntahan ay ang Adan-ondi-Ahman, tatlong milya lamang ang layo, ngunit noon ay madilim, ang niyebe ay hanggang bukung-bukong ang lalim, at ang kanyang mga anak na babae ay wala sa wastong gulang para lumakad sa malayo sa kanilang sarili. Aabutin ng ilang oras ang paglalakbay, ngunit ano pa ba ang maaari niyang gawin? Hindi siya maaaring mamalagi sa tahanan.
Hawak ang isang anak na babae sa bawat balakang, naglakad si Agnes pakanluran habang itinataboy ng mga mandurumog ang iba pang mga Banal sa niyebe at sinusunog ang kanilang mga tahanan. Ang kanyang paa ay naging basa at namamanhid sa ginaw, at sumakit ang kanyang mga braso at likod mula sa pagbubuhat sa kanyang mga anak.
Hindi naglaon ay dumating siya sa isang napakalamig na sapa na ilang milya ang layo sa magkabilang direksyon. Malalim ang tubig, ngunit hindi masyadong malalim para lusungin. Mapangaib mabasa sa panahong ganito kalamig, ngunit ang tulong ay ilang milya lamang ang layo. Ang paglusong dito ang kanyang tanging magagawa kung nais niyang maihatid ang kanyang mga anak sa kaligtasan.
Binuhat nang mas mataas pa ang mga batang babae, lumusong si Agnes sa sapa hanggang sinalubong siya ng agos at hanggang baywang na niya ang lalim sa tubig.3
Noong madaling araw ng Oktubre 17, pagiray-giray na dumating sina Agnes at ang kanyang mga anak na babae sa Adan-ondi-Ahman, lubhang giniginaw at pagod na pagod. Ang iba pang mga biktima ng paglusob ay dumating sa gayon ding nakalulungkot na kalagayan. Marami sa kanila ay mga kababaihan at mga bata na halos pantulog lamang ang suot. Sinabi nila na itinaboy sila ng mga mandurumog mula sa kanilang lupain, sinunog ang kanilang mga tahanan at pinakawalan ang kanilang mga baka, kabayo, at tupa.4
Kinilabutan si Joseph sa mga nakita niyang tumakas. Sa kanyang talumpati para sa Ika-apat ng Hulyo, sinabi ni Sidney na ang mga Banal ay hindi gagawa ng pag-atake. Ngunit kung ang kanilang mga kaaway ay hindi mapaparusahan, ang nangyari sa mga Banal sa De Witt ay maaaring mangyari sa Adan-ondi-Ahman.
Umaasang mapapahina ang mga mandurumog at mabilis na tapusin ang labanan, nagpasya ang mga Banal na magmartsa sa kalapit na pamayanan na nagtataguyod at nagbibigay ng gamit sa kanilang mga kaaway. Hinati ang kanilang mga tauhan sa apat na yunit, ang mga lider ng simbahan at militia ay nag-utos ng pagsalakay sa Gallatin at dalawang iba pang mga pamayanan. Ang ikaapat na yunit ay magpapatrolya sa karatig na lugar nang naglalakad.5
Kinabukasan, ang umaga ng Oktubre 18, ay mahamog. Naglakbay si David Patten palabas ng Adan-ondi-Ahman kasama ang isang daang kawal, patungo sa Gallatin.6 Pagdating nila sa bayan, natagpuan ng mga lalaki na walang tao roon maliban sa ilang mga taong ligaw na tumakas habang papalapit ang mga lalaki.
Nang wala ng mga tao sa mga kalsada, pinasok ng kalalakihan ang isang tindahan at pinuno ang kanilang mga bisig ng mga produkto at suplay na kailangan ng mga tumakas na Banal sa Adan-ondi-Ahman. Maraming kalalakihan ang lumabas mula sa tindahan dala ang mabibigat na kahon at bariles, na kanilang ikinarga sa mga bagon na dala nila. Nang naubos na ang laman ng mga istante, nagtungo ang mga kalalakihan sa ibang pang mga tindahan at tirahan, kumukuha ng mga kubrekama, kumot, kapote, at damit.
Ang paglulusob ay tumagal nang ilang oras. Nang matapos silang i-empake ang lahat ng kanilang madadala, sinunog ng mga lalaki ang tindahan at iba pang mga gusali at naglakbay palabas ng bayan.7
Mula sa tuktok ng burol kung saan tanaw ang Adan-ondi-Ahman, nakikita ng mga Banal ang isang usok sa malayo na umaakyat sa kalangitan sa may Gallatin.8 Si Thomas Marsh, na dumating sa pamayanan kasama ang militia, ay kinakabahan sa ganoong mga tanda ng pagtutunggali, natitiyak na ang mga pagsalakay ay magpapagalit sa pamahalaan ng estado laban sa simbahan at magiging dahilan upang magdusa ang mga inosenteng mamamayan. Naniniwala si Thomas na pinalalaki nina Joseph at Sidney ang banta ng pagsalakay ng mga mandurumog sa kanilang agresibong pananalita at sermon. Kahit na dumating sa pamayanan ang mga naghihikahos na mga tumakas, tumanggi siyang paniwalaan na ang mga pag-atake sa kanilang mga tahanan ay magkakaugnay na mga pangyayari.
Bihira nang sumang-ayon si Thomas kay Joseph ngayon. Noong nakaraang taon, nang nagpunta siya sa Kirtland upang ihanda ang mga apostol sa misyon sa England, nadismaya si Thomas nang malaman niyang nagsimula ang misyon nang wala siya. Pinayuhan siya ng Panginoon na maging mapagpakumbaba at huwag maghimagsik laban sa propeta. Subalit patuloy niyang pinagdududahan ang tagumpay ng British mission, at nag-alinlangan siya na ito ay uunlad kung wala ang kanyang patnubay.
Kalaunan, matapos lumipat sa Missouri, ang kanyang asawa, si Elizabeth, ay nakipagtalo sa isa pang babae tungkol sa isang kasunduan na ginawa nila sa pagpapalitan ng gatas para sa paggawa ng keso. Matapos dinggin ng bishop at high council ang kaso at nagdesisyon laban kay Elizabeth, inapela ni Thomas ang kaso kina Joseph at sa Unang Panguluhan. Sila rin ay nagpasiya laban sa kanya.9
Sinaktan ng insidente ang kapurihan ni Thomas, at nahirapan siyang itago ang kanyang poot. Nagalit siya, at gusto niya ang lahat na magalit rin. Dalawang beses na tinanong siya ni Joseph kung siya ay lilisan. “Kapag nakita mo ako na lisanin ang simbahan,” sagot ni Thomas, “makikita ninyo ang isang mabuting kapwa na umalis.”10
Hindi nagtagal at ang hindi magaganda na lamang ang nakita niya sa propeta. Sinisi niya si Joseph sa krisis sa Missouri at nakitaan niya ito ng kamalian sa kanyang pagtugon sa karahasan. May alam din siyang iba pa na gayon din ang nadarama, kabilang na ang kapwa apostol na si Orson Hyde, na ang pananampalataya ay bumigay na rin muli nang makauwi sa England.11
Matapos bumalik sa Adan-ondi-Ahman ang mga lumusob na pangkat, dumating ang mga ulat na ang mga mandurumog ay lumalapit na sa Far West. Natatakot, ang puwersa ng mga Banal ay nagmamadaling bumalik sa Caldwell County upang maprotektahan ang bayan at kanilang mga pamilya.12
Bumalik si Thomas kasama nila, ngunit hindi upang ipagtanggol ang bayan. Sa halip, nag-empake siya ng kanyang mga gamit at nilisan ang Far West nang patakas noong gabi. Naniwala siya na ang banal na parusa ay malapit nang bumuhos kina Joseph at sa mga Banal na sumunod sa kanya. Kung ang mga mandurumog o pamahalaan ay wawasakin ang Far West, naisip niya, iyon ay dahil nais ng Diyos na mangyari ito.13
Naglakbay patimog, nais ni Thomas na magpakalayo-layo sa Missouri. Ngunit bago siya umalis ng estado, isang dokumento ang kailangan niyang isulat.14
Habang nanalasa ang panlulusob at pakikipaglaban sa hilagang Missouri, naliligaw si Charles Hales. Matapos lisanin ang De Witt, nilibot niya ang parang, hindi sigurado kung ang daan ay patungo sa Far West. Ilang linggo na ang lumipas mula nang huling niyang makita ang kanyang pamilya. Wala siyang paraan upang malaman kung nakarating sila sa Far West, o kung sila man ay ligtas mula sa mga mandurumog.
Ang pinakamainam na magagawa niya ay patuloy na maglakbay, iwasan ang anumang direktang pakikipagtunggali, at umasa na may makikilala siya na maaaring ituro sa kanya ang tamang direksyon.
Isang gabi ay nakita niya ang isang lalaking nag-aani ng mais sa isang bukid. Tila mag-isa at walang armas ang lalaki. Kung siya ay walang simpatiya o kumalaban sa mga Banal, ang pinakamasamang magagawa niya ay itaboy si Charles mula sa kanyang ari-arian. Ngunit kung siya ay maituturing na kaibigan, maaari siyang mag-alok ng isang lugar para matulugan at makakain.
Nilapitan ang magsasaka, tinanong ni Charles kung maaari siyang patuluyin sa kanyang bahay sa gabing iyon. Hindi tumugon ang magsasaka sa tanong ngunit sa halip ay tinanong si Charles kung isa siyang Mormon.
Batid na maaaring kapalit nito ang pagkain at isang mainit na lugar na matutulugan, sinabi ni Charles na isa nga siyang Mormon. Sinabi ng magsasaka na wala siyang maiaalok at sinabi sa kanya na malayo pa siya mula sa Far West.
“Ako ay isang lubos na estranghero sa county,” sinabi ni Charles sa magsasaka. Sinabi niya na siya ay naliligaw at hindi na makalakad nang malayo. Ang kanyang mga paa ay nagpapaltos at nasugatan. Papalubog na ang araw, at isa na namang malamig na gabi na sasalubong sa kanya.
Tila naawa ang magsasaka sa kanya. Sinabi niya kay Charles na ilang mga lalaki ang nanatili sa kanyang bahay sa panahon ng pananakop ng De Witt. Nabibilang sila sa mga mandurumog at pinapangako siyang hindi hahayaang makitira sa kanya ang isang Mormon.
Ngunit pagkatapos ay sinabi niya kay Charles kung saan ito makakahanap ng tirahan sa di kalayuan at ibinigay sa kanya ang direksyon patungo sa Far West. Kaunti lamang iyon, ngunit iyon lang ang kaya niyang ibigay.
Pinasalamatan ni Charles ang lalaki at muling naglakbay sa umaandap na liwanag.15
Noong gabi ng Oktubre 24, takot na sumilip si Drusilla Hendricks sa bintana ng kanyang bahay sa Caldwell County. Sa kalapit ng Far West, alisto ang mga Banal. Ang kanilang mga pagsalakay sa Daviess County ay nagdulot sa karamihan sa kanilang mga ka-alyado sa militia ng Missouri na kalabanin sila at sisihin sa buong labanan.16 Ngayon, ilang milya sa timog ng tahanan ni Drusilla, isang grupo ng mga mandurumog ang nagsimulang magsiga ng napakalaking apoy, ginagawang itim sa usok ang parang.17
Walang katiyakan, naghanda si Drusilla at ang kanyang asawang si James na lisanin ang kanilang bahay at tumakas patungong Far West. Batid na maaaring maging salat ang pagkain sa mga darating na linggo, sila ay namitas at naggayat ng repolyo mula sa kanilang hardin at binudburan ito ng asin upang gawing sauerkraut.
Nagtrabaho sila hanggang sa kalaliman ng gabi. Bandang alas-diyes ng gabi, nagtungo sina Drusilla at James sa bakuran upang humanap ng isang bato para idagan sa repolyo at panatilihing nakalubog ang mga ito sa tubig na may asin. Naglalakad sa likod ni James, malinaw na natatanaw ni Drusilla ang matangkad na pangangatawan nito sa malamlam na liwanag ng buwan. Namangha siya sa tangkad nito—at nagulat nang pumasok sa isip niya na maaaring hindi na niya muling makikita itong matikas na tumindig.
Kalaunan, nang matapos ang gawain at sina Drusilla at James ay nagpapahinga na sa kama, ang kanilang kapitbahay, si Charles Rich, ay kumatok sa pintuan. Sinalakay ng mga mandurumog ang mga pamayanan sa timog, pag-uulat niya. Ang mga pamilya ng mga Banal ay itinaboy mula sa kanilang mga tahanan, at dalawa o tatlong lalaki ang binugbog at ibinilanggo. Sila ni David Patten ay nag-oorganisa ngayon ng isang pangkat na sasagip sa kanila pabalik.
Bumangon si Drusilla habang kinukuha ni James ang kanyang kabayo. Pagkatapos ay kinuha niya ang mga baril ni James at inilagay ang mga ito sa mga bulsa ng kapote nito. Nang bumalik si James, kinuha ni Drusilla ang espada nito at maingat na ikinabit ito sa baywang ni James. Habang isinusuot ang kanyang kapote, nagpaalam si James at sumakay sa kabayo. Iniabot ni Drusilla ang isa pang baril sa kanya.
“Huwag kang magpabaril sa likod,” sabi niya.18
Halos sa oras na dumating si Charles Hales sa Far West, hinilingan siyang sumali sa grupong sasagip. Bagama’t siya ay pagod na pagod at nagpapaltos ang mga paa, humiram ng kabayo at baril si Charles at sumama sa apatnapung iba pang lalaki.19
Naglakbay sila patimog, nagtitipon ng mga lalaki mula sa mga liblib na pamayanan hanggang sa ang bilang ng kanilang puwersa ay umabot sa pitumpu’t lima. Ang mga bilanggo ay nakapiit sa isang kampo malapit sa Crooked River, labindalawang milya mula sa Far West. Kasama sa mga lalaking naglakbay kasama ni Charles ay si Parley Pratt, ang apostol na nagbinyag sa kanya sa Canada.
Madilim at tahimik ang gabi. Ang tanging mga ingay na narinig nila ay mga dagundong ng mga paa ng mga kabayo at kalantog ng kanilang mga armas. Sa hindi kalayuan, nakikita nila ang liwanag ng mga sunog sa parang. Paminsan-minsan ay kumikislap sa kanilang ulunan ang isang bulalakaw.20
Dumating ang mga kalalakihan sa Crooked River bago sumapit ang bukang-liwayway. Habang papalapit sila sa kampo ng kaaway, bumaba sila sa kanilang mga kabayo at bumuo ng mga pangkat. “Magtiwala sa Panginoon para sa tagumpay,” sabi ni David Patten nang magtipon sila. Inatasan niya sila na sundan siyang tawirin ang ilog.21
Sina Charles at ang iba pang mga kalalakihan ay tahimik na nagmartsa paakyat sa isang mababang burol hanggang sa nakita nila ang mga apoy sa kampo sa tabi ng ilog. Nang makarating sila sa tuktok ng burol, narinig nila ang sigaw ng isang tanod: “Sino iyan?”
“Mga kaibigan,” sinabi ni David.
“Armado ba kayo?” tanong ng tanod.
“Armado kami.”
“Kung gayon ay ibaba ninyo ang inyong mga armas.”
“Lumapit ka at kunin mo ang mga ito.”22
“Ibaba ninyo ang mga iyan!”
Sa sumunod na pagkalito, nagpaputok ang tanod sa mga Banal, at isang binata na nakatayo sa tabi ni Charles ang napasubsob nang tinamaan ng bala ang kanyang katawan. Agad na umatras ang tanod, nagmamadaling bumaba ng burol.23
“Laban para sa kalayaan,” sigaw ni David. “Lusob, mga kasama!”
Tumakbo pababa ng burol sina Charles at mga lalaki at bumuo ng mga linya sa kalsada at sa likod ng isang hanay ng mga puno at puno ng kastanyas. Sa baba nila, ang mga lalaki sa kampo ay nasitakbo mula sa kanilang mga tolda at nagtago sa kahabaan ng pampang. Bago nakapagpaputok sa kampo ang grupong sasagip, narinig nila ang kapitan ng mga kaaway na sumigaw nang malakas, “Mga bata, sugod!”24
Nilampasan ng mga bala ng kaaway si Charles sa kanyang ulo, ngunit si James Hendricks, na pumuwesto sa may daan, ay tinamaan ng bala sa leeg at sumubsob sa lupa.25
“Fuego!” Sigaw ni David Patten, at dumagundong ang putukan sa umaga.
Habang ang mga kalalakihan sa magkabilang kampo ay naglalagay ng bala sa kanilang mga sandata, isang kakila-kilabot na katahimikan ang nanaig sa gitna ng digmaan. Sumigaw si Charles Rich, “Diyos at kalayaan!” at sinigaw ito ng mga Banal nang paulit-ulit hanggang nag-utos si David Patten ng isa pang paglusob.
Sumugod ang mga Banal pababa ng burol habang ang mga taga-Missouri ay nagpaputok pang muli bago umatras patungo sa kabilang pampang ng ilog. Habang lumulusob siya, nakita ni David ang isang lalaking walang kasama at hinabol ito. Pumihit ang lalaki at, nakikita ang puting kapote ni David, malapitang pinaputukan ang apostol. Pumasok ang bala sa kanyang tiyan at bumagsak siya.26
Nang nagkalat ang mga taga-Missouri, natapos ang labanan. Isang miyembro ng kampo at isa sa mga Banal ang walang-buhay na nakahiga sa parang. Si David Patten at isa pang Banal ang malapit nang pumanaw.27 May malay pa rin si James Hendricks, subalit wala siyang nadamang kahit ano sa ibaba ng kanyang leeg.28
Si Charles Hales at ang karamihan sa mga lalaki sa grupo ay hindi nasaktan o kaya ay may maliliit na mga sugat lamang. Siniyasat nila ang kuta ng kaaway at natagpuan ang mga dinakip na Banal. Pagkatapos ay binuhat nila sina James at David sa itaas ng burol papunta sa isang bagon kasama ang iba pang nasugatan.
Sa pagsikat ng araw, ang mga Banal ay muling nakasakay sa kanilang mga kabayo, naglalakbay pahilaga sa Far West.29
Ang mga pinalaking ulat ng labanan sa Crooked River ay agad dumating sa mesa ng gobernador ng Missouri na si Lilburn Boggs matapos ang labanan. Ilan sa mga ulat ang nagsasabing walang-awang pinaslang ng mga Banal ang limampung taga-Missouri sa labanan. Ayon naman sa ibang ulat ang tala ng mga namatay ay mas malapit sa animnapu. Sa dami ng mga bulung-bulungan na nagkalat tungkol sa labanan, walang paraan si Boggs upang malaman kung ano ang talagang nangyari.
Sa panahon ng labanan sa malalayo at liblib na lugar, ang mga mabilisang binuong militia ay madalas nagmumukha at kumikilos na gaya ng mga vigilanteng walang sinusunod na batas. Nang umagang iyon, sinalakay ng mga Banal hindi ang isang grupo ng mga mandurumog, tulad ng inaakala nila, sa halip ay isang pangkat ng militia ng estado ng Missouri. At itinuring itong pag-aaklas laban sa estado.30
Isang matagal nang residente ng Independence, si Boggs ay sinusuportahan ang pagpapaalis sa mga Banal mula sa Jackson County at wala siyang pagnanais na protektahan ang kanilang mga karapatan. Subalit nanatili siyang walang kinikilingan sa labanan sa ngayon, kahit pa nagmakaawa ang magkabilang panig sa kanya.31 Habang kumakalat ang mga ulat ng pananalakay ng mga Mormon, ang mga mamamayan sa buong estado ay sumulat sa kanya, hinihimok siyang gumawa ng hakbang laban sa mga Banal.
Kasama sa mga liham at pahayag na dumating sa mesa ng gobernador ay isang sinumpaang salaysay mula sa isang apostol ng simbahan, si Thomas Marsh, na naghahayag na layong sakupin ni Joseph ang estado, ang bansa, at sa huli ay ang mundo.
“Ito ay pinaniniwalaan ng bawat tunay na Mormon na ang mga propesiyang ito ni Smith ay nakahihigit sa mga batas ng lupain,” babala ni Thomas.32 Kalakip ng sinumpaang salaysay ay ang pahayag ni Orson Hyde na nagpapatunay na ito ay totoo.33
Ibinigay ng mga dokumento kay Boggs ang lahat ng kailangan niya upang makabuo ng isang kaso laban sa mga Banal. Matapos ang labanan sa Crooked River, inutusan niya ang maraming pangkat ng militia ng Missouri na sugpuin ang mga pwersa ng Mormon at pasukuin ang mga Banal. Nagbigay rin siya ehekutibong utos sa heneral na nangangasiwa sa Unang Dibisyon ng mga sundalo ng Missouri.
“Ang impormasyon tungkol sa pinakanakapaghihilakbot na pagkatao,” isinulat ng gobernador noong Oktubre 27, 1838, “ay naglalagay sa mga Mormon sa posisyon ng isang hayagan at armadong pagsuway sa mga batas at sa paglulunsad ng digmaan laban sa mga mamamayan ng estadong ito. Ang inyong atas sa gayon ay pabilisin ang inyong pagkilos sa pinakamabilis na paraan. Dapat ituring bilang kaaway ang mga Mormon at dapat lipulin o itaboy mula sa estado.”34