“Paano Ito Magwawakas?,” kabanata 31 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)
Kabanata 31: “Paano Ito Magwawakas?”
Kabanata 31
Paano Ito Magwawakas?
Natakot si Lydia Knight na mayroong problema nang marinig niya ang nagwawalang hiyawan at pagsigaw na nagmumula sa kampo sa Missouri. Alam niyang nagpunta roon ang propeta upang makipagkasundo para sa kapayapaan. Subalit ang ingay na kanyang narinig ay tila isang pulutong ng mga lobong hayok sa manila.
Balisang tinitingnan ang nasa labas ng bintana, nakita ni Lydia ang kanyang asawa na tumatakbo patungo sa bahay. “Manalangin nang higit sa anumang panalangin mo noon,” sabi ni Newel sa kanya. Binihag ng mga militia ang propeta.
Nanghina si Lydia. Noong nagdaang gabi, dalawang beteranong nakipaglaban sa Crooked River ang kumatok sa kanyang pinto, naghahanap ng matataguan. Sumumpa ang mga militia ng Missouri na parurusahan ang mga Banal na sasali sa labanan, kaya ang pagtatago sa mga lalaki ay maglalagay sa kanyang pamilya sa panganib. Subalit hindi niya sila maitaboy kaya itinago niya sila sa kanyang tahanan.
Ngayon ay iniisip niya kung ligtas nga ba ang mga lalaki. Si Newel ay muling aalis ng gabing iyon para magbantay bilang guwardiya. Kung papasok ang militia sa lunsod habang siya ay nasa malayo at natagpuan ang mga lalaki sa kanilang tahanan, maaari nila silang paslangin. At ano ang gagawin nila sa kanyang asawa at mga anak?
Sa pag-alis niya noong gabing iyon, binalaan siya ni Newel na mag-ingat. “Huwag kayong lumabas,” sabi niya. “Nagkalat ang masasamang loob.”
Nang makaalis si Newel, nagsimula nang manalangin si Lydia. Nang pumunta sila ni Newel sa kanluran pagkatapos ng dedikasyon ng templo, bumuo sila ng isang tahanan at ngayon ay may dalawa nang anak. Maganda ang buhay bago magsimula ang pag-atake ng mga mandurumog. Hindi niya gustong masira ang lahat.
Naririnig pa rin niya mula sa malayo ang mga hiyaw ng mga taga-Missouri. Ang ingay ay nagpanginig ng kanyang laman, ngunit pinakalma siya ng pananalangin. Alam niya na ang Diyos ang namumuno sa kalangitan. Hindi ito mababago ng anumang nangyari.1
Kinabukasan, Nobyembre 1, 1838, sandaling bumalik si Newel sa bahay. Iniutos ni George Hinkle na magtipon ang mga puwersa ng mga Banal sa liwasang bayan. Ang militia ng Missouri ay nakahanay sa labas ng kanilang kampo at nakaposisyon upang magmartsang papunta sa Far West.
“Paano ito magwawakas?” tanong ni Lydia. “Ang aking puso ay binabagabag ng pagkabalisa dahil sa takot, gayunman ay sinasabi sa akin ng Espiritu na ang lahat ay magiging maayos.”
“Ipagkaloob nawa ito ng Diyos,” sabi ni Newel, habang dinadampot ang kanyang riple. “Paalam, at protektahan nawa kayo ng Diyos.”2
Habang nagtitipon ang mga hukbo ng mga Banal sa liwasan, pinagmartsa ni Heneral Lucas ang kanyang mga kawal sa mga parang sa timog-silangan ng Far West at iniutos na maghanda na pigilan ang anumang paglabang gagawin ng mga Banal. Nang alas diyes ng umagang iyon, pinamunuan ni George ang kanyang mga hukbo mula sa liwasan at ipinuwesto sila malapit sa hangganan ng Missouri. Pagkatapos ay nangabayo siya papunta kay Heneral Lucas, inalis ang espada at mga pistola mula sa kanyang sinturon, at iniabot ang mga ito sa heneral.3
Naglabas ang mga taga-Missouri ng mesang sulatan at inilagay ito sa harap ng kanilang hanay. Nangabayo pabalik si George sa kanyang mga tauhan at inutusan ang mga Banal na isa-isang lumapit sa mesa, at isuko ang kanilang mga sandata sa isang pares ng mga klerk ng militia ng Missouri.4
Dahil napaliligiran at labis na nahihigitan sa bilang, walang mapagpipilian sina Newel at ang mga Banal maliban sa sumunod. Nang dumating ang kanyang pagkakataon para isuko ang kanyang baril, mabilis na naglakad si Newel papunta sa mesa at tinitigan si Heneral Lucas. “Ginoo, ang aking riple ay sarili kong pag-aari,” sabi niya. “Walang sinuman ang may karapatang kunin ito sa akin.”
“Ibaba mo ang iyong armas,” sabi ng Heneral, “o ipababaril kita.”
Galit na galit na isinuko ni Newel ang kanyang riple at bumalik sa hanay.5
Matapos madisarmahan ang bawat Banal, wala nang kalaban-laban ang lunsod. Pinagmartsa ni Heneral Lucas ang mga hukbo ng mga Banal pabalik sa Far West at ginawa silang mga bilanggo sa liwasang bayan.
Pagkatapos ay inutusan niya ang kanyang mga kawal na sakupin ang lunsod.6
Hindi nag-aksaya ng oras ang militia ng Missouri sa puwersahang pagpasok sa mga bahay at tolda, hinahalungkat ang mga baul at bariles, at naghahanap ng mga armas at mahahalagang bagay. Tinangay nila ang tulugan, mga damit, pagkain, at pera. Ang ilan ay gumawa ng siga gamit ang mga troso ng bahay, bakod, at kamalig. Binaril ng iba ang mga baka, tupa, at baboy at hinayaan ang mga itong mamatay sa mga lansangan.7
Sa bahay ng mga Knight, ihinanda ni Lydia ang kanyang sarili sa paglapit ng tatlong kawal ng militia sa kanyang pinto. “Mayroong bang mga lalaki sa bahay ninyo?” pamimilit ng isa sa kanila.
“Ginuguwardiyahan niyo ang aming kalalakihan,” sabi ni Lydia habang hinaharangan ang daan sa kanyang bahay. Kung papapasukin niya ito, matatagpuan nito ang mga lalaking itinatago niya.
“Mayroong ba kayong anumang armas sa bahay ninyo?” tanong nito.
“Dinala ng aking asawa ang kanyang riple,” sabi ni Lydia. Nagsimulang umiyak ang mga bata sa likuran niya dahil sa takot nang makita ang dayuhan. Inilalabas ang tapang, tinalikuran ni Lydia ang lalaki. “Umalis ka na!” sigaw niya. “Hindi mo ba nakikita kung gaano natatakot ang maliliit na bata?”
“Ngayon,” sabi ng lalaki, “wala bang lalaki o armas sa bahay ninyo?”
“Sinasabi kong muli sa iyo,” sabi ni Lydia, “ang aking asawa ay isang bilanggo sa liwasan, at dinala niya ang kanyang riple.”
Bumulung-bulong ang lalaki at dali-daling umalis kasama ng iba pa.
Bumalik sa kanyang bahay si Lydia. Nanginginig siya, ngunit wala na ang mga kawal ng militia at ang lahat ng nasa kanyang bahay ay ligtas.8
Sa liwasang bayan, sa ilalim ng mahigpit na pagbabatay kasama ng iba pang mga kawal ng mga Banal, narinig ni Heber Kimball ang isang pamilyar na tinig na tumawag sa kanyang pangalan. Sa kanyang pagtingala, nakita niya si William McLellin, ang dating apostol na papalapit sa kanya. Nakasuot si William ng sombrero at kamisetang pinalamutian ng mararangyang pulang patse.9
“Brother Heber,” sabi ni William, “ano ang tingin mo kay Joseph Smith, ang nahulog na propeta?” Kasama ni William ang isang grupo ng mga sundalo. Pumupunta sila sa bawat bahay, nandarambong sa bayan ayon sa nais nila.
“Masdan at tingnan mo mismo,” patuloy ni William. “Maralita, ang inyong pamilya ay hinubaran at ninakawan, at ang iyong mga kapatid ay gayon din ang kalagayan. Nasisiyahan ka ba kay Joseph?”10
Hindi maipagkakaila ni Heber na mukhang mapanglaw ang mga bagay para sa mga Banal. Si Joseph ay isang bihag, at ang mga Banal ay dinisarmahan at sinalakay.
Subalit alam ni Heber na hindi niya matatalikuran si Joseph at ang mga Banal na tulad ng ginawa nina William, Thomas Marsh, at Orson Hyde. Nanatiling matapat si Heber kay Joseph sa gitna ng bawat pagsubok na magkasama nilang hinarap, at determinado siyang manatiling matapat kahit na mangahulugan ito ng pagkawala ng lahat ng ari-arian niya.11
“Nasaan ka?” tanong ni Heber, na ibinabalik ang tanong kay William. “Ano ang ginagawa mo?” Ang patotoo ni Heber sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo at ang kanyang pagtangging iwanan ang mga Banal ay sapat na para sagutin ang tanong ni William.
“Ako ay mas nasisiyahan sa kanya nang isandaang ulit na higit kaysa rati,” patuloy ni Heber. “Sinasabi ko sa iyo na totoo ang Mormonismo, at si Joseph ay isang tunay na propeta ng buhay na Diyos.”12
Habang nanloloob ang militia sa bayan, walang ginawa si Heneral Lucas upang pigilan ang kanyang mga kawal sa paninindak sa mga Banal at pagkuha ng kanilang mga ari-arian. Sa buong pamayanan, pinaghahabol ng mga kawal ng militia ng Missouri ang mga Banal mula sa kanilang mga tahanan, isinusumpa sila habang sila ay tumatakas patungo sa mga lansangan. Nilatigo at hinampas ng mga kawal ang mga lumaban sa kanila.13 Ang ilang sundalo ay hinipuan at ginahasa ang kababaihang nakita nilang nagtatago sa mga bahay.14 Naniwala si Heneral Lucas na ang mga Banal ay nagkasala ng pag-aaklas, at gusto niya na magbayad sila sa kanilang mga ginawa at maramdaman nila ang kapangyarihan ng kanyang hukbo.15
Sa buong maghapon, tinipon ng mga opisyal ni Lucas ang iba pang mga lider ng simbahan. Sa tulong ni George Hinkle, puwersahang pumasok ang mga sundalo sa bahay nina Mary at Hyrum Smith. Si Hyrum ay maysakit, subalit itinulak siyang palabas ng mga tropa habang tinututukan ng patalim at isinama siya kina Joseph at sa iba pang mga bilanggo.16
Noong gabing iyon, habang naghahanda si Heneral Lucas para litisin ang mga bilanggo sa isang hukumang militar, ang isang opisyal ng militar na nagngangalang Moses Wilson ay pinapunta sa isang tabi si Lyman Wight, umaasang makumbinsi itong magpatotoo laban sa Joseph sa paglilitis.
“Hindi namin ninanais na saktan ka o paslangin ka,” sabi ni Moses kay Lyman. “Kung lalabas ka at manunumpa laban sa kanya, ililigtas namin ang iyong buhay at ibibigay ang anumang katungkulang nais mo.”
“Si Joseph Smith ay hindi isang kaaway ng sangkatauhan,” mariing sinabi ni Lyman. “Kung hindi ako sumusunod sa kanyang payo, ibinigay ko na sana sa inyo ang impiyerno bago pa ang oras na ito.”
“Isa kang kakaibang lalaki,” sabi ni Moses. “Mayroong isang paglilitis militar na gaganapin sa gabing ito, at dadalo ka ba?”
“Hindi ako dadalo, maliban na lamang kung pipilitin sa pamamagitan ng pamumwersa.”17
Inihagis ni Moses si Lyman pabalik sa ibang mga bilanggo, at hindi nagtagal ay sinimulan ni Heneral Lucas ang paglilitis. Ilang opisyal ng militia ang nakilahok, kabilang na si George Hinkle. Tinutulan ang paglilitis ni Heneral Doniphan, ang tanging abogadong naroon, nangangatwirang walang awtoridad ang militia na litisin ang mga sibilyang tulad ni Joseph.
Hindi siya binibigyang pansin, nagpatuloy si Heneral Lucas sa paglilitis at minadali ang pagdinig nang walang sinuman sa mga bilanggo ang naroon. Nais ni George na magpakita si Lucas ng awa sa mga bilanggo, ngunit sa halip ay hinatulan sila ng heneral na mabaril dahil sa pagtataksil. Sinang-ayunan ng karamihan sa mga opisyal na naroon ang desisyon.18
Matapos ang paglilitis, sinabi ni Moses kay Lyman ang hatol. “Naitakda na ang iyong sentensiya,” sabi niya.
Tinitigan siya nang masama ni Lyman. “Mamaril at mapahamak,” sabi niya.19
Kalaunan nang gabing iyon, iniutos ni Heneral Lucas kay Heneral Doniphan na pagmartsahin si Joseph at ang iba pang mga bilanggo sa liwasang bayan sa ika-siyam ng umaga kinabukasan at paslangin sila sa harap ng mga Banal. Nanggalaiti sa galit si Doniphan.20
“Ako ay masusumpa kung magkakaroon ako ng alinman sa karangalang ito, o sa kahihiyang ito,” sinabi niya nang pribado sa mga bilanggo. Sinabi niyang plano niyang umalis kasama ng kanyang tropa bago sumikat ang araw.21
Pagkatapos ay nagpadala siya ng mensahe kay Heneral Lucas. “Ito ay walang-awang pagpaslang. Hindi ko susundin ang iyong iniuutos,” pahayag niya. “Kung ipapapatay mo ang mga lalaking iyon, papanagutin kita sa isang hukuman sa lupa, tulungan nawa ako ng Diyos!”22
Tulad ng ipinangako, ang mga sundalo ni Heneral Doniphan ay wala na kinabukasan. Sa halip na ipapaslang sina Joseph at ang iba pang mga bihag, iniutos ni Heneral Lucas sa kanyang mga tauhan na ihatid sila sa kanyang himpilan sa Jackson County.23
Napaliligiran ng mga armadong guwardiya, inakay si Joseph sa mga wasak na kalsada ng Far West upang tipunin ang ilang ari-ariang mula sa kanyang tahanan. Napaluha si Emma at ang mga bata nang dumating siya, subalit lumuwag ang kanilang pakiramdam dahil siya ay buhay pa. Nagmakaawa si Joseph na pahintulutan siya ng mga guwardiya na makausap ang kanyang pamilya nang sarilinan, subalit tumanggi sila.
Nangunyapit si Emma at ang mga bata sa kanya, ayaw bumitaw. Hinugot ng mga guwardiya ang kanilang mga espada at sapilitan silang pinalayo. Ang limang taong gulang na si Joseph ay humawak sa kanyang ama nang mahigpit. “Bakit hindi mo kami maaaring samahan?” ang hikbi niya.24
Itinutok ng isang guwardiya ang kanyang espada sa batang lalaki. “Umalis kang pilyo ka, o sasaksakin kita!”25
Sa labas, iminartsa ng mga kawal ang mga bilanggo sa isang grupo ng mga Banal at inutusan silang umakyat sa loob ng bagon na may bubong. Pagkatapos ay pinalibutan ng militia ang bagon, lumilikha ng pader ng mga kawal sa pagitan ng mga Banal at ng kanilang mga lider.26
Habang hinihintay ni Joseph na umandar palayo ang bagon, narinig niya ang isang pamilyar na tinig na nangibabaw sa ingay ng mga tao. “Ako ang ina ng propeta,” sigaw ni Lucy Smith. “Wala bang maginoo rito na aakay sa akin na makalagpas sa umpok ng mga tao!”
Ang takip na makapal na lona ng bagon ang nakaharang sa mga bilanggo kaya hindi nila makita ang nasa labas, subalit sa harap ng bagon, itinulak ni Hyrum ang kanyang kamay sa ilalim ng takip at kinuha ang kamay ng kanyang ina. Kaagad siyang inutusan ng mga guwardiya na bumalik, pinagbabantaan siyang babarilin. Nadama ni Hyrum na dumulas papalayo ang kamay ng kanyang ina, at tila aandar na ang bagon sa anumang sandali.
Sa sandaling iyon, narinig ni Joseph, na nasa likod ng bagon, ang tinig sa kabilang panig ng lona. “Ginoong Smith, ang iyong ina at kapatid na babae ay narito.”
Itinulak ni Joseph ang kanyang kamay sa ilalim ng takip at nadama ang kamay ng kanyang ina. “Joseph,” narinig niyang sinabi ng kanyang ina, “hindi ko makakayang umalis nang hindi ko naririnig ang iyong tinig.”
“Pagpalain kayo ng Diyos, Ina,” sabi ni Joseph, bago umandar ang bagon at umalis.27
Pagkalipas ng ilang gabi, nakahiga ang mga bilanggo sa sahig ng isang bahay na yari troso sa Richmond, Missouri. Matapos silang dalhin sa Jackson County, ipinakita sila ni Heneral Lucas sa publiko na tulad ng mga hayop bago siya inutusan na ipadala sila sa Richmond para sa isang legal na paglilitis.
Ngayon ang bawat lalaki ay sumubok na matulog na may posas sa may bukung-bukong at may mabigat na tanikalang nagbubuklod sa kanya at sa iba pang mga bilanggo. Ang sahig ay matigas at malamig, at ang mga lalaki ay walang sigang pampainit.28
Gising na nakahiga, sumama ang pakiramdam ni Parley Pratt nang marinig ang mga guwardiya na nagsasalaysay ng mga bastos na kuwento tungkol sa panggagahasa at pagpaslang sa mga Banal. Gusto niyang tumayo at pagsabihan ang mga lalaki—sabihan sila ng isang bagay na makapagpapahinto sa kanila—subalit nanatili siyang tahimik.
Bigla niyang narinig na tumunog ang mga tanikala sa kanyang tabi nang tumayo si Joseph. “Tumahimik, kayong mga diyablo ng impiyerno!” palahaw ng propeta. “Sa pangalan ni Jesucristo, pinagsasabihan ko kayo, at inaatasang manahimik! Di ako mabubuhay nang isa pang sandali na makaririnig nang ganyang mga salita!”
Mahigpit na himawakan ng nagulat na mga guwardiya ang kanilang mga sandata at tumingala. Ginantihan sila ng titig ni Joseph, na nagpapakita ng karingalan. “Itigil ang pag-uusap na ganyan,” utos niya, “o mamamatay kayo o ako ngayon din!”
Ang silid ay tumahimik, at ibinaba ng mga guwardiya ang kanilang mga baril. Ang ilan sa kanila ay umatras sa mga sulok. Ang iba ay yumukyok sa mga paa ni Joseph dahil sa takot. Nanatiling nakatayo ang propeta na mukhang panatag at may dignidad. Humingi ng tawad ang mga guwardiya at nanahimik hanggang sa dumating ang kanilang mga kapalit.29
Noong Nobyembre 12, 1838, sina Joseph at ang higit sa animnapu pang mga Banal ay dinala sa hukuman sa Richmond upang malaman kung may sapat na katibayan para litisin sila sa mga kaso ng pagtataksil, pagpatay, panununog, pagnanakaw, panloloob, at pangangawat. Ang hukom, si Austin King, ang magpapasiya kung lilitisin ang mga bilanggo.30
Tumagal ang pagdinig nang higit sa dalawang linggo. Ang pangunahing saksi laban kay Joseph ay si Sampson Avard, na naging isang pinuno ng mga Danite.31 Sa panahon ng pananakop ng Far West, nagtangka si Sampson na tumakas mula sa Missouri, ngunit nahuli siya ng militia at pinagbantaan siyang uusigin kung tatanggi siyang magpatotoo laban sa mga bilanggo.32
Desididong iligtas ang kanyang sarili, ipinahayag ni Sampson na ang lahat ng nagawa niya bilang isang Danite ay ginawa niya dahil sa mga utos ni Joseph. Nagpatotoo siya na naniwala si Joseph na kalooban ng Diyos na ipaglaban ng mga Banal ang kanilang mga karapatan sa mga gobyerno ng Missouri at ng bansa.
Sinabi rin ni Sampson na naniwala si Joseph na ang Simbahan ay tulad ng bato na sinabi ni Daniel sa Lumang Tipan, na pupunuin ang mundo at uubusin ang mga kaharian nito.33
Nababahala, tinanong ni Hukom King ang tungkol sa propesiya ni Daniel, at nagpatotoo si Joseph na naniniwala siya rito.
“Isulat iyon,” sabi ng hukom sa kanyang klerk. “Ito ay isang matibay na ebidensiya ng pagtataksil.”
Tumutol ang abogado ni Joseph. “Hukom,” sabi niya, “dapat kayong magpasya kung gayon na ang Biblia ay pagtataksil.”34
Tinawag ng umuusig ang mahigit apatnapung mga saksi para magpatotoo laban sa mga bilanggo, kabilang ang ilang dating lider ng simbahan. Takot na sila rin ay usigin, sina John Corrill, William Phelps, John Whitmer, at ang iba pa ay nakipagkasundo sa estado ng Missouri na magpatotoo laban kay Joseph bilang kapalit ng kanilang kalayaan. Sa ilalim ng panunumpa, inilarawan nila ang matitinding kalupitang nasaksihan nila sa panahon ng hindi pagkakasundo, at sinisi nilang lahat si Joseph.
Samantala, ang nagtatanggol sa mga Banal ay binubuo ng ilang saksi na walang gaanong nagawa para baguhin ang opinyon ng hukom. Maaaring magbigay-saksi ang iba pa para kay Joseph, ngunit ginipit at tinakot silang palayo sa hukuman.35
Nang matapos ang pagdinig, limang Banal, kabilang si Parley Pratt, ang ikinulong sa Richmond upang maghintay ng paglilitis sa kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa labanan sa Crooked River.
Ang mga nanatili—sina Joseph at Hyrum Smith, Sidney Rigdon, Lyman Wight, Caleb Baldwin, at Alexander McRae—ay inilipat sa bilangguan sa isang bayan na tinatawag na Liberty para maghintay ng paglilitis sa kaso ng pagtataksil. Kung mapapatunayang nagkasala, maaaring silang paslangin.36
Isang panday ang nagposas sa anim na kalalakihan at inakay sila sa isang malaking bagon. Umakyat ang mga bilanggo at umupo sa magaspang na kahoy habang ang kanilang mga ulo ay halos nasa ibabaw ng mataas na panig ng kahon ng bagon.
Isang buong araw ang inabot ng paglalakbay. Nang makarating sila sa Liberty, dumaan ang bagon sa gitna ng bayan, nilagpasan ang hukuman, at dumaan sa hilaga ng isang maliit na bilangguang gawa sa bato. Nakabukas ang pinto, naghihintay sa mga lalaki sa kalamigan ng araw ng Disyembre.
Isa-isang bumaba ang mga bilanggo sa bagon at umakyat sila sa mga hagdang papunta sa pasukan ng piitan. Maraming mapang-usisang tao ang nagsiksikan sa paligid nila, umaasang makita ang mga bilanggo.37
Si Joseph ang huling bumaba sa bagon. Nang makarating siya sa pintuan, tumingin siya sa mga tao at itinaas ang kanyang sombrero upang magalang na bumati. Pagkatapos ay tumalikod siya at bumaba sa madilim na bilangguan.38