Institute
43 Isang Panganib sa Madla


“Isang Panganib sa Madla,” kabanata 43 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 (2018)

Kabanata 43: “Isang Panganib sa Madla”

Kabanata 43

Limbagang Nasusunog

Isang Panganib sa Madla

Matapos ang pagpapaalis sa kanya mula sa Unang Panguluhan, iniwasan ni William Law si Joseph. Noong huling bahagi ng Marso 1844, sinubukan ni Hyrum na pagkasunduin ang dalawang lalaki, ngunit tumutol si William na makipag-ayos hangga’t patuloy na itinataguyod ng propeta ang maramihang pag-aasawa.1 Kasabay niyon, narinig na ni Joseph na si William at ilang iba pa sa bayan ay nagsasabwatan upang patayin siya at ang kanyang pamilya.2

Tiwalang nagsalita si Joseph laban sa mga magkakasabwat. “Hindi ako hihingi ng mandamyento para sa kanila, sapagkat hindi ko kinatatakutan ang sinuman sa kanila,” sinabi niya sa mga Banal. “Hindi nila matatakot ang isang inahing manok na naglilimlim sa kanyang mga itlog.”3 Subalit nag-aalala siya tungkol sa lumalaking pambabatikos sa Nauvoo, at ang mga banta ng kamatayan ay nagdaragdag lamang ng pakiramdam na ang kanyang panahon upang turuan ang mga Banal ay malapit nang magwakas.4

Noong tagsibol na iyon, isang miyembro ng simbahan na si Emer Harris ang nagpabatid kay Joseph na ang mga nagsasabwatan ay nag-anyaya sa kanya at sa kanyang 19-taong gulang na anak na si Denison, na dumalo sa kanilang mga pulong. “Brother Harris,” sabi ni Joseph, “Papayuhan ko kayo na huwag dumalo sa mga pulong na iyon, maging huwag silang pansinin.” Subalit sinabi niya kay Emer na gusto niyang dumalo si Denison sa mga pulong at alamin ang lahat tungkol sa mga nagsasabwatan.

Kalaunan, nakipagkita si Joseph kay Denison at sa kaibigan nitong si Robert Scott upang ihanda sila sa kanilang tungkulin. Batid na mapanganib ang mga nagsasabwatan, nagbabala siya sa mga binata na huwag masyadong magsalita habang naroon sila at huwag salungatin ang sinuman.5


Noong Abril 7, 1844, sa ikalawang araw ng pangkalahatang kumperensya ng simbahan, isinantabi muna ni Joseph ang kanyang mga pag-aalala tungkol sa pagsasabwatan upang magsalita sa mga Banal. Umihip ang malakas na hangin sa kongregasyon nang nagpunta siya sa harapan. “Magiging napakahirap na marinig ninyo akong lahat maliban na lamang kung makikinig kayong mabuti,” sabi ng propeta sa gitna ng malakas na hangin. Ipinahayag niya na siya ay magsasalita tungkol sa kaibigan niyang si King Follett, na pumanaw kamakailan, at magbibigay ng kaginhawahan sa lahat ng mga taong nawalan ng mahal sa buhay.6

Ninais rin niya na ibigay sa bawat Banal ang ideya sa kung ano ang naghihintay sa kanila sa mundong darating. Nais niyang alisin ang espirituwal na tabing, kahit panandalian lamang, at ituro sa kanila ang kalikasan ng Diyos at ang kanilang banal na potensiyal.

“Anong klaseng nilalang ang Diyos?” tanong niya sa mga Banal. “Alam ba ng sinumang lalaki o babae? Mayroon ba sa inyong nakakita na sa Kanya, nakarinig sa Kanya, nakipag-usap sa Kanya?” Hinayaan ni Joseph na pagnilayan ng kongregasyon ang kanyang mga tanong. “Kung mapupunit ngayon ang tabing,” sabi niya, “at ang dakilang Diyos, na hawak ang mundo sa daangtala nito, at itinataguyod ang lahat ng bagay sa Kanyang kapangyarihan—kung makikita ninyo Siya ngayon, makikita ninyo Siya sa buong pagkatao, imahe, at anyo mismo ng isang tao.”

Ipinaliwanag ni Joseph na ang paghahanap ng kaalaman at pagtupad sa mga tipan ay makakatulong sa mga Banal na tuparin ang tunay na plano ng Ama para sa kanila. “Kailangan ninyong matutuhan mismo kung paano maging mga diyos,” sabi ni Joseph, “sa pamamagitan ng pag-unlad mula sa isang mababang antas tungo sa mas mataas na antas, biyaya sa biyaya, kadakilaan sa kadakilaan, hanggang maluklok sa kaluwalhatian tulad ng mga yaong naluklok na sa walang katapusang kapangyarihan.”

Ang planong ito, ipinaalala niya sa kanila, ay lumupig sa kamatayan. “Lubhang nakaaaliw sa mga namimighati,” sabi niya, “ang malaman na bagaman ang tabernakulo [katawan] sa lupa ay naagnas, muli silang babangon upang manahan sa [imortal na] kaluwalhatian, upang hindi na muling magdalamhati, magdusa, o mamatay, kundi sila ay magiging mga tagapagmana sa Diyos at kasamang tagapagmana ni Jesucristo.”7

Ang proseso ay matatagalan, nangangailangan ng maraming tiyaga, pananampalataya, at pag-aaral. “Hindi mauunawaan ang lahat sa mundong ito,” pagtitiyak ng propeta sa mga Banal. “Kailangan ang mahabang panahon sa kabilang-buhay upang maunawaan ang kabuuan.”

Sa pagtatapos ng kanyang pangangaral, naging mapanimdim si Joseph. Nagsalita siya tungkol sa kanyang mga kapamilya at kaibigan na pumanaw. “Sandali lamang silang wala,” sabi niya. “Sila ay nasa espiritu, at sa pagkamatay natin ay sasalubungin natin ang ating mga ina, ama, kaibigan, at lahat ng mahal natin.” Tiniyak niya sa mga ina na namatayan ng mga sanggol na magkakasama silang muli ng kanilang mga anak. Sa mga kawalang-hanggan, aniya, ang mga Banal ay hindi na mamumuhay sa takot sa mga mandurumog, ngunit sa halip ay maninirahan sa galak at kaligayahan.8

Nakatayo sa harapan ng mga Banal, si Joseph ay hindi na ang magaspang at hindi nakapag-aral na magbubukid na humingi ng karunungan sa kakahuyan. Sa bawat araw, sa bawat taon, kininis siya ng Panginoon na tulad ng isang bato, dahan-dahan siyang hinuhubog na maging isang mas mahusay na instrumento para sa Kanyang mga kamay.9 Subalit napakakaunti lamang ang nauunawaan ng mga Banal sa kanyang buhay at misyon.

“Hindi ninyo batid ang aking puso,” sabi niya. “Hindi ko sinisisi ang sinumang hindi maniwala sa aking kasaysayan. Kung hindi ko ito naranasan, ako mismo’y hindi maniniwala.” Umaasa siya na isang araw, kapag natimbang na ang kanyang buhay, mas makikilala siya ng mga Banal.

Nang matapos si Joseph, umupo siya at ang mga koro ay umawit ng himno. Nagsalita siya nang halos dalawa’t kalahating oras.10


Ang mga pangangaral ni Joseph ay nagbigay-inspirasyon sa mga Banal at pinuspos sila ng Espiritu. “Ang mga turo na narinig namin ay nagpaligaya sa aming mga puso,” sulat ng Ellen Douglas sa kanyang mga magulang sa England isang linggo matapos ang kumperensya. Sina Ellen at ang kanyang asawa at mga anak ay kasama sa mga British na unang nabinyagan na naglayag patungo sa Nauvoo noong 1842, at ang mga katotohanang itinuro ni Joseph sa kanyang pangangaral ay paalaala kung bakit nagsakripisyo sila nang malaki upang makipagtipon sa mga Banal.

Tulad ng marami sa mga nabinyagang British, ginamit ng mga Douglas ang karamihan sa kanilang ipon upang mandayuhan sa Nauvoo, na nag-iwan sa kanila sa kahirapan. Ang asawa ni Ellen na si George ay namatay kaagad matapos ang kanilang pagdating, at nagkasakit siya ng matinding lagnat, kung kaya’t hindi niya maitaguyod ang kanyang walong anak. Hindi naglaon ay nagmungkahi ang isang kaibigan na humingi siya ng tulong mula sa Relief Society, kung saan sumapi si Ellen pagdating niya sa lunsod.

“Tumanggi akong gawin iyon,” sabi ni Ellen sa kanyang mga magulang sa liham na kanyang isinulat matapos ang kumperensya, “ngunit sinabi niya na may kailangan ako at matagal na rin akong maysakit, at kung hindi ko gagawin iyon, siya ang gagawa nito para sa akin.” Alam ni Ellen na kailangan ng kanyang mga anak ang maraming bagay, lalo na ng mga damit, kung kaya’t sumang-ayon siyang humingi ng tulong sa isang miyembro ng Relief Society.

“Tinanong niya kung ano ang pinakakailangan ko,” paliwanag ni Ellen, “at nagdala sila ng bagon at nagdala ng regalong hindi ko pa natatanggap mula sa anumang lugar sa mundo.”

Siya at ang kanyang mga anak ngayon ay may baka at nag-aalaga ng dose-dosenang mga manok sa lote na kanilang inuupahan habang sila ay nag-iimpok ng pera upang makabili ng sariling lupain. “Kailanman ay hindi ako nasiyahan sa buhay ko nang higit sa nararamdaman ko ngayon,” sinabi niya sa kanyang mga magulang. “Nadarama ko sa aking sarili na magsaya at magbigay-puri sa aking Diyos na pinadala Niya ang mga elder ng Israel sa England, at binigyan Niya ako ng isang puso na maniwala sa kanila.”

Winakasan niya ang liham sa pagbibigay ng patotoo tungkol kay propetang Joseph Smith. “Darating ang araw,” sinabi niya sa kanyang mga magulang, “na inyong malalaman na sinabi ko sa inyo ang katotohanan.”11


Noong tagsibol na iyon, dumalo sina Denison Harris at Robert Scott sa lihim na pulong ni William Law at iniulat kay Joseph ang kanilang nalaman.12 Sa ngayon, nakikita ni William ang kanyang sarili bilang isang taga-reporma ng simbahan. Nagpapahayag pa rin siya ng paniniwala sa Aklat ni Mormon at Doktrina at mga Tipan, ngunit siya ay galit na galit sa maramihang pag-aasawa at sa mga kamakailan lamang na mga turo ni Joseph tungkol sa kalikasan ng Diyos.13

Kabilang sa mga kasabwat, nakilala nina Denison at Robert ang asawa ni William na si Jane, at ang nakatatandang kapatid nito na si Wilson. Nakita rin nila sina Robert at Charles Foster, na naging mga kaibigan ni Joseph hanggang sa hindi sila nagkasundo nito ukol sa pagpapayabong ng lupain sa paligid ng templo.14 Ang mga dating kaalyado ni John Bennett na sina Chauncey at Francis Higbey ay dumalo rin, kasama ang isang lokal na mambubutang na nagngangalang Joseph Jackson.15

Malaki ang pasasalamat ng propeta na handa sina Denison at Robert na isugal ang kanilang mga buhay para sa kanya. Kasunod ng kanilang pangalawang pulong kasama ang mga nagsasabwatan, tinagubilinan niya ang mga binata na muling dumalo. “Maging lubhang mapagtimpi,” ipinayo niya, “at huwag magbitaw ng pangako na makipagsabwatan laban sa akin o sa alinmang bahagi ng komunidad.” Binalaan niya sila na maaaring subukan silang patayin ng mga nagsasabwatan.

Noong sumunod na Linggo, nakakita sina Denison at Robert ng mga lalaking may dalang mga maskit at bayoneta na nagbabantay sa karaniwang lugar ng pagpupulong. Pumasok ng bahay ang dalawa at tahimik na nakinig habang ang mga nagsasabwatan ay nagtatalo. Sumang-ayon ang lahat na si Joseph ay dapat mamatay, subalit hindi sila magkasundo sa iisang plano.

Bago nagwakas ang pulong, pinangasiwaan ni Francis Higbee ang panunumpa ng pagkakaisa sa bawat kasabwat. Isa-isa, ang mga lalaki at babae sa silid ay itinaas ang Biblia sa kanilang kanang kamay at sumumpa. Nang pagkakataon na nina Denison at Robert, tumanggi silang humakbang pasulong.

“Hindi ba ninyo narinig ang malakas na patotoo ng lahat na naroon laban kay Joseph Smith?” ikinatwiran ng mga nagsasabwatan. “Ipinapalagay natin itong taimtim na tungkulin na isagawa ang kanyang pagkawasak at iligtas ang mga tao mula sa panganib na ito.”

“Kami’y nagpunta sa inyong mga pagpupulong dahil inakala namin na kayo ay aming mga kaibigan,” sabi ng mga binata. “Hindi namin inakala na may masama rito.”

Inutusan ng mga pinuno ang mga bantay na dakpin sina Denison at Robert at dalhin sila pababa sa silong ng bahay. Pagdating doon, binigyan ang mga binata na isa pang pagkakataon na sumumpa. “Kung kayo ay determinado pa ring tumanggi,” sinabi sa kanila, “kakailanganin naming patayin kayo.”

Muling tumanggi ang mga binata at inihanda ang kanilang sarili sa kamatayan.

“Tumigil kayo!” sigaw ng isang tao sa silong. “Pag-usapan natin ito!”

Sa isang iglap muling nagtatalo ang mga nagsasabwatan, at narinig ng mga binata ang isang lalaki na nagsabing lubhang mapanganib na patayin sila. “Ang mga magulang ng mga binata,” paliwanag niya, “ay maaaring magsimula ng paghahanap na siyang mapanganib sa atin.”

Dinala ng mga armadong guwardiya sina Denison at Robert pababa sa ilog at pinakawalan. “Kapag binuksan ninyo ang mga bibig ninyo,” babala ng mga bantay, “papatayin namin kayo sa gabi o sa araw, saan man namin kayo mahanap.” 16

Umalis ang mga binata—at kaagad ay nag-ulat kay Joseph at sa bantay na kasama nito. Habang nakikinig ang propeta sa kanilang kuwento, nagpapasalamat na sila’y hindi nasaktan, naging seryoso ang kanyang mukha. “Mga kapatid,” sabi niya, “hindi ninyo alam kung paano ito magtatapos.”

“Sa palagay mo ba ay papaslangin ka nila?” tanong ng bantay. “Mapapaslang ka ba?”

Hindi direktang sinagot ni Joseph ang tanong, ngunit tiniyak niya sa mga binata na mali sina William Law at ang iba pang mga nagsasabwatan tungkol sa kanya. “Hindi ako isang bulaang propeta,” nagpatotoo siya. “Wala akong mga maiitim na paghahayag. Wala akong mga paghahayag mula sa diyablo.”17


Sa kabila ng kaguluhan sa tagsibol, regular na nakipagkita si Joseph sa Konseho ng Limampu upang talakayin ang mga ulirang katangian ng isang teokratikong demokrasya at ang mga batas at kaugalian na nagpapatupad nito. Sa isang pulong, hindi pa natatagalan matapos ang kumperensya ng Abril, bumoto ang kapulungan na tanggapin si Joseph bilang propeta, saserdote, at hari.

Walang pampulitikang awtoridad ang mga lalaki, kung kaya’t ang boto ay walang temporal na kahihinatnan. Ngunit pinagtibay nito ang katungkulan ni Joseph sa priesthood at ang mga responsibilidad niya bilang pinuno ng kaharian ng Panginoon dito sa lupa bago ang Ikalawang Pagparito. Ito ay may kaugnayan sa patotoo ni Juan na Tagapaghayag na si Cristo ay lumikha ng makatwirang Banal na mga hari at saserdote sa Diyos, na nagbibigay ng karagdagang kahulugan sa titulo ng Tagapagligtas bilang Hari ng mga Hari.18

Kalaunan nang hapong iyon, napansin ni Joseph na ang ilan sa mga miyembro ng konseho ay hindi mga miyembro ng simbahan. Ipinahayag niya na sa Konseho ng Limampu, ang mga lalaki ay hindi kinokonsulta tungkol sa kanilang mga pangrelihiyong kuru-kuro kahit ano pa man sila. “Kumikilos tayo ayon sa malawak at liberal na alituntunin na lahat ng tao ay may pantay na karapatan at dapat igalang,” sabi niya. “Bawat tao ay may pribilehiyo sa organisasyong ito na kusang pumili sa kanyang sariling Diyos at kung ano ang pipiliin niyang relihiyon.”

Habang nagsasalita siya, kumuha si Joseph ng isang mahabang panukat at malawak itong ikinumpas, tulad ng ginagawa ng isang guro sa paaralan. “Kapag nadarama ng isang tao ang pinakamaliit na tukso sa gayong kawalang-pagpaparaya, nararapat na tanggihan niya ito,” sinabi niya sa kapulungan. Sinabi niya na ang espiritu ng kawalang-pagpaparaya sa relihiyon ang siyang nagtigmak sa lupa ng dugo. “Sa lahat ng transaksyon sa pamahalaan o pulitika,” sinabi niya, “ang mga pangrelihiyong kuru-kuro ng isang tao ay hindi dapat bigyang-pansin at kuwestiyunin. Ang tao ay dapat hatulan ayon sa batas, at hindi dahil sa masamang palagay tungkol sa relihiyon nito.”

Nang matapos magsalita si Joseph, aksidente niyang naputol ang panukat sa gitna, na gumulat sa lahat ng nasa silid.

“At dahil naputol ang panukat sa kamay ng ating pangulo,” sabi ni Brigham Young, “nawa’y ang bawat mapaniil na pamahalaan ay bumagsak sa ating harapan.” 19


Sa katapusan ng Abril, ang patuloy na lumalaking pampublikong pambabatikos nina William at Jane Law ang nagdulot sa konseho ng tatlumpu’t dalawang lider ng simbahan na itiwalag sila at si Robert Foster dahil sa hindi pang-kristiyanong pag-uugali. Dahil walang nagpatawag sa kanila upang ipagtanggol ang kanilang sarili sa pagdinig, nagalit si William, at tinanggihan niya ang desisyon ng kapulungan.20

Pagkatapos nito, naging mas maingay ang mga kritiko ng simbahan habang marami sa mga apostol at hindi mabilang na mga elder ang umalis ng Nauvoo upang maglingkod sa mga misyon at mangampanya para sa pagtakbo sa pagkapangulo ni Joseph. Naghalungkat sina Robert Foster at si Chauncey Higbee para sa mga katibayan na magagamit nila sa kaso laban sa propeta.21 Nagdaos si William Law ng pampublikong pulong noong Abril 21, kung saan niya tinuligsa si Joseph bilang isang huwad na propeta at nag-organisa ng bagong simbahan.

Sa pulong, ang mga alagad ni William ay nagtalaga sa kanya bilang pangulo ng bagong simbahan. Pagkatapos niyon, nagtipon sila tuwing Linggo at nagplano ng mga paraan upang hikayatin ang iba pang mga hindi nasisiyahang Banal sa kanilang layunin.22

Samantala, si Thomas Sharp, ang batang patnugot ng pahayagan na tumuligsa sa mga Banal matapos nilang makarating sa Illinois, ay pinuno ang kanyang pahayagan ng mga pagbatikos kay Joseph at sa simbahan.

“Wala kayong alam sa mga paulit-ulit na insulto at pinsala na natanggap ng ating mga mamamayan mula sa mga pinuno ng simbahang Mormon,” paghahayag niya habang ipinagtatanggol ang kanyang mga pag-atake sa mga Banal. “Hindi ninyo alam ang mga bagay na ito, o hindi ninyo magagawang subukan na pagsabihan kami sa pagsisikap na ilantad ang ganitong grupo ng mga kriminal, traydor, at manlilinlang.”23

Pagkatapos, noong Mayo 10, ipinahayag nina William at ng kanyang mga tagasunod ang kanilang plano na ilathala ang Nauvoo Expositor, isang pahayagan na nagbibigay, ayon sa kanilang pananalita, ng “isang buo, prangka, at malinaw na pahayag ng katotohanan, alinsunod sa tunay na pag-iral ng mga ito sa lunsod ng Nauvoo.”24 Naghain din ng mga paratang si Francis Higbee laban kay Joseph, inaakusahan ito ng paninirang puri sa kanyang pagkatao sa publiko, habang ginamit nina William at Wilson ang maramihang pagpapaksal ni Joseph bilang basehan upang paratangan ito ng pangangalunya.25

“Palaging itinatayo ng diyablo ang kanyang kaharian sa parehong oras para salungatin ang Diyos,” sabi ni Joseph sa mga Banal sa isang pangangaral sa pagdami ng mga maling paratang sa kanya. Pagkatapos nito, siya at ang iba pang Banal na nakatanggap na ng endowment ay nagpulong sa itaas ng kanyang tindahan at nanalangin upang maligtas mula sa kanilang mga kaaway.26 Nais ni Joseph na umiwas sa pagkakadakip, subalit ayaw na rin niyang magtago. Nagdadalantao si Emma at malubha ang sakit, at nag-aalangan siya na iwanan ito.27

Sa huli, sa katapusan ng Mayo, nagpasiya siyang pinakamainam na pumunta sa Carthage, ang kapitolyo ng lalawigan, at humarap sa isang legal na imbestigasyon sa mga paratang laban sa kanya.28 Sinamahan si Joseph sa bayan ng dalawang dosenang mga kaibigan niya. Nang dumating sa harapan ng hukom ang kaso, kulang ng saksi ang mga tagausig at hindi magawang ituloy ang imbestigasyon. Naantala ang mga pagdinig nang ilang buwan, at pinahintulutan ng sheriff si Joseph na umuwi sa bahay.29

Nagpagalit kay Thomas Sharp ang paglaya ni Joseph. “Sapat na ang nakita at narinig namin upang makumbinsi na si Joe Smith ay hindi ligtas sa labas ng Nauvoo, at hindi tayo magugulat na marinig ang kanyang kamatayan sa marahas na paraan sa loob ng maikling panahon,” sinabi niya sa isang editoryal. “Ang tensyon na nadarama ng bansang ito ay nasa sukdulan, at ito ay biglang sasabog sa isang matinding galit sa pinakakaunting pang-uudyok.”30


Habang umiigting ang oposisyon kay Joseph, patuloy ang mga Banal sa pagtataguyod sa kanilang lunsod. Nahirapan si Louisa Pratt na makahanap ng matitirhan at pakainin ang kanyang apat na anak na babae habang ang kanyang asawa ay nasa malayo sa kanyang misyon sa Timog Pasipiko. Bago umalis, bumili ng ilang mga tabla si Addison, ngunit hindi iyon sapat upang makapagtayo si Louisa ng bahay sa kanilang lote sa lunsod. Dahil siya ay nagmamay-ari ng ilang lupain sa kalapit na estado, nagtungo siya sa isang kalapit na pagawaan ng tabla at humiling na umutang ng kahoy, gamit ang kanyang lupain bilang panggarantiya.

“Hindi ninyo kailangang pagdudahan ang isang babae,” sinabi niya sa tagakiskis sa pag-aalala na hindi siya pauutangin dahil sa kanyang kasarian. “Sa pangkalahatan, sila ay mas maagap kaysa sa mga lalaki.”

Walang reklamo ang tagakiskis na pautangin siya, at kaagad ay nakuha ni Louisa ang kahoy na kailangan niya upang bumuo ng isang maliit na bahay na may bastidor. Sa kasamaang palad, ang mga tauhan na inarkila niya upang gawin ang trabaho ay nagdulot ng tuluy-tuloy na kabiguan, dahil dito ay napilitan siyang umarkila ng iba hanggang sa matagpuan niya ang mga maaasahang manggagawa.

Habang itinatayo ang bahay, nagtrabaho si Louisa bilang mananahi. Nang nagkasakit ng tigdas ang kanyang mga anak na babae, binantayan niya ang mga ito araw at gabi, ipinagdarasal ang kanilang pagbuti hanggang tuluyan silang gumaling. Paano man tingnan, tila nakakaya niya ang mga nangyayari sa kabila ng mga kalagayan. Ngunit madalas siyang nalulungkot, may kakulangan, at walang magawa upang pasanin ang pabigat sa kanyang balikat.

Nang natapos ang bahay, pinatira na ni Louisa ang pamilya niya rito. Naglagay siya ng alpombra na siya mismo ang gumawa at nilagyan niya ng mga muwebles na binili niya mula sa kanyang kinita.

Sa paglipas ng mga buwan, nabuhay sina Louisa at mga anak niya sa kanyang maliit na kita, nagbebenta at bumibili ng mga gamit na pautang habang binabayaran niya ang utang niya sa tagakiskis. Nang maubos na ang kanilang pagkain at may mga bagong utang na dapat bayaran si Louisa, nagtanong ang mga bata, “Ano ang gagawin natin, Nanay?”

“Dumaing sa Panginoon,” matamlay na sabi ni Louisa. Inisip niya kung ano ang kalalabasan ng kanyang panalangin. Daraing ba siya tungkol sa mga tao na pinagkakautangan niya ng pera? Magrereklamo ba siya tungkol sa mga hindi nagbayad sa kanya para sa trabahong inarkila siyang gawin?

Noong pagkakataong iyon ay may isang lalaking dumating na may dalang mabigat na kargada ng panggatong para sa kanya, na maaari niyang ibenta. Pagkatapos ay may isa pang lalaki na may dalang isandaang librang harina at dalawampu’t limang libra ng karne ng baboy.

“Aba, Inay,” sabi ng anak niyang si Frances, “napakasuwerteng po ninyong babae!”

Napuspos ng pasasalamat, nagpasiya si Louisa na huwag nang dumaing sa Panginoon. 31


Tulad ng ipinangako ni William Law, nagsimulang ipamahagi ang Nauvoo Expositor sa mga lansangan ng Nauvoo noong unang bahagi ng Hunyo. “Masigasig nating hinahangad na sirain ang mga masasamang prinsipyo ni Joseph Smith,” nakasaad sa paunang salita nito, “na tiyak na alam natin ay hindi tumutugma sa mga alituntunin ni Jesucristo at mga apostol.”

Sa pahayagan, iginiit ni William at ng kanyang mga tagasunod na lumayo si Joseph mula sa ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpapakilala ng endowment, pagsasabuhay ng maramihang pagpapaksal, at pagtuturo ng mga bagong doktrina tungkol sa kadakilaan at sa katangian ng Diyos. 32

Binalaan din nila ang mga mamamayan ng county na lumalakas ang politikal na kapangyarihan ng mga Banal. Kinondena nila ang pagpapalabo ni Joseph sa mga papel ng simbahan at estado at kinondena ang kanyang kandidatura sa pagkapangulo ng bansa.

“Tayo ay bumangon sa karingalan ng ating lakas,” nagbabanta nilang inihayag, “at buwagin ang impluwensya ng nanggugulo at mga malulupit na tao sa ibabaw ng lupa.” 33

Kinabukasan matapos maipamahagi ang pahayagan, tinipon ni Joseph ang Konseho ng Lunsod ng Nauvoo upang talakayin ang mga dapat gawin sa Expositor. Marami sa mga kapitbahay ng mga Banal ay kumakalaban na sa simbahan, at nag-alala siya na ang Expositor ay maka-uudyok sa mga ito sa karahasan. “Hindi ligtas na magkaroon ng gayong mga bagay,” sabi niya, “dahil sa diwa ng pandurumog na maaaring ibunga ng mga ito.”34

Ipinaalala ni Hyrum sa konseho ng lunsod ang mga mandurumog na nagpalayas sa kanila mula sa Missouri. Tulad ni Joseph, nag-alala siya na pupukawin ng pahayagan ang mga tao laban sa mga Banal maliban na lamang kung may ipapasa silang batas upang pigilan ito.

Lumalalim na ang gabi noong Sabadong iyon, at ipinagpaliban ng mga lalaki ang pulong hanggang Lunes.35 Noong araw na iyon, nagtipon ang konseho ng lunsod mula umaga hanggang gabi at muling tinalakay kung ano ang magagawa nila. Iminungkahi ni Joseph na ipahayag ang peryodiko bilang isang panganib sa madla at sirain ang palimbagan na nag-iimprenta nito.36

Sumang-ayon si John Taylor. Bilang patnugot ng Times and Seasons, pinahahalagahan ni John ang isang malayang pahayagan at malayang pamamahayag, ngunit siya at si Joseph ay naniwala na may karapatan sila ayon sa saligang batas na protektahan nila ang kanilang sarili laban sa libelo. Ang pagwasak sa Expositor at sa palimbagan nito ay magiging kontrobersyal, ngunit naniniwala sila na pinahihintulutan ng batas na gawin ito ayon sa legal na paraan.

Malakas na binasa ni Joseph mula sa saligang batas ng estado ng Illinois ang tungkol sa kalayaan ng mga mamamahayag upang ang lahat ng nasa silid ay mauunawaan ang batas. Kinuha ang isang pinagpipitagang aklat sa batas, isa pang konsehal ang nagbasa ng legal na katwiran para sa pagwasak ng isang panganib na gumagambala sa katahimikan ng isang komunidad. Nang mapatibay ang legal na pangangatwiran, inulit ni Hyrum ang mungkahi ni Joseph na kanilang sirain ang palimbagan at ikalat ang type.37

Sinabi ni William Phelps sa kapulungan na nirepaso niya ang konstitusyon ng Estados Unidos, ang charter ng lunsod ng Nauvoo, at ang mga batas ng lupain. Ayon sa kanya, ang lunsod ay may lubos at legal na katwiran na ipahayag na ang palimbagan bilang isang panganib at kaagad itong sirain.

Bumoto ang kapulungan na sirain ang palimbagan, at nagpadala ng kautusan si Joseph sa city marshal upang maisakatuparan ang panukala.38


Nang gabing iyon, dumating ang Nauvoo marshal sa tanggapan ng Expositor kasama ang isang daang tao. Pumasok sila sa palimbagan gamit ang isang maso, kinaladkad ang imprenta sa kalye, at binasag ito sa maliliit na piraso. Pagkatapos ay itinambak nila ang mga kalsunsilyo ng type at sinunog ang tumpok. Anumang mga kopya ng diyaryo na natagpuan nila ay idinagdag sa sunog.39

Kinabukasan, inulat ni Thomas Sharp ang pagkawasak ng palimbagan sa ekstrang edisyon ng kanyang pahayagan. “Ang digmaan at pagpuksa ay hindi maiiwasan! Mga mamamayan bumangon, isa at lahat!!!” isinulat niya. “Wala na tayong oras para sa mga komento, bawat tao ay kikilos ng sarili niya. Hayaan itong mabuo ng pulbura at bala!!!40