Paggaling sa Adiksyon Unti-unting Pagpapagaling
Sa programa ng Simbahan na paggaling sa adiksyon, ang mga yaong nagdusa dahil sa adiksyon ay nakaranas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ng himala ng paggaling.
Mga isang taon na ang nakalipas, nagising ako sa isang malaking sasakyan sa isang lugar sa Illinois, lango sa mga droga at alak, at wala akong anumang maalala sa mga ginawa ko. Ang naalala ko lang na sa biyahe ko para sa negosyo, pagkalapag ng eroplano, ay natakasan ko agad ang mga kasamahan ko sa loob lang ng mga 10 minuto, nagtuloy sa bar, at nawala nang tatlong araw. Ang pangalawang araw—ang araw na uuwi na sana ako—ay kaarawan ng aking anak. Noong isang taon lang iyon.
Isang taon na ang nakararaan hindi alam ni Mark (binago ang mga pangalan) kung paano niya paglalabanan ang kanyang adiksyon sa droga at alak. Sinubukan na niyang tapusin ito. Nakausap na niya ang kanyang bishop, nakipagkita sa propesyonal na mga tagapayo, pumasok sa mga rehabilitation center at ibinigay ang lahat ng kanyang makakaya, ngunit wala pa ring naganap na permanenteng pagbabago. Kalaunan matapos ang mapanganib na pangyayaring iyon sa Illinois, natagpuan niya ang programa ng Simbahan na 12-hakbang sa paggaling sa adiksyon, na itinataguyod ng LDS Family Services. Sa programa, nalaman niya ang mga alituntunin at gabay na magpapabago sa kanyang buhay.
Nangyari ang pagbabago habang pinag-aaralan niya at ipinamumuhay ang mga alituntuning itinuro sa program workbook at lingguhang mga miting sa paggaling. Ginagabayan ng workbook ang mga mambabasa tungo sa paggaling gamit ang 12 hakbang, ang bawat isa rito ay naglalahad ng isang mahalagang alituntunin ng paggaling tulad ng katapatan, pag-asa, o pagtitiwala sa Diyos. Sa lingguhang mga miting, ang mga kalahok ay nakakakuha ng lakas sa iba at ibinabahagi ang sarili nilang mga karanasan sa pagsasagawa ng mga alituntunin.
Nalaman ni Mark na mahirap ang paglalakbay mula sa adiksyon tungo sa paggaling, ngunit ang makilala ang mga taong nakayanan ang paglalakbay na iyon ay maaaring magbigay ng pag-asa sa mga yaong pinaglalabanan ang adiksyon. Sa bawat miting isang facilitator—isang taong nakaranas ng paggaling sa adiksyon—ang humihikayat sa iba na magbahagi ng mga ideya batay sa kanilang paggaling. Si Mark ay isa na ngayong facilitator. Kada linggo ibinabahagi niya ang kanyang mga karanasan (kasama sa artikulong ito sa mga salitang nakahilig) para tulungan ang iba na maunawaan na hindi sila nag-iisa at madadaig ang adiksyon.
Ang Patibong ng Adiksyon
Sa tuwing bibigay ako sa adiksyon, sasabihin ko matapos ito, “Sa pagkakataong ito magbabago na ako. Panginoon, tulungan po ninyo ako. Hindi ko po gustong maging bahagi ito ng buhay ko.” Ngunit nagpapatuloy pa rin ito.
Si Mark ay aktibong miyembro ng Simbahan. Wala sa hinagap niya na mabibitag siya ng adiksyon. Ang pamumuhay sa mga pamantayan ng Simbahan, tulad ng Word of Wisdom, ay nagliligtas sa mga miyembro mula sa maraming nakalululong na gawi, ngunit sa mundo kung saan ang masasamang impluwensya ay lalo pang lumalaganap, ang adiksyon ay isang lumalalang problema, maging sa mga Banal sa mga Huling Araw. Bagamat nilalabanan ni Mark ang adiksyon sa alak at droga, ang adiksyon ay hindi limitado sa paggamit ng mga sangkap. Maaaring kabilang dito ang pagsusugal, pornograpiya, di wastong pagkain, maling gawing seksuwal, at labis na pag-asa sa ibang tao.
Sa alinmang miting sa paggaling, iba-ibang adiksyon ang maaaring katawanin. Halimbawa, si Steve ay lulong sa mga resetang gamot. Sa una umiinom siya ng gamot para sa pinsala niya sa likod, ngunit makaraang gumaling ang kanyang pinsala, siya ay nagsinungaling at kalaunan ay nagnakaw para makakuha ng maraming gamot. Isang Linggo, si Steve, na naglilingkod bilang tagapayo sa bishopric, ay nakulong suot ang kanyang amerikana. Siya sana ang mangangasiwa sa sakrament miting. Sa puntong iyon nalaman niya na kailangan niya ng tulong.
Sa ilang lugar, mayroong mga grupo na partikular na nilikha para sa mga may problema sa pornograpiya. Sinabi ni Garrett, na regular na dumadalo sa gayong grupo, na noong una hindi niya natanto na isa nang adiksyon ang ginagawa niya. “Walang paraan para makabili ako ng isang pornograpikong magasin, ngunit napakadali na makakuha sa Internet,” sabi niya. Natanto niya na kailangan niyang magbago nang silang mag-asawa ay muntik nang magdiborsiyo.
Pagdalo sa Programa
Ang aking kawalan ng kakayahan na iakma ang aking patotoo sa aking pag-uugali, pati na ang kawalan ng kakayahan na iwaksi ang aking adiksyon, ay naglagay sa akin sa labis na kahihiyan. Sa wakas handa na akong subukan ang isang bagay na kakaiba.
Isang madalas uliting kasabihan sa mga kalahok sa programa ay ang indibiduwal ay naghahangad ng paggaling “kapag ang dulot na hirap ng problema ay nagiging mas matindi kaysa sa hirap ng solusyon sa problema.” Nang dumating si Mark sa puntong iyan, sinunod niya ang mungkahi ng isang kaibigan at dumalo sa isang miting ng mga Banal sa mga Huling Araw tungkol sa paggaling sa adiksyon. May ilang tao na sila mismo ang nagpapasiyang dumalo. Ang iba ay hinihikayat na dumalo ng mga kaibigan o lider ng priesthood. Ang ilan ay inuutusan ng batas na dumalo sa mga miting ng 12-hakbang sa paggaling sa adiksyon.
Marami ang atubiling dumalo sa miting dahil nahihiya sila sa kanilang problema sa adiksyon. Sa kanyang trabaho bilang service missionary ng Simbahan, namamangha si Suzanne sa pagbabagong nakikita niya sa mga kalahok. “Noong una silang dumalo sa mga miting,” sabi niya, “madalas silang mga nakatungo. Nahihiya sila at nakokonsensiya at natatakot. Matapos ang ilang linggo taas-noo na sila sa natagpuang bagong pag-asa. Nalaman nila na hindi sila nag-iisa sa kanilang problema sa adiksyon.”
Ang mga service missionary ng Simbahan ay handang tanggapin ang mga kalahok at binibigyan sila ng pag-asa at lakas ng loob. Iba-ibang hakbang ang pinagtutuunan ng mga kalahok mula sa workbook kada linggo, at nagbabahagi ang facilitator ng kanyang karanasan sa hakbang na iyon. Yaong nais na magbahagi ng kanilang mga ideya sa paggaling ay ipinakikilala ang kanilang mga sarili sa unang pangalan lamang. Kabilang lagi sa miting ang paalala na huwag magbanggit ng mga pangalan at kompidensiyal ito, na mahalaga sa pagkakaroon ng ligtas na kapaligiran.
Ang isang mahalagang aspeto ng mga miting ay nasa isang kapaligiran ang mga kalahok kung saan muli nilang madarama ang Espiritu. Maaari silang manalangin at magpatotoo, kahit na ang mga pagpili nila ay nagbunga ng disfellowship o excommunication. Ang espirituwal na kapaligirang ito ang pinagkukunan ng ibayong lakas ng mga kalahok sa pagtutuon nila sa 12 hakbang.
Mga Hakbang sa Paggaling
Ang pagsasagawa ng mga hakbang ng programang ito ay nagpapasimple sa ebanghelyo sa paraang maipamumuhay ko ang patotoong nasa akin na noon pa.
Tulad ng natuklasan ni Mark, ang mga hakbang ng programa sa paggaling sa adiksyon ay may-sistemang paraan ng pagsasagawa ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang 12 hakbang ay hinango mula sa orihinal na Twelve Steps of Alcoholics Anonymous, ngunit ang programa ng Simbahan ay natatangi dahil inilagay nito ang mga hakbang sa “kabuuan ng mga doktrina at paniniwala ng Simbahan.”1 Sa programang paggaling sa adiksyon, ang 12 hakbang ay hakbang mismo sa pagtamo ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.
Ang workbook na Addiction Recovery Program: A Guide to Addiction Recovery and Healing (aytem blg. 36764), ay ibinabalangkas ang 12 hakbang at ang mga alituntuning may kaugnayan dito. Ang bawat hakbang ay may bahagi ng mga banal na kasulatan na pag-aaralan at may mga tanong na pag-iisipan at puwang na pagsusulatan. Sinabi ng isang kalahok na ang tapatang pamamaraan ng 12 hakbang ay nagbigay sa kanya ng pag-asa. Nang magising mula sa coma si Clifford dahil sa labis na droga, tapos na ang pagsasama nilang mag-asawa at wala na siyang trabaho. Inisip niya kung paano niya ibabalik sa dati ang kanyang buhay. “Ang isama ang ebanghelyo sa mga hakbang na madaling sundin, 12 sa kabuuan—magagawa ko iyan,” sabi niya.
Marami ang nagsasabi na ang pang-apat at panlimang hakbang, na nakatuon sa personal na pagsusuri at pagtatapat, ang pinakamahirap. Ngunit depende ito sa indibiduwal. Si Paula na pinaglalabanan ang labis na pagkain at labis na pag-asa sa kanyang pamilya, ay nagpunyagi nang husto sa pang-walong hakbang—nagpapatawad at ibinabalik ang magandang samahan—sa pagsisikap niyang patawarin ang kanyang abusadong ama. Sinasabi niya ngayon, “Hindi ko masasabi sa inyo kung gaano ang pasasalamat ko sa himalang ito sa aking buhay: ang magmahal at magpatawad.”
Pag-asa sa Pagbabayad-sala
Ang pagbabagong nangyari sa akin ay hindi na ako miserable sa habang panahon. Kung minsan hindi ito madali. Marahil hindi pa minarapat ng Panginoon na kunin ito lahat sa akin sa ngayon, ngunit pinalalakas Niya ako upang makayanan ko ito nang may pagtitiis at may saya, at maaari akong sumulong. Pinagaan Niya ito nang sapat lang para matuto ako sa abot ng makakaya ko.
Itinuturo ng ebanghelyo na ang biyaya ay dumarating sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Eter 12:27). Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng biyaya posible ang paggaling. Ito ay “dakilang tulong o lakas mula sa Diyos” na tumutulong sa atin na gumawa ng mabubuti na hindi natin magagawa o mapananatili nang mag-isa.2
Si Suzanne, na dumaan mismo sa programa bago naging service missionary ng Simbahan ay nagsabi, “Alam ko na maaaring sabihin sa akin ng Diyos ang gagawin, ngunit hindi ko alam na mayroon Siyang kapangyarihan na tulungan ako na gawin ito. Ngayon nauunawaan ko ang biyayang dumarating sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”
Sa pamamagitan ng biyaya, naibabalik ng mga kalahok ang nawala nilang pag-asa. Si Edward na isang kalahok ay lumaki sa Simbahan, ngunit ang kawalan ng tiwala sa sarili noong siya ay bata pa ay nagpadama sa kanya na hindi siya kasing-husay ng ibang tao. Sabi niya, “Hindi ko nauunawaan ang Pagbabayad-sala, at hindi ko mahal ang sarili ko, kaya’t walang kuwenta ang lahat.” Noong siya ay nasa edad 20 pataas, nagsimula siyang uminom at gumamit ng droga sa tangkang pawiin ang kanyang mga negatibong nadarama—isang gawaing nagpatuloy sa loob ng 20 taon.
Nang maaresto siya sa pangalawang pagkakataon dahil sa pagmamaneho nang lasing, sinabihan siya na magpagamot. Sa programa ng Simbahan, natutuhan niya na ang pagtanggap ng kapatawaran at pagkakaroon muli ng pagpapahalaga sa sarili ay posibleng mangyari. Nagsimba siya tuwing Linggo, pinag-aralan ang 12 hakbang, at ipinamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo at mga gawaing ito sa kanyang buhay. Naging handa siyang ipaubaya ang kanyang buhay sa Ama sa Langit, at, sa proseso, ay nalaman kung paano mahalin ang sarili at paano tutulutang magkaroon ng epekto ang Pagbabayad-sala sa kanyang buhay. “Hindi ko makakayanan ang lahat ng bagay na ito sa sarili ko lamang,” sabi niya. “Maaaring gawin ng Tagapagligtas ang hindi ko magagawa para sa aking sarili.”
Hindi lamang ang mga nakikipaglaban sa adiksyon ang nakararanas ng malaking pagbabago: natuklasan ng mga mahal sa buhay na kapag isinagawa nila sa kanilang sariling buhay ang 12 hakbang at dumadalo sa mga miting sa paggaling sa adiksyon, maaari nilang maranasan ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala tungkol sa kanilang sariling kapighatian. Sa ilang lugar ang programang paggaling sa adiksyon ay nagbibigay ng mga grupong susuporta sa pamilya at mga kaibigan, at natutuklasan nila na mapagagaling sila ng Tagapagligtas sa sakit, galit at kasalanan na minsan ay nadarama ng mga mahal sa buhay.
Nang malaman ni Deborah ang pagiging adik sa droga ng kanyang anak na lalaki, sinisisi niya ang sarili kapag naiisip niya na sana ay mas naging mabuting ina siya. Pagkatapos ay nalaman niya na maisasagawa niya ang mga hakbang sa kanyang sarili. Sabi niya, “Ang natutuhan ko sa programa ay anuman ang kalagayan ng aking anak, maaari pa rin akong maging masaya at nasa buhay ko ang Ama sa Langit.” Dagdag pa niya, “Walang nabago sa panlabas kong anyo, ngunit sa kalooban ko lubusang nabago ang buhay ko.”
Si Shannon, na may asawang nalulong sa pornograpiya, ay dumalo sa grupong tumutulong sa mga asawa. Sa kanyang paglahok, napansin niya na may pagbabago rin sa kanyang sarili. Sa una nakatuon siya sa sakit na nadarama niya dahil sa adiksyon ng kanyang asawa. Ngunit pagkatapos, nang simulan niyang pag-aralan at isagawa ang mga hakbang, isang mahimalang pagbabago ang nangyari. Sabi niya, “Hindi ko na gaanong ikinukuwento ang tungkol sa aking asawa at mas ikinukuwento ko ang tungkol sa natutuhan ko mula sa bawat hakbang. Nakita ko kung paano kumikilos ang Panginoon sa aking buhay.”
Ang Pangunahing Layunin
Noon nakayanan kong umiwas nang ilang panahon. Bumabalik ako sa Simbahan at naglilingkod sa mga tungkulin, at sinasabi ng lahat sa akin na mahusay ako. Pero hindi maganda ang nadarama ko sa kalooban ko. Kaya ang pag-iwas ay isang bahagi lamang nito. Ang tunay na paggaling ay hindi paggawa nito at hindi pagnanais na gawin ito dahil nagbago na ang ating pagkatao.
Nalaman ni Mark na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, ang mga indibiduwal ay hindi lamang mahihinto sa kanilang pagkalulong ngunit gagaling din ang pinakasanhi ng kanilang adiksyon. At sa tulong ng mga lider ng priesthood, maaari silang magsisi at maibalik muli ang mga pagpapala ng ebanghelyo sa kanilang buhay. Nilinaw ni Doug LeCheminant ng LDS Family Services ang layunin ng programa: “Ang pangunahing layunin namin para sa mga yaong nasa programa ay makagawa sila ng mga tipan sa templo at matupad ang mga ito—hindi lamang basta gumagawa ng mabuti.” Ang pinakamagandang mga bunga nito ay pagiging aktibo, binyag o muling pagbibinyag, pagsulong sa priesthood, mga ordenansa sa templo, at panunumbalik ng mga pagpapala.
Si Steve, na nakulong suot ang kanyang pang-simbang kasuotan ay nagsabing, “Ako ngayon ay malinis at disiplinado dahil sa aking Ama sa Langit at sa 12 hakbang.” Ang pagiging aktibo niya sa Simbahan ay talagang makabuluhan sa kanya. “Ako ay isang ama. Ako ay priests quorum adviser. Ako rin ay isang facilitator dahil gustong kong suklian ang tulong na ibinigay sa akin ng programa.”
Pagpapanatili ng Paggaling sa Araw-araw
Araw-araw hinahangad ko ang aking Ama sa Langit sa panalangin at sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan. Sa umaga nagbabasa ako ng mga aklat tungkol sa paggaling, at isinusulat ang aking mga nadarama at aking mga impresyon. Tinatawag ko ang isang tao sa programa para tulungan akong linawin ang aking pag-iisip. Pumupunta ako sa mga miting. Sinisikap kong maglingkod. At hindi ako kailanman bumalik sa adiksyon sa panahong ginagawa ko ang mga bagay na iyon.
Ang mga gawaing iyon sa araw-araw ay nagpanatili sa espirituwal na paggaling ni Mark. Nalaman ng iba pa na sumasailalim sa programa ang gayunding katotohanan: ang pagpapanatili ng espirituwal na lakas ay nangangailangan ng patuloy na pagsisikap. Walang lubos na ligtas sa pagbalik sa dating adiksyon, ngunit sa pamamagitan ng araw-araw na pamumuhay sa ebanghelyo, yaong mga nakikibaka sa adiksyon ay lumalapit kay Cristo at tumatanggap ng lakas at pag-asa.
“Unti-unti akong natututo, tuntunin sa tuntunin,” sabi ni Mark. “Nagbabago na ang likas kong pagkatao, at sa unang pagkakataon mula nang mangyari ito masasabi ko na mayroon akong pag-asa. Talagang naniniwala ako na hindi na ako kailanman babalik sa dati.”