2009
Ang Magagawa ng Iisang Tao
Hunyo 2009


Ang Magagawa ng Iisang Tao

Ang kabataang lalaking ito mula sa Suriname ay hindi gumagawa ng malalaking bagay. Ngunit ang mga simpleng bagay na ginagawa niya ay nagdulot ng malaking kaibhan.

Tahimik na tao si Yves Verwey at may pagkamahiyain. Ngunit hindi ito nakapigil sa kanya na makita ang mga bagay na kailangang gawin at isakatuparan ang mga ito.

Mga Lumilikha ng Musika

Halimbawa, noong tumugtog ng keyboard ang 18-taong gulang na si Yves na taga Tamenga Branch, Paramaribo Suriname District sa mga miting at aktibidad ng Simbahan, nakita niya na maraming tao ang nagkainteres na matutong tumugtog. Kaya sinimulan niya ang libreng pagtuturo ng pagtugtog sa mga bata, kabataan, at matatanda.

Ginaganap ang klase sa ilang branch at bukas sa sinumang gustong pumunta. Kadalasan gabi-gabi kapag nagtuturo si Yves, may mga anim na estudyante ang dumadalo, kapwa mga Banal sa mga Huling Araw at ibang nakabalita sa klase mula sa mga miyembro ng branch. Itinuturo din niya ang pagtugtog ng pluta kapag may interesado. Pinamumunuan niya ang koro ng branch, at pinangasiwaan niya ang isang espesyal na pagtatanghal ng koro ng district. Ayon sa kanya ang pag-aambag sa musika ay isang paraan ng pagpapasalamat niya sa mag-asawang misyonero na nagturo sa kanyang bumasa ng nota at lumikha ng musika.

Mga Nagbabasa ng mga Banal na Kasulatan

Nakahanap din ng paraan si Yves na tulungan ang ilan sa kanyang mga kaibigan na gustong magbahagian ng mga natututuhan nila sa mga banal na kasulatan. Dumadalo sila sa simbahan at seminary o institute, nagbibigay ng mensahe kapag inatasan at nakikibahagi sa mga aralin. Pero gusto nilang mag-usap-usap, nang kabataan sa kapwa kabataan. Kaya minsan sa isang linggo sama-sama nilang sinisimulang basahin ang Aklat ni Mormon nang mga kalahating oras, at sinimulan na nilang yayaing sumama ang iba, lalo na ang mga kabataang di-gaanong aktibo. Ngayon ilang buwan na silang sama-samang nagbabasa, kung minsan sa bahay ng isa, kung minsan sa bahay naman ng isa pa.

“Nagsimula ito sa mga kaibigan kong sina Larry Roseval, na nasa Wanica Branch, at Saffira Zeegelaar na mula sa sarili kong branch. Pero ngayon walo na kami,” sabi ni Yves. “Nagbabasa kami ng isang kabanata, pinag-uusapan ito, ibinabahagi ang aming patotoo tungkol dito, at ibinabahagi ang natutuhan namin sa linggong iyon.”

Hinihikayat din ng mga mambabasang ito ng mga banal na kasulatan ang isa’t isa sa iba pang paraan. Halimbawa, hinamon nila ang sarili na gawing mas makahulugan ang mga Linggo ng ayuno sa pamamagitan ng pag-aayuno nang may layunin. “Noong nakaraang Linggo ng ayuno inisip namin ang mga taong di gaanong aktibo at nag-ayuno at nanalangin para maging ganap na aktibo silang muli sa Simbahan,” paliwanag ni Yves.

Mga Kaibigang Misyonero

Kailangan ng mga full-time na misyonero ng suporta mula sa mga miyembro, at may ginawa rin si Yves tungkol diyan. Sumasama siya sa kanila kapag may tuturuan sila nang madalas hangga’t kaya niya. “Talagang gusto kong kasama ang mga misyonero,” sabi niya. “Pinagaganda at pinasasaya nito ang pakiramdam ko.”

Tila ganoon din ang nararamdaman ng mga misyonero kapag kasama siya. May kakayahan si Yves na pasayahin ang sinuman, at alam din nila na handa itong magpatotoo sa katotohanan. Malapit ng mag-19 na taong gulang si Yves, at sabik siyang magmisyon nang full-time.

“Nasa Primary pa lang ako,” sabi ni Yves, “Inuulit-ulit ko ang 1 Nephi 3:7, at kinakanta ko rin ang awit tungkol dito: ‘Gagawin, susundin, utos ng Diyos sa ‘kin,’ kaya hindi na kailangang itanong pa kung tatanggapin ko o hindi ang tawag na magmisyon.”1

Mga Nagbibilang ng mga Biyaya

Unang nalaman ni Yves ang Simbahan nang sumapi ang kanyang ina. Pitong taon siya noon at nabinyagan at nakumpirma pagkaraan ng isang taon. Nanatili siyang aktibo, kahit sa mahihirap na sandali tulad nang magdiborsyo ang kanyang mga magulang at nang makita niyang ipinagbibili ang bahay ng pamilya para ipambayad sa utang. Tiniis niya ang pangungutya ng mga tao habang naglalakad siya papuntang simbahan tuwing Linggo na nakaterno at nakakurbata. “Alam ko kung bakit ako nagdadamit nang ganoon kapag nagsisimba, kaya hindi ako talaga naaapektuhan niyon,” sabi niya. Lumalayo siya kapag sinusubukan ng iba na pagsigarilyuhin o painumin siya. “Kahit kailan hindi ako nahirapang tumanggi. Sa pagsunod ko sa Word of Wisdom, lumulusog ang katawan ko at lumalakas ang espirituwalidad ko. May maiaalok ba sila sa akin na mas matindi pa riyan?”

Sa lahat ng ito binibilang ni Yves ang kanyang mga biyaya. Hinihikayat niya ang iba na bilangin din ang kanilang mga biyaya.

“Habang natututuhan ninyo ang tungkol sa ebanghelyo at kung paano ninyo susundin ang mga kautusan, ” sabi niya, “mas nauunawaan ninyo na gusto ng Ama sa Langit na pagpalain tayong lahat. Ang pagiging masaya ay hindi pagiging nasa uso kundi pagkakaroon ng mga pamantayan at pagpapamuhay nito. Ang pagiging masaya ay pagiging mapagpasalamat sa Diyos at sa iba sa lahat ng magagandang bagay sa buhay.”

Ang magtaglay ng gayong pananaw ay isa pang bagay na sa palagay ni Yves ay kailangang gawin. Kaya ginagawa niya ito, at hinihikayat niya ang iba na gawin din ang gayon.

Tala

  1. Tingnan sa “Ang Katapangan ni Nephi,” Aklat ng mga Awit Pambata, 64–65.

Mga larawang kuha ni Richard M. Romney

map of South America

TIMOG AMERIKA

Dagat Atlantiko

Venezuela

Guyana

SURINAME

PARAMARIBO

French Guiana

Brazil

Mountain High Maps © 1993 Digital Wisdom, Inc.

Tulad ng bituin sa watawat ng Suriname, ibinabahagi ni Yves ang kanyang liwanag sa iba. Nagtuturo siya ng pagtugtog ng keyboard sa mga Banal sa mga Huling Araw at sa mga interesadong miyembro ng komunidad. Regular din siyang nakikipagkita sa mga kaibigan para pag-aralan ang Aklat ni Mormon.

Dahil sabik nang magmisyon, ginugunita ni Yves sa kanyang ina ang tungkol sa binyag niya at naghahanda para sa kanyang full-time na pagmimisyon. Gustung-gusto niyang makisalamuha sa mga miyembro kapag may mga pulong at bumisita sa makasaysayang district sa kabisera ng Suriname, ang Paramaribo.