2009
Hindi Ako Nakaligtaan ng Tagapagligtas
Hunyo 2009


Hindi Ako Nakaligtaan ng Tagapagligtas

Noong bata pa ako, tinuruan ako ng nanay ko na manalangin, at nagsisimba ako kasama siya tuwing Linggo. Ang kapatid kong babae at lalaki ay mga miyembro ng koro sa parokya sa lugar namin sa Hertfordshire, England, at tila natural lang na sundan ang halimbawa nila at dumalo roon.

Dahil walong taong gulang pa lang ako, hindi ko kailangang dumalo sa komunyon nang maaga tuwing umaga ng Linggo. Matutulog pa ako pero maya-maya ay babangon na rin at pupunta sa pangunahing seremonya sa umaga.

Sa kalagitnaan ng taglamig ng 1952, dahil sa isang talampakang taas ng niyebe sa labas at hamog na nagyelo sa mga bintana sa loob ng aking silid, namaluktot ako sa aking higaan, nagpasiyang hindi ako magsisimba sa Linggong iyon.

Tinawag ako ni nanay para magising ako, pero nagkunwari akong tulog. Tapos naririnig ko na ang kanyang mga yabag paakyat sa hagdan. Sumagot ako, “Sige po. Babangon na po ako.”

Ngunit pabulong kong sinabi, “Para ano? Wala namang tao na nagngangalang Jesucristo.” Kaagad isang tinig ang narinig ko at nagsabi sa akin, “Mayroon at maglilingkod ka sa akin balang araw.” Parang napaka-natural ang boses, na para bang isang kaibigan ang nakikipag-usap sa akin. Gayunman, lumipas ang mga taon, at nalimutan ko na ang karanasang iyon.

Lumaki na ako, sumapi sa Royal Navy at makalipas ang siyam na taon ay nagsimulang magtrabaho sa isang kompanyang pamatay-sunog. Isang gabi matapos ang trabaho, nakarinig ako ng katok sa aking pintuan. Nang buksan ko ito, dalawang misyonera ang nagpakilala ng kanilang sarili. Pagod ako, marumi at gutom kaya’t iminungkahi ko na bumalik na lang sila maya-maya o sa ibang araw.

Sa pagkamangha ko bumalik sila makalipas ang isang oras. Pinapasok ko sila. Sa simula pa lang ng kanilang pagsasalita, alam ko na may kakaiba sa kanilang mensahe. Kakaiba ang diwa sa aking tahanan, at alam kong nagmula ito sa dalawang misyonerang ito.

Ibinigay nila sa akin ang unang talakayan nang gabing iyon at ang pangalawa ay noong sumunod na gabi. Dalawang elder mula noon ang dumarating gabi-gabi hanggang sa matanggap ko ang lahat ng talakayan. Sinimulan ko ang pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pananalangin. Ang pagluhod para manalangin sa unang pagkakataon sa loob ng 20 taon ay pinaka-espirituwal kong karanasan sa aking buhay.

Nangako ako na magpapabinyag isang linggo makaraang matapos ang mga talakayan. Pagkabinyag ko, ipinatong nina Elder Ross at Elder Fullerger ang kanilang mga kamay sa aking ulo para ibigay sa akin ang kaloob na Espiritu Santo. Pagkapatong na pagkapatong ng kanilang mga kamay sa akin, ang aking karanasan sa Espiritu noong nagdaang 20 taon ay nanumbalik sa aking alaala. Ang isang bagay na mahalaga na nanatili sa akin—ngunit natabunan ng lahat ng pagkakamaling nagawa ko sa aking buhay—ay espirituwal na nanumbalik sa aking alaala. Nakapupuspos na isipin na napakahalaga ko sa Tagapagligtas kaya hindi Niya ako nakaligtaan.

Nagpapasalamat ako sa mga misyonero na nagturo sa akin ng ebanghelyo at sa mga miyembro ng una kong ward na nangalaga sa akin. Higit sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Tagapagligtas, na ang pagiging totoo Niya ay minsan kong pinagdudahan ngunit ngayon ay pinaglilingkuran ko Siya nang may pasasalamat.

Isang tinig ang narinig ko at nagsabing, “May katauhang nagngangalang Jesucristo.”