Pakikipagkaibigan
Pagtulong sa Kanyang Pamilya
Gustung-gusto ng mga bata sa buong mundo ang tumulong sa kanilang pamilya—gaya ninyo! Ngayong buwang ito kilalanin natin si Cinthia Noemí Jara Humada ng Asunción, Paraguay.
Kilalanin si Cinthia
Sa labas lang ng lungsod ng Asunción, Paraguay, ay matatagpuan ang isang maliit na kumpunihan at pandayan. Ang pagawaan ay puno ng mga kagamitang metal at mga bagay na kailangang kumpunihin. Sa likod ng pagawaan ay isang maliit na bahay. Sa patyo sa likod ay may nakasampay na mga damit na kalalaba pa lamang. Ito ang tahanan ng siyam-na-taong-gulang na si Cinthia Noemí Jara Humada at kanyang pamilya.
Pagtulong sa Bahay
Si Cinthia ay may nakababatang kapatid na lalaki, si Gustavo (7), at bunsong kapatid na babae, si Débora. Mas madalas na tumutulong siya sa pag-aalaga kay Gustavo, pero gusto rin niyang tumulong sa pag-aalaga kay Débora. Sabi ng kanyang nanay maraming naitutulong si Cinthia sa pamamagitan ng paglilinis ng kanyang kuwarto, paglilinis ng bahay, at pagwawalis ng bakuran. Balang araw gusto ni Cinthia na maging nanay at magkaroon ng anim na anak.
Matatag na Paninindigan sa Eskwelahan
Ang eskwelahan ni Cinthia ay may iba’t ibang oras ng pasok. May mga estudyanteng pang-umaga, ang iba pang-hapon, at ang iba naman pang-gabi. Pang-umaga ang pasok ni Cinthia. Siya ay nasa ikatlong baitang at isang matalinong estudyante. Ang paborito niyang asignatura ay araling panlipunan.
Mayroong mahigit 1,000 estudyante sa kanyang eskwelahan, pero 12 lang ang miyembro ng Simbahan. Madalas siyang tanungin ng kanyang mga kamag-aral tungkol sa kanyang relihiyon. Sinasagot naman niya ang kanilang mga tanong sa abot ng kanyang makakaya at nagpapakita ng magandang halimbawa sa pamamagitan ng pamumuhay sa ebanghelyo. ●
Mga Family Home Evening
Palaging handang tumulong si Cinthia sa family home evening. Minsan kapag abala ang kanyang tatay sa pandayan, kusang tumutulong si Cinthia sa kanya sa pamamagitan ng paghahanda ng ituturo sa family home evening. Gusto ni Cinthia na maging guro paglaki niya. Natutuwa siyang magturo sa iba.
Pagkatuto sa mga Banal na Kasulatan
Gustung-gusto ni Cinthia na magbasa—lalung-lalo na ng mga banal na kasulatan. Ang paborito niyang kuwento sa mga banal na kasulatan ay ang tungkol kay Ammon na nangangaral sa mga Lamanita (tingnan sa Alma 18). Gusto niya kung paano nito ipinapakita na dapat gawin nating lahat ang gawaing misyonero.