2009
Mga Tanong at mga Sagot
Hunyo 2009


Mga Tanong at mga Sagot

“Ilan sa mga kaibigan ko sa Simbahan ay nakikipagtalo sa di miyembrong mga kaibigan tungkol sa relihiyon. Alam ko na mali ang makipagtalo, ngunit paano ko maipapaalam sa mga kaibigan ko ang nadarama ko tungkol sa ebanghelyo?”

Sa halip na tangkaing ibahagi ang iyong nadarama nang may galit at wala roon ang Espiritu, maghanap ng mga oportunidad na makakausap mo nang isahan ang iyong mga kaibigan, sa oras at sa lugar na maaaring tumulong ang Espiritu Santo.

Manalangin para sa mga oportunidad na makausap ang iyong mga kaibigan tungkol sa ebanghelyo. Kapag nabigyan ng pagkakataon, ipaliwanag ang iyong paniniwala at magpatotoo. Tiyaking nagpapakita ka ng tunay na pag-aalala sa kanila. Kung ang mga kaibigan mo ay interesadong matuto pa, maaari mo silang bigyan ng pass-along card, anyayahan sila sa simbahan, ituro ang Mormon.org, o kontakin ang mga misyonero.

Manalangin na patnubayan ng Espiritu para malaman mo ang sasabihin sa iyong mga kaibigan at paano ito sasabihin. Manalangin na matulungan ka na makaiwas sa pagtatalo. Kung nagsisimulang makipagtalo sa iyo ang mga kaibigan mo, kadalasan pinakamainam na baguhin ang paksa o lumayo sa usapan.

Manalangin na Patnubayan

Ang pagtatalo ay hindi sa Diyos (tingnan sa 3 Nephi 11:29), kaya hindi ito ang tamang paraan sa pagbabahagi ng kahanga-hangang ebanghelyong ito. Isang mabuting paraan sa pagbabahagi ng ebanghelyo ang anyayahan ang iyong mga kaibigan na pumunta sa simbahan o mga aktibidad. Nakatulong sa akin ang panalangin para malaman kung paano ko maibabahagi ang ebanghelyo sa aking mga kaibigan. Alam ko na sinasagot ng Panginoon ang mga panalangin. Palagi Niyang ipakikita sa iyo ang tamang paraan sa paggawa ng mga bagay.

Celeste R., 22, California, USA

Turuan Sila Kung Paano Nila Malalaman

Kapag nakikipagtalo ka tungkol sa pinaniniwalaan mo, lumalayo ang Espiritu. Hindi Siya paroroon para magpatotoo na totoo ang sinasabi mo. Ang pinakamagandang bagay na magagawa mo ay magpatotoo. Simpleng ipahayag ang pinaniniwalaan mo at paano mo nalaman na totoo ito. Kapag sinasabi ko sa mga tao ang tungkol sa ating Simbahan, sinasabi ko sa kanila na maaari nilang malaman sa kanilang sarili na totoo ito sa pamamagitan ng pananalangin, pagbabasa ng Aklat ni Mormon at pakikinig sa nadarama ng kanilang puso. Maaaring hindi pa rin sumang-ayon ang iyong mga kaibigan, ngunit hindi nila maikakaila ang kapangyarihan ng iyong patotoo.

Sister Clement, 22, Tennessee Knoxville Mission

Iwasan ang Pagtatalo

May kaibigan ako na kabilang sa ibang simbahan. Noong isang taon nilapitan niya ako sa eskuwelahan isang araw at nagsimulang patunayan sa akin na ang Aklat ni Mormon ay hindi totoo at na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi simbahang Kristiyano. Matapos sagutin ang lahat ng kanyang tanong, nabatid ko na hindi man lang niya pinagtutuunan ng pansin ang mga sagot ko dahil patuloy niya akong hinihingan ng katibayan sa gayunding tanong. Sa natutuhan ko sa karanasang ito, ipinapayo ko sa iyo na ang magagawa mo lang ay magpaliwanag na hindi mo gustong makipagtalo at magpatotoo sa katotohanan ng Simbahan ng Panginoon.

Jayden C., 13, Washington, USA

Pagtatalo Lumilikha ng Pagkapoot

Hindi kailanman tama ang makipagtalo. Pinalalayo nito ang Espiritu ng Panginoon at pagkatapos nito ay nag-iiwan ng pagkapoot at pagkamuhi. Binabago rin nito ang pagtingin mo sa ibang tao. Karaniwan, nauuwi ang pagtatalo ng mga tao tungkol sa mga punto ng doktrina, kaya’t napakahalaga na maging tagapamayapa at huwag na huwag kaligtaang magpatotoo tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo at ang mabubuting pagpapala na dala nito sa iyo.

Carlos F., 19, Guárico, Venezuela

Igalang ang Paniniwala ng Iba

Sa halip na sabihin sa iyong mga kaibigan, “Totoo ang aking relihiyon, at ang sa inyo ay hindi,” ay ibahagi sa kanila ang iyong patotoo. Maghanap ng oras na kayo lang dalawa ng kaibigan mo at hilingin kung maaari mong ibahagi ang iyong patotoo. Ginawa ko na iyan minsan sa aking matalik na kaibigan na isang Kristiyano at napakatapat sa kanyang simbahan. Naisip niya na maganda na may patotoo ako. Matapos iyon, pinag-usapan namin ang aming pinaniniwalaan, ngunit hindi iyon isang pagtatalo. Ngunit, kapag lalapit ka at sasabihing, “Ang simbahan ninyo ay hindi totoo,” magiging walang galang ka sa isang bagay na napakahalaga sa kanila. Hindi iyan ginagawa ng mga kaibigan. Maaari kang hindi sumang-ayon tungkol sa mga punto ng mga doktrina sa iyong mga kaibigan, ngunit ang tunay na kaibigan ay makikinig sa iyong patotoo at mauunawaan na napakahalaga ng ebanghelyo sa iyo.

Amber P., 17, Utah, USA

Ipamuhay ang Ebanghelyo

Ipamuhay ang ebanghelyo nang sa gayon ang mga nakakakilala sa iyo at hindi alam ang totoong ebanghelyong ito ay nanaising malaman ito dahil kilala ka nila. Hayaang makita sa iyo ang kagalakan ng ebanghelyo. Maging liwanag, isang patnubay, at napakagandang halimbawa sa iyong mga kaibigan at iba pa sa abot ng iyong makakaya.

Elder Kamah, 20, Ghana Cape Coast Mission

Magpatotoo

Ang pinakamagandang paraan para maibahagi ang ebanghelyo ay gawin ito nang tapat at magiliw. Walang pupuntahan ang pagtatalo. Hindi nakipagtalo si Jesucristo sa mga Fariseo; sa halip, tinuruan Niya sila sa pamamagitan ng pagmamahal, salita, at halimbawa. Nakasaad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Kung minsan ay maaaring magduda ang mga tao sa itinuturo mo, pero mahirap pagdudahan ang tapat, at taos-pusong patotoo” ([2004], 228). Magpatotoo sa bagay na alam mong totoo at paano mo ito nalaman. Kapag ang Espiritu ay nagpapatotoo sa katotohanan ng iyong sinabi, iyan ang magandang pagkakataon para makaunawa ang iyong mga kaibigan.

Ephraim S., 20, New South Wales, Australia