Mga Ngiting Ibabahagi
“Magalak, at huwag matakot, sapagkat ako ang Panginoon ay kasama ninyo, at tatayo sa tabi ninyo” (D at T 68:6).
Ano ang natutuhan mo sa Primary ngayon, Sasha?” tanong ni Inay habang pauwi sila galing sa simbahan.
“Tinuruan po kami ni Sister Duffy tungkol sa espesyal na mga kaloob na tinatawag na mga talento,” sabi ni Sasha. “Sabi niya binigyan daw po tayong lahat ng Ama sa Langit ng mga talento para makatulong sa iba. Sabi po niya kapag ibinabahagi daw po natin ang ating mga talento, pinapasaya nito ang mga tao.”
“Tama ‘yan,” sabi ni Inay. “Itinuro ni Jesus na dapat gamitin natin ang ating mga talento para paglingkuran ang iba.”
Saglit na tahimik na nakaupo si Sasha habang nakatanaw sa bintana. “Pero Inay, paano po si Lauren?” tanong niya.
“Ano naman ang tungkol sa kanya?” tanong ni Inay.
“Eh, hindi po siya makapagsalita, saka nasa wheelchair po siya. Ano naman pong mga talentong mayroon siya na makakatulong sa iba?”
“Ano ang una mong napapansin kay Lauren kapag nakikita mo siya?” tanong ni Inay.
Sandaling nag-isip si Sasha at sinabi, “Ang kanya pong ngiti. Palagi pong nakangiti si Lauren.”
“Tama ‘yan,” sabi ni Inay. “Ano pa?”
“Palagi po siyang nakatawa. Lalo na po kapag kumakanta kami o naririnig niya ang piyano. Tuwang-tuwa siya palagi. At gustung-gusto po niyang magpalipad ng mga halik sa mga tao.”
“Ano ba ang nararamdaman mo kapag kasama mo si Lauren?” tanong ni Inay.
“Masaya po. Palagi po akong masaya kapag kasama ko si Lauren,” sabi ni Sasha.
“Ako rin,” sabi ni Inay. “Isa iyan sa mga talento ni Lauren. Nagbabahagi siya ng pagmamahal at kasiyahan sa lahat ng nasa paligid niya. Iyan ang isa sa pinakaespesyal na mga talento sa lahat.” ●