2009
Ang Ating Dalisay na Tahanan sa Langit
Hunyo 2009


Ang Ating Dalisay na Tahanan sa Langit

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Setyembre 19, 2006. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa http://speeches.byu.edu.

Elder Douglas L. Callister

Kung mahahawi natin ang tabing at mamasdan ang ating tahanan sa langit, hahanga tayo sa mabubuting kaisipan at puso ng mga yaong masasayang naninirahan doon. Naiisip ko na napakadalisay at perpekto ang ating mga magulang sa langit. Sa dakilang ebanghelyong ito na natututo tayo sa pagsunod sa mga halimbawa, isa sa mga layunin ng pagsubok sa atin dito sa lupa ay maging katulad nila sa lahat ng aspeto nang sa gayon ay maging komportable tayo sa harapan ng ating mga magulang sa langit at, sa salita ni Enos, makikita ang kanilang mga mukha “nang may katuwaan” (Enos 1:27).

Si Pangulong Brigham Young (1801–77) ay nagsabi, “Sinisikap nating maging larawan ng mga yaong naninirahan sa langit; sinisikap nating tularan sila, maging tulad nila, namumuhay at nangungusap tulad nila.”1 Gusto kong sumilip sa likod ng mga tabing na pansamantalang naghihiwalay sa atin mula sa ating tahanan sa langit at ilarawan sa salita ang banal, kaaya-aya, at dalisay na kalagayang umiiral doon. Mangungusap ako tungkol sa wika, panitikan, musika, at sining ng langit, gayundin ng tungkol sa busilak na anyo ng mga katauhan sa langit, sapagkat naniniwala ako na sa langit matatagpuan natin ang bawat isa sa mga ito sa dalisay at perpektong anyo.

Kapag mas nagiging katulad tayo ng Diyos, mas madaling naaantig ang ating espiritu ng mga bagay na dalisay at maganda.

Wika

Sinasalita ng Diyos ang lahat ng wika, at sinasambit Niya ang mga ito nang wasto. Siya ay mahinahon at maayos sa pananalita. Nang ilarawan ng Diyos ang dakilang proseso ng paglikha sa mundong ito, sinabi Niya sa maingat na pananalita na “[ito ay] mabuti” (Genesis 1:4). Hindi tayo masisiyahan kung gumagamit ang Diyos ng “nakasisindak” o iba pang kalabisang mga salita.

Si Ben Jonson ng Britanya ay nagsabi: “Ang pananalita ay tunay na nagpapakita ng pag-uugali ng isang tao. Magsalita ka, nang masabi ko ang uri ng pagkatao mo.”2 Ipinakikita ng ating pananalita ang ating iniisip, kabutihan, kawalan ng tiwala, mga pag-aalinlangan—maging ang mga tahanang pinagmulan natin. Mas magiging komportable tayo sa harapan ng Ama sa Langit kung mayroon tayong magandang gawi sa pagsasalita.

Naniniwala ako na ang wika ng langit, kapag sinambit nang maayos, ay maaaring maging isang musika. Nasa isipan ba ito ni C. S. Lewis nang isulat niya, “Hindi ba nakatutuwa kung paanong ang ilang kombinasyon ng mga salita ay maaaring magbigay sa inyo—tumutukoy sa tunog ng mga salita sa halip na kahulugan nito—ng labis na saya tulad ng musika?”3 Sa pagsilang ni Jesus nagpakita ang mga anghel at nangusap, hindi kumanta, “Luwalhati sa Dios sa kataas-taasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya” (Lucas 2:14). Ngayon ay sinisikap nating ipakita ang kagandahang iyon sa awit, ngunit ang orihinal na sinambit ng mga anghel ay inilahad sa mga salita.

Sa isinulat niyang talambuhay ni Ralph Waldo Emerson, ikinukuwento ni Van Wyck Brooks na si Emerson ay naanyayahang magsalita sa pagdiriwang ng ika-300 anibersaryo ng pagsilang ng dakilang makata na si Shakespeare. Matapos maipakilala iniharap ni Emerson ang kanyang sarili sa pulpito at pagkatapos ay naupo. Nalimutan niya ang talaan ng mga sasabihin niya. Pinili niyang huwag magsalita kaysa magsalita nang hindi planado. Para sa ilan, iyon si Emerson sa kanyang pinakamahusay na sandali.4

Ang pinong pagsasalita ay higit pa sa mahusay na pagtatalumpati. Bunga ito ng kadalisayan ng pag-iisip at katapatan ng pagsasalita. Ang panalangin ng isang bata kung minsan ay maaaring magpakita ng wika ng langit nang halos mas malapit kaysa sa isang talumpati mula sa isa sa mga dula ni Shakespeare.

Ang pinong pagsasalita ay hindi lamang nakikita sa mga salitang pinili nating gamitin kundi sa mga bagay rin na pinag-uusapan natin. May mga taong palaging ikinukuwento ang sarili; sila ay walang tiwala sa sarili o kaya’y mapagmalaki. May mga taong palaging pinag-uusapan ang iba; sila karaniwan ay nakakawalang gana. Mayroon namang ang pinag-uusapan ay mga ideyang nakakapukaw ng kaisipan, mga aklat na naghihikayat, at doktrinang nagbibigay-inspirasyon; ito ang iilan sa nagpapaganda ng mundo. Ang mga paksang pinag-uusapan sa langit ay hindi mababaw o makamundo; ang mga ito ay dakila na hindi natin kayang ilarawan. Magiging komportable tayo roon kung nasanay na tayo rito sa lupa sa pag-uusap ng tungkol sa mga bagay na dalisay at dakila, na nagsasalita nang may pag-iingat.

Panitikan

Ang Biyernes ng gabi ba ay oras para magmadali upang makapunta kung saan may libangan at kasayahan? Makalilikha ba ang ating lipunan ngayon ng isang Isaac Newton o isang Wolfgang Amadeus Mozart? Mapupunan ba ng 85 channel at di mabilang na DVD ang ating hindi makuntentong pagkahilig sa paglilibang? Ang mga mangmang ba ay naging lulong sa mga laro sa computer o pag-i-Internet, kung kaya’t wala silang mas magagandang karanasan sa makabuluhang pagbabasa, pakikipag-usap, at kasiyahan sa musika?

Hindi ko alam kung may telebisyon o DVD player ang ating tahanan sa langit, ngunit nakikinita ko na tiyak na may malaki itong piyano at napakagandang silid-aklatan. Mayroong katamtamang silid-aklatan sa tahanan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) noong kanyang kabataan. Hindi iyon isang marangyang tahanan, ngunit ang silid-aklatan ay naglalaman ng mga 1,000 tomo ng mayamang panitikan ng mundo, at iniukol ni Pangulong Hinckley ang kanyang kabataan sa pagbabasa ng mga aklat na ito. Gayunpaman, upang magkaroon ng malawak na kaalaman, hindi kailangang magkaroon ng mamahaling koleksiyon ng panitikan, sapagkat ang mga ito ay maaaring mabasa ng kapwa mayayaman at mahihirap sa mga silid-aklatan ng mundo.

Nakagawian na ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na gumising ng alas-4:00 n.u. araw-araw, madaliang binabasa ang isa o dalawang aklat, at pagkatapos ay nagsisimulang magtrabaho nang alas-6:00 n.u. Mabibigkas niya nang walang kopya ang 1,000 tula. Tinukoy niya ang mga dakilang guro ng panitikan bilang “munting mga propeta.” Siya ay buhay na larawan ng pagsunod sa payo sa mga banal na kasulatan na “maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan” (D at T 88:118).

Kaming mag-asawa ay nag-ukol kamakailan ng apat na taon sa gawain ng Simbahan sa Eastern Europe. Madalas kaming magbiyahe sa tren sa subway ng Moscow, na tinatawag na Metro. Napansin namin ang mga nakayukong mga pasaherong Ruso, sapagkat nagbabasa sila ng akda nina Tolstoy, Chekhov, Dostoyevsky, o Pushkin—at minsan, ni Mark Twain. Ang mga tao ay dukha, ngunit hindi nila laging iniisip ang kanilang kahirapan. Taglay nila ang mayamang tradisyon ng panitikan, sining at musika ng Russia.

Sabi ni Pangulong McKay: “Tulad ng pagpili ng makakasama ang pagpili sa mga aklat. Maaari nating piliin ang mga lalong magpapabuti sa atin, mas magpapatalino, mas gagawin tayong mapagpasalamat sa mga bagay na mabubuti at magaganda sa mundo, o maaari nating piliin ang mala-basura, ang malaswa, ang mahalay, na magpapadama sa atin na para bang tayo ay ‘naglulublob sa putikan.’”5

Siyempre pa, pinakadakila ang mga banal na kasulatan sa lahat ng mabubuting panitikan, sapagkat ang mga ito ay hindi batay sa mga opinyon ng tao.

Musika

Kung makakasilip tayo sa likod ng tabing ng langit, marahil ay mabibigyang-inspirasyon tayo ng musika ng langit, na malamang ay higit na maluwalhati kaysa alinmang musikang narinig na natin dito sa lupa.

Kapag ang ilang nakalipas nang musika ay hinahangaan pa rin at itinatangi ng mga banal at dalisay, ang kabiguan nating pahalagahan ito ay hindi kasalanan ng magandang musika. Nasa atin ang pagkakamali. Kapag lumaki ang isang batang nasanay sa pagkain ng hamburger at french fries, malamang hindi siya magiging sanay sa masasarap at masusustansiyang pagkain. Ngunit hindi iyon kasalanan ng masustansyang pagkain. Nakasanayan lang niya ang di gaanong mainam na pagkain. Ang ilan ay lumaking sanay sa musikang walang kabuluhan.

Ito ang mabuting pagkakataon na suriin ang musika sa inyong koleksyon ng musika at piliing mabuti ang yaong nakapagpapasigla at nagbibigay-inspirasyon. Ito ay bahagi ng papasulong na proseso ng inyong walang hanggang paglalakbay. Ito rin ay magandang pagkakataon na matuto ng isang instrumento sa musika o pahusayin pa ang kaunting taglay na kasanayan sa musika.

Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tayo … ay nabubuhay sa mundo na mas malamang ay piliin ang mga bagay na walang halaga at kailangan nating magkaroon ng pagkakataon na mapag-ibayo ang pagpili sa pinakamagagandang musika. At narito rin tayo sa mundong labis na pinag-uukulan ang mga bagay na popular at uso. Kailangang tulutan natin ang mga tao na mas tumuon sa pinakamagagandang musika ng panahon.”6

Batid ang epektong nagagawa ng magagandang musika, sinabi ng isang tauhan sa dula ni Oscar Wilde, “Matapos tugtugin ang likha ni Chopin, dama ko na parang ako ay nananangis sa mga kasalanang hindi ko nagawa at nagdadalamhati sa mga kapighatiang hindi sa akin.”7 Matapos ang unang pagtatanghal ng Messiah, si Handel, sa pagtugon sa isang papuri ay nagsabi, “Aking panginoon, ako ay humihingi ng paumanhin kung nalibang ko lamang sila—hangad ko na mas maging mabuti sila.”8 Si Haydn ay “nakasuot ng kanyang magarang kasuotan sa pagkatha ng musika dahil ito raw ang panahong kasama niya ang kanyang Diyos.”9

May ilang pangyayari sa buhay na napakadakila na hindi mailalarawan ang mga ito nang walang saliw ng magandang musika. Hindi tayo maaaring magkaroon ng isang Pasko nang walang mga awiting pamasko o isang pangkalahatang kumperensya na walang sagradong mga himno. At walang maaaring maging langit nang walang musikang napakaganda. Sinabi ni Pangulong Young, “Walang musika sa impiyerno, sapagkat lahat ng mabubuting musika ay nasa langit.”10 Sapat nang kaparusahan ang mapunta sa impiyerno at walang marinig na isang nota ng musika sa buong kawalang-hanggan.

Sining, Kaanyuan at Pag-uugali

Ang ibinahagi ko tungkol sa pagkakaron ng mabubuting pananalita, panitikan, at musika sa loob ng tahanan ay totoo rin sa magagandang sining—na marahil ay maayos na nakadispley sa ating tahanan sa langit. Maaari din itong tumukoy sa ating pisikal na kaanyuan at pag-uugali, kaayusan ng ating mga tahanan, kung paano tayo manalangin at magbasa ng mga salita ng Diyos.

Minsan nakausap ko sandali ang mahusay na aktres na si Audrey Hepburn habang ginagawa niya ang pelikulang My Fair Lady. Binanggit niya ang tungkol sa unang eksena sa pelikula kung saan ay inilarawan niya ang isang mahinhin at simpleng babae. Ang kanyang mukha ay napapahiran ng uling para magmukha siyang bahagi ng kanyang kapaligiran. “Ngunit,” sabi niya na may kislap sa kanyang mga mata, “nagpabango ako. Sa puso ko alam ko pa rin na ako ay isang mahinhing dalaga.” Hindi kailangan ang mamahaling pabango para maging mahinhing dalaga, ngunit ito ay nangangailangan ng kalinisan, kahinhinan, respeto sa sarili, at pagpapahalaga sa sariling kaanyuan.

Maraming taon na ang nakararaan isang kasamahan ko ang nagpasiyang pasasayahin niya ang kanyang maybahay sa pamamagitan ng pagpuri sa kanya tuwing gabi pag-uwi niya sa bahay. Isang gabi pinuri niya ang kanyang niluto. Sa pangalawang gabi nagpasalamat siya sa mahusay nitong pag-aasikaso sa bahay. Sa pangatlong gabi kinilala niya ang mabuting impluwensya nito sa kanilang mga anak. Sa pang-apat na gabi, bago siya nakapagsalita, sinabi nito, “Alam ko kung ano ang ginagawa mo. Pinasasalamatan kita dahil diyan. Pero huwag mo nang sabihin ang alinman sa mga bagay na iyon. Sabihin mo lang sa akin na maganda ako.”

Nasabi niya ang talagang kailangan niya. Nararapat na papurihan ang kababaihan sa lahat ng talentong taglay nila—kabilang ang pagiging maayos nila sa kanilang kaanyuan—na lubos na nakadaragdag sa kaligayahan ng buhay ng iba. Huwag nating pabayaan ang ating sarili at maging napakakaraniwan—maging ang pagiging burara—sa ating kaanyuan na inilalayo natin ang ating mga sarili sa kagandahang ibinigay sa atin ng langit.

Sabi ng ilang walang pakundangan, “Ang hitsura ko ay walang kinalaman sa nadarama ng Diyos sa akin.” Ngunit maaaring kapwa makadama ng di maipahayag na kalungkutan ang mga magulang sa lupa at magulang sa langit nang hindi nababawasan ang kanilang pagmamahal sa kanilang mga anak.

Si Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), ikaanim na Pangulo ng Simbahan, ay nagmamay-ari ng iilang bagay ngunit iningatan niya ang mga ito. Maselan siya sa pag-aayos ng kanyang sarili. Inuunat niya ang kanyang perang papel para maalis ang mga gusot nito. Siya lamang ang nag-iimpake ng kanyang bag. Alam niya kung nasaan ang bawat bagay, tuwerka [nut] at tornilyo sa kabahayan, at bawat isa ay may lalagyan.

Ganito rin kaya sa kapaligirang inyong tinitirhan? Bahay ba ito ng kaayusan? Kailangan ba ninyong magpunas, maglinis, at mag-ayos muli bago ninyo anyayahan ang Espiritu ng Panginoon sa inyong tahanan? Sinabi ni Pangulong Lorenzo Snow (1814–1901): “Hindi nilayon ng Panginoon na manirahan habambuhay ang mga Banal sa mga yungib at kuweba ng mundo, ngunit dapat silang magtayo ng magagandang bahay. Kapag pumarito ang Panginoon hindi niya aasaming makakita ng maruruming tao, kundi mga taong dalisay.”11

Si David Starr Jordan, dating pangulo ng Stanford University, ay nagsulat: “Ang maging mahalay ay ang gawin yaong hindi pinakamabuti. Ito ay paggawa ng mga bagay na hindi mabuti sa paraang hindi maganda, at masiyahan dito… . Kahalayan ang magsuot ng maruming kasuotan kapag ang tao ay hindi gumagawa ng maruming gawain. Kahalayan ang gustuhin ang hindi kaaya-ayang musika, magbasa ng mga aklat na may mababang uri, malugod sa mga walang kabuluhang balita sa dyaryo, … masiyahan sa mga mala-basurang nobela, matuwa sa malalawaswang palabas, masiyahan sa mga birong walang kuwenta.”12

Pinalisan kayo ng inyong Ama sa Langit mula sa Kanyang kinaroroonan para maranasan ang mga bagay na hindi ninyo mararanasan sa inyong tahanan sa langit—lahat ay paghahanda para sa pagkakaloob ng kaharian. Hindi Niya nais na mawala ang inyong pananaw. Kayo ay mga anak ng isang dinakilang katauhan. Kayo ay noon pa naorden na mangulo bilang mga hari at reyna. Mananahan kayo sa isang tahanan at kapaligirang walang hanggan ang kadalisayan at kagandahan, tulad ng inilalarawan sa wika, panitikan, musika, sining at kaayusan ng langit.

Magtatapos ako sa mga salita ni Pangulong Young: “Ating … ipakita sa mundo na mayroon tayong talento at mabuting pagpili, at patunayan sa kalangitan na ang ating isipan ay nakalagak sa kagandahan at tunay na kahusayan, nang sa gayon ay maging marapat tayo na makasama ang mga anghel.”13

Higit pa rito, nawa’y maging marapat tayo na matamasa ang dalisay na samahan ng mga magulang sa langit, sapagkat tayo ay lahi ng mga Diyos, na “mga anak ng Kataastaasan” (Mga Awit 82:6).

Mga Tala

  1. Brigham Young, “Remarks,” Deseret News, Mar. 5, 1862, 1.

  2. Sa Algernon Swinburne, A Study of Ben Jonson, isinaayos ni Sir Edmund Gosse at iba pa (1926), 120.

  3. C. S. Lewis, They Stand Together: The Letters of C. S. Lewis to Arthur Greeves (1914–1963) (1979), 96.

  4. Tingnan sa Wendell J. Ashton, In Your Own Image (1959), 113.

  5. David O. McKay, Pathways to Happiness, tinipon ni Llewelyn R. McKay (1957), 15.

  6. Neal A. Maxwell, sa LaMar Barrus, “The Joy of Music,” New Perspectives, Abr. 1997, 10.

  7. The Works of Oscar Wilde (1909), 112.

  8. Sa “A Tribute to Handel,” Improvement Era, Mayo 1929, 574.

  9. Sa Hal Williams, “Dr. Reid Nibley on Acquiring a Taste for Classical Music,” BYU Today, Abr. 1980, 14.

  10. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 242.

  11. Lorenzo Snow, sa Wilford Woodruff: History of His Life and Labors, isinaayos ni Matthias F. Cowley (1964), 468.

  12. David Starr Jordan, “The Strength of Being Clean,” sa Inspirational Classics for Latter-day Saints, tinipon ni Jack M. Lyon (2000), 191.

  13. Discourses of Brigham Young, 424.

Larawang kuha ni Robert Casey; ibaba: border ng Shambala Publications; kanan: border ng Nova Development

Larawang kuha © Getty Images