Alam Mo Na
Hindi ko kailanman pinagdudahan na totoo ang ebanghelyo. Pero ngayon iniisip ko kung sapat na ba iyon.
Tulad ni Nephi, isinilang ako sa mga magulang na nagturo sa akin ng ebanghelyo. Araw-araw nag-aaral ng mga banal na kasulatan at nagdarasal ang aking pamilya. Nakinig ako habang nagpapatotoo ang aking mga magulang tungkol kay Joseph Smith, sa Aklat ni Mormon, at sa bawat alituntunin ng ebanghelyo. Dahil sa mga karanasang ito, hindi ko kailanman pinagdudahan na totoo ang Simbahan.
Pero sa isang banda, kahit naturuan ako ng ebanghelyo at natututo sa mabubuting halimbawa ng aking mga magulang, natanto ko na bagaman hindi ko pinagdudahang totoo ang Simbahan, wala akong nag-aalab na patotoo sa katotohanan nito. At kahit na buong buhay kong pinangarap na makapagmisyon, alam ko na kailangan kong matiyak na totoo ang ebanghelyo.
Noong malapit na akong mag-labingwalong taong gulang, nagsimula akong dumalo sa missionary preparation class sa ward. Nagsimula rin akong magsulat sa journal.
Isang araw sa missionary preparation class, nagkaroon kami ng araling hindi ko kailanman malilimutan. Ang paksa ay, “Ang Aklat ni Mormon—ang Sentro ng Gawaing Misyonero.” Ipinakita sa amin ng guro ang isang video ng mga kabataan sa buong mundo na nagpapatotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at ang karanasan ng isang binatilyo na di pa nakakapagpasiya tungkol sa pagmimisyon hanggang sa magtanong siya sa Diyos.
Pagkatapos ay hiniling ng guro na magbahagi kami ng patotoo. Hindi kayang hadlangan ang Espiritu. Natanto ko na pinagpala ng Aklat ni Mormon ang aking buhay. Gayunman, napagtanto ko rin na hindi ko kailanman ipinagdasal at itinanong sa Diyos ang katotohanan ng Aklat ni Mormon o ng Unang Pangitain ni Joseph Smith.
Ilang araw kalaunan nagbabasa ako ng Aklat ni Mormon at nagpasiyang subukin kung totoo ang pangako ni Moroni (tingnan sa Moroni 10:3–5). Lumuhod ako at ibinuhos sa Diyos ang aking nadarama. Hindi ko alam kung paano darating ang sagot o kung kailan ko ito matatanggap, pero nagtiwala ako na ipaaalam Niya sa akin ang mga bagay na ito sa Kanyang itinakdang panahon.
Nang tumayo ako, ninais kong magsulat sa journal. Binuklat ko ang journal at binasa ang huling isinulat ko roon tungkol sa nangyari noong nakaraang Linggo matapos ang missionary preparation class. Nang binabasa ko na ang sarili kong mga salita, na naglalarawan ng nadama ko, nakadama ako ng kapayapaan na lumukob sa aking buong katauhan. Walang dudang nadama ko sa aking puso ang mga salitang, “Alam mo na; alam mo na.”
Lumuhod akong muli at pinasalamatan ang Ama sa Langit sa pagsagot sa aking panalangin. Nakatanggap ako ng sagot na nagpatunay sa bagay na pinaniniwalaan ko nang buong buhay.
Ngayon buong tiwala ko nang mapapatotohanan na nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak at na totoo ang Aklat ni Mormon. Dahil alam kong alam ko, nakapaglingkod ako nang full-time sa Peru Piura Mission. Sa aking misyon, nakita ko kung paano sinasagot ng Panginoon ang mga panalangin ng lahat ng mapagkumbabang naghahangad ng katotohanan. At ito ay lagi kong pasasalamatan.