2009
Tatakbo at Hindi Mapapagod
Hunyo 2009


Tatakbo at Hindi Mapapagod

Ang isa sa napakalaking mga pagpapala na natanggap natin nang isilang tayo sa mundo ay ang pisikal na katawan. Ang Word of Wisdom, na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan bahagi 89, ay nagtuturo sa atin ng “utos at kalooban ng Diyos sa temporal na kaligtasan ng lahat ng banal sa mga huling araw” (t. 2). Ang sumusunod ay mga patotoo tungkol sa Word of Wisdom mula sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo.

Sapat na ang Edad

Ako ay 13 taong gulang at alam ko na kung iingatan natin ang ating katawan, tatanggapin natin ang mga ipinangakong pagpapala sa Word of Wisdom na tayo ay “[maka]tatakbo at hindi mapapagod” (D at T 89:20). Kapag naglalaro ako ng isport, kumakain ng masustansiyang pagkain, at natutulog nang sapat, mas lumalakas ako. Kapag sinusunod ko ang utos na ito, malaya ako sa nakalululong na mga sangkap, at hindi nila ako kontrolado.

Alam ko na ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang Word of Wisdom hindi para limitahan ang ating mga buhay kundi tulungan tayo na mamuhay nang malusog at masaya. Tinatangka ni Satanas na tuksuhin tayo para maniwalang ang paninigarilyo at pag-inom ng alak ay magpapasikat, magpapalaya, at magpapasaya sa atin. Ngunit hindi totoo iyan. Minsan mahirap sundin ang matataas na pamantayan, lalo na sa eskwelahan, ngunit kapag sinisikap kong maging isang mabuting halimbawa, natutulungan ko ang aking mga kaibigan na maunawaan ang kahalagahan ng pagpili ng tama.

Ang pinakamalaking pagpapala na natanggap ko sa pagsunod sa Word of Wisdom ay ang pagkakataong mapasaakin tuwina ang patnubay ng Espiritu. Ang mithiin ko ay maging marapat na makapasok sa templo balang araw.

Sevil V., Plovdiv, Bulgaria

Tulong sa may Diyabetis

Ako ay 57-taong-gulang na lola na nasuring may diyabetis noong Hunyo 2006. Dagdag pa sa pag-inom ng gamot, sinunod ko ang sinasabi sa Word of Wisdom. Nalaman ko ang kahalagahan ng regular na pag-eehersisyo at masustansyang pagkain. Bumaba ang timbang ko ng 88 libra (40 kg) at napanatili iyon. Talagang pinagpala ako sa aking pagsunod sa Word of Wisdom noong araw na ipahinto ng doktor ang aking mga gamot sa diyabetis at mataas na presyon ng dugo. Mayroon akong patotoo tungkol sa Word of Wisdom dahil patuloy na pinagpapala ang buhay ko ng mga espirituwal at pisikal na mga pagpapalang natanggap ko sa pagsunod ko dito.

Beverly Rutherford, Washington, USA

Tumatakbo sa Maraton sa Edad na 73

Ipinanganak ako sa Brazil na may rickets—isang karamdamang pinalalambot ang buto. Sa edad na 19 ang timbang ko ay 50 kilo (111 libra) at may taas na 1.64 metro. Dahil dito, hindi ako natanggap na sundalo, kaya’t nagsimula akong humanap ng mga paraan para mapabuti ang pisikal na kundisyon ng aking katawan. Nagsimula akong mag-ehersisyo at kumain ng masusustansyang pagkain.

Sa panahong ito, nakilala ko ang mga misyonero. Nakilala ko ang Simbahan at nalaman ang mga kautusan, kabilang ang Word of Wisdom. Ito mismo ang kailangan ko. Nagbigay ito sa akin ng mga gabay tungkol sa mga pagkaing dapat kainin at talaan ng mga masasamang bagay na iiwasan, ito nga ang tabako at matapang na mga inumin. Sa pagbabasa ng Doktrina at mga Tipan, nalaman ko na kailangang magpahinga at matulog (tingnan sa D at T 88:124).

Lumakas ako at tumimbang ng 78 kilo (172 libra). Naging kampeon ako sa weight lifting. Nag-judo at lumangoy rin ako. Ngayon sa edad na 73 tumatakbo ako sa maraton at nakatapos ng 30 maraton. Noong 2005 at 2006, pangalawa ako sa mga kaedad ko sa klase sa Brazil. Napakalusog ko at napakasaya ko.

Nagpapasalamat ako sa ating Ama sa Langit sa pagbibigay sa atin ng mga batas, na kung susundin, ay magpapala sa atin ng kalusugan.

Antonio Olívio de Oliveira, São Paulo, Brazil

Isang Bote ng Alak

Sa paglilinis ko ng parlor pagkatapos ng klase sa paaralan, nakakita ako ng isang kalahating bote ng alak na natira mula sa party. Tinanong ko ang amo ko kung ano ang gagawin ko rito. “Ibuhos mo ang laman, at itapon ang bote,” sabi niya habang paalis siya. Isinara niya ang pinto pagkalabas niya at naiwan akong mag-isa. Ipinagpatuloy ko ang paglilinis ngunit nasa isip ko ang bote ng alak na iyon. Ako ay 14 na taong gulang at hindi pa nakatikim ng alak. Natutukso ako.

Nilinis ko ang banyo, hinugasan ang mga suklay, at nilampaso ang sahig, na iniisip sa buong oras ang bote ng alak na iyon na nasa likod ng silid-gawaan. Alam kong hindi ako malalasing sa isang tikim. Alam ko na walang sinumang makaaalam. Sa naisip na iyon natanto ko na malalaman ko iyon at gayundin ng aking Ama sa Langit. Napaglabanan ko ang tukso. Alam ko na pagsisisihan ko ito kapag nagpadala ako sa tukso, at gusto kong maging malakas para sapat na mapaglabanan ang lahat ng tukso. Ibinuhos ko sa lababo ang alak, hinugasan ang bote, at itinapon ito sa basurahan.

Ang karanasang ito ay tila hindi mahalaga maliban sa nagawa nitong kaibhan sa akin. Nagpasiya ako na susundin ko ang mga utos kahit walang nakatingin. Nais kong gawin ang tamang bagay sa tamang dahilan. Alam ko na ngayon na may lakas ako na labanan ang tukso, at mas tiwala ako na makakabalik akong muli sa aking Ama sa Langit.

Beth M. Stephenson, Oklahoma, USA

Lakas na Makapagtiis

Makalipas ang isang taon matapos akong binyagan, ako ay naging boluntaryong bumbero. Sinunod ko ang Word of Wisdom kahit na inaalok ako ng mga kaibigan ko ng sigarilyo, alak, tsaa, at kape. Noong tanungin nila kung bakit ko tinatanggihan ang mga bagay na ito, sinabi ko sa kanila na ako ay isang Mormon. Marami sa kanila ang kinutya ako at pinagtawanan.

Isang araw inutusan kaming gawin ang tatlong oras na pagsusulit sa pagpapalakas ng katawan para makita kung sino ang mananatili bilang mga bumbero. Bawat isa sa amin ay nakasuot ng makapal na uniporme at nakabota at may dalang kasangkapan sa paghinga. Bago ang pagsusulit nakita ko ang iba na naninigarilyo at pinagtatawanan ako dahil tinedyer pa lang ako at akala nila hindi ako papasa sa napakahirap na pagsusulit.

Una, kailangan naming tumakbo paikot sa isang parang, dala-dala ang napakabibigat na hose. Matapos ang isang ikot nanakit ang aking mga binti at katawan, at pinagtawanan ako ng mga katrabaho ko. Noon ko naalala ang sinasabi sa Doktrina at mga Tipan 89: “Lahat ng banal na makatatandang sumunod at gawin ang mga salitang ito, lumalakad sa pagsunod sa mga kautusan, ay tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto; … at tatakbo at hindi mapapagod” (mga talata 18, 20).

Lumuhod ako at nagdasal sa Panginoon, na humihingi sa Kanya ng pananampalatayang makita na natupad ang pangako. Ilang kalalakihan ang lumapit para tingnan kung OKAY ako, at sinabi ko na ayos lang ako. Tapos nagsimula kaming muling tumakbo. Kaagad na nawala ang pananakit ng aking mga binti. Takbo ako nang takbo at nalaman na bumagsak na sa pagod ang iba, pero parang ayokong huminto sa pagtakbo. Nakapasa ako sa pagsusulit, samantalang uulitin muli ng mga katrabaho ko ang pagsusulit.

Salamat at sumunod ako sa Word of Wisdom, naipasa ko ang pagsusulit na iyon. Alam ko na ang Diyos ay kasama ko sa araw na iyon at kung susundin natin ang Kanyang mga utos, pagpapalain Niya tayo ng Kanyang walang hanggang awa.

Cristian Castro Marin, Santiago, Chile

Isang Pangako sa Araw-araw

Dalawang araw matapos ilibing ang nanay ko, nanalamin ako. Hindi ko gusto ang nakita ko: nangangalumata ako, maputla, masama ang hitsura, at lumabis ng 10 hanggang 15 libra ang timbang. Ang huling tatlong taon ng pag-aalaga sa aking mga magulang ay may negatibong epekto sa aking katawan. Sa labis na pag-aalala sa parehong pagkakasakit ng aking mga magulang at pagpanaw nila na dalawang taon ang pagitan sa isa’t isa, hindi nakapagtataka na ito ang hitsura ko na parang kulang sa tulog o masustansiyang pagkain sa loob ng maraming linggo.

Sa edad na 26 kailangan ko nang magpasiya para sa sarili ko. Maaaring hayaan ko nang ganito ako at magkaroon ng diyabetis, sakit sa puso, o kanser, na sakit ng pamilya ko, o ako ang kokontrol at uunahin ang aking kalusugan. Ito ang pangakong kailangang gawin ko habambuhay—hindi lamang para sa iilang linggo. Habang pinagmamasdan ko ang aking di-kaaya-ayang hitsura, nangako ako sa aking sarili. Ipamumuhay ko ang Word of Wisdom sa paraang hindi ko pa nagagawa noon.

Kaming mag-asawa ay nagsimulang mag-ehersisyo nang dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo. Mas alam ko na kung gaano karaming calorie ang nakakain ko. Nagdagdag ako ng mas maraming prutas at gulay sa aking pagkain. Kailangan dito ang sigasig, ngunit natutuhan kong magbasa ng mga etiketa sa mga pagkain at pinipili ang mas masustansiyang pagkain.

Ang talagang susi sa aking tagumpay ay pagtatakda ng mga mithiing kayang maabot. Gusto kong bumaba nang kaunti ang aking timbang, pag-ibayuhin ang aking lakas, at maging mas malusog. Sa tulong ng Ama sa Langit at sa malaking suporta ng aking asawa, nakamtan ko ang tatlong ito.

Makalipas ang anim na taon regular pa rin akong nag-eehersisyo at maingat sa mga kinakain ko. Patuloy akong nagtatakda ng mga gawaing pangkalusugan at isinasagawa ito para makamtan ang mga ito araw-araw. Kung may magsasabi sa akin noon na mahihilig ako sa pag-eehersisyo, hindi ko talaga paniniwalaan iyon. Ako ay buhay na patunay na mababago ninyo ang uri ng inyong pamumuhay kung talagang gugustuhin ninyo. Kung sasampalataya kayo sa Ama sa Langit, susuportahan Niya kayo sa inyong mga pagsisikap.

Maganda ang pakiramdam ko sa aking sarili habang sinisikap kong maabot ang pinakamaganda kong kalusugan. Simula nang gawin ko ang pangakong ito, mas luminaw at tumalas ang pag-iisip ko, at mas lumakas at sumigla ang katawan ko. Dahil dito, natatamasa ko ang magagandang pagpapala na ipinangako ng Ama sa Langit sa mga sumusunod sa Word of Wisdom. Sinabi Niya na lahat ng masunuring Banal ay “tatanggap ng kalusugan sa kanilang pusod at kanilang utak-sa-buto; at makatatagpo ng karunungan at malaking kayamanan ng kaalaman, maging mga natatagong kayamanan” (D at T 89:18–19).

Meagan Sandor, Ontario, Canada

Pagbalangkas ng Isang Plano

Di nagtagal matapos na kaming mag-ina ay mabinyagan, nagsimula siyang magtrabaho bilang rehistradong nars. Dahil nag-iisang magulang, walang siyang panahong magluto, kaya’t nagsimula kaming kumain ng mga pagkaing de-lata at pagkaing madaling ihanda at kainin. Bagamat 12 taong gulang lang ako, nagsimulang manghina ang aking katawan. Nawala ang dati kong sigla. Madali akong mapagod at balisa. Tumaas ang aking timbang.

Tinanong ko ang aking nanay kong paano ako papayat. Inaasahan kong sasagutin niya ako ayon sa nalalaman niya sa medisina, nagulat ako nang sabihin niyang, “Ipamuhay mo ang mga alituntunin ng Word of Wisdom.” Akala ko papayuhan niya ako tungkol sa calorie at carbohydrate at fat, ngunit ang kanyang sagot ang talagang kailangan ko.

Sa family home evening nang sumunod na Lunes, nirebyu namin ang Doktrina at mga Tipan 89 at nagbalangkas ng plano sa pagkain at aktibidad. Malaki ang ipinagbago ng uri ng aming pamumuhay. Nadama namin na kapwa kami mas malusog at masaya. Napansin ko na mas payapa ang aking buhay at maraming banayad na paghihikayat mula sa Espiritu Santo.

Nagpapasalamat ako sa isang mapagmahal na Ama sa Langit, na nagnanais na makaugnayan tayo. Alam ko na ngayon na kailangang pisikal at espirituwal na handa tayo para matanggap ang sagradong mga personal na paghahayag.

Eric D. Richards, Utah, USA

Paglalarawan ni John Luke