Hindi Puwede ang Mahalay na Pananalita
Noong 1962, ang 11 kaklase ko sa hayskul mula sa Preston, Idaho, at ako, ay sumapi sa National Guard. Parang bakasyon lang ang pangunahing training hanggang sa makarating kami sa Fort Ord, sa California.
Kailangan namin ang isa’t isa para makayanan ang aming bagong kapaligiran sa militar at ang matinding panunuligsa ng iba pang sundalo, na ang karamihan ay gumagamit ng magagaspang na pananalita at tila mga walang moralidad. Naghanap ako ng bawat pagkakataon na makasama ang mga kagaya kong mga Banal sa mga Huling Araw para makayanan ang panggugulo ng kapwa namin sundalo.
Matapos ang pangunahing training, ang dalawang kaklase ko at ako ay nanatili sa Fort Ord para ipagpatuloy ang pagsasanay sa field communications. Kalaunan, dalawa sa tigasin, matatapang na sundalo sa klase namin sa training ang nagpaligsahan kung sino sa kanila ang makapagsasalita ng pinaka-kasuklam-suklam at mahalay na mga bagay. Tuwing umaga kapag gising na sila, sisigaw sila ng mahahalay na pananalita na maririnig ng lahat ng nasa mga kuwartel.
Isang umaga nasa harapan nila ako at, hangad na maibsan sa naririnig, ay hiniling na tumigil na sila. Dahil napahiya, ibinaling nila sa akin ang kanilang kagaspangan, at kung anu-ano ang itinawag sa akin. At binantaan nila ako na mas mabuting huwag nila akong makitang nag-iisa.
Kalaunan nang umagang iyon, habang pinupulot ko ang mga basura, natuklasan kong nag-iisa ako sa pagitan ng mga kuwartel. Pagdaka’y may nakita akong papalapit sa akin. Iyon ay isa sa mga sundalo na nagbanta sa akin.
Naghanda ako sa masamang mangyayari habang papalapit siya sa akin. Ngunit sinimulan niyang sabihin sa akin kung gaano niya ako iginalang at hinangad na magkaroon din siya ng tapang na mamuhay tulad ko. Inamin niya na malulungkot ang kanyang mga magulang kung malaman nito ang mga pinaggagagawa niya sa kanyang buhay. Sinabi niya na hindi na siya kailanman magsasalita ng kabastusan sa aking harapan. Pagkatapos ay tumalikod siya at umalis.
Sa pagdaan ko sa kasunod na kuwartel, nakita ko ang pangalawa na papalapit sa akin. Kinausap niya ako at humingi ng paumanhin sa ikinilos niya. Sinabi niya rin sa akin kung gaano niya ako iginagalang, sinasabing umaasa siya na balang-araw ay maipamumuhay niya ang mga bagay na itinuro sa kanya.
Noong walang pasok nang nasa bakasyon pa ang mga kasamahan kong Banal sa mga Huling Araw, inanyayahan ako ng dalawang binatang ito na magsine kasama nila at ng kanilang grupo. Nang lumalakad na kami na magkakasama, may nagsalita ng kabastusan. Sinabihan ng dalawang sundalong ito ang grupo na walang magsasalita ng kabastusan habang kasama nila ako.
Pagkatapos naming manood ng sine, nang magpasiya ang grupo na magpunta sa klub para uminom, hindi sumama ang mga kaibigan ko, at ipinaliwanag nila na sasama sila sa akin. Nang kami-kami na lang, nagtanong sila tungkol sa aking pamilya at uri ng simbahan na kinabibilangan ko na nakakatulong sa mga kabataang lalaki na magkaroon ng mga pamantayan na siyang ipinamumuhay ng grupo namin ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sinagot ko ang mga tanong nila at ikinuwento ang tungkol sa Simbahan.
Nalaman ko na nagbibigay ang langit ng lakas ng loob at pinagpapala ang mga yaong naninindigan sa tama.