2009
Lakas na Sundin ang Panginoon
Hunyo 2009


Kaibigan sa Kaibigan

Lakas na Sundin ang Panginoon

Mula sa interbyu kay Elder Claudio D. Zivic ng Pitumpu, na kasalukuyang naglilingkod sa South America South Area Presidency; ni Sarah Cutler

“Ako, ang Panginoon, … nagagalak na parangalan yaong naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan” (D at T 76:5).

Elder Claudio D. Zivic

Ang pagtakbo ay isa sa mga paborito kong aktibidad noong bata pa ako. Nasa koponan ako ng track and field, at espesyalidad ko ang 800-meter dash. Ibig sabihin niyon dalawang beses akong tumatakbo paikot sa lugar ng karerahan.

Pangarap ko noon na makasama sa Olympics. Ang nagsanay sa akin ay dating manlalaro sa Olympics. Sa tingin niya sapat ang kakayahan ko para makarating sa Olympics kung magsasanay ako nang husto.

Nagsanay ako nang husto at tumakbo sa maraming karera. Nang ako’y 15, pangalawa ako sa kampeon sa kategorya ko sa buong bansang Argentina. Inisip ko na kung patuloy akong magsasanay, siguro makakasali ako sa Olympics.

Pero mayroong problema. Madalas Linggo ang aming karera. Agad kong natanto na hindi ako makapagpapatuloy pa sa pagsali. Kaya pinili kong huminto sa pagtakbo.

Mahirap ang pinili ko. Kailangan kong bitiwan ang pangarap kong makasama sa Olympics. Hindi maintindihan ng nagsasanay sa akin kung bakit ako huminto. Pero alam kong nakagawa ako ng isang mabuting desisyon. Kahit magandang bagay ang isport, ang pagpili na sundin ang Panginoon at Kanyang Simbahan ay mas mabuti.

Kalaunan, habang naglilingkod ako sa militar, pinadala ako sa isang rehimiyento (isang yunit ng militar) malapit sa mga Bundok ng Andes. Nang matanggap ko ang aking asaynment, nadama ko na may espesyal na ipagagawa sa akin ang Panginoon doon. Palagi akong nagdarasal, nagtatanong, “Ano ang layunin ko rito?”

Matapos ang tatlong buwang paglagi ko roon, sinabi ng aming opisyal, “Gusto kong mag-organisa ng isang club para sa mga sundalo.” Gusto niyang magkaroon kami ng lugar para makapagbasa, makapakinig ng musika, makapaglaro, makapagsulat ng mga liham, at makapagpahinga. Tinulungan ako ng Espiritu Santo na malaman na ito ang gustong ipagawa sa akin ng Panginoon. Hiniling nila na maging presidente ako ng club. Maraming trabaho sa paghahanda ng club. Pininturahan at nilagyan namin ng mga kasangkapan ang isang gusali kung saan magtitipon.

Sa seremonya ng pagbubukas ng club, ako ay nahilingang magsalita sa harapan ng mga opisyal at sundalo. Nagkaroon ako ng pagkakataong maibahagi ang aking patotoo sa ebanghelyo at ang nararamdaman ko tungkol sa Simbahan sa maraming sundalong hindi ipinamumuhay ang mga pamantayan ng ebanghelyo. Alam nilang lahat na ako ay isang “batang Mormon” na ipinamumuhay ang aking mga pamantayan. Hindi ko ginawa ang kanilang mga ginagawa, pero nirespeto nila ako. Nirespeto rin ako ng mga opisyal. Isa sa kanila ang nagsabi sa akin, “Hinahangaan kita sa mga pamantayan mo.”

Huwag kayong matakot na sabihin sa mga tao kung ano ang pinaniniwalaan ninyo at kung ano ang mga pamantayan ninyo. Hindi ninyo kailangang itago kung sino kayo. Alam ko na pagpapalain kayo ng Panginoon kapag sapat ang tapang ninyo para sundin Siya. ●

Itaas kaliwa; larawang kuha ni Craig Dimond; iba pang mga larawan mula sa kagandahang loob ni Elder Zivic

Sa edad na 9.

Kanan: Si Elder Zivic at kanyang pamilya noong 2007.

Ibaba: Sa edad na 15, tumatakbo papuntang finish line sa 800-meter dash sa Buenos Aires, Argentina.