2009
Makibahagi sa Taimtim na Panalangin
Hunyo 2009


Mensahe sa Visiting Teaching

Makibahagi sa Taimtim na Panalangin

Mapanalanging ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na ito o, kung kailangan, magturo ng isa pang alituntunin na magpapala sa mga kapatid na babae na inyong binibisita. Patotohanan ang doktrina. Anyayahan ang inyong mga binibisita na ibahagi ang kanilang nadama at natutuhan.

Ang Taimtim na Panalangin ay May Nakapagpapalakas na Kapangyarihan

Julie B. Beck, Relief Society general president: “Isipin ninyo ang pinagsama nating lakas kung bawat babae ay taimtim na nagdarasal bawat araw at gabi, o kaya’y walang tigil na nagdarasal tulad ng ipinag-uutos ng Panginoon. Kung bawat pamilya ay nagdarasal araw-araw … , mas lalo tayong lalakas” (“Ang Pinakamainam na Nagagawa ng mga Babaeng Banal sa mga Huling Araw: Pagiging Matatag at Di Natitinag,” Liahona, Nob. 2007, 110).

Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Binabago ng panalangin ang ating buhay. Sa pamamagitan nito napapalapit tayo sa Panginoon, at iniaabot Niya ang Kanyang mga kamay at hinahaplos tayo, upang tayo ay hindi na tulad nang dati kailanman.

“Ang panalangin ay isang mataas na tore ng kalakasan, isang haligi ng walang hanggang kabutihan, isang malakas na puwersang nagpapakilos ng mga bundok at nagliligtas ng mga kaluluwa” (“Patterns of Prayer,” Ensign, Mayo 1984, 32).

Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bawat tapat at taimtim na panalangin ay nagdaragdag ng isa pang kawing sa baluti. … Isa sa pinakamahahalagang paraan na madaramtan ninyo ang inyong sarili ng baluti ng Diyos ay ang tiyakin na ang panalangin—marubdob, taimtim, at patuloy na panalangin—ay bahagi ng inyong araw-araw na pamumuhay” (“Be Strong in the Lord,” Ensign, Hulyo 2004, 10).

D at T 112:10: “Maging mapagpakumbaba ka; at ang Panginoon mong Diyos ay aakayin ka sa kamay, at bibigyan ka ng kasagutan sa iyong mga panalangin.”

Ang Taimtim na Panalangin ay Banal na Pakikipag-ugnayan

Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Una, ang panalangin ay mapagpakumbabang pagkilala na ang Diyos ang ating Ama at ang Panginoong Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pangalawa, ito’y taimtim na pagtatapat ng kasalanan at paglabag at pagsamo ng kapatawaran. Pangatlo, ito’y pagkilala na kailangan natin ng tulong nang higit sa ating kakayahan. Pang-apat, pagkakataon ito para makapagpasalamat at tumanaw ng utang-na-loob sa ating Tagapaglikha. Mahalaga na lagi nating sabihing: ‘Salamat po sa Inyo … ,’ ‘Ipinagtatapat po namin sa Inyo … ,’ ‘Utang-na-loob namin sa Inyo …’ Panglima, isang pribilehiyo ang humingi sa Diyos ng mga biyaya.

“… Ang taimtim na mga panalangin ay mula sa puso. Tunay na sa kataimtiman ay kailangan ang marubdob na damdamin ng ating puso” (“Ang Linya ng Komunikasyon ng Panalangin,” Liahona, Hulyo 2002, 62).

Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang makahulugang panalangin ay nangangailangan ng kapwa banal na [pakikipag-usap]at sagradong gawain. Kailangan tayong magsikap nang kaunti bago natin makamtan ang mga pagpapala, at ang panalangin, bilang ‘isang uri ng gawain, … ay isang itinakdang paraan para makamtan ang pinakamataas sa lahat ng pagpapala’ (Bible Dictionary, ‘Prayer,’ 753). Sumusulong tayo at nagtitiyaga sa sagradong gawaing manalangin, pagkatapos nating sambitin ang ‘amen,’ kung kikilos tayo ayon sa mga bagay na ipinahayag natin sa Ama sa Langit” (“Humingi nang may Pananampalataya,” Liahona, Mayo 2008, 95).

Pangulong Thomas S. Monson: “Sa pag-aalay natin sa Panginoon ng ating personal at pampamilyang panalangin, gawin natin ito nang may pananampalataya at tiwala sa Kanya. Alalahanin natin ang utos ni Apostol Pablo sa mga Hebreo: ‘Sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.’ Kung sinuman sa atin ang mabagal sa pagsunod sa payo na manalangin tuwina, wala nang mas mainam na oras para magsimula kundi ngayon” (“Isang Makaharing Pagkasaserdote,” Liahona, Nob. 2007, 61).

Background © Corbis; paglalarawan ni Craig Dimond