Dito Ka Lang!
Ang makasama ang aking pamilya ay palaging magandang karanasan para sa akin. Dahil nagtatrabaho ako bilang railroad engineer, pabagu-bago ang iskedyul ko. Paminsan-minsan idinidestino ako sa malalayong lugar at pansamantalang nawawalay sa aking asawa at mga anak. Sa mga panahong ito, nakikita ko lang sila ng ilang araw kada linggo—at pagkatapos pa ng mahabang pagbibiyahe pauwi.
Minsan, nagbiyahe ang asawa kong si Scarlett at aming mga anak para dalawin ako sa isa sa mga bakasyon ko. Natutuwa ang mga anak ko na matulog sa isang silid sa hotel at kumain sa mga restawran. Ang biyaheng ito ay naging bakasyon para sa kanila. Ang masayang pagsasamang ito ay mabilis na lumipas, at sandali pa’y nagyayakapan na kami at nagpapaalam na sa isa’t isa. Nang sumulyap ako sa rearview mirror, nawala na sa paningin ko ang sasakyan ni Scarlett nang marating namin ang magkasalungat na kalsada patungo sa freeway. Nagmamaneho na akong pabalik sa perokaril [railroad], at kasama na ni Scarlett ang mga bata pauwi.
Napangiti ako nang maalala ko ang aking pamilya at nagpasiyang tawagan si Scarlett at pasalamatan siyang muli sa pagdalaw sa akin. Kinuha ko ang aking celfone sa bulsa ng aking amerikana, ngunit wala iyon doon. Matapos ang walang-saysay na paghahanap, natanto ko na malamang aksidenteng nailagay ang celfone sa sasakyan ni Scarlett.
Ginagamit ko ang celfone para makausap ko ang aking pamilya ngunit mahalaga rin ito sa aking trabaho. Sampung minuto na kaming nagmamaneho sa magkaibang direksyon ng asawa ko ngunit alam kong kailangan kong makuha ang celfone ko. Nagpasiya ako na tumbukin ang kasunod na overpass, lumiko sa kabilang direksyon, at piliting maabutan siya. Nang handa na akong lumiko, tila nakarinig ako ng tinig na nagsasabing, “Huminto ka!”
Pinabagal ko ang takbo ko, bagama’t ang bawat pagdaan ng sandali ay mahirap na para makuha ang celfone ko.
Muli may nagsabing: “Dito ka lang!”
Namayani sa sa akin ang matinding damdaming ito. Isinantabi ko ang naisip na mga dahilan at katwrian at ipinarada ang sasakyan at pinatay ang makina nito. Hindi ko alam kung bakit, ngunit dama ko na dapat akong huminto. Sa pagsunod ko sa nadarama ko na tila panghihikayat mula Espiritu Santo, ang pagkabalisa ko ay napalitan ng kapayapaan. Mapagkumbaba akong nanalangin, nagpapasalamat sa patnubay at paggabay ng Ama sa Langit.
Di nagtagal nakita kong papalapit sa akin ang sasakyan ni Scarlett. Nang makita niya ako, dali-dali niyang inihinto ang sasakyan at lumapit sa akin dala ang aking celfone.
“Paano mo nalaman na dapat kang humito at maghintay?” tanong niya.
Puno ng luha ng kagalakan ang aming mga mata nang ikuwento ko ang karanasan ko sa pagtanggap ng mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo.
Namalagi sa akin ang pangyayaring iyon, at hinding-hindi ko maikakaila ang banal na tulong na natanggap ko nang araw na iyon. Pinalakas nito ang aming mga patotoo na alam ng Ama sa Langit ang kaliit-liitang detalye sa aming buhay. Nagsisikap akong manatiling marapat sa patnubay na iyon na natanggap ko maraming taon na ang nakararaan.