Ang Panginoon ay Naglalaan
Matapos akong ikasal, isa sa mga pinakanais ko ang magkaroon ng malaking pamilya. Isang gabi nanaginip ako at nakitang apat na babae at tatlong lalaki ang magiging bahagi ng aming pamilya. Sa pagkakaroon ko ng mga anak na ito, kaming mag-asawa ay tinulungan ng Panginoon sa pag-aalaga sa kanila. Kahit anong oras na may magkasakit o problema, ang mga basbas at himala ng priesthood ay nagdadala ng saya sa huli.
Ngunit gayunpaman pumanaw ang aking asawa. Maliban sa pagdadalamhati ko, buntis ako at nag-aalala kung paano ko palalakihin ang aking mga anak. Ngunit alam kong patuloy akong tutulungan ng Panginoon.
Isa sa mga paraan ng pagtulong Niya ay panatagin ako. Habang nasa templo, nalaman ko na nasa mabuting kalagayan ang aking asawa, na may dahilan kung bakit kailangang lisanin niya ang mundong ito at na tutulungan niya kami mula sa kabilang buhay. Dama ko rin na kailangang bumalik ako kaagad sa templo. Gustung-gusto ko talagang bumalik pagkatapos ng tatlong buwan ngunit alam kong mahirap magkaroon ng libreng oras at pera para makabalik sa templo. Dumalo ako sa Bern Switzerland Temple, na malayo mula sa tahanan ko sa Italy.
Nang papalabas na ako sa bahay-tuluyan malapit sa templo, isang miyembro ang pumigil sa akin. May ibinigay siyang sobre sa akin at sinabing, “Para sa iyo ito.”
Binuksan ko ang sobre at nakita ang lamang pera nito. “Hindi ko ito matatanggap,” sabi ko.
“Sige na kunin mo na ito,” sabi niya sa akin. “Habang nasa templo ako, nadama ko ang Espiritu na naghihikayat sa akin na ibigay ito sa iyo.”
Nang bilangin ko ang pera, natuklasan ko na ito ang kailangan kong pamasahe para makapunta sa templo nang balikan. Makalipas ang tatlong buwan bumalik ako sa templo.
Tinulungan din ako ng Panginoon na makakuha ng trabaho sa opisina ng isang doktor. Kalaunan nagkaroon ako ng pagkakataon na mapahintulutang magtrabaho sa emergency care. Kumuha ako ng klase para magkaroon ng sertipiko, ngunit ang pagsusulit ay tumaon sa dalawang linggo matapos kong isilang ang aking anak. Nag-aral ako at pumasok sa klase hanggang matapos ang kurso, ngunit sa loob ng dalawang linggong iyon na kailangan kong mag-aral mabuti, kailangan ko ring alagaan ang bagong silang kong anak. Hindi ko malaman ang gagawin ko. Kung hindi ako mag-aaral, di ko tiyak kong papasa ako sa pagsusulit.
Susuko na sana ako at hindi na kukuha ng pagsusulit, ngunit natanto ko na biniyayaan ako ng Panginoon ng pagkakataong ito. Nang manalangin ako, tiniyak sa akin ng Espiritu na ginawa ko na ang bahagi ko at tatanggap ako ng tulong ng Panginoon.
Nagtitiwalang tutulungan ako ng Panginoon, kinuha ko ang pagsusulit. Nakahinga ako nang maluwag nang malamang nakatuon ito sa materyal na alam na alam ko. Nakapasa ako at ang maraming oportunidad na bigay ng emergency certification ay ang mismong kailangan ng aking pamilya. Mas maraming oras ang naiuukol ko sa aking mga anak at mas malaki ang kita para maalagaan sila.
Alam ko na nakikinig ang Ama sa Langit sa mga panalangin ko at tinutulungan ako kapag humihingi ako nang may pananampalataya. Alam ko na tinutulungan Niya ako na matustusan ko ang aking mga anak at na makakasama ko sila at ang aking asawa sa kawalang-hanggan.