2009
Panalangin at ang Bughaw na Papawirin
Hunyo 2009


Mensahe ng Unang Panguluhan

Panalangin at ang Bughaw na Papawirin

President Dieter F. Uchtdorf

Isa sa mga bagay na pinakagusto ko sa pagpapalipad ay ang pag-alis mula sa makulimlim at maulang paliparan, paakyat sa makapal at nagbabantang mga ulap ng taglamig, at pagkatapos ang biglang paglusot sa mga ulap at mabilis na pag-angat sa tamang taas patungo sa maningning na sikat ng araw at walang katapusang bughaw na langit.

Madalas akong mamangha sa pagkakatulad ng pisikal na aktong ito sa ating personal na buhay. Gaano natin kadalas matagpuan ang ating sarili na napalilibutan ng mapanganib na mga ulap at maunos na panahon, na nag-iisip kung maglalaho ba ang kadilimang ito? Kung may paraan lamang sana na maiangat natin ang ating sarili sa kaguluhan ng buhay at makarating sa lugar na may kapayapaan at kapanatagan.

Alam ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na posible ang gayong bagay; may paraan upang makaangat sa kaguluhan ng araw-araw na pamumuhay. Ang kaalaman, pang-unawa, at patnubay na natatanggap natin mula sa salita ng Diyos at sa paggabay ng propeta sa ating panahon ay nagpapakita sa atin kung paano gawin mismo ang gayon.

Pag-angat

Para maiangat ang eroplano mula sa lupa, kailangang lumikha ng pag-angat. Sa aerodynamics, nangyayari ang pag-angat kapag dumadaan ang hangin sa mga pakpak ng eroplano at ang puwersa ng hangin sa ilalim ng pakpak ay mas malakas kaysa sa puwersa ng hangin sa ibabaw ng pakpak. Kapag nahigitan ng pag-angat ang paghila pababa ng grabidad [gravity], umaangat ang eroplano sa lupa at nagsisimulang lumipad.

Sa gayunding paraan, makalilikha tayo ng pag-angat sa ating espirituwal na buhay. Kapag ang puwersang tumutulak sa atin pataas ay mas malakas kaysa sa mga tukso at kalungkutang humihila sa atin pababa, makaaangat at makalilipad tayo tungo sa kinaroroonan ng Espiritu.

Ipinaliliwanag ng mga diksyunaryo ang salitang pag-angat bilang pagbuhat o pagtaas mula sa mas mababang posisyon; lakas o puwersa para sa pag-angat o pagtaas; puwersang papataas, salungat sa hila ng grabidad.1

Pinataas pa ng Mang-aawit ang mga mithiin: “Sa iyo, Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa” (Mga Awit 25:1) at “ititingin ko ang aking mga mata sa mga bundok; Saan baga manggagaling ang aking saklolo. Ang saklolo sa akin ay nanggagaling sa Panginoon” (Mga Awit 121:1–2).

Itinutuon natin ang ating mga mata sa Diyos ng langit sa pamamagitan ng paglilinang ng ating pansariling espirituwalidad. Ginagawa natin ito sa pamumuhay nang naaayon sa Ama; ng Anak, na ating Tagapagligtas; at ng Espiritu Santo. Ginagawa natin ito sa pagsisikap na maging tunay na “masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19).

Ang Taimtim na Panalangin ng Pusong Matwid

Bagaman maraming alituntunin ng ebanghelyo na tumutulong sa atin upang makaangat, gusto kong magtuon ng pansin sa isang ito. Ang panalangin ay isa sa mga alituntunin ng ebanghelyo na nagpapaangat. May kapangyarihan ang panalangin na ilayo tayo mula sa ating mga alalahanin, na iangat tayo mula sa mga ulap ng pagdurusa at kadiliman tungo sa maliwanag at maaliwalas na papawirin.

Isa sa pinakadakilang mga pagpapala at pribilehiyo at oportunidad na mayroon tayo bilang mga anak ng ating Ama sa Langit ay ang pagkakataon nating makausap Siya. Masasabi natin sa Kanya ang mga karanasan natin sa buhay, pagsubok, at pagpapala. Makaririnig at makatatanggap tayo ng makalangit na patnubay mula sa Banal na Espiritu. Makasasamo tayo sa langit at makatatanggap ng katiyakang naririnig Niya ang ating mga panalangin at na sasagutin Niya ang mga ito bilang mapagmahal at matalinong Ama.

Ang mga panalanging dinirinig ng langit ay taos-puso at di gumagamit ng walang kabuluhang paulit-ulit o mga salitang sinasambit nang hindi iniisip. Ang ating mga panalangin ay dapat magmula sa ating taimtim na pagsamong makasama ang ating Ama sa Langit.

Ang panalangin, kung inusal nang may pananampalataya, ay katanggap-tanggap sa Diyos sa lahat ng oras. Kung nadarama man ninyo na hindi kayo makapanalangin, iyan ang oras na dapat talaga kayong manalangin, nang may pananampalataya. Malinaw na itinuro ni Nephi: “Kung kayo ay makikinig sa Espiritu [ng Diyos na] nagtuturo sa tao na manalangin, malalaman ninyong kinakailangan kayong manalangin; sapagkat ang masamang espiritu ay … nagtuturo sa kanya na huwag siyang manalangin” (2 Nephi 32:8).

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973): “Ang tapat na panalangin ng pusong matwid ay nagbubukas ng pintuan sa sinumang tao patungo sa banal na karunungan at lakas na matwid niyang hangad.”2

Sinasagot ba ang mga panalangin? Pinatototohanan ko na sinasagot ang mga ito.

Makatatanggap ba tayo ng tulong, karunungan, at suporta mula sa kaharian ng langit? Muli, pinatototohanan ko na makatatanggap tayo.

Kung tayo ay masunurin, sasagutin ang ating mga panalangin. Mababasa natin sa Bagong Tipan na “anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka’t tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin” (I Juan 3:22).

Ang mga sagot sa ating mga panalangin ay darating sa panahong itinakda ng Panginoon. Kung minsan maaaring ikalungkot natin na hindi kaagad sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin. Sa gayong mga pagkakataon kailangang maunawaan natin na alam Niya ang hindi natin alam. Nakikita Niya ang hindi natin nakikita. Magtiwala sa Kanya. Alam Niya ang pinakamabuti para sa Kanyang anak, at dahil Siya ay perpektong Diyos, sasagutin Niya ang ating mga panalangin nang ganap at sa tamang panahon.

Sa ibang pagkakataon, ang mga sagot sa ating mga panalangin ay maaaring dumating kaagad. Natutuhan ni Propetang Joseph Smith sa isang paghahayag na ibinigay sa kanya sa Kirtland noong 1831: “Siya na humihingi sa Espiritu ay humihingi alinsunod sa kalooban ng Diyos; samakatwid ay mangyayari maging gaya ng kanyang hiningi” (D at T 46:30; idinagdag ang pagbibigay-diin). Napakagandang pangako!

Isang Bagong Pananaw

Ang panalangin ay isang makalangit na kaloob na nilayong tulungan tayong magtamo ng espirituwal na pag-angat. Pinagbubuti at nililinang nito ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Hindi ba’t kagila-gilalas na maaari tayong makipag-usap sa pinakadakilang Mapagkukunan ng karunungan at habag sa sansinukob kailan man natin gustuhin, at saan mang lugar?

Ang araw-araw, simple, tapat, at taimtim na panalangin ay nag-aangat sa ating buhay sa mas mataas na espirituwalidad. Sa ating mga panalangin pinupuri natin ang Diyos, nagpapasalamat sa Kanya, nagtatapat ng ating mga kahinaan, nagsusumamo ng ating mga pangangailangan, at nagpapahayag ng taimtim na katapatan sa ating Ama sa Langit. Kapag ginagawa natin ang espirituwal na gawaing ito sa pangalan ni Jesucristo, ang Manunubos, pinagkakalooban tayo ng ibayong inspirasyon, paghahayag, at kabutihan, na nagdudulot ng liwanag ng langit sa ating buhay.

Naaalala ko noong ako ay isa pang piloto at ang mga panahon kung kailan ang makakapal na ulap at mapanganib na kulog at kidlat ay nagpapadilim at nagpapapanglaw ng lahat. Kahit na natatanaw kong makulimlim ang langit, alam ko na sa ibabaw ng mga ulap ay nagniningning ang araw na gaya ng kumikislap na hiyas sa kalawakan ng bughaw na kalangitan. Hindi pananampalataya ang taglay ko na nangyayari ang ganoon—alam ko na ito. Alam ko ito dahil naranasan ko ito mismo. Hindi ko na kailangang umasa sa teoriya o paniniwala ng ibang tao. Alam ko na ito.

Tulad din sa aerodynamics na maiaangat tayo sa ibabaw ng mga unos ng mundo, alam ko na ang mga alituntunin ng espirituwal na pag-angat ay magdadala sa atin sa ibabaw ng mga unos ng buhay.

At mayroon pa akong nalalaman. Bagaman makapigil-hiningang karanasan ang paglusot sa mga ulap at lumipad sa bughaw na papawirin, wala iyan kung ikukumpara sa himala na maaari nating maranasang lahat kapag iniaangat natin ang ating mga puso sa mapagkumbaba at taimtim na panalangin.

Tinutulungan tayo ng panalangin na harapin ang mahihirap na sandali. Ipinapasulyap nito sa atin ang bughaw na kalangitang iyon na hindi natin natatanaw mula sa ating kinatatayuan, at ipinahahayag nito sa atin ang isa pang pananaw—isang maluwalhating espirituwal na papawirin na puno ng pag-asa at katiyakan ng maniningning na pagpapalang ipinangako ng Panginoon sa mga nagmamahal at sumusunod sa Kanya.

Mga Tala

  1. Para sa halimbawa, tingnan ang Merriam-Webster’s Collegiate Dictionary, ika-11 ed. (2003), “lift,” 718–19.

  2. Harold B. Lee, Stand Ye in Holy Places (1974), 318.

Ang panalangin ay isang makalangit na kaloob na nilayong tulungan tayong magtamo ng espirituwal na pag-angat. Pinagbubuti at nililinang nito ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos.

Kaliwa: larawan © Dynamic Graphics, Inc.

Kaliwa: paglalarawan ni Craig Dimond, © IRI; kanan: larawan © IRI