Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay magagamit sa loob ng klase gayundin sa tahanan. Maaari ninyong iakma ang mga ideyang ito sa inyong pamilya o sa klase.
“Alam Mo Na,” p. 6: Ibahagi ang kuwento ni Eddy Huanca. Anyayahan ang mga kapamilya na basahin ang Moroni 10:3–5. Talakayin ang pangakong ibinibigay ni Moroni. Ipasulat sa mga kapamilya ang kanilang mga patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon at kay Joseph Smith (maaaring ipadrowing sa maliliit na bata ang Aklat ni Mormon at ang Propeta).
“Ang Magagawa ng Iisang Tao,” p. 16: Simulan ang aktibidad sa pag-awit ng “Ang Katapangan ni Nephi” (Aklat ng mga Awit Pambata, 64–65). Ibahagi ang kuwento ni Yves Verwey, at ang buod kung paano siya naghanap ng mga pagkakataong gumawa ng mabuti, katulad ni Nephi. Anyayahan ang mga kapamilya na magbahagi ng magagandang karanasan noong sila ay naglingkod sa iba. Bilang isang pamilya, mapanalanging mag-isip ng paraaang makapaglingkod sa iba (o pumili ng isang ideya sa artikulo) sa buong linggo. Magtapos sa pagbasa at pagtalakay sa 1 Nephi 3:7.
“Ang 20-Mark Note,” p. 20: Bago magturo, magbalot ng ilang maliliit na gamit sa bahay. Ibahagi ang kuwento tungkol sa 20-mark note. Ipakita ang mga binalot na gamit, at anyayahan ang mga kapamilya na hulaan ang bawat isa bago buksan ang mga ito. Ipaliwanag na alam na ninyo kung ano ang mga bagay na nakabalot dahil kayo ang nagbalot ng mga ito. Ikumpara ito sa kaalamang mayroon ang Ama sa Langit tungkol sa ating buhay at kung bakit dapat tayong bumaling sa Kanya para mapatnubayan. Basahin ang huling apat na talata ng artikulo, at talakayin kung ano ang kailangang gawin para maging karapat-dapat na makatanggap ng patnubay ng Panginoon.
“Ang Ating Dalisay na Tahanan sa Langit,” p. 26: Basahin ang unang dalawang talata ng artikulo; pagkatapos atasan ang mga kapamilyang magbigay ng mga ideya mula sa apat na bahagi: wika; panitikan; musika; at sining, kaanyuan at pag-uugali. Talakayin kung paano magiging mas parang langit ang inyong tahanan sa bawat bahagi. Bilang isang pamilya, mithiing alisin sa tahanan ang media na makakasira sa pagiging “makalangit na tahanan” nito. Isaalang-alang din ang pagtakda ng mithiing magkaroon ng magagandang aklat, sining, at musika sa inyong tahanan. Sa mga darating na home evening, talakayin ang nagawang kaibhan ng mga pagkilos na ito sa kasiglahan ng inyong tahanan.
“Tatakbo at Hindi Mapapagod,” p. 32: Basahin ang ilang patotoo mula sa artikulong ito. Pag-isipang magpasulat sa mga kapamilya ng kanilang sariling mga patotoo tungkol sa mga pagpapala ng pamumuhay sa Word of Wisdom. Maaaring magpadrowing sa maliliit na bata ng ilan sa mga pagkaing nakalista sa Doktrina at mga Tipan 89:10–17. Anyayahan ang mga kapamilya na palaging pagsumikapang ipamuhay ang Word of wisdom. Maaaring sundan ang araling ito ng pagkain ng isang masustansyang miryenda.
“Lakas na Sundin ang Panginoon,” p. K4: Anyayahan ang mga kapamilya na magbahagi ng isang karanasan kung saan may isinakripisyo sila para sundin ang Tagapagligtas. Itanong kung ano ang nakapagpahirap dito at kung ano ang nakapagpadali dito. Ikuwento ang pagtanggi ni Elder Claudio D. Zivic na tumakbo kapag Linggo, at talakayin ang mga paghihirap at pagpapalang naranasan niya dahil sa kanyang desisyon. Tapusin sa pagbasa ng huling talata ng artikulo.