Isang Plano para sa Aming Pamilya
“Mag-anak ay magsasama-sama sa plano ng Ama” (Aklat ng mga Awit Pambata, 98).
Nakaupo ako sa kama nina Inay at Itay, na labis na nangungulila sa kanila, nang tumunog ang telepono.
“Oy, Levi. Alam mo?” sabi ni Itay. “Isinilang na ang kapatid mong si Nora ngayong hapon!”
Halata kong masaya si Itay, pero parang kakaiba ang boses niya—parang nag-aalala siya.
“Gaano po siya kalaki?” tanong ko, na iniisip kung talagang gusto kong malaman ang sagot.
Sandaling tumahimik si Itay. “Humigit lang nang kaunti sa dalawang libra [0.9 kg],” wika niya. Ngayon ay talagang nag-aalala siya. Dapat ay sa Kapaskuhan pa isisilang si Nora, pero Setyembre pa lang. “Napakaliit niya talaga,” pagpapatuloy ni Itay. “Huwag mong kalimutang ipagdasal siya, Levi. At magdasal ka rin para sa atin para makapagtiwala tayo na alam ng Ama sa Langit ang pinakamainam para sa pamilya natin.”
Pagkababa ko ng telepono, nagpunta ako sa kusina at dinampot ko ang isang bag ng beans na planong sopasin ni Inay. Nakasaad sa pakete na halos katimbang lang ito ni Nora ngayon. Hinawakan ko ito, na pinipilit isipin kung ano ang hitsura ng sanggol na ganoon kaliit.
“Kaaalis lang ng kanyang espiritu sa piling ng Ama sa Langit,” naisip ko, na inaalala ang natutuhan ko tungkol sa buhay bago isilang sa mundo at ang plano ng kaligtasan. Alam ko na kahit mamatay si Nora, makikita namin siyang muli dahil sama-sama kaming nabuklod bilang pamilya. Pero umasa rin akong makapiling namin siya rito sa lupa.
Nang sumunod na ilang buwan, pabalik-balik sina Itay at Inay sa ospital. Nagpunta sina Lolo at Lola sa bahay namin para tumulong sa pag-aalaga sa akin at sa nakababata kong mga kapatid. Nag-ayuno at nanalangin ang ward para sa pamilya namin, at paminsan-minsan ay naghatid ng pagkain ang mababait na kababaihan ng Relief Society para sa amin. Gustong kumustahin ng lahat ang lagay ni Nora.
Isang gabi, tinawag kaming lahat nina Itay at Inay sa salas. Sinabi nila sa amin na pupunta si Itay at ang bishop para basbasan si Nora. Nang makaalis na si Itay suot ang kanyang amerikana at kurbata, pinalibot kaming lahat ni Inay sa sopa para manalangin.
“Pakibasbasan po Ninyo si Itay sa pagbibigay ng priesthood blessing kay Nora,” pagdarasal ni Inay. Humina ang boses niya. “At sana po, kung loloobin Ninyo, tulutan po Ninyo siyang makauwi at lumusog.”
Habang nagdarasal kami, nadama kong pinuspos ng Espiritu Santo ng kapayapaan at pagmamahal ang silid. Para bang sinasabi sa akin ng Ama sa Langit na anuman ang mangyari kay Nora, lahat ng ito ay bahagi ng Kanyang plano.
Kalaunan nang gabing iyon, umuwi si Itay at sinabi sa amin na may napakagandang nangyari sa ospital. Karaniwan ay maingay sa silid ni Nora. Maraming makina at monitor na may mga alarma at patay-sinding mga ilaw, at laging paroo’t parito ang mga narses at doktor para tulungan ang maliliit na sanggol na naroon. Ngunit pagdating ni Itay at ng bishop, nag-iba ang lahat. Tahimik ang lahat ng makina. Nakaupo ang mga narses sa tabi ng mga sanggol, at nagbabasa o binabantayan sila. Nabasbasan ni Itay at ng bishop si Nora nang walang anumang sagabal.
Hindi ko alam kung lalaki si Nora sa mundong ito o hindi magtatagal ay babalik sa piling ng Ama sa Langit. Ngunit alam ko na pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin, at nakadarama ako ng kapayapaan kapag naaalala kong may plano Siya para sa bawat miyembro ng aking pamilya.