Handa nang Magbasa
“Hindi tayo binigyan ng Dios ng espiritu ng katakutan; kundi ng kapangyarihan” (II Kay Timoteo 1:7).
Hindi mapakali si Mary sa upuan habang nakikinig sa iba pang mga bata sa kanyang klase sa Primary na naghahalinhinan sa pagbabasa mula sa mga banal na kasulatan. Inasam niya na huwag na siyang pabasahin pa.
Si Mary ay may dyslexia kaya hirap siyang magbasa. Kapag nakatingin siya sa mga letra sa isang pahina, parang nagtatakbuhan ang mga ito at nagpapalitan ng lugar. Kapag nagbabasa siya nang malakas, mabagal siyang magsalita at kung minsan ay hindi sunud-sunod. Madalas ay binabasa niya ang mga salitang wala naman talaga roon.
Nang malapit nang magbasa si Mary, lalo siyang natakot. Nang siya na ang magbabasa, hindi na ito nakayanan ni Mary.
“Kailangan ko pong magpunta sa CR,” bigla niyang sinabi at mabilis na tumayo, kaya nahulog sa sahig ang kanyang mga banal na kasulatan. Nagtatakbo si Mary sa pasilyo papunta sa CR. Natuwa siya na walang tao roon. Tumayo siya sa sulok at nagsimulang umiyak.
Makalipas ang ilang minuto, narinig niyang tinatawag ni Sister Smith ang kanyang pangalan habang papalapit ito sa CR. “Mary, ano’ng problema?”
Hindi alam ni Mary ang sasabihin. Hiyang-hiya siya. Walang ganitong problema ang iba pang mga bata. “Hindi ko po kayang magbasa!” sabi niya habang umiiyak na nakasubsob ang ulo sa kanyang nakahalukipkip na mga kamay.
“Hindi mo kayang magbasa?” naguguluhang tanong ni Sister Smith. “Nakita kitang magbigay ng mensahe sa Primary. Alam kong kaya mong magbasa.”
Umiling si Mary. “Kinakabisado ko po ang mga mensahe ko. Paulit-ulit ko pong ineensayo ito para hindi na kailangang basahin sa harap ng mga tao. Hindi po ako makapagbasa nang malakas, at kapag ginagawa ko po ito, marami po akong mali. Ayaw ko pong pagtawanan ako ng ibang mga bata.”
“Ay, Mary, sori. Hindi kita tatawaging magbasa nang malakas hangga’t hindi ka handa,” sabi ni Sister Smith. “At hindi ako naniniwala na pagtatawanan ka ng sinuman sa klase natin. Mga kaibigan mo sila.”
“Pinagtatawanan po ako ng mga bata sa eskuwelahan,” bulong ni Mary.
Pinahiran ni Sister Smith ang mga luha ni Mary. “Bumalik ka na sa klase. Ako ang bahala,” sabi niya.
Magkasabay silang bumalik sa silid-aralan. Naupo si Betsy na kaibigan ni Mary sa kanyang tabi, at inayos ang lukot na mga pahina ng banal na kasulatan ni Mary. Umupo si Mary, at iniabot ni Betsy ang kanyang mga banal na kasulatan.
“Sino ang gustong sumunod na magbasa?” tanong ni Sister Smith.
“Si Mary na po,” sabi ng isang batang lalaki sa klase.
Nag-atubili si Mary, pero tiningnan niya ang kanyang mga kaklase at nakita ang kanilang magagandang ngiti. Tumango at ngumiti rin si Sister Smith. Kinabahan si Mary, pero nakita niya kung saan siya magsisimula at nagsimula na siyang magbasa.
Mabagal ang kanyang pagsasalita. May ilan siyang mali, pero nang hindi na siya makabasa, mahinang ibinulong ni Betsy kay Mary ang tamang salita. Hindi kasing-galing ng iba pang mga bata sa kanyang klase si Mary sa pagbabasa, pero hindi siya pinagtawanan ninuman. Pagkatapos ay iba naman ang nagbasa, at nagpatuloy ang aralin.
Habang naglalakad sila papunta sa silid ng Primary pagkatapos ng klase, ibinulong ni Sister Smith kay Mary na ipinagmamalaki niya ito. Natuwa si Mary na hindi na niya kailangan pang itago ang hirap niya sa pagbabasa. “Lagi na lang akong mag-eensayo,” naisip niya. At napangiti siya, batid na may mabubuti siyang kaibigan sa simbahan na tutulong sa kanya.