Mga Kabataang Babae at ang Desisyong Magmisyon
Paano sinunod ng mga dalagang ito ang payo ng propeta hinggil sa paglilingkod bilang full-time missionary.
Sa pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2012, ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson na “ang may-kakayahan at karapat-dapat na mga kabataang babae na may hangaring maglingkod ay maaari nang irekomendang magmisyon simula sa edad na 19, sa halip na edad na 21.” Sinabi niya na samantalang “hindi mahigpit ang utos sa [mga kabataang babae na] maglingkod na gaya sa mga kabataang lalaki,” “mahalaga ang nagagawa nilang kontribusyon bilang mga misyonera, at malugod naming tinatanggap ang kanilang paglilingkod.”1
Paano nagdedesisyon ang isang babae kung maglilingkod siya? Ibinabahagi sa sumusunod na mga salaysay kung paano ginabayan ng Espiritu ang mga babae sa pagdedesisyon kung anong landas ang tamang tahakin nila.
Ang Nawawalang Koneksyon
Kung may nagtanong sa akin noong bata pa ako kung magmimisyon ako, hindi ang isasagot ko. Lumambot ang puso ko sa ideyang ito nang lumaki ako, dahil nakita kong maglingkod ang nakatatanda kong mga kapatid. Ngunit hindi ko pa rin talaga inisip na gagawin ko ang bagay na ito.
Nang mag-edad 21 ako, nagsimula akong mag-isip kung dapat akong magmisyon, ngunit hindi ko iyon taimtim na ipinagdasal kahit kailan. Sa paglipas ng panahon, nagsimula akong makadama na may kulang. Sinabi ko sa aking ina ang nadama ko, at iminungkahi niya na pag-isipan kong muli ang pagmimisyon. Sinabi niya na noong kaedad ko siya, nadama rin niya ang nadarama ko. Pagmimisyon ang sagot sa kanya, kaya marahil ay iyon din ang sagot sa akin.
Natakot akong magdasal tungkol sa pagmimisyon. Ang isang dahilan kaya hindi ko inisip magmisyon noon ay hindi ko inisip na sapat ang katatagan ko para gawin iyon. Kakailanganin kong iwan ang kaginhawahang nararanasan ko at marahil ay matuto ng isang bagong wika. Gayundin, hindi ko inisip na sapat ang kaalaman ko tungkol sa ebanghelyo para ituro iyon. Ngunit nang magdasal ako nang may layunin, nadama kong naglaho ang takot ko. Napuspos ako sa sagot na natanggap ko: minamahal ako ng Panginoon, at nais Niyang magmisyon ako.
Namangha ako sa tiwalang nadama ko nang matanggap ko ang sagot. Hindi ko na nadama na kinakabahan ako o hindi ako karapat-dapat. Sa halip ay nasabik akong ibahagi ang ebanghelyo, at inihanda ko na ang papeles ko sa misyon. Hindi naglaon at tinawag ako sa Utah Salt Lake City Temple Square Mission.
Rebecca Keller Monson
Buhay ng Isang Missionary
Noong 17 anyos ako, sinimulan akong tanungin ng mga tao kung magmimisyon ako. Hindi pa ako nakapagdesisyon noon, kaya hindi ko sila pinapansin palagi.
Ngunit nang malapit na akong mag-21, sinimulan kong pag-isipan ito. Binasa ko ang patriarchal blessing ko, kinausap ko ang mga magulang ko, at nagdasal ako.
Hindi dumating ang pagnanais; hindi ko nadama kahit kailan na kailangan kong maglingkod. Naisip ko ang payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na nagsabing samantalang malugod na tinatanggap ang mga misyonera, “wala silang obligasyong magmisyon.”2 Naalala ko rin ang mga salita ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan: “Kung ikaw ay may mga naising maglingkod sa Diyos ikaw ay tinatawag sa gawain” (4:3).
Natulungan ako ng talatang iyan na magdesisyong huwag magmisyon. Nang ipaalam ko ang aking desisyon sa panalangin ko sa Panginoon, nakadama ako ng kapayapaan at patibay na may mga paraan na maaari akong maging missionary nang hindi naglilingkod nang full-time. Simula noon ay nalaman kong maibabahagi ko ang aking patotoo sa maraming paraan—sa pag-uusap-usap tungkol sa magigiliw na awa ng Panginoon, sa visiting teaching, o sa paggawa ng family history at gawain sa templo. Inilalaan ko ang aking sarili sa gawaing misyonero sa pamamagitan ng pagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo at pagsunod sa inspirasyon ng Espiritu.
Amy Simon
Magpakatapang
Sa pagsisimula ng 2010, nahirapan ako sa ilang pagsubok at naglakad-lakad ako para umaliwalas ang aking isipan. Habang naglalakad, nadama ko ang bulong ng Espiritu na hindi ko dapat alalahanin ang nakaraan; sa halip, dapat kong isipin ang aking kinabukasan. Nang repasuhin ko ang aking mithiing makatapos ng pag-aaral, nahikayat akong pag-isipan ang tungkol sa pagmimisyon. Hindi ko naisip na magmisyon dati, pero nang pumasok iyon sa aking isipan, nakadama rin ako ng kasabikan at hangaring maglingkod. Gayunman, nagdesisyon ako na kailangan ko pa ng kaunting panahon para pag-isipan ang gayon kalaking desisyon.
Ang sumunod na ilang buwan ay napuno ng mga panghihikayat na magmisyon. Kahit nadarama ko pa ang hangarin at kasabikang iyon nang dumating ang mga panghihikayat, kasabay niyon ang mga pagdududa at takot. Alam ko na ang mga babae ay hinihikayat na maglingkod kung gusto nila pero hindi sila obligadong gawin iyon. Sa panahong ito, tumanggap ako ng mga priesthood blessing na nagsabi sa akin na masisiyahan ang Panginoon anuman ang ipasiya ko.
Nang sumunod na tag-init nagkaroon ako ng roommate na nakapagmisyon. Sinabi niya na natakot din siya bago at kahit matapos siyang magdesisyong magmisyon. Tinulungan niya akong maunawaan na hindi nagsasalita ang Espiritu sa pamamagitan ng pagdududa at takot (tingnan sa II Kay Timoteo 1:7). Habang nag-uusap kami, inantig ako ng Espiritu. Nagbalik ako sa kuwarto ko at binasa ko ang liham ng isang kaibigang nasa misyon. Nahikayat ako ng liham na basahin ang Josue 1:9, at nadama ko na magiliw akong itinulak ng Espiritu na hanapin iyon.
Tumagos ang mga salita sa aking kaluluwa: “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang na mabuti; huwag kang matakot, ni manglupaypay: sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay sumasa iyo saan ka man pumaroon.” Pakiramdam ko ay ako mismo ang kinakausap ng Panginoon. Alam ko na maaari akong magmisyon. Hindi ko kailangang matakot—hindi ko iyon gagawing mag-isa; sasamahan ako ng Panginoon.
Isang buwan pagkaraan natanggap ko ang tawag na magmisyon sa Philippines Iloilo Mission, kung saan Josue 1:9 ang mission theme.
Kristen Nicole Danner
Isang Kakaibang Misyon
Buong buhay akong nagplano na maglingkod sa full-time mission. Ngunit nang mag-aral ako sa kolehiyo sa Brigham Young University (Utah, USA), nagsimula akong kabahan. Paano ko malalaman kung talagang dapat akong magmisyon? Ginugol ko ang buong taon bago sumapit ang ika-21 kaarawan ko sa pagsusumamo sa Ama sa Langit na sabihin sa akin kung dapat akong magmisyon. Pagkatapos ay may sinabi ang mga propesor ko sa relihiyon na nagpabago sa buhay ko: “Hindi mapapaandar ng Panginoon ang isang kotseng nakaparada.” Nagpasiya akong kumilos.
Nagpasa ako ng papeles, tumanggap ng tawag, bumili ng mga damit pang-missionary, at bumiyahe pauwi mula Utah hanggang North Carolina—lahat ng ito habang naghahanda ako para sa misyon nang may taimtim na dalangin, pag-aaral, at pag-aayuno.
Pagkauwi ko sa North Carolina, isang binatang nakakilala ko sa eskuwela ang dumating para bisitahin ako, at pormal naming pinag-usapan ang aming relasyon.
Muling naging marubdob at nagsusumamo ang aking mga dalangin, ngunit dama ko pa rin na nagtitiwala ang Panginoon sa akin sa paggawa ng sarili kong desisyon. Nabigatan ako sa responsibilidad ngunit nadama ko rin ang magiliw na pagtiyak na basta’t pumili ako nang may pananampalataya, susuportahan ng Panginoon ang aking desisyon.
Sampung araw bago ang paglisan ko, nag-alok ng kasal ang kaibigan ko. Ipinagpaliban ko ang aking misyon para makapag-isip pa ako. Nang ipasiya kong magtakda ng araw ng kasal, pinagtibay ng Espiritu sa amin ng nobyo ko na tama iyon.
Kahit hindi ako nakapag-full-time mission, binago ng paghahanda para dito ang buhay ko. Ang paglapit sa Panginoon ay nakatulong sa akin na maging isang tao na gusto Niyang kahinatnan ko para sa aking misyon bilang asawa at ina.
Cassie Randall
Mga Karanasan sa Buhay
Nabiyayaan ako ng malakas na patotoo at pagmamahal sa ebanghelyo sa murang edad, ngunit wala akong maalalang mahalagang sandali na nalaman ko na ang pagmimisyon ay tama. Alam ko lang noon pa na magmimisyon ako. Maaga akong nagtakda ng mithiin na mamuhay sa paraang magiging marapat akong magmisyon.
Nang simulan kong ihanda ang aplikasyon ko sa misyon, nag-ayuno ako, nanalangin, at dumalo sa templo. Habang tinutulungan ako ng bishop ko, patuloy akong nakadama ng kapayapaang nadama ko sa buong buhay ko tungkol sa pagmimisyon.
Mahirap ang proseso kung minsan: tila biglang naging mas magastos ang buhay, at naging mas mahirap mag-aral at magtrabaho. Nasa kolehiyo ako noon at malayo sa pamilya ko, at tila baga nangag-aasawa na ang lahat ng kaibigan ko. Nakakatakot malaman na ang mga taong mahal ko ay patuloy na magbabago habang wala ako.
Dahil wala ako ni isang espirituwal na karanasan na nagpatibay sa desisyon kong maglingkod, madaling magduda kapag naging mahirap ang mga bagay-bagay. Ngunit pinagpala ako ng Panginoon matapos kong matanggap ang tawag sa Chile Santiago East Mission na mahalin ang mga tao sa misyon ko, bago pa man ako umalis. Ngayon ay may mga karanasan na ako sa buhay na nagpatotoo na ang pagmimisyon ay isang mabuting pasiya para sa akin.
Madeleine Bailey