2013
Napagaling Na
Enero 2013


Nangungusap Tayo Tungkol kay Cristo

Napagaling Na

Paano ko mapapalitan ang lampin, maihahanda ang hapunan, o mapapatahan o maaalo ang aking mga anak gamit ang iisang kamay lamang?

Noong 17 taong gulang ako, naputol ang halos buong kaliwang braso ko sa isang aksidente. Ang karanasang ito ang magpapabago sa buhay ko magpakailanman. Bagama’t may mga panahon ng paghihirap at pagsubok, ang apoy na ito na nagpapadalisay ay nagbigay sa akin ng pagkakataong masaksihan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa kakaibang paraan.

Ang buhay ko ngayon ay tungkol sa pagiging asawa’t ina, dalawang tungkuling gustung-gusto ko. Bago isinilang ang aking mga anak, naisip ko kung kaya kong maging ina. Paano ko mapapalitan ang lampin, maihahanda ang hapunan, o mapapatahan o maaalo ang aking mga anak gamit ang iisang kamay lamang? Pagkaraan ng labinlimang taon, abala na ako sa pagiging ina ng limang malalambing na anak. Nasanay na rin ako, at halos hindi napapansin ng mga anak ko na naiiba ako sa ibang mga ina. Ang putol na braso ko ay hindi na sagabal kundi isa nang simbolo ng pagmamahal. Napapatahan o napapanatag ang mga anak ko sa paghawak dito kapag umiiyak sila o natutulog sa gabi. Ang pagkakalapit na ito ay maaaring maraming dahilan, ngunit itinuturing ko itong katibayan ng kakayahan ng Tagapagligtas na lumikha ng isang mabuting bagay mula sa nakapanlulumong bagay.

Hindi ko maipaliwanag ang saya na nadarama ko kapag naaalo ng naputol kong braso ang aking mga anak. Ang pagiging ina ko ang nagpabago sa pananaw ko sa aking kapansanan, at nadama ko na nagsisimula na akong pagalingin ng Pagbabayad-sala.

Ang tungkulin ng ina sa araw-araw ay mahirap kung minsan. Ang mahihirap na panahon ay naging dahilan para pagnilayan ko ang katotohanan ng Pagkabuhay na Mag-uli at ng kakayahan ng Tagapagligtas na pagalingin ako. Kaya nga may espesyal na kahulugan sa akin ang mga halimbawa ng pagpapagaling na nagpapalakas ng pananampalataya na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Ang isa sa mga paborito ko ay nang bisitahin ng Tagapagligtas ang mga tao sa Amerika at pagalingin ang mga maysakit sa kanila. Inisip ko kung ano ang pakiramdam ng maging isa sa mga pinagaling ng Tagapagligtas. Ang salaysay ay nagsisimula sa Kanyang magiliw na paanyaya:

“Mayroon bang maykaramdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, … o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin, sapagkat ako ay nahahabag sa inyo; ang aking sisidlan ay puspos ng awa. …

“… Nakikita ko na sapat ang inyong pananampalataya upang kayo ay pagalingin ko.

“… Nang siya ay makapagsalita nang gayon, lahat ng tao, ay magkakaayong humayo kasama ang kanilang maykaramdaman at mga nahihirapan, at kanilang mga lumpo, at kasama ang kanilang mga bulag, at kasama ang kanilang mga pipi, at ang lahat sa kanila na nahihirapan sa anumang dahilan; at pinagaling niya ang bawat isa sa kanila” (3 Nephi 17:7–9).

Para sa akin, ito ay isa sa pinaka-nakaaantig na mga kaganapang inilarawan sa mga banal na kasulatan. Ngunit nagbago ang aking pananaw nang yakapin ko nang isang kamay ang pagiging ina. Minsan ay naisip ko na isa ako sa mga taong labis na umaasam sa Pagkabuhay na Mag-uli at alam ko na mapagagaling ang kapansanan ko. Ngunit ngayon ay hindi na ako gaanong nagmamadali. Unti-unti kong nadarama ang bisa ng Pagbabayad-sala sa buhay ko ngayon. Natanto ko na ang nagpapagaling na kapangyarihan ay hindi kailangang magsimula pagsapit lamang ng Pagkabuhay na Mag-uli. Nagsimula na ang paggaling, gabi-gabi, kapag magiliw na hinahawakan ng isa sa aking mga anak ang natitirang braso ko at nakakatulog. Ang pagkatantong ito ay naging makabuluhan sa akin na tulad ng anumang himala ng pisikal na pagpapagaling. Nagpasiya ako na ngayon ako ay parang walang kapansanan.

Itaas: larawang kuha ni Robert Casey