Ang Natutuhan ni Agung sa Badminton
Natutuhan ng isang Indonesian teenager na pagkakaroon ng pag-asa ang pumipigil sa kanya na sumuko.
Isang karaniwang maalinsangang araw iyon sa Jogjakarta, Indonesia, at tumutulo ang pawis mula sa kilay ni Agung habang hinihintay na tumira ang kanyang kalaban. Mahigpit ang laban sa badminton, at gustong manalo ng 15-taong-gulang na ito.
Pagkatapos ng matindihang palitan ng mga tira, walang pag-asang maabot ni Agung ang ginawang pagpalo ng kalaban sa bola. Dahil ayaw malamangan sa gayon kahigpit na laban, tinalon ni Agung ang bola pero kinapos ang talon niya—at nasugatan siya nang dumulas sa sementadong palaruan.
Kitang-kitang mahilig siya sa mahigpitang laban sa badminton. Pero hindi pangarap ni Agung na maging propesyonal na manlalaro ng badminton. Hindi niya kailangang pumili kung maglalaro siya ng badminton sa Olympics o magmimisyon. Inamin niya na hindi naman siya talaga mahusay sa larong ito.
Kung gayon ay bakit lubhang nagsusumikap ang maliit na tinedyer na ito na may malaking ngiti? Pag-asa.
“Naniniwala ako na kaya ko pang humusay,” wika niya.
Isang Dahilan para Umasa
Pag-asa ang dahilan kaya natin ginagawa ang maraming bagay. Nag-eehersisyo tayo dahil umaasa tayong mas lumakas at lumusog. Nag-eensayo tayo sa pagtugtog ng isang instrumentong musikal dahil umaasa tayong matutong tumugtog nang mahusay. Nag-eensayo sa badminton si Agung dahil umaasa siyang humusay rito.
“Kung hindi ako umasang humusay at manalo kahit kailan, napakadaling sumuko,” sabi ni Agung.
Ang pag-asa ay mahalagang bahagi ng plano ng kaligtasan. Ang pag-asang maaari tayong mapatawad ay inaakay tayong magsisi at muling magsikap matapos mabigong sundin ang isang kautusan.
Pag-atake ni Satanas sa Pag-asa
Ang dalawa sa pinakamatitinding sandata ni Satanas laban sa atin ay ang pagdududa at panghihina ng loob. Hindi niya nakayang sirain ang plano ng Ama sa Langit sa pagpigil sa Pagbabayad-sala. Ngunit masusubukan pa rin niyang sirain ang paglilinis na dulot ng Pagbabayad-sala sa ating buhay kung maaagaw niya sa atin ang pag-asa na maaari tayong mapatawad.
“Nais ni Satanas na mawalan tayo ng pag-asa,” sabi ni Agung, “dahil kapag sumuko tayo, mapapalayo tayo sa Ama sa Langit.”
Gayunman, kapag napahina ni Satanas ang loob natin, may mga paraan para magkaroong muli ng pag-asa.
Pagkakaroon ng Pag-asa
Kapag kailangan natin ng pag-asa sa hinaharap, maaari nating lingunin ang nakaraan. Ginagamit ni Agung ang halimbawang natutuhan niya sa paaralan. “Nakita ko na kung pagbubutihin ko ang pag-aaral, makakapasa ako sa aking mga eksamen,” wika niya. “Dahil sa karanasang iyan, may pag-asa ako na kung mag-eensayo akong mabuti, huhusay ako sa badminton,” wika niya. “Ang mga karanasan ko ang nagbibigay sa akin ng pag-asa.”
Kapag kailangan nating umasa kay Jesucristo, matatagpuan natin ito kapwa sa ating mga naging karanasan sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala (tingnan sa Mga Taga Roma 5:4) at sa mga karanasan ng ibang tao, kabilang na ang mga karanasang maaari ninyong marinig sa sacrament meeting, sa isang Sunday School lesson, sa Liahona, o sa mga banal na kasulatan (tingnan sa Jacob 4:4–6).
Sa pag-aaral natin ng mga salita ng mga propeta na puno ng pag-asa, sa pagdarasal para sa espirituwal na kaloob na pag-asa, at sa pagkilala sa kapangyarihan ng Tagapagligtas sa ating buhay, nadaragdagan ang ating pananampalataya sa Kanya, gayundin ang ating pag-asa na tutulungan Niya tayo sa hinaharap.1
Huwag Kang Susuko
Alam ni Agung na malamang na hindi siya kailanman maging propesyonal na atleta, ngunit alam niya na basta’t patuloy siyang nagsisikap, may pag-asa siyang humusay.
Nalaman niya na ang dakilang kapangyarihan ng pag-asa ay ito: “Hangga’t hindi ka sumusuko, may pag-asa,” wika niya.
Sa buhay, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang sukdulang pinagmumulan ng pag-asa. Dahil sa Pagbabayad-sala maaari tayong magsisi kapag nagkamali tayo. Nangangahulugan din iyan na dahil sa Pagbabayad-sala, hindi tayo bigo sa pagsubok sa ating buhay kapag magkamali tayo maliban kung ayaw na nating sikaping magsisi at sumunod.
Kaya nga patuloy na inaanyayahan ni Agung ang kanyang ama na magsimba tuwing Linggo. Kaya nga sinisikap niyang manindigan sa tama, kahit ayaw ng kanyang mga kaibigan. Kaya nga isang oras siyang nagbibisikleta papunta sa meetinghouse kadalasan para sa seminary, Mutwal, mga pulong sa Linggo, mga klase sa paghahanda ng missionary, at para tumulong sa paglilinis ng gusali.
“Hindi madaling magsikap na tularan si Jesus,” sabi ni Agung. “Kung minsan pinanghihinaan ako ng loob, pero hindi ako sumusuko. Dahil sa sakripisyo Niya para sa akin, may pag-asa akong magpakabuti pa.”
Dahil sa Pagbabayad-sala may pag-asa. At dahil sa pag-asa, mababago ng Pagbabayad-sala ang ating buhay.