Ang Gusto Ko sa Aking Kaarawan
Angelica Carbonell Digal, Philippines
Nang tanggapin ko ang ebanghelyo sa edad na 18, iyon ang pinakamasayang karanasan ko sa lahat. Labis akong nagalak, ngunit naisip ko ang mga miyembro ng aking pamilya, na nawawala at naliligaw. Labis akong nalungkot dahil ako lang ang miyembro ng Simbahan sa aking pamilya, ngunit hindi ko alam kung paano ipauunawa at iparirinig ang katotohanan.
Sinubukan ko sa maraming paraan na kumbinsihin ang aking pamilya na makinig sa mga misyonero. Ngunit habang kinukumbinsi ko sila, lalo silang nag-atubili.
Pinanghinaan ako ng loob, kaya naisip kong huwag nang magsimba. Pero nang magdasal ako, pumasok sa isip ko ang isang talata sa banal na kasulatan: “Pagkaraan nito ay itatakwil [ninyo] ako, makabubuti pa sa inyo ang hindi ninyo ako nakilala” (2 Nephi 31:14). Lalo akong nagdasal, nagbasa ng mga banal na kasulatan, dumalo sa mga pulong namin sa Simbahan, at nagtuon sa mga pagpapala sa buhay ko. Dahil dito, nagsimulang mapawi ang kalungkutan ko.
Habang paparating ang kaarawan ko, nadama kong dapat akong magdaos ng birthday party sa bahay namin at inanyayahan ko ang lahat ng kaibigan ko sa Simbahan, pati na ang mga full-time missionary. Gusto kong makahalubilo at makausap ng pamilya ko ang mga miyembro ng Simbahan, na sa tingin ko ay siyang pinakamasasayang tao sa mundo. Para sa akin, ang party ay parang family home evening.
Pagkatapos ng araw na iyon, nagkaroon ng mga pagbabago. Tinanggap na nila ang mga misyonero sa bahay namin at naging mabubuting kaibigan sila ng aking pamilya. Isang araw sinabi ng tatay ko na gusto niyang makinig sa mga misyonero at magsimba ang buong pamilya namin. Nagulat ako.
Tatlong taon matapos akong binyagan, nabinyagan ang buong pamilya ko. Sa binyag, nagpatotoo ang nanay ko, at nagpasalamat ang tatay ko sa mga misyonero. Namangha ang mga miyembro ng ward sa kanilang pagbabalik-loob.
Paano nangyari ito? May bahagi riyan ang pagmamahal ko sa aking pamilya at ang mga mithiing itinakda ko. Ngunit higit sa lahat, napalambot ng pagmamahal at pakikipagkaibigan ng mga misyonero at miyembro ng ward ang puso ng tatay ko. Lahat ng miyembro ay naging mga misyonero dahil sa kanilang mga halimbawa ng pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Nagpapasalamat ako sa kanila at sa plano ng Ama sa Langit, na nagtutulot sa mga pamilya na magkasama-sama magpakailanman.